Kuwarenta'y-sinko minutos"
Kasalukuyan akong naglalakad papuntang paradahan ng dyip. Kagagaling ko lang sa eskuwelahan kung saan ako nagtuturo ng computer subject. Ramdam ko na ang pananakit ng mga paa ko sa maghapong pagtayo. Gusto ko na talagang umuwi at mahiga.
Napatingin ako sa relo ko at nakita kong alas singko na ng hapon.
"Kaya pala marami ng pasahero. Tsk" naibulong ko sa aking sarili.
At dahil masakit ang mga paa ko, iniwasan ko ang makipag-siksikan. Kaya sa ikatlong dyip pa ako nakasakay.
Umupo ako sa bungad ng dyip, ayoko kasing nasisiksik sa sa bandang looban. Tinignan ko ulit ang relo ko, alas-singko trenta. Trenta minutos din ang ginugol ko bago makasakay.
Nang mapansin ko ang lalake na naka-upo sa tapat ko.
"Huh? Parang nadatnan ko na ito kanina sa paradahan ah? Hindi pa rin pala siya nakakasakay?" Taka kong tanong sa sarili.
Tinignan ko siya at nakita kong nakatingin din siya sa akin.
"Huh? Kilala ko ba siya or something? May dumi ba ako sa mukha?" Bulong ko ulit at pasimpleng pinunasan ang mukha ko gamit ang tissue.
Pinalipas ko muna ang ilang minuto bago ko ulit siya tinignan. Laking gulat ko ng makita ko siyang nakatingin parin.
"It's rude to stare" sabi ko sa kanya. Mukha kasi siyang foreigner. Mukha siyang anghel na bumaba sa lupa.
Dahil sa inis ko, tinitigan ko na rin siya baka sakaling dapuan ng hiya.
Pagkatapos, naramdaman ko na lang na may humila sa braso ko.
"Hoy! Saan ka pupunta? " tanong ng lalake sa aking harapan.
"K-kuya Larry? B-bakit ako nandito? Hindi ba nasa dyip ako?" Naguguluhang tanong ko sa kapit-bahay namin.
"Ewan ko sa'yo, nagulat nga ako bakit ka bumaba bago mag tulay eh. Parang may sinusundan ka"
Naguluhan ako lalo, dahil alam kong kakasakay ko pa lang ng dyip at hindi pa kami masyadong nakakalayo.
"Huwag ka ng mag-isip jan, halika na ihahatid na kita sa inyo" wika ni kuya Larry habang hinihila niya ang braso ko pauwi. Doon ko pa lang napagtanto na malapit ng dumilim.
Napatingin ako sa relo ko alas-sais trenta.
Habang hila ako ni kuya Larry pauwi, hindi ko parin maipaliwanag ang nangyari.
"Bakit hindi ko napansin iyong simbahan?" Tanong ko parin na naguguluhan. Ugali ko na kasi ang magpasalamat tuwing dadaan ang dyip na sinasakyan ko sa simbahan na iyon.
Nasa tapat na kami ng bahay ng patigilin ako ni kuya Larry sa paglalakad.
"Ella, sa susunod huwag kang tumitig" iyon lang ang sinabi niya at umalis na siya.
Kinagabihan, hindi ako maka tulog. Tumingin ako sa relo na nakapatong sa mesa.
"Alas once na ng gabi, bakit hindi ako makatulog?" Bulong ko sa sarili. Pinili kong tumayo at patayin ang ilaw sa kuarto, baka sakaling antukin ako.
Malapit ko ng makuha ang tulog ko nang...
"Ella" parang may tumatawag sa pangalan ko.
"Ella" naulit muli. Meron nga.
Nabigla ang bangon ko paupo sa kama. Naramdaman ko ang pag tama ng hangin sa mukha ko, parang hininga.
"Ma!" Sigaw ko, takot na takot ako. Tumingin ako sa paligid pero wala akong makita. Naalala kong pinatay ko nga pala ang ilaw bago ako natulog.
Mabuti na lang at bumukas ang pinto, nakita ko si daddy na pumasok. Binuksan niya ang ilaw. Doon palang ako nakahinga ng maluwag.
Kinaumagahan, mabuti na lang at araw mg sabado. Hindi ko kailangang bumangon ng maaga.
Nadatnan ko si mommy na nag-aalmusal.
"Oh, anak... sabi ni kuya Larry mo nakita ka daw niyang bumaba ng dyip bago mag tulay. Papasok ka daw sa Montecillo, anong ginagawa mo doon?" Tanong ni mommy sa akin.
"Hindi ko rin po alam eh" maikling sagot ko at dumulog na rin ako sa hapag kainan.
"Binangungot ka ba kagabi anak?" Muling tanong ni mommy.
"S-siguro po, hindi ko rin po matandaan eh" maikling sagot ko.
Muli ko nanamang naalala iyong kagabi, naramdaman ko iyong hininga niya sa mukha ko.
Muli nanamang yumakap ang takot sa katawan ko.
Nang buksan ni mommy ang radyo, mahilig kasi siyang makinig ng balita sa umaga. Naririnig ko ang dalawang announcer na nag-uusap tungkol sa isang Hotel.
"Eh, oo nga nagising na lang daw iyong dalaga na nahalay na, walang matandaan kung paano siya nakarating doon" ang wika ng announcer.
"Ay! Dios ko! Pangatlo na 'yan Ella" takot na sabi ni mommy.
" Saan po ba iyong Hotel na yan ma?" Tanong ko sa kanya.
"Doon sa binabaan mo kahapon, diretsuhin mo lang iyon... makakarating ka na sa abandonadong hotel na 'yan" takot na wika parin ng mommy ko.
Doon lang lumiwanag sa akin ang lahat. Iyong sinabi ni kuya Larry na sa susunod huwag akong tumitig, iyong lalake sa dyip na hindi man lang pumikit noong tinitigan ko. Iyong hininga kagabi sa mukha ko. Kung alas-sinko medya umalis ang dyip na sinakyan ko, alas-sais trenta ako nahanap ni kuya Larry. Kinse minutos lang ang byahe hanggang sa amin.
Napayakap ako sa sarili ko ng muli kong maramdaman ang takot sa katanungang sumusiksik sa isip ko.
Saan napunta ang kuarenta'y singko minutos ng buhay ko?
-Anino🖋-
(Don't stare)