Chereads / TUKLAW / Chapter 16 - Chapter 15

Chapter 16 - Chapter 15

NILILIBOT nina Kamatayan ang buong Antonio del Pilar gamit ang kanilang sasakyan. Malikot ang mga mata ng kanyang mga tauhan. Bawat paligid na madaanan ay pinagmamasdang mabuti. Binabantayan nila kung may isang tao ba ang biglang lilitaw na puwede nilang paghinalaan.

Biglang huminto ang sasakyan sa tabi ng kakahuyan. Nagtaka ang lahat.

"Ano'ng nangyari?" tanong ni Kamatayan sa driver na si Naldo.

"Naku, Boss! Naubusan na po pala tayo ng gas! Nakalimutan ko magpa-gas kanina!" dismayadong sagot ni Naldo.

"Anong kapalpakan na naman 'yan!" Sa inis ay lumabas ng sasakyan si Kamatayan at sinipa ang gulong. "Buwisit!"

Bumaba na rin ang tauhan na si Edwin. "Mukhang kailangan po nating maghanap habang naglalakad, Bossing."

"Mukhang gano'n na nga. Mabuti pa maghiwa-hiwalay na lang tayo. Tamang-tama walo tayo ngayon. Tig dala-dalawa ang magsasama. Kung anuman ang makita n'yo, ako ang una n'yong tatawagan. Dalhin n'yo na rin ang mga gamit n'yo para may panlaban kayo. Ngayon na!"

Lumabas ang pitong tauhan at hinati ni Kamatayan sa apat na grupo. Si Naldo naman ang napili niyang maging kasama.

"Dito tayo maghahanap, Naldo. Ihanda mo 'yang baril mo." Naunang lumakad si Kamatayan papasok sa loob ng kakahuyan.

"Bakit dito tayo maghahanap, Boss? Sa tingin mo ba may magtatago rito? Wala naman silang mapagtataguan dito," ani Naldo.

"Baka nakakalimutan mo, noong nag-uumpisa pa lang ang grupo natin, madalas din tayong dumaan at tumakbo rito para iligaw ang mga pulis noon. Kaya nagbabakasakali lang ako na baka dito rin dumadaan ang iba pang grupo. Malay mo may makasalubong tayo. Kaya dapat maging handa ka." Inilabas ni Kamatayan ang kanyang baril sa bulsa.

Ganoon na rin ang ginawa ni Naldo.

Habang sila'y naglalakad, bigla na lang yumanig ang paligid. Sa pagkabigla ay natumba si Naldo at hindi agad nakatayo. Si Kamatayan naman ay napakapit sa puno kaya hindi tuluyang natumba.

"Ano'ng nangyayari?" gulat na tanong ni Kamatayan at luminga-linga sa paligid.

Biglang bumulwak ang lupa sa tabi ni Naldo. Bago pa makatayo ang lalaki, tumambad na sa harap niya ang isang taong ahas. Nagbabaga sa galit ang anyo nito habang matalim ang mga titig.

Sa labis na gulat ay nabitawan niya ang hawak na baril. Sinubukan niya itong kuhanin pero naagaw iyon ng taong ahas at buong lakas na dinurog gamit lang ang isang kamay nito.

Si Kamatayan, napamulagat sa sindak. Pinaulanan niya ng baril ang taong ahas pero hindi ito tinablan. Sa labis na takot ay napatakbo na lang siya at iniwan si Naldo.

"Booooosss! Tulooooong!" parang bata na humagulgol si Naldo sa takot.

Hindi na siya nakasigaw nang sakalin ng taong ahas ang kanyang leeg. Habang tumatagal ay lalong humihigpit ang pagkakasakal nito. Halos patiran na siya ng hininga.

Maya-maya pa, inilabas ng taong ahas ang mga pangil nito at tinuklaw siya sa kabilang pisngi. Dobleng sakit ang naramdaman niya pero hindi na niya magawang sumigaw. Dahil bago pa tuluyang humiwalay ang ulo niya sa sariling katawan ay nangitim na ang buong balat niya. Tanda ng mabilis na pagkalat ng kamandag sa kanyang katawan.

Naiwan sa lupa ang katawan ni Naldo na namaga at nangitim sa tindi ng kamandag. Habang ang ulo nito ay binabasag ng taong ahas para kuhanin ang utak.

Pagkatapos nitong papakin ang utak ng lalaki, muli itong pumasok sa ilalim ng lupa para maghanap ng susunod na biktima. Yumanig ang bawat paligid na madaanan nito at nag-iwan ng kaunting bungkal na bakas sa ibabaw ng lupa.

Si Kamatayan, ligtas na nakabalik sa sasakyan. Ngunit ang kanyang mga tauhan, inabot na ng ilang oras ay hindi pa rin bumabalik. Hanggang sa pumatak ang madaling araw ay wala pa rin sa mga kasamahan niya ang bumabalik. Isa-isa na niyang tinawagan ang mga ito pero walang sumasagot.

Naisipan niyang umuwi na lang mag-isa.

NANG sumunod na araw, labis na nagimbal si Kamatayan sa natanggap na balita. Pitong kalalakihan ang natagpuang patay sa kanilang lugar. Hindi lang basta-basta pinatay, kundi pinugutan pa ng ulo at dinukutan ng utak. Ang iba ay winakwak pa ang tiyan at napnap ang lamang-loob sa katawan.

Ngunit ang ipinagtataka ng awtoridad, lahat ng mga ito ay may bakas ng tuklaw ng ahas sa kanilang mga katawan. Lumabas din sa autopsy na kamandag ng ahas ang maaaring ikinamatay ng mga ito bago pinaslang nang ganoon ka-brutal.

Ibig sabihin, tinutuklaw muna ang mga biktima bago dinudukutan ng laman?

Napailing si Kamatayan. Maging siya ay sobrang nahiwagaan kung sino ang maaaring gumawa nito sa kanila.

Ang alam niya, sila lamang ng kanyang grupo ang pinakamalakas at pinakakinatatakutang gang sa buong Antonio del Pilar. Wala silang nababalitaan na iba pang gang na nakakapasok sa kanilang lugar. Dahil lahat ng mga grupo na magtangkang pagharian ang kanilang lugar ay pinupulbos nila at inililigpit.

Wala nang mas titindi pa sa kanila pagdating sa pagpatay. Kaya naman hindi niya maunawaan kung sinong nilalang o grupo ang gumagawa ng ganito katinding pagpatay. Mas matindi pa sa mga nagawa nilang pagpatay noon.

Nakaramdam na naman ng inggit at galit si Kamatayan. Gusto niyang higitan pa ang paraan ng pagpatay sa kung sinuman ang gumagawa nito sa grupo niya.

Sinubukan niyang kontakin ang iba pa niyang miyembro. Ngunit matapos mabalitaan ng mga ito ang nangyari sa iba pa nilang kagrupo ay natakot na ang mga ito at hindi na sumulpot sa kanya. Ang iba ay nag-quit pa yata ng walang paalam.

Siya na lamang ang natitira sa sarili niyang grupo. Lahat ng mga miyembro ay ayaw nang magpakita sa kanya. Mukhang natakot na rin ang mga ito na sumunod sa mga namatay nilang miyembro. Ang iba ay lumikas na yata ng ibang lugar.

"Buwisit!" Ibinalibag ni Kamatayan ang diyaryo na naglalaman ng masaklap na balita. "Hindi ako papayag! Hindi ako papayaaaaag!" Halos mapilay ang lamesa sa lakas ng pagkakasuntok niya rito.

PASADONG alas-dose na ng hatinggabi nang mag-empake ng mga gamit si Kamatayan. Dahil ayaw na siyang lapitan ng mga natirang tauhan, nais na niyang isuko ang paghahari sa lugar. Balak niyang maghanap ng ibang lugar na puwedeng pagharian at doon na rin niya balak ipagpatuloy ang nabuwag na grupo.

Nauna niyang pinapasok ang bunsong kapatid sa loob ng sasakyan. Dahil malalim na ang gabi ay agad nakatulog si Kyle.

Kasalukuyan naman niyang ipinapasok sa compartment ng sasakyan ang mga gamit nang maramdamang may gumagapang sa paligid.

Mabilis siyang lumingon sa kalupaan. Napalundag siya sa gulat nang makita ang isang berdeng ahas na nasa paanan niya. Nakaangat ang ulo nito at nakabuka ang bibig. Bago pa siya makatakbo ay tinuklaw na siya nito.

Paika-ika pa siya habang tinutungo ang loob ng bahay ngunit hindi na siya nakarating sa pinto at mabilis siyang nanghina. Pagbagsak sa lupa ay unti-unting nagdilim ang kanyang paningin hanggang sa hindi na niya namalayan ang oras.

Nang magkamalay siya, ganoon na lamang ang pagtataka niya sa lugar na kinalalagyan. Bumungad sa kanya ang isang bodega na naglalaman ng mangilan-ngilang mga gamit. Napagtanto rin niya na nakagapos siya sa isang silya at may takip pa ng panyo sa bibig.

Gamit ang lakas, kinalag niya ang mga tali hanggang sa matagumpay siyang nakawala. Agad din niyang tinanggal ang panyo sa bibig at winasak ang de-kahoy na silya. Nang mabali ang kabilang paa nito ay dinampot niya ito at ginawang armas.

Luminga-linga siya sa paligid at nakiramdam. "Kung sinuman ang nagdala sa 'kin dito, humanda kang kupal ka!" bulong niya sa sarili.

Bigla siyang nakarinig ng mga yabag ng paa. Itinaas niya ang kahoy at nagsimulang sumigaw. "Hoy! Kung sino ka man, hinding-hindi mo ako matatakot sa ganito! Hindi mo kilala ang kinakalaban mo! Huwag mo 'kong susubukan at sisindakin kung ayaw mong madurog ko ang pagmumukha mong hinayupak ka!"

"Baka ikaw ang hindi nakakakilala sa pinagbabantaan mo ngayon…" isang pamilyar na boses ang narinig ni Kamatayan.

Nalukot ang noo niya nang bumulaga si Lucas. May nakapatong pang ahas sa balikat nito. Isang berdeng ahas na pamilyar din sa kanya.

Pagkakita sa ahas na iyon ay napalingon agad siya sa kanyang paa kung saan siya natuklaw.

"Huwag kang mag-alala, Lando. Hindi ka mamamatay sa tuklaw ng kaibigan ko. Pampatulog lamang ang nilagay niya kanina sa `yo. Gusto ko kasi, ako mismo ang papatay sa `yo." Nagpakawala ng mapanuksong ngiti si Lucas.

May ilang segundong natahimik si Kamatayan. Di kalauna'y nagpakawala rin siya ng malutong na tawa. "Ako? Papatayin mo? Ang taas naman yata ng pangarap mo na mapatay ang katulad ko!"

"Kung ang mga kagrupo mo nga napatay ko, ikaw pa kaya?"

Nagbago ang timpla ng mukha ni Kamatayan. "Bakit, ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hindi na 'ko mag-aalinlangang sabihin sa `yo ito dahil wala ka na rin namang mapupuntahan. Oo, aamin na ako. Ako ang pumatay sa mga kagrupo mo. Nagtataka ka siguro, ano? Kung bakit sa grupo mo lang palagi may namamatay."

Natawa lang si Kamatayan at halatang hindi kumbinsido. "Ikaw? Anak ng tipaklong naman! Ikaw? Papatay ng tao? Paano mo magagawa 'yon? E, isa ka lang namang alikabok sa paningin ko! Isang maliit at walang silbing alikabok!"

Hindi nagpadaig si Lucas. "Alikabok ba kamo? Baka nakakalimutan mo, ang maliit na alikabok ay nakakapuling… At madalas nakakabulag!"

Naningkit ang mga mata ni Kamatayan sa inis. Alam din pala ng lalaki ang linyang iyon sa isang pelikula na pinanonood niya dati.

"Ang lakas mo talagang magpatawa, ano?" Itinutok ni Kamatayan ang hawak na kahoy sa lalaki. "Pasensiyahan tayo. Hindi mo 'ko maloloko sa mga kagaguhan mo. Sigurado akong may tumulong lang sa 'yo para madala mo ako rito. Nagkamali ka lang ng taong sinindak mo dahil ngayong araw na ito mismo, uubusin ko lahat kayo! Kayo ng mga grupo mong nagtulung-tulungan para madala ako rito!"

Hagalpak ng tawa si Lucas. "Iniisip mo talaga na may grupo ako? Hindi ka talaga naniniwala na ako lang mag-isa ang nagdala sa `yo rito? O, sige! Para maniwala ka, oras na siguro para makita mo kung sino ang kinakalaban mo…"

Inilapag ni Lucas ang berdeng ahas sa lupa at hinubad niya ang suot na mga damit. Hindi na siya nagdalawang-isip na ipakita ang hubo't hubad niyang katawan sa lalaking kaharap.

Si Kamatayan naman ay hindi alam kung matatawa sa ginawang paghubad ng lalaki. Sa isip-isip niya'y may itinatago rin palang kabaliwan ang lalaking ito. Ang tingin niya rito ay lalaking may sira sa utak na nagtatapang-tapangan dahil tinutulungan lang ng kagrupo.

Pero lahat ng nasa isip niya ay nagbago nang magsimula ang pagpapalit ng anyo ni Lucas. Unti-unting gumuhit ang sindak sa mukha ni Kamatayan habang nasasaksihan kung paano tumubo ang mahabang buntot sa mga paa nito. Halos manginig ang buo niyang katawan habang pinagmamasdan kung paano maging berde ang balat nito. Napaatras din siya nang makita ang pagtubo ng matatalim na mga pangil nito.

Sa pagkakataong iyon ay wala nang salita ang nais lumabas sa kanyang bibig. Napako siya sa kinatatayuan. Ang lalaking minamaliit niya kanina ay mas malaki pa ngayon sa kanya. Doble ang laki nito at kasyang-kasya siya sa loob ng katawan nito.

Nabitawan niya ang hawak na kahoy sa sobrang takot. Gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan. Hindi niya kinaya iyon at bumigay ang kanyang mga binti. Napaluhod siya sa sahig habang nanginginig ang buong katawan.

Namilog ang mga mata niya habang pinagmamasdan ang taong ahas sa harapan niya. Pati mga labi niya ay nanginginig sa sobrang takot. Parang mauubusan siya ng hininga sa lakas ng kabog ng dibdib niya. Lalo na nang gumapang ang ahas palapit sa kanya.

Sa pagkakataong iyon ay pumutok na parang bula ang lahat ng tapang niya. Naghari ang takot sa buong katawan niya. Nagsimula siyang sumigaw at humingi ng saklolo.

Iyon ang eksenang nais makita ni Lucas. Hindi na muna niya inatake ang lalaki. Hinayaan lang niya itong sumigaw nang sumigaw habang nagmumukhang tanga sa kakahingi ng tulong.

To Be Continued…

(Abangan Ang Huling Dalawang Kabanata)