Chereads / TUKLAW / Chapter 17 - Chapter 16

Chapter 17 - Chapter 16

"MAAWA ka! Maawa ka sa `kin!" pakiusap ni Kamatayan na nanginginig ang tinig. Nakaluhod siya sa harap ng taong ahas na doble ang laki ng katawan sa kanya. Wala sa bokabularyo niya ang magmakaawa pero sa mga sandaling iyon ay hindi niya napigilang gawin.

Hindi nagsasalita ang taong ahas. Tila hindi ito nakakapagsalita sa ganoong anyo. Ngunit mababakas sa mga labi nito ang mapanuksong ngisi. Waring natutuwa ito sa ginagawang pagmamakaawa ni Kamatayan.

"Hindi na kita gagambalain. Pabayaan mo lang ako na makaalis na sa lugar na ito. Pakiusap! Magkaibigan tayo, 'di ba? M-magkaibigan tayo…"

Bigla siyang hinampas ng taong ahas sa mukha gamit ang matutulis nitong mga kuko. Nag-iwan iyon ng mahabang sugat sa kanyang pisngi. Napaungol siya sa sobrang sakit. Napahawak sa pisngi at bahagyang umatras palayo sa taong ahas.

Napamulagat ang dalawa niyang mata nang makita ang taong ahas na muling lumapit sa kanya. Gumapang ang mahaba at mataba nitong buntot patungo sa mga paa niya. Nagsisigaw siya sa sindak nang dahan-dahang pumalupot ang mga buntot na iyon sa kanyang paa patungo sa hita. Unti-unti siyang nililingkis ng taong ahas!

"Pakiusap, kaibigan! Maawa ka sa akin! H-hindi tayo magkalaban… N-nagbibiro lang naman ako noon, eh. Parang awa mo na… Huwaaag!"

Nahinto sa pagsasalita si Kamatayan matapos siyang lingkisin sa buong katawan. Sa pagkakataong iyon, ulo na lamang niya ang nakalitaw. Ang buong katawan niya ay pinaluluputan na ng taong ahas.

Hinawakan ng taong ahas sa buhok si Kamatayan at bahagya itong sinabunot. Lalong lumakas ang sigaw ni Kamatayan. Halos maiyak na siya sa takot. Noon lang siya nakaramdam nang ganoong takot sa buong buhay niya. Noon lang din niya naranasan ang magmakaawa sa ibang tao.

"Parang awa mo na… Huwag mo akong sasaktan, kaibigan… M-magkaibigan tayo… Magkaibigan tayoooo!"

Inilapit ng taong ahas ang kanyang mga pangil sa mukha ng lalaki. Nagkatitigan sila nang malapitan.

Ginapangan ng sampung ulit na kilabot ang buong katauhan ni Kamatayan. Halos lamunin siya ng mga titig ng taong ahas. Pakiramdam niya'y papanawan siya ng ulirat. Nagsawa na siya sa pagmamakaawa kaya puro sigaw na lang ang ginawa niya. Wala na siyang pag-asa.

Parang bata na tumangis siya matapos magpakawala ng isang madiin at matinding tuklaw ang taong ahas. Halos bumaligtad ang mga mata niya sa sakit. Ramdam agad niya sa loob ng katawan ang mabilis na pagkalat ng kamandag nito. Parang uminit ang lahat ng kanyang dugo, sa sobrang init ay nakakapaso.

Nanginig ang buong katawan niya. Nangisay siya at bumaligtad ang mga mata. Sunod-sunod ang paglabas ng suka niya hanggang sa unti-unting sumikip ang dibdib niya.

Ilang minuto pa, makikita si Kamatayan na dilat ang mga mata ngunit hindi na gumagalaw ang buong katawan. Sinubukang tusukin ng taong ahas ang kabilang mata nito gamit ang kuko sa hintuturong daliri, ngunit hindi na tumutugon ang katawan nito sa sakit. Ibig sabihin ay wala na itong buhay.

Doon sinimulang wasakin ng taong ahas ang ulo ni Kamatayan. Pagkabasag niya sa ulo ng lalaki, nahulog pa sa sahig ang sariwa nitong utak na nababalutan pa ng mamantikang dugo. Pinulot niya ang utak at sinimulang kainin.

Nang maubos niya ang sariwang utak, pinakawalan niya ang katawan ng lalaki at sinimulang wakwakin ang dibdib at tiyan. Halos maglaway siya habang bumubulwak ang sariwang dugo sa bawat parte ng katawan na kanyang pinupunit.

Sa labis na pagkahayok sa laman ay ibinabad pa niya ang buong ulo sa loob ng wakwak na katawan ni Kamatayan. Mula roon ay sinimulan niyang dilaan ang bawat lamang-loob na makapa ng kanyang dila.

Ang dating pinakamatapang at pinakakinatatakutang lider ng sindikato sa lugar ng Antonio del Pilar ay mistulang basura na lamang ngayon na nagkalat sa sahig. Durog-durog ang katawan maging ang mga buto.

Kinabukasan, natagpuan ang bangkay ni Kamatayan sa harap ng isang bodega. Parang papel na nalukot ang wasak na katawan. Halos walang natirang buto at lamang-loob sa katawan nito. Ang tanging natira dito ay ang balat nito at ang suot na damit.

Ang batang si Kyle ay nagtaka dahil paggising niya, wala ang kanyang kuya Lando sa tabi niya. Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa kanilang sasakyan. Dali-dali siyang bumaba roon at naglakad-lakad sa labas para hanapin ang kanyang kuya.

Kung saan-saan siya nakarating sa kakahanap kay Kamatayan, hanggang sa umagaw sa atensiyon niya ang isang kaguluhan sa bandang harap ng isang bodega.

Sa kuryosidad ay napilitan siyang makisingit sa mga tao. Ganoon na lamang ang pagkagimbal niya nang makita kung sino ang pinagkakaguluhan ng mga ito.

"K-Kuya Lando?" mangiyak-ngiyak niyang sambit. Ngunit halos hindi na tao ang nasa harap niya. Isa na itong bangkay na wasak-wasak ang katawan. Parang lobo na matapos mawalan ng hangin sa loob ay pinunit-punit ang buong katawan.

Kaya lang niya nakilala na si Kamatayan iyon ay dahil sa ulo nitong butas ang itaas na bahagi at walang utak.

Hindi kinaya ng bata ang labis na sindak. Nagdilim ang paningin niya at bumagsak sa sahig. Higit pang nagkagulo ang mga tao matapos siyang mawalan ng malay. May ibang lumapit sa kanya para buhatin at ilayo sa bangkay.

Napag-alaman ng awtoridad na bunsong kapatid pala ni Kamatayan ang batang si Kyle. Nang magkamalay ito ay naisipan nilang dalhin na lamang ito sa DSWD.

NANG gabing iyon, nagpunta si Lucas sa kuweba kung saan nakatira ang pinunong halimaw. Kasama niya ang berdeng ahas at tinawag sa tubig ang nagtatagong nilalang.

Hindi nagtagal at umahon din ito sa tubig. Umakyat ito sa lupa at humarap kay Lucas.

"Ikinagagalak kong makita kang muli."

"May gusto akong sabihin sa `yo na importante. Sana pakinggan mo ako at matulungan," diretsahang sabi ni Lucas.

"Ano ang maitutulong ko sa iyo?"

"Makinig kang mabuti, pinuno. Sa tingin ko'y wala nang dahilan para maging halimaw pa ako. Napatay ko na ang grupo nina Kamatayan. Napatay ko na ang lahat ng mga kaaway ko, ang mga kriminal at salot sa lugar namin. Kaya sa tingin ko, hindi ko na kaya maging halimaw pa. Wala nang dahilan para ako'y pumatay pa. Mapagbibigyan n'yo po ba ako sa nais ko na maging ganap na tao na lamang?"

Umiling ang halimaw. "Hindi maaari ang sinasabi mo. Isang dugong halimaw ang dumadaloy sa katawan mo. Ikaw ay nagmula sa ating angkan. Pareho lang ang dugo at laman na ating pinagmulan. Hinding-hindi mo puwedeng talikuran ang iyong tunay na pagkatao."

"Pero wala na pong dahilan para ipagpatuloy ko pa ito! Gabi-gabi, sa tuwing magpapalit ako ng anyo ay nakakaramdam ako ng sobrang gutom na pumipilit sa `kin para pumatay. Ngayong wala na 'yong mga tao na gusto kong patayin, hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin ko kapag nagpalit ako muli ng anyo ngayong gabi. Ayaw ko namang pumatay ng inosente dahil hindi iyon kakayanin ng kunsensiya ko!"

"Ngunit hindi mo maaaring baguhin ang iyong kapalaran. Isa kang halimaw kaya likas na sa iyo ang pumatay at kumain ng tao. Kailangan mo iyon upang ika'y manatiling malakas at mabuhay nang matagal. Kapag hindi ka kumain ng tao, unti-unti kang manghihina at mamamatay!"

"Hindi puwede 'yan, pinuno! Sa mundo ng mga tao ako lumaki. Hindi na ito ang mundo ko. Sana maintindihan mo ako. Ayaw ko na ng ganitong buhay. Gusto ko na mabuhay nang normal kagaya ng mga tao. Sana mapagbigyan mo 'ko. Hindi ko na gusto ito!"

"Mukhang nalason na ang iyong isip dahil sa pananatili mo sa mundo ng mga tao. Kailangan mong malaman na hindi ka isang tunay na tao. Ikaw ay isang halimaw tulad ko! At ang mga halimaw na katulad natin ay hindi nababagay sa mundo ng mga tao. Mas makabubuti siguro kung hindi na kita hahayaang makalabas sa kuwebang ito. Dapat kang maliwanagan sa lahat. Kailangan mong tanggapin ang katotohanan na iyong pinagmulan. Ito ang mundo natin, ang yungib na ito."

Lumuhod si Lucas sa harap ng halimaw. "Nakikiusap po ako ng buong puso sa inyo. Sana'y maunawan n'yo po ako. Dahil nasa tamang edad na rin naman ako, sa tingin ko'y may karapatan na akong magdesisyon para sa sarili ko. At ang desisyon ko ay mabuhay kasama ang mga tao… Sana'y maintindihan n'yo ito…"

"Dapat mo ring maintindihan na isang mabigat na paglabag sa batas ng ating angkan ang nais mong mangyari! Isang matinding parusa ang kahaharapin mo kapag hindi ka sumunod!"

Nagulat si Lucas nang ilabas ng halimaw ang dila nito na may sariling buhay, gumagalaw na parang ahas at may mga pangil pa.

"Bakit? Ano ang gagawin mo? Papatayin mo ako?"

"Hindi kita papatayin. Babaguhin ko lang ang isip mo sa pamamagitan ng aking kamandag. Buburahin ko ang lahat ng alaala mo sa mundo ng mga tao. Dahil mula ngayon dito ka na titira sa tunay mong mundo!"

"Kung ganyan lang din naman, hindi ako papayag!" Uminit ang buong katauhan ni Lucas. Tuluyan siyang nilamon ng galit. Isang matinding galit na nagtulak sa kanya para ilabas ang tunay na pagkatao.

Nagbalik si Lucas sa anyo bilang taong ahas. Nagpakawala siya ng mainit na titig sa sariling pinuno. Hindi naman nagpadaig ang pinunong halimaw. Pinakita nito sa mga mata na ito ang pinakanakakataas sa kanilang angkan.

"Lahat ng lumabag sa batas ng ating lahi ay matatanggalan ng alaala bilang parusa. Ngunit ang sinumang kumalaban sa akin ay makakatanggap ng parusang kamatayan!" madiin nitong parinig kay Lucas.

Gumapang naman ang berdeng ahas palapit sa pinunong halimaw. Sa pagkakataong iyon ay kalaban na rin ang turin nito kay Lucas.

"Para sa iyong kaalaman, kahit tumira ka pa sa mundo ng mga tao, hinding-hindi mo matatakasan ang lahi na iyong pinanggalingan. Sa oras na pumanaw ka, muli kang isisilang ng iyong sarili. Muling mabubuo ang katawan mo sa iyong ulo. Sa oras na mawalan ng buhay ang iyong katawan, muli kang mabubuo sa sarili mong ulo at doon ka isisilang. At sa iyong pagsilang ay isa ka muling halimaw! Ito ang isang bagay na dapat mong malaman sa ating angkan. Wala tayong kamatayan dahil may kakayahan tayong isilang muli ang ating sarili gamit ang ating katawan! Paulit-ulit lang na mangyayari iyan kaya wala kang magagawa!"

Nasindak si Lucas sa kanyang natuklasan. Napalingon naman siya nang magsalita sa kanyang isip ang berdeng ahas na katabi ng pinunong halimaw. At ayon sa ahas na ito, may isang tao raw ang nakatagpo sa kanyang bangkay noon at dinala siya sa ospital. At sa ospital na iyon, doon niya naisilang muli ang kanyang sarili.

Sanggol pa lamang daw siya noon at wala pang kamalay-malay sa mundo kaya hindi raw niya namalayan ang ginawa niyang pagpaslang noon sa duktor na sumuri sa kanyang bangkay. Pagkatapos daw niyang tumakas sa ospital ay napadpad siya sa isang basurahan kung saan siya natagpuan ng ama-amahan niyang si Nestor.

Umiling-iling ang ulo ni Lucas. Hindi niya tanggap ang lahat ng mga nalaman. Hinding-hindi niya matanggap ang katotohanan na muli siyang isisilang bilang halimaw sa oras na siya'y pumanaw. Ang kanyang dugo bilang taong ahas ay habang buhay na dumadaloy sa kanya. Panandalian lamang ang kanilang kamatayan dahil darating ang araw na muli silang isisilang.

Ang katotohanang iyon ay naghatid ng labis na galit at poot sa kanya. At ang galit na iyon ang nagtulak para kalabanin ang sariling pinuno. Sinubukan niya itong sakalin ngunit napigilan siya nito gamit ang mala-ahas na dila nito. Pumalupot iyon sa kanyang kamay at itinaboy ito palayo.

Ang pinunong halimaw naman ang umatake sa kanya. Nagbuga ito ng itim na likidong nagdulot ng labis na pagkapaso. Para siyang binuhusan ng asido sa sobrang init. Halos malapnos ang bawat parte ng katawan niya na tinamaan ng likido.

Hindi siya nagpadaig. Nilingkis niya ang pinunong halimaw gamit ang kanyang buntot. Hinigpitan niya ang pagkakalingkis dito hanggang sa mapansin niyang nahirapan itong huminga.

Iyon ang pagkakataong hinintay niya. Lumapit siya sa pinunong halimaw at tinuklaw ito sa iba't ibang parte ng katawan. Pagkatapos ay ibinaon pa niya ang mga kuko sa dibdib nito. Winakwak niya ang dibdib ng halimaw at dinukot ang lahat ng lamang-loob na mahawakan niya roon.

Nagsisigaw ang pinunong halimaw. Puno ng galit at pagkasindak ang mga sigaw nito. Sa huling pagkakataon ay muli itong nagsalita.

"Sinisigurado kong hindi ka mabubuhay nang maligaya sa mundo ng mga tao!" Biglang humaba ang leeg ng pinuno at tumapat sa mukha niya. Ibinuka nito ang bibig at lumabas mula roon ang isang berdeng usok na kusang lumipad at pumasok sa bibig ni Lucas.

Biglang sumikip ang leeg ni Lucas at halos hindi siya makahinga. Dahil doon, napilitan siyang pakawalan ang pinunong halimaw at natumba siya sa lupa habang hawak ang kanyang leeg.

Dahil sa dami ng dugo at lamang-loob na nawala sa pinunong halimaw ay binaiwan ito ng buhay.

Si Lucas ay nawalan ng malay dahil sa makapangyarihang usok na ipinasok ng pinuno sa loob ng kanyang katawan.

Ang berdeng ahas naman ay gumapang palabas ng kuweba. Wala nang nakakaalam kung saan ito nagpunta.

To Be Continued…

(Abangan Ang Huling Kabanata)