Chereads / Married to the Clever Queen / Chapter 6 - Chapter Five

Chapter 6 - Chapter Five

Pinayagan si Abby nina Maam Andrea at Sir Travis na magcelebrate ng birthday niya kasama sina Tere at Manang Guia. Sa likod bahay nila naisip mag inuman, libre at up to sawa ang whisky at iba't ibang uri ng alak mula sa minibar ng malaking bahay.

Naunang magpaalam si Manang Guia na matutulog na matapos sabihin sa kanya na sa

silid na muna siya ni Lian matulog. Nauna na kasing inukopa ng isa sa mga yaya ng kambal ang higaan niya sa servant's quarter. Naghihilik na daw ang yaya at nakakahiyang palayasin nila.

Ang mga bata naman ay nag eenjoy pa sa panood ng Dvd sa silid ni Daniel habang ang huli ay nagtatrabaho pa rin sa library sa dulo ng pangalawang palapag ng bahay.

Wala pa si Lian sa silid nang pumasok siya. Inuutusan siya ng isip na puntahan ang alaga pero hindi niya naman mautusan ang sariling katawan. Nahihilo na siya at nanghihina ang mga tuhod niya. Sumalampak siya ng higa sa kama. Tiyak niyang ihahatid ng huling Yaya ang kambal at ang alaga niya sa silid na 'yon bago ito matulog sa servant's quarter.

Ilang minuto nang nakahiga at nakapikit si Abby nang makaramdam siya ng pagbaligtad ng sikmura. Susuray suray na tinungo niya ang banyo at nagdududuwal sa toilet bowl. Nang maisuka lahat ng pwedeng isuka ay bumalik siya sa kama. Hinubad niya ang t shirt na nasukahan niya kasunod ang walking shorts niyang nabasa nang sumalampak siya ng upo sa tiled floor ng banyo.

Patagilid siyang nahiga sa dulo ng kama matapos magtalukbong ng kumot para bigyan ng espasyo ang kambal at si Lian. Pakiramdam niya wala na siya ni katiting na lakas na kumilos pa. Kapipikit niya pa lang nang mapansin niya ang pagbukas at pagsara ng pinto. Alam niyang hindi na nag abala ang pumasok na buksan ang ilaw. Nanatili naman siyang nakapikit o iikot na naman ang paningin niya.

Naramdaman ni Abby ang paglundo ng kama at ang paghiga ng kung sino sa kabilang dulo niyon. Hindi niya na alam kung ano pa ang sumunod na nangyari. Hilong hilo siya at hinila na ng tuluyan ng antok.

###

Nag inat ng katawan si Abby. Parang minamartilyo ang ulo niya sa sakit. Dahan dahan siyang nagdilat ng mata, para lang ipikit ulit. Tumagilid siya at kinapa si Lian. Bahagyang kumunot ang noo niya nang may makapa. Something warm yet hard and... and hairy? Nagdilat ulit siya ng mga mata. Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa kisame.

Kinakabahang nilingon niya ang katabi. Bakit malapad ang likod ni Lian? Nakatagilid ito sa pagkakahiga, patalikod sa kanya at ang warm, hard and hairy na nakapa niya kanina ay ang braso nito. Kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwang, nawindang sya sa warm, hard and hairy eh.

Pero kulang na lang lumawa ang mga mata niya nang makitang tanging kumot lang ang nakatakip sa pang ibabang bahagi ng katawan ng lalaki. Nawala bigla ang sakit ng ulo niya. Kumilos ang lalaki at pumihit paharap sa kanya.

Gano'n na lang ang gulat ni Abby. Ang gwapo, macho at yummy na si Daniel ang katabi nya at hindi si Lian! Muling kumilos ang lalaki dahilan para malilis ng kaunti ang kumot na nakatakip sa katawan nito.

Tumili si Abby. Bumalikwas naman ng bangon si Daniel.  Lalong nanlaki ang mga mata ni Abby nang mahantad sa mga mata niya ang ang totoong something warm and hard sa ibabang bahagi ng katawan nito. Nagkakasala ang mga mata niya pero hindi niya maialis ang mga mata sa half aroused na kaselanan ng binata. Tumili ulit siya.

"What the-!"

"Anong what the - what the?" Bulalas niya. High pitched. "Anong ginagawa mo dito at bakit naka bold ka!?"

Bumaba ang tingin ni Daniel sa sarili. Napamura nang makita ang ayos. Hinablot nito ang kumot at mabilis na ipinantakip sa katawan bago salubong ang kilay na hinarap siya.

"Get dressed! Nakabalandra ang dibdib mo.. Sh-t."

"A-anong dibdib eh ikaw 'tong hubo't... hubad?!" natigilan si Abby.. Namimilog ang mga mata at pigil ang hiningang niyuko din ang sarili. 

Tili ulit. At ulit habang itinatapis niya sa katawan ang comforter. Nalaglag na siya sa kama pero wala pa ring patid ang tili niya. Kumawala ang dibdib niya sa bra at nakabuyangyang ang 32A size niyang dibdib sa harap ng amo!

Hindi pa din natatapos ang tili niya nang bumukas ang pinto at iluwa niyon ang humahangos pang sina Mrs De Marco at Manang Guia. Parehong nanlaki ang mga mata ng mga ito habang pinaglipat lipat ang tingin sa kanila ni Daniel. 

Nagkukumahog na tumayo si Abby. Kinabig ni Mrs De Marco ang dahon ng pinto pasara at lumabas kasunod ang cook.

"Maghunos dili ka, Sir.." Defensive na sabi ni Abby nang makita ang galit sa mga mata ng lalaki. Oh no. Iniisip ba ni Daniel na siya ang nagset up niyon?

Pagalit na dinampot ni Daniel ang nagkalat nitong damit sa sahig. Isa isa iyong isinuot sa harap niya. Hindi makinumbinsi ni Abby ang sarili na iiwas ang mga mata. Bakit niya naman gagawin 'yon eh pwede niya namang ikumpisal sa linggo kay Father Mariano ang ginawa niyang pamboboso?

Lumunok siya nang harapin siya ni Daniel at mahuli nito ang panonood niya.

"I should have known." Galit na sabi nito. Walang maapuhap sabihin si Abby. English ang sinabi, english din ba ang isasagot nya?

"B-bakit ako? Nagising na lang ako na..." Sagot niya. Pinilit patatagin ang tinig kahit ang totoo ay halos mabingi na siya sa tibok ng puso niya.

"I didn't rape you did I?" Wala sa tono ni Daniel ang pagtatanong, sa halip ay kumukumpirma iyon. Parang gustong ipagdiinan na hindi nito ipinilit ang sarili sa kanya.

Mabilis nani-replay ni Abby ang nangyari ng nagdaang gabi sa isip. Nanlumo siya. Siya ang kusang naghubad ng mga damit niya. Pero si Daniel? Bakit hubo't hubad ito? Nasaan si Lian? Saan ito natulog?

"Abegail.." pukaw ni Daniel sa iritado at inip ng tinig.

Umiling siya bilang sagot sa unang tanong nito.

"Pack your bags then."

Napatitig siya kay Daniel. "A-anong pack your bags?"

"May mahirap bang intindihin sa sinabi ko? You're fired."

"Sandali lang naman, Sir. Hindi naman ako papayag na basta basta n'yo na lang ako sesantehin. Wala naman akong ginawang masama. Kayo nga 'tong tumabi sa akin ng walang paalam."

Humalukipkip si Daniel. Nagtaas ng kilay. Hindi makapaniwala sa isinagot niya. "As far as I remember sa servant's quarter ang tulugan mo. This is my son's bedroom. Bakit dito ka natulog?"

"Eh yung Yaya ng kambal ho nakatulog sa higaan ko sa baba. Doon din daw matutulog 'yong isa pang yaya. Yong kambal at si Lian naman dito. Si Manang Guia ang nagsabing dito ako matulog. Kung hindi ako sinabihan, bakit naman ako matutulog dito?" Nakangusong paliwanag niya. "Si Manang Guia ang dapat i-fire ninyo, bakit ako?"

"You are impossible." Manghang sabi ni Daniel. "I know my son likes you, Abegail. Pero malinaw ang usapan natin, ayoko ng eskandalo sa loob ng bahay ko."

Kinakabahan na talaga si Abby. Mawawalan siya ng trabaho! Pero papayag ba siyang sesantehin siya ni Daniel ng ganoon lang? Wala naman siyang ginagawang masama. Paano kung hindi siya agad makakuha ng trabaho? Babalik na naman ba siya bilang florist sa flowershop ni Madam Gemma? Maliit masyado ang pasweldo nito at hindi sasapat sa pangangailangan ng pamilya niya.

Kung mag aaply naman siya uli doon sa mga akma ang pinag aralan niya, aabutin na naman siya ng ilang linggo o ilang buwan bago makapag umpisa. Paano ang utang niya sa lending? Paano niya susuportahan ang pamilya niya? Paano niya tutustusan ang chemotherapy ng Nanang niya? Kulang ang nabibigay ng PCSO na tulong pinansyal para sa panggamot nito. Lalo siyang mababaon sa utang pagsinesante siya ng amo. Kakapangako niya pa lang din kay Morgan na makakapaghulog na siya sa susunod na buwan sa utang niya dito. Paano nya babawiin iyon?

Nag angat si Abby ng tingin kay Daniel nang may maisip.

"Papayag akong sesantehin mo ako sa isang kondisyon." Lakas loob na sabi niya. Dalawang beses siyang lumunok. Sinalubong ang mga mata ng nakakunot noong amo.

"Ganito kasi iyon, katatapos lang surgery ng Nanang ko. Colon Cancer. Kapag sinensante mo ako, wala akong pang chemotherapy niya. Totoo 'yong sinabi ni Reina, 'yong babaeng sumugod sa akin sa restaurant? Naalala mo? May utang ako sa lending. Pero hindi ako kabit ni Morgan. Magkaibigan lang kami."

"Straight to the point." Demand ni Daniel na lalong nagsalubong ang mga kilay. Halos nagkaka ideya na ito kung saan patungo ang usapan.

"Hindi ako p'wedeng mawalan ng trabaho dahil wala naman kaming ipon. Alam mo ba kung gaano kahirap maghanap ng trabaho sa Pilipinas ngayon? Lubog ka na sa utang, we'll call you pa rin ang isasagot nila sa'yo. Eh kailangan ko ng pera para sa Nanang ko. Sa chemo n'ya. Para sa utang ko sa lending."

Tumaas ang isang sulok ng bibig ng lalaki para sa isang sarkastikong ngiti. "This is one of your schemes, right?"

Lumunok ulit si Abby. May pakiramdam syang namumula na ang mukha niya sa kahihiyan. Pero paninindigan niya na ang nasabi kung ayaw niyang mag alala ang mga magulang sa gastusin.

"S-sesesantehin mo ako diba? Kailangan ko lang maging praktikal. Iyong Nanang at Tatang ko parehong ipinanganak na mahirap kaya kaming mga anak nila, kagaya din nilang mahirap. Ngayong nakahanap ako ng trabahong pwedeng makatulong sa amin, sinesesante mo ako. May idea ka ba, Sir kung gaano ko kagustong maipagamot ang mga magulang ko at mapagtapos sa pag aaral ang mga kapatid ko?" Mahabang sabi niya, nangungunsensya. "Nagresign ako sa flowershop na pinagtatrabahuhan ko, ipinagyabang ko pa sa dati kong amo na mas malaki ang pasweldo ninyo pero heto... three days pa lang tsugi na ako."

Si Daniel ay nanatiling nakatingin kay Abby, hindi niya alam kung anong iniisip nito. Kahit ano pwede naman nitong isipin, kahit worse okay lang, 'wag lang yung magtawag ito ng pulis at ipadampot siya o kaya kaladkarin siya palabas ng malaking bahay na comforter lang ang suot niya.

"Twenty Thousand na sweldo ko buwan buwan times twenty four months. Four Hundred Eighty Thousand, Sir. Babayaran mo ako ng halagang 'yan kung mas pipiliin mong sesantehin ako kaysa kalimutang nangyari 'to."

Nakacrossfingers pati mga daliri ni Abby sa paa. Sana effective ang naisip niyang strategy para di siya mawalan ng trabaho. Mas convenient kung pipiliin ni Daniel na bayaran na lang siya ng halagang hinihingi niya pero mas gusto niyang mag stay sa malaking bahay na iyon at pagtrabahuhan ang pera.

"Paano kung hindi ako magbigay?" Tanong ni Daniel na tila tinatantya siya. Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. "What will you do?" Gagad nito. "Ano ba ang kaya mong gawin, Abegail?"

Sinalubong ni Abby ang nakakatunaw na titig ni Daniel. Saka sa nangungumbinsing boses ay nagsabi.. "Wag mo na kasi pahirapan ang sarili mo, Sir. Pwede naman tayong magpanggap na walang nangyari hindi ba? Eh 'di ba nga kailangang kailangan mo ng Yaya ni Lian? Bakit mo ako sesesantehin eh kailangan n'yo 'ko?"

"I can easily find my son a nanny, Abegail." tugon ni Daniel.

Oo nga. Lihim na napangiwi si Abby. Malaki ang offer ng mga De Marco, kahit sino magkukumahog na mag apply.

"Eh ikaw? Anong trabaho ang mapapasukan mo pagkaalis na pagkaalis mo sa bahay ko?"

Nag isip siya. Mali ba ang diskarte niya? Eh kung dagdagan niya pa ang pangungunsensya?

"Magpopokpok. Alangan namang hayaan kong magutom ang pamilya ko? Pero maaatim mo ba,Sir na masira ang kinabukasan ko?" Sagot nya, suminghot pa kunwari. 

Nakita ni Abby ang pagguhit ng isang amused na ngiti sa mga labi ni Daniel. "Find another job. Ni walang shape 'yang katawan mo."

Hindi niya pinigil na huwag sumimangot. "So, payag ka na ba? Magtatrabaho ako sayo o sesante plus half million?" 

Mabilis ang tibok ng puso ni Abby dahil sa tatlong bagay. Una, bakit tila nag eenjoy na ang lalaki sa pakikipag usap sa kanya? Pangalawa, bakit napakagwapo ni Daniel kahit pinapapangit niya na ito sa isip niya? Pangatlo, paano kung mas piliin nitong sesantehin siya at hindi magbigay ni singkong duling sa kanya?

Lalo siyang kinabahan nang tumalima si Daniel at tinungo ang mesita. Binuksan nito ang brief case na tiyak na dala nito kagabi at kinuha ang checkbook. Pigil niya naman ang sariling hininga habang sinusulatan ng lalaki ang tseke. Gusto niya ulit manlumo, sinesesante na nga siya nito.

Nakagat ni Abby ang pang ibabang labi niya. Tama ba ang ginagawa niya? Pagbabayarin niya ang lalaki kapalit ng pagsesante nito sa kanya?

"W-wait..."

Nag angat ng tingin si Daniel. NIlingon siya. 

"Wag na kalahating milyon. One hundred thousand lang. Para lang sa Nanang ko."

Ngumisi si Daniel. "Feeling guilty now?"

Hindi siya sumagot. Noon lang sumagi sa isip niya si Mrs De Marco. Ano na lang ang iisipin ng matandang babae sa kanya? Kahit hindi nito sabihin, alam niyang natutuwa ito sa kanya kahit nong mga panahong nag aaral pa siya. Kaya nga isa siya sa nabigyan ng full scholarship sa University na pag aari ng mga ito.

Isa pa ay ito ang nagpasok sa kanya bilang Yaya ni Lian. Malaki ang utang na loob niya sa Mama ni Daniel. Paano na lang kapag nalaman nito ang ginawa niyang pakikipagbargain o pangba blackmail sa panganay nitong anak? Kung pamba blackmail man iyong matatawag.

Pero hindi ba ang motto niya nga ay La Familia Primero? Family First. Kailangan niya ang pera at mawawalan na siya ng trabaho. Sa halagang kalahating milyon makakapag umpisa ulit sila. Yayayain niya na lang ang mga magulang na umuwi sa Bicol. Magtatayo siya ng maliit na negosyo. Kalilimutan niya na ang pantasya niya sa Amo at ang pagiging malapit niya sa anak nito.

"Nagbago na ulit ang isip ko. Kalahating milyon ang isulat mo." Humalukipkip si Abby. Kinukumbinsi ang sarili na tama lang ang ginawa niya. Barya lang ang kalahating milyon sa mga De Marco at kailangan niya ng pera. 

Lumapit sa kanya si Daniel. Iniabot sa kanya ang cheke. Nanginginig ang mga kamay na tinanggap iyon ni Abby. Halo halo ang emosyong nararamdaman niya. Hindi nya alam kung ano ang uunahing intindihin. Pera muna, syempre.

"One million Five Hundred Thousand?!" Bulalas ni Abby nang mabasa ang amount in words na nakasulat sa tseke. "Seryoso, pagkatapos ko bang i encash ito, may balak kang ipapatay ako?!"

"You can only encash that two days after we got married."

"Ha? Bakit hindi agad agad? At saka, kalahating milyon lang ang hinihingi ko. Bakit ang laki ng ibibigay mo?"

"Nakakita ka lang ng isa't kalahating milyon, nabingi ka na. I said, ikakasal ka muna sa akin bago mo mapakinabangan 'yan."

Ranked #24 on Romance

PHR top 2 best seller for the month of Aug 2017

Pls don't forget to grab your own copy! Available pa rin po sa mga PPC outlets at National Book stores nationwide :) 🌹🐯💋

FACEBOOK : https://www.facebook.com/PHRLaTigresa

INSTAGRAM : https://www.wattpad.com/user/LaTigresaPHR

Maraming Salamat,

Tigresa