Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 24 - Kabanata Kinse: Banta ng kasamaan (2)

Chapter 24 - Kabanata Kinse: Banta ng kasamaan (2)

Hanggang sa nabuko siya nang anak ng hari na hindi siya sinumbong bagkus ay hinangaan siya.

Hanggang sa nahulog siya sa prinsipe at pinagkatiwalaan ang puso niya.

Hanggang sa nakilala niya si Tsukino at pinagkatiwalaang maging kaibigan niya.

Hanggang sa nakalimutan na niya na nararapat niyang pagbayarin ang Titania sa kinuha nitong buhay sa kaniya...

Hanggang sa muli itong nanguha mula sa kaniya at binasag ang tiwala niya.

Nagpagamit siya at nabubuhay siya nang walang dangal na akala niyang natamo na niya dahil sa kaniyang kagagawan.

"HULI NA IYON!" Sigaw ni Kira nang mapa-balikwas siya nang bangon; habol-habol niya ang kaniyang hininga at nararamdaman niya ang panginginig ng kaniyang laman.

Napatigil naman ang binatang si Xerxes sa pagsasalita sa bubwit na si Violet na habang sila pala ay naglalaban ay narito lamang ito sa bahay at walang pakialam kung halos ikamatay na nila ang nangyari kanina!

At kanina pa nito pinipilit ang bata na magsalita sa mga nalalaman nito sa mga nangyayari sa kontinente dahil alam niyang may alam ito...alam niyang may kasagutan sa librong hawak nito na pagmamay-ari ni Kira.

Lumapit si Xerxes sa hapong-hapong si Kira. "Gising ka na pala mula sa iyong masamang panaginip, masarap bang masampal nang kahinaan?" nangungutya nitong bungad sa dilag (ngunit sa katunayan ay nagaalala ito).

Masamang tiningnan ng dilag ang binata ngunit pinagtataka niyang parang alam nito ang nangyayari sa kaniya.

"Ano bang alam mo? Porket niligtas mo ako?" asik ng dalaga.

"B-Bakit? Dapat ako ang nagligtas sa iyo? Pero bakit parating ikaw lagi ang nagliligtas sa akin? Mahina nga talaga ako," gaya ng binata sa kaniyang sinabi at pati ang boses ay inipit nito noong bago siya nawalan ng malay at pagkatapos nitong patayin ang heneral.

Nag-init ang kaniyang mukha nang maalala na sinabi niya talaga ang mga iyon at mukhang hindi kinalimutan ng baliw na binata. Nararapat siyang matakot sa binata ngunit sa ginawa nitong pagsakripisyo at pagligtas sa kaniya parang hindi na niya maramdaman ang takot at nais niyang asarin ang binata.

At biglaang nawala ang takot na dala ng kaniyang bangungot nang magsalita ito.

"Hindi ka mahina, napatunayan mo iyon ngayon at hindi mo man ako niligtas ngunit balang araw magagawa mo rin iyon," ulit niya sa sagot ng binata noon; ang huling narinig niya bago siya tuluyang kinain ng kadiliman.

Namilog ang mata ng binata at kahit nakatakip ang mukha ng bagong gawang maskara (iniisip ni Kira na sana ay hindi na lang nito sinuot; nais niyang makita ang totoong mukha nito) ay halatang namumula ito. Napangisi si Kira at kinalaunan ay tumawa.

Buo ang kasiyahan sa kaniyang pagtawa, ang pagtawa na ngayon niya lang ulit nagawa mula noong yayain siyang magpakasal—ni prinsipe Ringo. Ang unang tawa niya sa kabila ng mga nangyari sa kaniya.

At susulitin niya ang tawang ito kahit ngayon lang.