Chereads / okA tokaT / Chapter 26 - Special Chapter 2

Chapter 26 - Special Chapter 2

Piyesta na ng patay bukas at halos kakauwi ko lang din galing sem break at napag pasiyahan ng tropa na sa hapon maglinis sa sementeryo.

"Pare, alam mo ba na may nagpapakitang multo doon sa puntod ng lolo mo?" tanong sa akin ni Rolan habang naglalakad kami papuntang sementeryo.

"Chos, heto nanaman tayo eh. Chicks ba yan?" natatawang tanong ko sa kanila.

"Hindi pare, totoo. Naka puti daw 'yon, tapos uupo lang sa harap ng puntod,"

"Baka naman kamag-anak din lang namin 'yan?" Natatawang tanong ko sa kaniya.

"Putspa pre! Eh 'di ikaw na ang may kamag-anak na daig pa ang security guard kung mag bantay," sabi niya ulit nang seryoso.

"Pre, baka daw kasi gumimik si lolo sa gabi," sagot ko na lang.

"Pero pre, totoo daw 'yon. Nagpapakita daw kapag padilim na. Kaya nga walang nagpapa abot ng gabi sa sementeryo magmula noong nabalita 'yon eh," seryoso na sabi nito.

"Sige nga, abangan natin 'yan," sabi ko.

"Seryoso?" gulat na tanong niya.

"Oo, para mapatunayan kung multo nga siya." sabi ko, kahit medyo kinakabahan na rin ako.

"Pare, padilim na. Hihintayin ba talaga natin?" tanong nila.

"Oo, pero lumayo muna tayo dito, baka hindi magpakita eh," sabi ko, at naglakad na kami palayo ng puntod ni lolo.

"Putspa pre! Andoon na, paano nangyari 'yon?" Patakbong sabi ni Rolan nang lumingon ito sa likod.

Napilitan tuloy kami na magtago sa isa sa mga nitso na nandoon, hindi kalayuan sa puntod ng lolo ko.

"Pre, hindi kaya si lolo mo 'yan?" bulong nila.

"Hindi siguro, medyo bata pa eh,"sagot ko.

"Uwi na tayo 'pre," sila ulit, halata na ang takot sa boses.

"Hindi pre, kailangang malaman ko kung bakit gabi-gabi siyang nandito," bulong ko.

"Seryoso?" sila ulit, gulat na gulat sa sinabi ko.

"Ano'ng gusto n'yo, takutin tayo gabi-gabi o kausapin natin. Para naman makatulong tayo kahit paano," sabi ko

"Puwede ba na sa buhay na lang tayo tumulong huwag na sa patay?" sila ulit

"Sabi ni nanay, kailangan daw kausapin ang mga naliligaw na kaluluwa para matahimik, dahil kung hindi pamilya ang guguluhin, kailangan mapa sagot mo ito" sagot ng isang kasama namin.

"Ikaw na kumausap bro, tutal nasa puntod naman ng lolo mo,"

Kahit na takot na takot na ako, pinili ko pa rin na lapitan ito nang dahan-dahan.

"L-Lolo, I-Ikaw po ba 'yan?" tanong ko sa medyo malayo.

Hindi siya sumagot.

"L- Lolo, m- may kailangan ka po ba na sabihin?" tanong ko ulit, lumapit ako ng kaunti. Baka kasi hindi niya ako naririnig.

Kitang-kita ko ang kulay puting damit niya, kahit madilim ang paligid.

Nang bigla kong maalala na hindi naman naka puti si lolo na barong noong inilibing eh. Kulay asul ang suot nito.

"L- lolo, saan po ninyo kinuha ang damit ninyo, bakit po naka puti na kayo?" muling tanong ko baka sakaling sumagot siya.

Siyempre, kaysa naman malasin kami, kung totoo nga ang sinasabi nila.

"L- Lolo, b- bakit po kayo naka puti?" tanong ko.

Nakita kong bumuka ang bibig niya na tila may sinasabi, hindi ko nga lang marinig masyado.

Pinili ko ang lumapit nang dahan-dahan, kahit halos maihi na ako sa salawal ko.

Ilang beses na rin akong napalunok.

Gusto kong humingi ng tulong sa mga kasama ko, pero natakot akong lumingon, baka kasi pag harap ko ay nasa mismong harapan ko na siya.

"L-Lolo, saan po galing ang damit ninyo, bakit na po kayo naka puti?" muling tanong ko.

Laking gulat ko nang bigla siyang lumingon sa akin, doon ko napagtanto na hindi siya ang lolo ko.

Tumayo lahat ng balahibo ko sa katawan.

Tatakbo na sana ako patalikod nang bigla siyang sumagot...

"Laba sa Tide Ultra!"

-Anino