Chereads / Dear Future Boyfriend / Chapter 149 - Kayleen's POV

Chapter 149 - Kayleen's POV

Feeling ko nag-bungee jump ako. Bumulusok ako pababa, hinila ako pataas at muli akong nalaglag. Ang lakas ng tibok ng puso ko. Sumandal ako sa upuan ko at tinitigan ang cake sa lamesa. Kung kasing dali lang sana ng baking ang dating, sigurado na expert na ako ngayon. Siguro nga hindi ako magiging NBSB eh. Sigurado rin na maraming hahabol sa akin na katulad ni Gio na adik sa mga gawa kong desserts.

Pero hindi madali ang magkagusto sa isang tao. Sa una, wala kang ibang hihilingin pa kundi sana ay mapansin ka nya. Kapag napansin ka na nya, hihilingin mo naman na sana magustuhan ka rin nya. Kapag nagustuhan ka na nya, hihilingin mo na sana totoo yon at maging kayo na. Kapag naging kayo na, lahat ng tungkol sa inyong dalawa kukuwestyonin mo. Darating sa point na maghahanap ka ng patunay na kayong dalawa talaga ang dapat at para sa isa't-isa. Pero kung minsan nandon din yung doubt. At minsan kahit binhi lang yon, kapag pinabayaan parang damong ligaw na kakalat sa sistema mo.

Siguro nga dahil umiwas ako sa kanya kaya kumalat yung doubt na yon. Kaya tama rin ang sinabi ni Ashleen sa akin na, kung papabayaan namin, baka kung anuman ang meron kami ay biglang maglaho. Ang complicated talaga ng mga relasyon. Di ko naman inisip na ganito pala yon kakomplikado. Hiniling ko lang noon na sana magka-lovelife ako pero di ko naalala na hindi puro smiles lang ang relationship. Di nawawala yung selos at pagdududa.

Bakit ko ba 'to iniisip? Kami na ba? Hindi pa. Pero parang kami na. Mutual understanding ba ang tawag dito? Parang. Siguro. Baka.

Inubos ko ang pie na inorder ko. Masarap sila gumawa pero may kulang. Susubukan ko rin gumawa nang ganito sa bahay. Inubos ko rin ang shake ko at nagpunas ng bibig gamit ang napkin. Inabot ko ang baby blue kong cross body bag, kumuha ako ng pera don at nilapag sa lamesa. Tumayo ako na ikinagulat nya.

"Tara muna maglakad sa labas."

Lumabas kami ng sweet shop at naglakad-lakad lang nang hindi nag-uusap. Nararamdaman ko ang tensyon na lumalabas sa katawan nya. Pumunta kami sa lake na tinaguriang tourist spot ng city namin. Walang masyadong activity dito maliban sa practice ng sayaw ng mga teens na may hilig don. May mga kiosks sa gilid at may mga umiikot sa lake gamit ang rented bicycle.

"Umuwi na tayo."

"Uuwi na?" mahinang sambit nya na halatang dismayado.

Nilingon ko sya sa tabi ko. Halata sa tayo nya na kailangan nyang magpapilit para umuwi. Para syang bata na nakakita ng laruan sa mall at hindi uuwi hangga't di 'yon nakukuha. Nginitian ko sya at kagat-labing kinuha ang isa nyang kamay. Pinagsalikop ko ang mga kamay namin hanggang sa walang matirang space. Hinawakan ko iyon nang mahigpit.

"Gusto mo bang matutunan kung paano ko ginagawa ang mga cookies na dinadala ko sa inyo?"

May shade ng pink sa pisngi nya habang nakatingin sa akin. Lumipat ang tingin nya sa kamay namin na magkahawak. Naramdaman kong humigpit ang kapit nya sa kamay ko. Nakangiti syang tumango sa akin.

Busy kami ni Ashton sa pagbe-bake nang mapadaan sa kusina si Kuya. Nakabihis sya at mukhang lalabas para maglaro ng basketball. Mabuti naman naisipan nyang mag-basketball. Lagi kasi syang nasa kwarto at naglalaro ng games sa computer.

"Busy ah," puna ni kuya habang nakatingin sa aming dalawa ni Ashton.

Kumuha sya ng cookie sa malaking tray at kinain yon. Napangiwi sya pero inubos naman nya ang buong cookie na kinuha nya. Yon ang una naming subok ni Ashton sa pag-bake. Hindi naman yon masama sa panlasa pero naninibago lang siguro si Kuya dahil iba kapag ako ang gumawa. Medyo napabayaan kasi namin kanina sa oven yung cookies kaya iba ang labas.

"Tinuturuan ko si Ashton kung paano mag-bake."

"Cool. Good luck with that baby sis." Ngumisi sya sa amin. Tumalikod na sya at naglakad palayo. "Aalis muna ako. Behave kids."

"Break a leg kuya!" pahabol ko sa kanya bago sya makalabas ng bahay.

Nang marinig ko ang pagsarado ng pinto, doon ko naramdaman na solo lang namin ni Ashton ang buong bahay. Nasa trabaho ang parents ko at kakaalis lang ni Kuya. Medyo nakakailang pala.

"Nasa bahay nyo ba si Ashleen ngayon?"

"May date sila ngayon ni Alex," sagot ni Ashton. Nakatuon ang buong concentration nya sa hinahalong bowl na may laman na sugar, butter, egg at vanilla. Mukha syang nag-tatanggal ng bomba kung makapag-concentrate. Ang cute nyang tignan. Kung pwede ko lang sana syang picture-an ngayon.

"Wala kayong practice ng banda?"

"Bukas pa."

Hmm. Tumango tango ako. Pinapanood ko sya sa peripheral vision ko.

"Masyado mo naman sineseryoso yang hinahalo mo."

Hindi sya sumagot. Pinagpatuloy nya lang ang paghahalo nya. Ngumuso ako.

"Nag-seselos na ako," bulong ko.

Mabilis nyang binaba yung bowl.

"Uy joke lang!" nakangiting sabi ko sa kanya.

"K-kapag hindi ako nagconcentrate sa ginagawa ko b-baka may magawa akong hindi dapat." Muli nyang kinuha yung bowl at naghalo sya.

Nagtaka naman ako sa sinabi nya.

"Ano 'yon?"

Sinilip nya saglit ang mukha ko. Umiwas ulit sya ng tingin at seryosong nagpatuloy sa paghahalo.

"K-kasi tayong dalawa lang dito," pabulong na sabi nya na parang ayaw nyang marinig ng iba.

Namula ako. Bumilis ang tibok ng puso ko at sana di ko nalang tinanong. Mas naging aware na ako ngayon sa sitwasyon namin. Gusto ko kasi syang yakapin ngayon. Namiss ko sya. Hindi lang pala ako ang kinakabahan kasi kaming dalawa lang dito. Ano kaya ang nasa isip ni Ashton ngayon? Ano ba yung gusto nyang gawin sakin? Magkaparehas kaya kami ng iniisip?

"May isusuot ka na ba sa debut ko? Tatlong araw nalang yon."

"Meron na. Nakuha ko last week."

"Nung naging masungit ka sakin inisip ko kung itutuloy ko pa ba na gawin kang escort."

"Bakit naman?"

"Kasi di mo ko pinapansin. Baka ayaw mo na."

"Pero gusto kong maging escort mo. Napalitan na ba ako?"

"Hindi."

Naramdaman ko syang nakahinga nang maluwag.

"Binasa mo na ba yung Harry Potter na binigay ko sa'yo?"

"Hehe," sambit ko nang maalala yung mga libro. "Inumpisahan ko kaso nakatulog ako eh."

"Ayaw mo bang nagbabasa ng libro?"

"Hindi kasi ako masyadong fan ng magic. Noong bata pa ako, sigurado mae-enjoy ko yung books. Pero ngayon kasi ang binabasa ko yung mga makatotohanan." Binasa ko ang mga labi ko. "Ayokong umasa sa magic para ma-solve ang isang bagay."

"Marami ka rin matututunan sa series na 'yon."

"Alam ko. Napanood ko ang movies non. Alam ko rin na mas maganda ang mga books kaysa sa movies. Palagi namang may kulang sa mga movies kapag galing sila sa libro. Pero in real life kasi, ayokong humiling na sana katulad nila, may magic wand din ako na pwedeng makatulong sa akin sa pag-solve sa mga problema ko. Ayokong isipin na sana may Hogwarts nga sa mundo dahil kung mangyayari man 'yon, baka ma-stuck ako sa paghahanap non. Hindi ako basta simpleng nangangarap lang Ashton. Kapag nangarap ako, susundan ko yon. Gagawin ko ang lahat para makuha lang 'yon." Huminga ako nang malalim. "Siguro ganon lang talaga ako. Ayokong mangarap ng mga bagay na alam kong imposible naman mangyari."

"Kaya ba hindi mo ako tinitignan kasi hindi mo ako pinangarap?" Wala akong nahimigang tampo o anuman sa boses nya nang itanong nya yon.

Sinalubong ko ang seryosong titig nya sa akin.

"Hindi kita tinitignan kasi kapatid ka ng bestfriend ko, Ashton. Bukod pa ron mas matanda ako sa'yo. Hindi parin ako makapaniwala sa kung anuman ang meron tayo ngayon."

"Kayleen gusto ko lang malaman mo na seryoso ako sa'yo. Gusto talaga kita."

Kahit ilang beses ko nang narinig yon, hindi parin maiwasan na mapalundag ang puso ko sa saya. Naramdaman kong umangat ang magkabilang sulok ng labi ko.

"I know."

Ibinaba nya ang bowl sa lamesa. Hinawakan nya ang mga kamay ko.

"Naniniwala ako sa magic," sabi nya. Hindi ko magawang alisin ang tingin ko sa mga mata nyang nakatitig sa akin. "Ikaw ang patunay na meron non. Wala akong ibang pinangarap kundi ikaw lang Kayleen. Ikaw ang Hogwarts ko."

Sobrang lakas ng tibok ng puso ko natatakot ako na baka marinig nya yon. Tinitigan ko sya nang napakatagal. Ang bata nya. Mas bata sya sakin pero mas intense ang pagmamahal nya. Kung nasusukat man ang pagmamahal, alam ko na mas lamang sya sa akin. Mas minahal ko tuloy sya ngayon.

Pinipigilan ko na tuluyang mahulog sa kanya dahil hindi ako sigurado kung seryoso ba tong ginagawa namin. Pero ngayon hulog na hulog na ako sa kanya. Hindi ko na yata magagawa pang umatras.

"Dork."

Ngumiti sya at mabilis nya akong ninakawan ng halik sa pisngi.

"Your fault."

I guess, babasahin ko na ulit ang librong binigay nya sa'kin.