Kinabukasan sa bahay na lang muna piniling magtrabaho ni Joaquin.
Kaya naman tinawagan na lang niya si Russell na hindi siya makakapasok ngayong araw.
Ah' sigurado siyang magiging palaisipan na naman siya sa mata ng mga staff niya.
Hindi man niya naririnig na nag-uusap ang mga ito sa harap niya. Alam niya na nag-iisip rin ang mga ito sa mga nangyayari sa kanya lately.
Noong isang araw nagwala siya sa opisina at ng mga sumunod na araw naging moody siya at ngayon naman papasok ba siya ng puro pasa.
Kaya ano na lang ang iisipin ng mga ito sa kanya? Isa pa alam din ng mga ito na sa kasalan siya nagpunta kahapon.
Kaya pinili na lang muna niyang bumawi ng lakas kaysa pumasok siya ng masakit ang katawan.
Baka lalo lang siyang maging katawa-tawa.
Dahil nasa bahay lang siya ng araw na iyon. Kaya naman natiyempuhan niya ang pagtawag ni Joseph upang kumustahin silang mag-ama.
Kaya nagkaroon din siya ng pagkakataon na makausap si Amara. Sinabi rin niya kay Amara na nagkita na sila ni Angela.
Gusto man sana nitong umuwi subalit hindi pa ito posible. Dahil na rin sa kalagayan nito ngayon.
Naiintindihan naman niya ito, kahit naman siya hindi niya ito papayagang bumiyahe. Lalo na kung ikapapahamak nito.
Kaya naman nagkasya na lang siya sa pakikipag-uusap dito sa video call at chat.
Halos isang oras rin naman silang nakapag-usap nito.
Marami rin silang napag-usapan lalo na ang tungkol kay Angela at Dustin.
Dahil sa mga sinabi ni Amara mas nakilala niya si Dustin at kung gaano kalalim ang pagkakilanlan ng mga ito.
Ngunit ang lahat ng nalaman niya ay hindi magiging dahilan ng kanyang pagsuko.
Eh' ano naman sa'kin kung magkababata sila at matagal ng magkakilala?
Ngayon pa ba ako susuko, ngayong alam ko at sigurado ako na may nararamdaman pa rin siya sa'kin?
Ramdam ko sa kanyang mga halik na hindi pa rin niya ako nalilimutan.
Doon ako magsisimula iyon ang panghahawakan ko para mabawi ko siya sa lalaking iyon.
Hindi siya magiging masaya sa lalaking hindi naman niya mahal at niloloko pa siya. Kahit pa nga may Anak na sila nito.
Handa naman siyang akuin ang responsibilidad kung papayag lang ito na hiwalayan ang lalaking iyon.
Alam niyang mali na mang-agaw ng asawa. Pero dapat ba na pabayaan na lang niya si Angela?
Kung sana masisiguro niya na masaya si Angela sa Alikabok na iyon. Siya na ang magpapaubaya, pero hindi! Lalo na at alam niya na may ibang babae ang hayup na iyon.
Kukunin pa rin niya si Angela kay Dust kahit ito pa ang gusto ni Tito Darius para sa Anak nito.
Hanggang sa muli niyang naisip ang ikinuwento ni Amara kanina lang na sadyang pinakinggan lang niya.....
FLASHBACK!
"Ang pagkakaalam ko gustong gusto ng Papang si Kuya Dust para kay Ate Amanda.
'Palagi niya kasi kaming ibinibilin kay Kuya Dust noon. Lalo na si Ate na para bang noong panahong iyon parang alam na nang Papang na iiwan rin niya kami. Hindi lang namin naiintindihan noon.
'Kaya sa tuwing papasok kami sa eskwela lagi 'yung nakabuntot sa amin.
'Mabait naman si Kuya Dustin kaya lang ewan ko ba, kung bakit palagi siyang napapa-trouble? Si Ate Amanda lang at ang Papang ang nakakaawat sa kanya.
'Palibhasa si Ate at ang Papang lang ang palaging sinusunod niya. Ganu'n sila ka-close sa isa't-isa.
'Ang akala nga namin Anak siya ng Papang sa ibang babae. Dahil parang Anak ang turing sa kanya ng Papang.
'Pero hindi naman galit sa kanya ang Mamang kahit pa hindi sila malapit sa isa't-isa.
'Pero naisip ko noong wala na ang Papang pero nariyan pa rin si Kuya Dustin.
'Marahil ginagawa niya ang lahat ng iyon. Dahil tumatanaw siya ng utang na loob sa Papang. Kaya hindi pa rin niya kami iniiwan kahit wala na ang Papang.
'Kahit na noong nasa Cebu na kami patuloy pa rin niya kaming binabantayan. Kahit hindi siya sa bahay namin nakatira palagi siyang nakakagawa ng paraan kung paano kami matutunton at matutulungan.
'Hanga din naman ako du'n kasi matalino rin siya at madiskarte sa buhay.
'Kapag nga may project kami sa school siya ang gumagawa ng paraan kung paano kami makakagawa ng project.
'Hindi lang siya naging Kuya sa buhay namin ni Ate, siya rin ang pumalit sa Papang.
'Pero bigla na lang siyang nawala at hindi na rin nagpakita.
'Kahit na noong umalis si Ate papuntang Thailand para sa swimming compitition hindi rin siya nagpakita.
'Samantalang sa pagkakaalam ko super excited 'yun sa paghahatid kay Ate. Dahil kung mayroong number 1 fan si Ate si Kuya Dust 'yun siya ang pumalit sa Papang sa pagspoiled kay Ate.
'Alam din ni kuya Dustin na maiiwan si Ate Amanda sa Maynila. Kaya nga lingid kay Ate ibinigay pa nito kay Mamang ang naipon nitong pera na dapat ay gagamitin nito sa pag-aaral ng kolehiyo.
'Saka ang gusto ng Mamang si Kuya Dustin ang maghatid kay Ate hanggang sa Airport. Pero hindi siya dumating...
'Bigla na lang siyang nawala at hindi na nagpakita.
'Halos pareho lang sila ni Ate na bigla na lang nawala. Nauna lang si Kuya Dustin.
'Tapos sumunod na si Ate Amanda, magmula ng bumiyahe siya papuntang Thailand. Hindi na rin siya nakabalik at hindi na rin kami nagkita pa mula noon.
'Muli ko lang siyang nakita sa picture sa cellphone na kasama niya si Joseph. And the rest nangyari na ang lahat.
'Pagkatapos ng lahat ng nangyari noon inisip ko rin na baka magkasama na nga sila ni Kuya Dustin. Pero ng malaman ko na nagkaroon siya ng Amnesia.
'Sigurado ako isa rin si Dustin sa mga nalimutan niya noon.
'Subalit marahil katulad pa rin ng dati maaaring muling nakagawa ng paraan si Kuya Dustin para hanapin si Ate.
'Kaya nagawa pa rin nitong patuloy na sundan si Ate kahit pa hindi na siya nito naaalala."
___
Kung ganu'n pala siya kahalaga sa lalaking iyon. Bakit nagagawa pa nitong makisama sa ibang babae?
Kung talagang mahal niya si Angela bakit kailangan niyang patulan ang kanyang sekretarya?
Kitang kita niya rin kung paano nito pakitunguan ang babaing iyon.
Habang wala dito sa bansa si Angela, ibang babae naman ang kinakalantare nito.
Napaka walanghiya nito kung tutuusin, paano nito iyon nagagawa. Walang kamalay malay si Angela sa ginagawa nito.
Kung p'wede niya lang sanang sabihin ang bagay na iyon kay Angela. Pero paano naman siya nito paniniwalaan na hindi nito iisipin na sinisiraan lang niya ang Alikabok na iyon.
Ah' bahala na, basta hindi niya hahayaan na patuloy nitong lokohin si Angela.
Malayo na ang nararating ng kanyang isip ng lumapit sa kanya ang isa sa guard.
Upang ipagbigay alam na may dumating siyang b'wisita este bisita.
"Excuse me po Sir, dumating po si Ma'am Chloe papasukin ko po ba?"
"Bakit narito na naman ang babaing 'yan, ano daw ang kailangan niya?"
"Galing na daw po siya sa opisina n'yo Sir. Pero sabi daw po doon hindi kayo pumasok.
May papipirmahan daw po yatang importante. Kaya dito na siya nagpunta sa bahay."
"Sinabi mo bang narito ako?"
"Eh' Sir nakita na po niya kayo dito eh'." Dahil matatanaw nga siya nito sa Veranda pagpasok mula sa gate.
"Ah' shit!" Bakit ba hindi niya naisip nasa veranda nga pala siya ng mga oras na iyon.
"Sorry ho Sir!"
"It's not your fault! Sige na papasukin n'yo na siya."
Naisip rin niya baka sakaling pakinabangan niya ito sa mga bagay na may kinalalaman kay Torres.
"Okay po Sir." Tumalikod na nga ito at bumalik na ulit sa p'westo nito.
"Pumasok na daw po kayo Ma'am bababa na daw po si Sir Joaquin."
"Sige sinabi ko naman sa'yo eh' papasukin din niya ako."
"Dito po tayo Ma'am." Iginiya ito ng guard papuntang waiting shed.
"Maupo po muna kayo Ma'am dito n'yo na lang po hintayin si Sir."
"Oo sige na, para namang ngayon lang ako napunta dito. Ano bang malay mo baka bukas, makalawa dito na rin ako nakatira.
'Kapag nangyari 'yun ikaw ang unang tatanggalin ko!"
"Pasensya na Ma'am sumusunod lang po ako sa utos."
"Magiging Amo mo rin ako kaya dapat ngayon pa lang sumunod ka na rin sa'kin."
"May problema ba, bakit narito ka?"
"Joaquin!" Agad pa itong lumapit sa tabi niya. "May, may gusto lang sana akong papirmahan sa'yo. Hindi ka naman galit sa akin, hindi ba?" Saad nito sa pinaka malambing na tinig.
"Pasensya na, medyo uminit lang ang ulo ko last time. Alam kong wala ka namang kasalanan doon.
'Nabigla lang siguro ako kaya naman nasigawan kita. Okay na iyon kalimutan na lang natin ang nangyari.
'Halika tuloy ka maupo na tayo doon!" Niyaya niya itong maupo sa waiting shed sa garden.
"Okay!" Nakangiting tugon nito na tila ba nanalo sa isang laban.
"Ano ba 'yang papipirmahan mo, bakit hindi mo na lang ako hinintay sa office?"
"Kailangan na kasi ito, huh' teka sandali. Ano bang nangyari sa'yo bakit gan'yan ang mukha mo?"
Lumapit ito sa kanya at tinangka pang hawakan ang kanyang mukha. Ngunit mabilis naman siyang umiwas dito.
"Wala ito h'wag mo na lang itong pansinin."
"Wala! Kaya ba hindi ka pumasok dahil d'yan?
May nakaaway ka ba sa kasalan kahapon hindi ba doon kayo pumunta?" Mapag-usisang tanong pa nito.
"Hindi, hindi ito sa kasalan nangyari. May nakaaway ako pauwi kagabi, pagkagaling ko ng venue.
'May isang gagong rider kasi na nag-cut sa'kin sa daan. Ang yabang kasi kaya ayun, medyo napatrouble lang ng konti."
"Hindi naman ikaw ang tipo ng tao na mainitin ang ulo sa mga gan'yang bagay. Kaya bakit ka naman napaaway?" Tila ba hindi ito naniniwala sa ginawa niyang alibi.
"Chloe, hindi ko obligasyon na magpaliwanag pa sa'yo. Kaya hindi mo na dapat pang inuusisa ang mga bagay na nangyayari sa buhay ko.
'Kaya naman hindi mo na dapat pang malaman ang tungkol du'n, naiintindihan mo ba? At saka sa lahat ng ayaw ko 'yung mga babaing maraming tanong!"
"Okay, I'm sorry concerned lang naman ako sa'yo. Dahil alam kong hindi ka naman talaga palaaway.
'Baka kung si Dustin pa siguro ang kaharap ko?" Pabulong pa na saad nito, ngunit alam niyang sadya talaga nitong ipinarinig sa kanya.
Tila ba may ibig itong ipahiwatig sa pagbanggit nito kay Dustin.
Hindi na napigilan pa ni Joaquin ang mainis dahil sa sinabi nitong iyon. Tila ba nais na naman yata nito na siya ay simulan.
Relax Joaquin kumalma ka, kailangang sakyan mo lang ang babaing 'yan! Inis na bulong niya sa sarili.
"Ano naman ang pakialam ko sa isang 'yun?"
"Hindi ba kayo nagkita kagabi? Kasi alam ko a-attend din siya ng kasal ng Anak ni Mr. Cariño eh'."
"So, anong problema du'n?"
"Nabanggit ko kasi, baka nagkita kayong dalawa?"
"Hindi, bakit?! At kung sakali mang nagkita kami wala naman sigurong problema du'n hindi ba?" Pagsisinungaling niya, ano ba ang gusto nitong malaman?
"Sigurado ka bang hindi kayo nagkita ni Dust?"
"Ano bang gusto mong malaman, iniisip mo bang si Dustin ang nakaaway ko?" Prangka niyang tanong.
Ang totoo gusto rin niyang malaman kung may alam ba ito tungkol kay Angela?
"Naku hindi, naiisip ko lang kasi nasa iisang lugar lang naman kayo kagabi. Kaya maaaring magkita kayo du'n."
"Ano naman ang problema kung magkita man kami o hindi? Hindi ba natural lang 'yun, kung nagkataon na pareho naming kilala si Mr. Cariño.
'Kaya hindi naman talaga imposible na magkita kami du'n. Pero maaga kasi akong umuwi, sumaglit lang naman ako. Hindi rin ako nagtagal, gusto ko lang mapagbigyan talaga si Mr. Cariño."
"Kung ganu'n hindi talaga kayo nagkita?" Pangungulit pa ring tanong nito.
"Sigurado ka ba talagang magpapapirma ka lang...
'Bakit parang may iba ka pa yatang sadya?" Tugon niya imbes na sagutin ang tanong nito.
Hindi pa rin kaya sila nagkikita? Tanong na naglalaro sa isip ni Chloe ng mga sandaling iyon. Kung nagkita na sila ibig sabihin nagsisinungaling siya sa'kin?
"Nasaan na ba ang papipirmahan mo o ano ba talaga ang sadya mo dito?" Siya naman ang nag-usisa.
"Ha' ah', ito pasensya na..."
Iniabot nito sa kanya ang isang envelope na naglalaman ng mga papeles na kailangan nga niyang pirmahan.
Ang kumpanya kung saan ito nagtatrabaho ay ang company rin na pinamamahalaan ni Dust.
Dahil isa sa stockholder ang Ama nito sa naturang kumpanya. Kaya naman kahit alam niyang wala itong alam sa trabaho nito.
Alam rin niya na hindi ito basta basta mapapaalis ni Torres. Dahil na rin sa koneksyon ng Ama nito.
Hindi nito trabaho ang ginagawa nito ngayon. Pero inaako nito ang bagay na iyon para may dahilan itong pumunta sa opisina nila at makita siya.
Kung alam lang ni Torres kung paano nito ibenta ang kumpanya. Sigurado siyang magagawa nitong sakalin ang babaing ito.
At sa puntong iyon, sapat na sa kanyang masiguro na sakit ito ng ulo ni Torres. Para ikasiya niya ang presensya ng babaing ito.
Sila rin ang may hawak ng financial status ng kumpanyang pag-aari ni Dustin.
Ang gumagawa ng ITR at nagpapasa ng resibo. Konektado rin sila sa kabuuang account ng kumpanya.
Kaya kung masamang tao lang siya matagal na sana siyang nakagawa ng paraan kung paano ito mapapabagsak.
Pero dahil hindi naman siya maruming lumaban.
Saka alam rin naman niyang pinangangalagaan nito si Angela. Kaya kung babagsak ito sigurado maaapektuhan din si Angela.
Kaya naman mas gusto niyang labanan ito ng patas. Mababawi rin niya dito si Angela sa patas na paraan at iyon ang sinisiguro niya.
"Oh' heto tapos na..."
Nagawa na niya itong pasadahan ng basa kahit paano. Habang isa-isa niya itong pinipirmahan.
"Okay salamat!"
"So okay na, wala ka na bang ibang sasabihin?"
"Ha' ah' w-wala na."
"Sigurado ka?" Siya naman ang nangulit dito. Alam niyang alam nito na, narito na sa Pilipinas si Angela.
Ngunit tila wala itong balak na sabihin man lang sa kanya.
Ah' bakit pa nga ba siya umaasa na sasabihin nito ang tungkol sa bagay na iyon. S'yempre tiyak na hindi nito sasabihin.
"Ah' wala na talaga."
"Okay care for a drink? Hindi pa nga pala kita naalok ng maiinom, samantalang kanina pa tayo nag-uusap."
"Okay lang, alam mo naman ang makita ka ay sapat na para sa'kin at ang malamang hindi ka na galit sa'kin masaya na ako du'n."
"Mabuti naman kung ganu'n!"
Ngumiti ito sa kanya na tila ba masayang masaya.
Nginitian rin niya ito at tinitigan na akala mo walang namagitang sigalot sa pagitan nilang dalawa nitong huli, sabay bulong sa kanyang isip...
'Sige lang magsaya ka, dahil kailangang pakinabangan kita sa mga susunod na araw.'
____
Mula ng bumalik sila sa bahay hindi pa rin sila nakakapag-usap ni Dustin.
Hindi kasi ito umuwi ng gabing bumalik sila at nang sumunod na araw. Nalaman niyang ngayon lang ito umuwi at dere-deretso pa ito sa kwarto.
Matapos lang na kamustahin at halikan nito ang kambal niya na kasama ni Yaya Liway sa Sala.
Habang nasa kusina naman siya at nagluluto. Nang maramdaman niya ang pagdating nito na sadya rin talagang hinihintay niya.
Ngunit bahagya na lang niya itong inabutan sa may puno ng hagdanan at paliko na sa pasilyo sa itaas.
Gusto man niya itong habulin pero minabuti na lang niyang pigilan na lamang ang sarili.
Ngayong umuwi na ito mas may pagkakataon naman na siyang kausapin ito. Baka gusto lang muna nitong magpahinga.
Humingi na rin siya ng dispensa kay Gellie ng dahil sa nagyari.
Naunawaan naman siya nito sa bagay na iyon. Alam rin niya na pinasundo ito ni Dustin ng gabi ring iyon.
Kaya batid niya na iniiwasan talaga siya nitong makausap.
Pero binilinan rin nito si Gavin na huwag aalis ng bahay. Kaya naman ito ang nagsilbing bantay nila bukod pa kay Lester at Anton.
Kasama na rin nila si Lyn, okay sana dahil habang busy siya sa ginagawa at abala sa kusina.
Ang mga ito ang tumitingin at nag-aalaga sa kambal niya.
Kahit pa naririnig niya na puro kalokohan ang itinuturo ng mga ito sa magdadalawang taong gulang na niyang mga Anak.
Palagay niya pinagkakatuwaan ng mga ito ang kambal. Ngunit naririnig rin niya na panay ang hagikgik ng dalawa niyang Anak kaya hinayaan na lang niya.
Besides, pabor din naman ito sa kanya. Kaya naman lumipas ang maghapon, magdamag hanggang kinabukasan.
Hindi niya naisip ang naging problema nila ni Dustin. Ngayon lang nang bumalik na ito.
Hahayaan na lang muna niya itong makapagpahinga at siguro mamaya na niya ito kakausapin.
Kapag okay na ito, once and for all kailangan nilang mag-usap at magkalinawan. Alam rin naman niyang nasaktan ito kagaya ni Joaquin. Kaya nga hindi na niya gustong maulit pa ang nangyari.
____
Kanina pa siya pabalik-balik at nag-iisip ng sasabihin kay Dust.
Hindi rin kasi ito sumabay sa kanila na kumain ng hapunan kanina. Talaga yatang iniiwasan siyang makausap nito.
Dapat yata siya na gumawa ng first move. Tutal siya rin naman talaga ang may kasalanan at dapat lang na unang himingi ng dispensa at magpakumbaba.
Ahh' bahala na, kailangang hindi matapos ang araw na ito hangga't hindi sila nagkakaayos.
Dahil ayaw rin naman niya ng ganito na hindi sila nagkikibuan.
Ngayon pa ba sila magkakaganito kung kailan itinuturing na rin niya itong pamilya niya at parang tunay na rin niya itong kapatid.
Kung mahalaga si Joaquin sa kanya ganu'n din ito sa kanya.
Simula pa ng mga bata sila nararamdaman niyang malapit ito sa puso niya. Kaya nga hindi niya ito magawang itaboy sa buhay niya kahit na noon pa man.
Dahil sa isang pakiramdam na hindi niya maintindihan.
Bukod pa sa pakiramdam na parang nasa tabi pa rin niya ang kanyang Papang kapag nasa tabi niya ito.
Kaya dapat na siyang kumilos at makipag-ayos kay Dust.
Hindi siya papayag na masira ang pinagsamahan nila ng dahil lang sa nangyari. Hindi p'wedeng mawalan siya ng Kuya at uncle ang mga Anak niya...
Hindi!
Agad na siyang nagpasyang lumabas upang puntahan si Dust.
Alam niyang gising pa ito dahil narito pa si Gavin. Si Anton lang ang nakita niyang nagpaalam na kanina.
Matapos niyang ibilin muna ang kambal sa Yaya ng mga ito. Saka siya bumaba at dumeretso sa kusina at nagkunwari siyang magtitimpla ng gatas.
Pero ang totoo gusto lang niyang magtanong sa mga kasambahay.
Dahil alam niyang alam ng mga ito ang nangyayari sa paligid ng bahay.
"Nanay Charo nakauwi na po ba si Gavin?" Kunwaring walang anuman niyang tanong.
"Naku, hindi pa ineng gabi na nga ang batang iyon. Baka bukas na rin iyon umuwi."
"Ganu'n po ba eh' nasaan po si Gavin ngayon? Hindi ko po kasi siya nakita sa itaas."
"Magkausap sila ngayon ni Dust at nasa Library. Palagay ko nga may pinag-uusapan silang importante. Kaya hintayin mo na lang sa itaas Anak at maya maya papanhik na rin iyon."
"Ganu'n po ba? Eh' sige papanhik na rin po ako."
"Oh' s'ya, sasabihin ko na lang na hinahanap mo siya kapag tapos na silang mag-usap ni Dust."
"Naku hindi na po, hindi naman po importante ang sadya ko. May itatanong lang po sana ako pero okay lang naman, hindi naman po ganu'n ka-importante. Hindi lang po kasi ako makatulog kaya nagtimpla na rin ako ng gatas pampaantok."
"Bakit kasi hindi mo na lang iniutos kay Liway 'yan para hindi ka na bumaba?"
"Okay lang naman po! Sige po nay panhik na po ako."
Tinanguan naman siya nito at tuloy tuloy na siyang lumabas ng kusina. Sadyang binagalan niya ang paglalakad upang saglit na makiramdam.
Nang masiguro niya na walang isa man sa mga ito ang lalabas ng kusina. Imbes na dumeretso siya ng panhik sa hagdan.
Lumigid siya at nilagpasan ito, luminga-linga muna siya upang makasiguro na wala sa kanyang nakapansin.
Bago niya tinalunton ang daan na patungo ng Library. Hindi naman talaga niya ugali ang makialam sa pag-uusap ng iba.
Ngunit hindi niya maintindihan sa sarili kung bakit bigla na lang siyang nakaramdam ng curiosity.
Hindi rin niya ugaling mag-ears dropping.
Ngunit hindi niya nagawang pigilan ang mga paa na tuntunin na ang daan papuntang Library.
Kusang huminto ang kanyang mga paa nang nasa tapat na siya ng pintuan nito.
Nais ba talaga niyang alamin kung ano ba ang posibleng pinag-uusapan ng mga ito ng mga oras na iyon?
Nais sana niyang kumatok pero ano ba ang sasabihin niya kung sakaling magtanong ang mga ito.
Kung bakit siya naroon?
Ah' bahala na, sinubukan niyang pihitin ang door knob...
Umikot ang seradura nito katunayan na hindi ito nakalock. Kaya tuluyan na niya itong pinihit at dahan-dahan rin siyang pumasok sa loob.
Pagpasok niya sa loob nakita niya na parang walang tao? Isa lang ang pumasok sa isip niya...
__
Dere-deretso siya sa loob at tuloy tuloy sa opisina nito sa mismong loob ng Library.
Awtomatikong napatigil siya sa tapat ng pinto ng marinig na may nag-uusap sa loob.
Kumpirmado narito nga ang dalawang lalaki.
_
"Bakit ba hindi mo na lang sabihin sa kanya ang totoo Dust?" Si Gavin ang narinig niyang nagsalita.
Medyo nakaawang ang pinto ng opisina kaya dinig na dinig niya ang pag-uusap ng mga na nasa loob.
"Sasabihin ko rin naman sa kanya pero hindi muna ngayon. Humahanap lang naman ako ng magandang pagkakataon at saka gusto ko ring masiguro na hindi siya gaanong masasaktan.
'Gusto ko ring malaman niya na kakampi niya ako sa lahat ng oras at pagkakataon."
"Hanggang kailan mo naman hihintayin ang pagkakataon na iyan?!" Muling tanong ni Gavin kay Dust.
"Gusto ko munang makausap si Amara at sabay naming sasabihin sa kanya ang totoo."
Sa oras na iyon nakumpirma niya na siya nga ang tinutukoy ng mga ito.
"Si Amara sa pagkakaalam ko kasama siya ngayon ni Joseph at mukhang wala pa silang balak umuwi."
'Bakit hindi ka na lang kaya makipagkasundo kay Joaquin. Para naman magkaroon ka ng koneksyon kay Amara?"
"Alam mo namang hindi ko makakasundo ang gagong iyon lalo na ngayon. Hindi ko alam kung bakit asar kami sa isa't-isa."
"Pinapatulan mo kasi, saka alam mo naman kung bakit 'yun galit sa'yo? Sabihin mo na lang din kasi ang totoo para matapos na."
"Ano siya sinusuwerte? Pagkatapos ng lahat ng nangyari ganu'n lang ba 'yun. Saka hindi ko alam kung tanga siya o baka nagtatanga tangahan lang...
'Paano niya naisip na si Amanda ang asawa ko. Oo nga at lihim ang pagpapakasal namin noon ni Gellie at marami pa ang hindi nakakaalam na mag-asawa kami.
'Pero bakit niya naisip na kami ni Amanda, maliban na lang siguro kung may nagsabi nu'n sa kanya?
'Hindi kaya..." Saglit itong huminto at napaisip.
"Si Chloe? Balitang malapit sa kanya ang walanghiyang babaing iyon.
'Ang sabi pa ni Gellie gustong gusto ito ni Chloe kaya hindi imposible na gawin nga niya ang mga bagay na iyon."
'Ang walanghiyang Chloe na iyon kaya naman pala iniisip ni Joaquin na masamang babae siya. Humanda siya sa'kin!'
Bulong ni Amanda sa sarili ng marinig ang sinabing iyon ni Dust.
"Bakit kasi hindi mo na lang sabihin sa kanila ang totoo at huwag mo na silang pahirapan.
'Anong malay mo baka sakaling makatulong pa si Joaquin sa'yo? Para madali mong maka-usap si Amara. Alalahanin mo siya lang ang may contact dito."
Bigla rin tuloy siyang nasabik sa isasagot ni Dust...
Ngunit nanatili lang na tikom ang bibig nito. Lalo na itong hindi nakasagot ng muling magsalita at magtanong si Gavin.
"Maiba ako alam na rin ba ni Amara kung sino ka talaga?"
"Hindi! S'yempre hindi sa tingin ko wala pa rin talaga siyang alam tungkol sa totoong pagkatao ko!"
'Huh' a-anong ibig sabihin ni Kuya Dustin sa totoong pagkatao niya?!' Tanong ng naguguluhang isip ni Amanda.
Kahit pa nangangawit na siya sa pagkakatayo sa likod ng pinto. Patuloy lang siyang nakinig sa pag-uusap ng dalawang lalaki.
Hindi na mahalaga sa kanya ngayon kahit may makakita man sa kanya na nag-eears dropping ng mga oras na iyon.
Siya lang naman ang topic ng pag-uusap ng mga ito. Kaya wala nang mahalaga sa kanya ngayon kun'di ang marinig ang susunod na sasabihin ni Dust at Gavin.
Kaya naman nagpatuloy lang siya sa pakikinig.
Hanggang sa....
"A-ang ibig mo bang sabihin hindi man lang nagkaideya si Amara sa totoong relasyon mo sa kanila at hindi rin niya alam na Anak ka ni Anselmo?!"
HUH? HINDI!
Daig pa niya ang nabingi sa narinig! Totoo ba talaga ang narinig niya si Dustin a-anak ba talaga siya ni Anselmo?
A-anak ito ng taong pumatay sa Papang at Mamang niya.
A-anong ibig sabihin nito?
Hindi, hindi p'wede!
Dahil sa narinig walang pasintabing itinulak niya pabukas ang pinto.
Lumikha ito ng ingay na ikinalingon ng dalawang nag-uusap sa loob.
Pagkabigla ang unang rumehistro sa mukha ng mga ito. Lalo na sa mukha ni Dustin ng mga sandaling iyon.
"A-Amanda?!"
Halos magkasabay pang pagtawag ng mga ito sa kanyang pangalan.
"Totoo ba ang narinig ko ha', totoo ba, talaga bang a-anak ka ni Anselmo?
'TOTOO BA?!
'SUMAGOT KAAA!"
Sunod-sunod na iling ang agad na naisagot ni Dustin...
*****
By: LadyGem25
(05-10-21)