Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 26 - Kabanata Dise sais: Ang batang hari ng Krūō (1)

Chapter 26 - Kabanata Dise sais: Ang batang hari ng Krūō (1)

TALIWAS sa paniniwala ng mga iilan na sila raw ay mapagmataas dahil sa karangyaan ng kanilang kaharian ang katotohanan sa maharlikang pamilya na namumuno sa Krūō, sa tutuusin ay sa buong kontinente ay kilala sila bilang pinaka-mababait.

Isang malaking pagdiriwang ang nagaganap sa kaharian ng Krūō, punong-puno ng mga bandiritas at palamuti ang bayan pati na rin ang malaking tarangkahan papunta sa palasyo, hindi rin nagkulang ang iba't-ibang kulay at hugis ng mga lamparang gawa sa papel na mula Dracethea; isang puno na lumiliwanag ng iba't-ibang kulay, at naka-paskil sa mga lampara ang iba't-ibang disenyo na mula sa kultura ng mga taga-doon. Bakas din sa mga mukha ng mga tao ang saya at galak habang nilalakad nila ang daanan papunta sa palasyo, upang dumalo sa malaking pagsasalo ng hari para sa ika-labing anim na kaarawan ng kaisa-isa niyang anak at ang koronasyon nito bilang bagong hari; si Prinsipe Spencer Don Guisler ng matayog na kaharian ng mga diyamante, ang Krūō.

"Pasensiya na, wala kaming marangyang regalo para sa prinsipe, tanging mga basket ng prutas at gulay lamang ang maiaalay namin para sa kaniya, kung iyon ay maari upang makadalo, " ani ng isang magsasaka nang makaabot sa tarangkahan ng palasyo, siya ay sinalubungan ng isang matangkad na lalaki na suot-suot ang armor na may simbolo ng kaharian ang nakadikit sa may dibdib nito.

"Pasensiya na rin po at ito lang po ang naisuot namin at baka'y mapahiya ang ibang mga bisitang mula sa ibang kaharian sa aming itsura, " dagdag ng isang dilag na yumukod sa harap ng kawal, kaniyang tinutukoy ang suot ng pamilya na mga lumang bestida na inayos lamang ang mga sira.

Gumuhit ang mga ngiti sa labi ng lalaki mula sa makapal niyang helmet. Tumikhim muna siya at dahan-dahang tinanggal ang suot na helmet at nakita ang mukha ng isang makisig na lalaki na may kulay olandes na buhok at abong mga mata.

Rumehistro ang gulat sa mga mukha ng pamilya ng magsasaka, ngumiting muli ang lalaki. "Ang sinseridad at pag-ibig na handog ay mas humihigit pa kaysa sa mga materyal na bagay na nakikita't nahahawakan ngunit hindi nararamdaman, " galak nitong sabi at yumukod.

"Maraming salamat sa pagdalo sa aking kaarawan, ang inyong presensiya rito ay nagbibigay ng galak sa aking puso ."

Natatandaan pang mabuti ni Spencer ang araw na iyon, kung kailan na dapat ay masaya siya, kung kailan ay dapat nagsasaya ang kaniyang mga kababayan sa pagsasalo ngunit hindi ang makita silang wala nang buhay, naliligo sa sariling dugo habang ang mga kalaban ang siyang nagsasaya.

Hindi siya makapaniwalang dahil sa kabaitan niyang ipatuloy ang babaeng magsasaka at ang pamilya nito ang magiging mitsa ng trahedya.

"Spencer! Pakawalan mo si Kira! " bumalik siya sa realidad nang marinig ang boses ng nagligtas sa kaniya noong pinatapon siya sa gubat na ito at nalalapit nang kunin ng kadiliman, ang kaniyang tagapagligtas ang tinaguriang halimaw ng bayang siyang dahilan ng kaniyang poot.

At ang babaeng siyang dahilan ng lahat.

Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakasakal sa babae na ngayo'y nagpupumiglas sa kaniyang hawak, puno ng poot at kagustuhan na pumatay ang kaniyang puso habang tinitingnan ang babaeng kinakapos ng hininga.