Chereads / AFTER ALL (Tagalog Novel)(Book 1) / Chapter 48 - TO HEAL THE WOUND

Chapter 48 - TO HEAL THE WOUND

Lumipas ang mga araw na tuluyan na nga silang hindi nakapag-aral at hindi na rin nakabalik ng Manila.

Naging napaka-ilap sa kanya ng pagkakataon. Bagama't naging masaya ang kanilang pagsasama. Subalit hindi naging ganu'n kadali ang buhay para sa kanila.

Lalo na at naging maselan ang pagbubuntis ni Annabelle at bukod pa du'n nanganak rin ito ng wala sa oras. Ikawalong buwan lang ng ipanganak nito ang kanilang panganay na si Amanda.

Naisip niyang isunod ito sa pangalan ng Daddy niyang si Dr. Amadeo Ramirez. Bilang pag-alala sa kanyang ama na isa ring Doctor. Tulad rin nito ang mga Doctor ang sumagip sa kanyang mag-ina sa peligro.

Kaya kung nanaisin ng kanyang anak na maging isa ring Doctor hindi niya ito tututulan...

Aminin man niya o hindi palagi na lang niyang naiisip ang Daddy niya. Lalo na nang mga panahon na naghahanap siya ng trabaho. Ayaw niyang aminin na tama ang kanyang ama.

Hindi naging ganu'n kadali ang paghahanap niya ng trabaho kasi bukod sa under-graduated siya hindi ganu'n kadaling makuha ang tiwala ng iba.

Kahit pa sabihin na matalino siya at laging top-notcher sa school. Kailangan niyang magtiis sa maliit at mababang sweldo.

Gusto sana niyang tapusin ang pag-aaral niya kaya lang marami siyang kailangan habulin bilang transferee sa school. Bukod pa sa magiging iregular student siya? Hindi rin niya alam kung saan siya kukuha ng panggastos.

Ayaw naman niyang iasa ang lahat sa biyenan niya kahit pa nag-aalok ito ng tulong. Alam niya kasi na hindi maganda ang takbo ng Hacienda ngayon.

Bukod sa marami silang gastos, marami ring binabayarang utang ang mga biyenan niya. At saka ito na nga ang gagastos sa kasal nila, dadagdag pa ba siya?

Marami na nga itong naibentang lupa kaya lumiliit na ang sakop ng Hacienda. Marami kasing naiwang utang ang Lola Caring nila na ngayon lang nalaman ng mga biyenan niya.

Pero nalaman nila na si Anselmo rin ang may kagagawan ng lahat. Sobra kasi ang tiwalang ibinigay dito ng matanda kaya hindi nito alam na ninanakawan na pala ito ni Anselmo. 

Ayaw naman niyang lumapit sa kanyang ama at humingi ng tulong dito. Dahil bukod pa sa nahihiya siya, natatakot rin siyang hilingin nito na iwan na lang niya si Annabelle. Baka nga gumawa pa ito ng paraan para paghiwalayin sila. Lalo na kung malalaman nito ang kanilang totoong sitwasyon.

Hindi...

Hindi niya iiwan ang mag-ina niya kahit ano pa mangyari. Kaya dahil na rin sa takot niyang baka paghiwalayin lang sila ng Daddy niya. Hindi na niya tinangka pa, kahit ang bumalik sa Maynila.

Kapag nakapagtrabaho siya at nakaipon maitutuloy rin niya ang pag-aaral. May tamang panahon pa naman para dito. Iyon na lang ang palagi niyang konsolasyon sa sarili.

Tamang panahon na hindi na nangyari pa lalo na nang dumating ang pangalawa nilang anak na babae makalipas ang limang taon nilang pagsasama.

Lalo nang lumabo ang pag-asa niyang bumalik sa pag-aaral. Hindi na rin kasi siya naghanap ng trabaho simula ng ikasal sila ni Annabelle. Tinulungan na lang niya ang biyenan na pagyamanin ang Hacienda na sa kalaunan agad rin namang nakabawi.

Isang araw may taong naghahanap sa kanya, nalaman niya na pinapahanap pala siya ng kanyang kuya. Hindi na niya inalam pa kung bakit? Basta bigla kinain siya ng hiya.

Paano ba siya magpapakita pa sa pamilya kung kahit siya mismo hiyang-hiya sa sarili. Kapag may lakas na siya ng loob isang araw uuwi rin siya. Kaya naman hindi na siya nagpakita pa sa mga ito.

Nagtatago siya sa tuwing may naghahanap sa kanyang taga Maynila. Bukod doon ginagamit na rin niya ang pangalan ng kanyang kapatid at kakambal na si Darius, mula sa pangalang Darryl kinilala siyang si Darius Ramirez sa buong Barrio.

Naging masikap siya sa buhay sa kabila ng lahat. Nangako siya sa sarili na sa kabila ng kabiguan niya hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Nabigo man siya sa kanyang sarili noon, magsisikap naman siya para sa kanyang mga anak. Dahil ang mga ito ang magtutuloy ng mga pangarap nila sa buhay.

Ang magiging tagumpay ng mga anak niya ay tagumpay na rin ng pamilya niya at higit sa lahat ito rin ang tagumpay niya.

Ito ang maghihilom sa mga sugat na nilikha niya sa puso ng kanyang ama.

Kapag nangyari iyon maaari na siyang makabalik, makakauwi na rin siya makikita na niya ulit ang mga ito. Hindi na niya ikahihiya ang sarili.

Dahil may maipagmamalaki na rin siya sa kanyang ama at kuya. Kahit hindi pa siya Arkitekto o kahit hindi isang Doctor...

Patuloy siyang nagsikap para sa pamilya. Habang lumalaki ang kanyang mga anak higit siyang nakakakita ng pag-asa.

Ang kanyang panganay sobrang aktibo sa school hindi man ito ang top 1 sa klase. Lagi naman itong nasasali sa swimming competition. Magaling kasi itong lumangoy at sa kabila nito ito pa rin ang second o third honor sa klase.

Bawi naman siya sa ikalawa niyang anak dahil ito ang laging nangunguna sa klase at bata pa makikita na ang galing nito sa art at pagdodrawing. Kaya lang may pagka-barbaro parang lalaking kumilos. Parang ito yata ang nagmana sa kanya sa pagiging bratinela nito.

Ang isang magandang bagay na ibinigay sa kanya ng Diyos ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya na kasama niya ngayon.

Isang masayang pamilya na pinangarap din niya noon. Dahil maaga siyang naulila sa ina at nawalan din siya ng isang kapatid. Dalawa lang sila ng kuya Darren niya ang palagi na lang naiiwan sa bahay.

Dahil laging wala ang Daddy nila, kung hindi ito nagbababad sa ospital lagi itong out of town o di kaya ay laging nasa ibang bansa.

Ang galing kaya ng Daddy niya, isa itong magaling na Neurologist Surgeon.

Lagi nga itong naiimbitan sa mga Medical school para magbigay ng lecture sa mga Medical students at sa mga Intern sa ospital. Pero pagdating sa kanya kahit minsan hindi ito um-attend o kaya lagi na lang itong huli. Naiinggit siya sa mga kaklase niya na palaging kasama ang mga magulang sa school. Samantalang siya ang kuya niya o kaya ang Yaya niya lang ang lagi niyang kasama.

Minsan nga naiisip na niyang sugatan ang sarili, para siya naman ang gamutin ng Daddy niya kapag may sugat na siya. Naisipan nga niyang magpanggap na may sakit h'wag lang umalis ang Daddy niya. Pero dahil isang Doctor din ang kuya Darren niya kaya ito rin ang nag-asikaso sa kanya.

Sobrang sama ng loob niya noon kaya nagrebelde siya. Naisumpa pa niya sa sarili na ayaw niyang maging Doctor. Dahil hindi niya gustong maging katulad ng Daddy at kuya Darren niya.

Pero noon 'yun, dahil mas naiintindihan na niya ngayon. Sadya nga pa lang maiintindihan mo lang ang mga magulang mo kapag magulang ka na rin. Dahil mas naiintindihan na niya ang Daddy niya ngayon. Natatawa na nga lang siya kapag naaalala niya ang mga kalokohan niya.

Kapag naiisip niya ang Daddy at kuya Darren niya mas lalo siyang nasasabik na makita ang mga ito. Pero kailangan muna niyang magtiis. Dahil hindi pa ito ang tamang panahon para magkita kita sila. Kailangan muna niyang magfocus sa kanyang pamilya.

Para sa katuparan ng lahat ng mga pangarap niya sa kanyang mga anak. Kapag nagtagumpay na siya darating din ang araw na magkikita-kita sila. Ito ang lagi niyang itinatanim sa kanyang isip at nagiging motibasyon niya para mas lalo siyang magsumikap.

Ito rin ang dahilan kung bakit nagiging masaya ang bawat araw ng pananatili niya sa Barrio Magiliw ng Sta. Barbara.

Dahil ang buhay niya dito ay maihahalintulad niya sa isang Bahaghari sobrang makulay at punong-puno rin ng pag-asa.

Ngunit tila tulad rin ng isang Bahaghari sa kalangitan unti-unti naglaho ang kanilang pag-asa sa muling pagbabalik ni Anselmo.

Dahil umpisa pa lang lagim na ang idinulot nito sa kanila. Pinatay nito ang mga magulang ni Annabelle.

Noong unang magpakita ito sa kanila at sapilitang inangkin ang Hacienda. Ito rin ang dahilan kung bakit muntik ng malagay ang buhay niya sa peligro. Buti na lang hindi ipinahintulot nang Diyos na maaga rin niyang iwan ang kanyang mga anak. 

Nang makuha nito ang Hacienda ang buong akala nila titigil na ito. Pero umpisa pa lang pala iyon ng kasamaan ni Anselmo. Dahil patuloy pa rin silang ginugulo nito.

Mula ng umalis sila ng Hacienda lumipat sila ng Barrio Magiliw. Kung saan siya nakabili ng lupa gamit ang pinag-ipunan niya. Dito niya inilalagay ang kalahati ng kinikita niya. Alam din ito ng biyenan niyang lalaki noong nabubuhay pa. Dahil ito mismo ang pumili nitong lugar para sa kanila.

Pangarap pa sana niyang pagtayuan ito ng bahay. Bilang supresa sa mag-iina niya subalit dahil sa mga hindi inaasahang pagkakataon, hindi na niya ito nagawa pa. Dahil kinailangan na nilang lumipat dito agad nu'ng umalis sila ng Hacienda at wala na silang mapupuntahan. 

Sabi nga blessings in disguise kung hindi nila ķaya ito ginawa. Saan na kaya sila pupulutin ngayon? Lalo namang hindi niya ginusto na bumalik ng Maynila sa ganu'n nilang sitwasyon na kasama ang mag-iina niya. Bukod doon may isa pang blessings na dumating, ang ikatlo niyang anak.

Laking pasalamat niya na naging malakas ang kapit nito noong mga oras na nakikipaglaban sila sa kamatayan sa mga kamay ni Anselmo. Dahil naging malakas rin ito at matatag tulad nila.

Nagawa pa nitong sandaling iparamdam sa kanila ang bawat galaw at sipa nito habang nasa loob ng tiyan ng ina. Subalit ang lahat ng ito pala ay panandalian lamang...

Ang kanyang bunsong anak na lalaki ay tulad rin nang isang Bahaghari sa kalangitan matapos magpakita ng maraming kulay at pag-asa agad rin itong nagmaliw.

Dahil matapos itong ipanganak ni Annabelle...

"Hindiii, hindi totoo 'yan! Hindi pa patay ang anak ko, narinig ko siyang umiyak... Buhay pa ang anak natin Darius maniwala ka! Buhay pa ang anak kooo!"

Isang mapait na katotohanan ang biglang naganap ng araw na iyon sa buhay nila.

It was the time, that he feels hopeless and devastated.

Wala man lang siyang magawa kahit ang bawasan man lang ang pait at sakit na nararamdaman ng kanyang asawa.

Iyon din pagkakataon na hinangad niya na sana isa siyang Doctor. Para nagawa niya ang lahat para sagipin ang buhay ng kanyang anak. Pero maski yata ang kakayahan ng mga Doctor ay mayroon ding hangganan. Dahil tulad ng Daddy niya noon nahuli na siya ng dating. Isang walang buhay ng sanggol ang nakita niya sa ospital. Ito nga ba ang kanyang anak?

Gusto man niyang magprotesta o magwala at sumigaw. At sabihing ang lakas lakas ng anak ko. Ang lakas niyang sumipa, ang likot niya habang nasa loob ng tiyan ng Mama niya... Pero bakit ganu'n anong nangyari? Mga tanong na hindi na nabigyan ng sagot.

Wala siyang magawa kun'di ang muling yakapin na lamang kanyang asawa, habang patuloy ito sa pagwawala at pag-iyak.

Ang bawat pagbayo nito sa kanyang likod habang yakap yakap niya ito ay parang punyal na tumatagos sa kanyang dibdib at ramdam na ramdam niya ang sakit.

"Maniwala ka sa'kin Darius, buhay pa si Darwin hindi pa siya patay! Ibalik n'yo sa'kin ang anak ko..." Iyon sana ang pangalan ng kanilang bunsong anak ngunit hindi na nito magagamit.

Iyon din ang pinaka malungkot na bahagi ng kanyang buhay.

Admittedly now, he knows, what his father feels when he was leaving them. In fact he feels now, he lost the other half of his heart.

Marahil ito rin ang pakiramdam ng Daddy niya noong mawala ang kanyang kambal at sumunod ang Mommy niya.

That time na nagtantrum siya dahil gusto niyang puntahan sila ng Daddy niya sa Arcade sa kabila ng kalagayan ng kanyang ina. Kahit kausap lang niya ito sa cellphone alam niyang ramdam pa rin nito ang pagmamaktol niya.

Mula kasi ng ipanganak sila ng kambal niya at mawala ito naging masakitin na rin ang Mommy niya. Dahil sa komplikasyon nito sa puso naging mahina na ito at madaling mapagod. Kaya lumaki siyang uhaw sa kalinga ng ina.

Nu'ng araw na iyun hindi siya tumigil hangga't hindi nila ito nakasama sa paglalaro. Dahil na rin sa kagustuhan ng Mommy nila na pagbigyan siya nito. Kaya sa huli pumayag na rin ito na puntahan sila nito sa Mall.

Hindi nila alam na iyon na rin pala ang huling araw na makakausap nila ang kanilang ina.

Iyon din ang unang beses na sinisi niya ang Daddy niya sa pagkawala ng Mommy niya. Dahil sa batang isip niya noon, dahil Doctor ito kaya ang akala niya madali lang para dito na mapapagaling ang Mommy nila.

Subalit nabigo ito dahil huli na ang lahat, hindi na ito naisalba ng mga Doctor pati nang Daddy niya.

Naging simula rin ito ng Gap sa pagitan nilang mag-ama. Siguro dahil parehong may sama ng loob sila sa isa't-isa. Pero kahit kailan hindi sila pinabayaan nito kahit naging istrikto ito sa kanila at laging mainit ang ulo.

Pero maliban sa presensya nito, wala naman itong ipinagkait sa kanila. Ginawa rin nito ang lahat para ibigay ang pangangailangan nila hindi sila kailanman nagkulang sa materyal na bagay maliban lang sa atensyon.

Atensyon na ibinibigay nito para matulungan ang iba. Ngayon niya mas naiintindihan kung bakit mas naging aktibo ito sa ospital. Mas marami itong natutulungan mas gumagaan ang kalooban nito.

Dahil sa sariling sugat sa puso nito na lalo niyang pinasakit. Dahil sa pagrerebelde niya dito noon. Gustong gusto man niya itong yakapin nang mga oras na iyon. Subalit hindi na niya magagawa dahil malayo ito sa kanya ngayon. Lalo tuloy siyang nasabik na makita na ito.

Nangako siya sa sarili na kapag maayos na ang lahat susubukan niyang lumuwas ng Maynila.

Pangakong hindi na naman nabigyan ng katuparan...

*****

By: LadyGem25