Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 7 - Kabanata Sais: Balatkayo

Chapter 7 - Kabanata Sais: Balatkayo

ANO? Tulala ka lang ba diyan hanggang mamaya o magsasalita ka?" ani ni Xerxes habang pinagmamasdan ang babaeng kanina pang tulala habang hawak-hawak ang labi.

Pagkatapos ng mga pangyayari kanina ay tulala lang ang babae at hindi makapagsalita. Kulang na lang ay hindi na ito huminga. Kahit nga ang batang kasama nito ay nag-aalala na.

Agad namang naibalik sa tamang wisyo ang babae at tumikhim. "Pasensiya na, nag-iisip ako. May plano ba tayo upang sugurin ang Titania?" mahina nitong wika at tumayo na sa kamang inuupuan nito.

Napa-dekwatro si Xerxes. "Oo, ngunit hindi pa tayo susugod ngayon dahil mahina ka pa. Tandaan mo dalawa lang tayo laban sa sampung batalyon," seryoso nitong wika, "Kung kaya't sasanayin kita upang may gamit ka rin sa akin at mas lalong lalakas ang kaluluwa mo. Alam kong sa itsura mo pa lang ay hindi ka pa nakapatay ng tao," pagpapatuloy nito.

Napatawa nang mapakla ang babae. "Hindi nga ako nakapatay, pero ako ang dahilan ng kanilang pagkamatay," wika niya at naglakad palabas ng kuwarto, sumama pa sa likod ng babae ang bata.

Tumawa ang binata. "Balita ko nga'y may isang babaeng dahilan kung bakit nanalo ang Titania sa bawat digmaan, at mukhang ikaw ang babaeng iyon, 'di ba?" Natigilan si Kira at muling hinarap ang lalaki.

"Hinayaan kong gamitin ako ng maling taong hindi binigyan ng utang na loob at halos patayin na ako. Oo, ako nga iyon," malamig na ani ni Kira. Tumayo ang lalaki at nilapitan si Kira. "At pagsisisihan nila ang lahat ng iyon..." bulong ng lalaki sa tainga ni Kira at doo'y tumaas ang kaniyang balahibo.

"Sigurado ka bang ligtas tayo rito sa tinaguriang gubat ng paghihirap?" pag-iiba ni Kira sa usapan at marahang tinulak si Xerxes. Muling tumawa si Xerxes at nagtaas-baba pa ang dibdib nito dahil sa pagtawa.

"Hanggang sa sinasabi kong hindi kita papatayin ay walang mangyayari sa'yo sa gubat na ito," ani ng binata na ikinataas ng kilay ni Kira.

"Nag-bibiro ka ba? Marami nang namatay sa gubat na ito. Wala nang naka-alis nang buhay!"

"Ang buong gubat na 'to ay sakop ko," ani ng lalaki at hindi na pinasalita si Kira dahil biglaang lumabas sa likod niya ang mga halamang may tinik at mistulang buhay, dumami ito nang dumami sa likod ng lalaki at hinampas ang kahoy na upuan dahilan kung bakit iyo'y nagkapira-piraso. Napa-sigaw sa takot si Kira at umiyak ang batang kasama nito.

"Walang dahilan para matakot kayo, ang buong gubat ay kapangyarihan ko. Ang bawat halaman ay nakokontrol ko," ngisi ng lalaki.

Napaisip si Kira at napatingin sa lalaki. Kung totoo ang sinasabi nito ay ito ang pumapatay sa mga nilalang na nawawala at namamatay sa gubat na ito. Nagulantang si Kira at napatigil sa pag-iisip nang maramdaman ang pagsakop ng halaman ni Xerxes sa kaniyang braso at ang paghigpit nito sa bawat segundo.

"Tama ang iniisip mo." Napangiwi sa sakit si Kira habang takot na takot na yumayakap sa kaniya ang batang si Violet.

"Pa-Pakawalan mo ako!" ani Kira habang pilit na inaalis ang makakapal na halamang nananakit sa kaniyang kamay.

"Isa kang mamatay tao!"

Tumawa lamang ang lalaki at lumapit kay Kira. Hinawakan nito ang baba ni Kira at pekeng ngumiti. "Mali yata ang balita na sinasabi nila sa iyo. Nakaka-lungkot! Mukhang ako pa talaga ang nagmumukhang masama!" Pagdadrama ng lalaki at pekeng humagulgol, pagkatapos ay humalakhak ito.

Napakagat-labi si Kira sa sakit, nararamdaman na niya ang pag-diin ng mga tinik ng halaman sa kaniyang laman. "K-Kung hindi ka talaga masama, pakawalan mo ako at sabihin mo ang hindi ko alam!" sigaw niya at gamit ang isa pa niyang kamay ay tinampal ang kamay ng lalaki na nakahawak sa baba niya.

Lumaki ang mata ng lalaki at mukhang napahanga pa sa ginawa ni Kira. Itinampal nito ang isang kamay nito sa bibig at mahinang tumawa hanggang sa lumakas ito nang lumakas. Pagkaraa'y humina ang tawa nito hanggang sa naging isang nakakatakot na buntong hininga. Umalingawngaw sa paligid ang iyak ni Violet at ang pag-alo ni Kira sa kawawang bata na lubhang natakot sa tawa ni Xerxes.

"Akala mo ba, nasaktan mo na ako sa ginawa mo? Alamin mo ang lugar mo dito, Anastasia," malamig na wika nito at lumabas muli ang bagong baging ng halaman sa likod nito at sumakop sa isa pang kamay ni Kira. Saganang tumulo ang dugo mula sa isang kamay ni Kira ngunit hindi man lang umiyak ang dalaga. Puno ng pait niyang tiningnan ang lalaki at bahagyang napangisi.

"Akala ko'y naiiba ka sa kanila, pareho lang pala kayong mga mamatay tao at mga walang puso!" aniya na halos magpa-usok sa binata. Dumami ang halaman mula sa kamay ni Kira hanggang sa katawan na niya ang pinupuntirya. Itinaas ng lalaki ang kamay nito at nakaambang sampalin si Kira. Napapikit na lang ang dalaga at hinihintay ang sakit, ngunit hindi dumating iyon, kundi isang mahinang sipa ang kaniyang narinig na marahil ay nagpapigil sa binata.

Ibinuka niya ang mata at naalarma nang makitang patuloy na pinagsisipa ni Violet si Xerxes. "Huwag mo saktan Kira!" wika ng bata at namumula na ang pisngi nito sa inis.

"Violet!" Naaalarmang sigaw ni Kira nang makita ang pagkainis sa mukha ni Xerxes at ang mahigpit na hawak nito sa braso ni Violet.

Umiyak ang bata at sapat na iyon para mandilim ang paningin ni Kira. Kinuyom niya ang kaniyang nagdurugong kamao at gamit ang kaniyang lakas na pinapataas ng kaniyang galit, pinunit niya ang mga halamang pumupulupot sa kaniyang katawan at binato iyon kay Xerxes.

Napa-tigil naman ang binata at naramdaman niyang makapangyarihan ang babaeng nasa harap niya at puno ito ng panganib, panganib para sa kaniya kung hindi niya bibitawan ang bata. Agad niyang binitawan ang umiiyak na bata at humarap sa nilalang na may dala nang panganib. Nag-uumapaw ang asul na aura ni Kira at mahigpit na nakakuyom ang mga kamao nito, ang mga mata rin ng babae ay nagliliwanag ng kulay asul at galit na galit itong nakatingin sa kaniya.

"Saktan mo na ako, pero sinabi ko sa iyo na huwag pati ang bata..." Hindi agad napansin ni Xerxes na nakalapit na pala ang babae sa kaniya at gamit ang kamao nito ay malakas siyang sinuntok, sapat na upang mapatalsik siya sa dingding at masira ito.

Napangisi si Xerxes nang maramdaman ang pagtulo ng dugo mula sa kaniyang bibig at mabali ang kaniyang kaliwang buto-buto. "Ang lakas mo pala talaga!" tumawa siya nang mahina at mabilis na tumayo.

Agad naman siyang sinugod muli ng babae at inambahan siya ng mga suntok at sipa na kung gaya siya ng iba ay baka ikakamatay na niya.

"Pa-Papatayin kita..." mahinang sabi nito bago tuluyang nawala ang liwanag sa mata nito at nawalan ng malay habang hawak-hawak ni Xerxes ang kamao nito.

"Kulang ka pa rin," bulong ni Xerxes sa tainga ng dalaga at binuhat ito. "Sinira mo pa ang dingding ko." Napatingin ang binata sa sirang dingding at kalat sa paligid at alam niyang siya ang mag-ayos nito.

Nakatingin lang sa kaniya ang maliit na bata kaya't pinandilatan niya ito ng mata. "Anong tinitingin-tingin mo diyan?" aniya sa bata at hindi man lang ito natinag at umiyak gaya ng kanina.

Lumapit ang bata at sinipa siyang muli sa paa, ngayon ay nilagyan na ng lakas ng bata ang ginawa nito, sapat na para mapangiwi si Xerxes.

"Umaakto ka lang bang mahina kanina, bata?" Hindi makapaniwalang ani ni Xerxes sa bata ngunit blanko lang siyang tiningnan ng nito.

"Bakit hindi ka tumigil umakto na masama sa harap Kira? Na mga tao dala dito para hindi patayin mo pero para ikaw patay?" Lumaki ang mata ng binata sa sinabi ng batang blanko siyang tinitingnan.

Hindi na lang sumagot ang binata, bagkus ay inayos ang pagkakarga kay Kira at ginawang kargang-sako. Pagkatapos ay lumapit sa bata at walang ka-gatol-gatol na kinarga ito sa isang kamay. Tiningnan niya ang kaniyang sirang halaman na sinira ni Kira at ang mga kamay ni Kira na wala talagang sugat, dahil ang mga halamang iyon ay ginawa upang makakita ng halusinasyon kapag ito'y nilalapitan.

Napangisi siya.

'May mga bagay na ginagawang maitim para sa ikakabuti ng nakararami.'