"Ate! Pa-picture po tayo!" anang isang batang babaeng makulit kay Cherry. Mukhang nasa pitong taong gulang ito. Kalalabas niya lang ng Sta. Ana at bumungad sa kanya ang ilang taong nais magpa-litrato sa kanya. Pumayag na siya sa batang makulit hanggang sa nasundan iyon. Kahit ilang linggo ng umeera ang commercial nila ay marami pa ring nagpupunta sa Sta. Ana para makita lamang siya.
"How about me? Can we take pictures and let me at least take you for dinner after that?"
Nanikip ang dibdib niya ng marining ang tinig ni Elixir. Ah… ilang linggo ba niya itong hindi nakita? Mahigit dalawang linggo rin. Bumilis ang tibok ng puso niya at dahil sa pagkalito, binilisan niyang umalis para maiwasan ito.
Hindi siya nito masisisi. Habang tumatagal, nadarama niya ang pait ng ginawa nito. Kahit hindi sila nito naging pormal, minahal niya ito at iyon ang nakakasakit ng kalooban niya. Minahal niya ito samantalang niloko siya nito.
Hindi niya sinasagot ang mga tawag nito at text. Iniiwasan niya dahil hindi siya nakakapagpigil kapag nakakausap ito. Ang ginawa nito ang tanging nakikita niya at nauunahan siya agad ng galit.
"Cherry," awat nito sa akma niyang pagsakay sa isang tricycle. Napasinghap siya sa pagkakadaiti ng mga balat nila dahil agad na tumawid ang boltahe sa katawan niya. Pumalag siya ngunit bago niya magawang makapasok ay naisandal na siya nito sa kotseng nakaraparada sa tabi noon. "Cherry, please…" pakiusap nito.
Napalinga siya sa kapaligiran at kita niyang nakakaagaw na sila ng eksena. Nakatanga na ang ilang tindera sa kanila. Napabuga siya ng hangin at pumiksi sa pagkakahawak ni Elixir. Inis na tiningnan niya ito. "Hindi ka ba makaintindi? Bakit ka nandito?" asik niya rito.
Muli siya nitong pinigilang makapasok at isinandal. "You're not answering my phonecalls. Let's talk. Now,"
Napalatak siya. "Anong 'talk'? Wala tayong dapat na pagusapan!" gigil na asik niya rito.
Nagtiim ang bagang nito at humigpit ang hawak nito sa braso niya. Lalong naginit ang ulo niya ng titigan siya nito. Idinadaan na naman siya nito sa tingin! Ginagawa na naman nito iyon kung paano nito nakuha ang damdamin niya. Mabuti na rin pala ay hindi pa sila nito bago niya nalaman iyon. Kung nagkataon, siguradong mas matindi ang magiging galit niya rito.
"We need to talk about that, Cherry. Why are you so mad? Hindi mo ba na-appreciate na sinabi ko sa'yo ang totoo? Na naging honest ako? Hindi mo ba naisip kung gaano kalaki ang isinugal ko? Isinugal ko na maging tayo dahil mas mahalaga sa akin na maging honest ako sa'yo. I gave you enough time to think about that and I was hoping that you will see that part. I am so sorry for what I did. Believe me, everything changed. Habang tumatagal, lumalalim ang nararamdaman ko sa'yo,"
Tinamaan siya sa mga sinabi nito. Ang lakas ng sipa sa dibdib at hirap siyang huminga. Gayunman, nandoon pa rin ang alinlangan niya kaya hindi niya iyon magawang tugunan. Maraming what ifs sa isip niya. Paano kung hindi na naman iyon totoo. Paano kung nagkaroon na naman ito ng problema at siya ang nakikitang solusyon?
Sa lahat ng iyon ay matigas ang naging iling niya rito. "Anong lote na naman ba ang nakasanla at nagkukumahog kang magkaayos tayo, ha?" mapanlibak na tanong niya rito. Hindi siya nito masisisi dahil sa ginawa nito sa kanya.
Nagdilim ang mukha nito at nanlaki ang mga mata niya ng hawakan siya nito sa batok. Dumagsa ang pamilyar na boltahe sa sistema niya. Nataranta siya sa sariling reaksyon kaya pinilit niyang kumawala rito. "E-Elixir…" mabuway niyang awat dito dahil mas nakalalamang na roon ang panlalambot niya dahil sa pagkakapalibot ng isang braso nito sa katawan niya.
"Walang nakasanlang lote. In fact, I don't care about that anymore. My concern is this. Try not to respond to my kisses and I'll stop chasing you," anas nito bago siya nito siniil ng halik.
Nanlaki ang mga mata niya ng halikan siya nito. Para siyang tinamaan ng kidlat. Agad na dumaloy ang mga boltahe sa kanyang katawan gawa ng pamilyar nitong halik sa kanyang labi. Nanlaban siya pero lalo lang siya nitong ikinulong sa mga bisig nito saka pinalalim pa ang halik. Mainit iyon at marubrob hanggang sa nauwi iyon sa pagiging masuyo… tulad na lang noong hinalikan siya nito sa kuwadra ng mga kabayo sa Rancho Villegas.
Dinagsa ng magagandang alaala ang puso niya. At dahil doon, kusang kumilos ang mga labi niya upang tumugon dito. Naginit ang puso niya ng haplusin nito ang pisngi niya, katulad na lang ng madalas nitong gawin sa tuwing hinahalikan siya. Napaungol siya sa ginising nitong sensasyon. Nagkaroon ito ng pagkakataong mas palalimin pa ang halik at tuluyan na siyang nangunyapit sa leeg nito dahil sa panlalambot ng mga tuhod.
Natigil lamang sila ng makarinig sila ng kantyawan sa paligid at malalakas na palakpakan. Ngunit hindi siya binigyan ng pagkakataon ni Elixir na makita ang mga iyon dahil hinawakan nito ang pagkabilang pisngi at tinitigan siya. "You can't stop me. You kissed me back,"
Napayuko siya tanda ng pagsuko rito.
Hinalikan siya nito ng matagal sa noo saka napabuntong hininga. Hinawakan nito ang mga kamay niya at matagal na hinalikan habang nakatitig sa kanya. Nang pakawalan nito iyon ay lalong tumindi ang determinasyon nito sa mukha. "Nagkaroon nga ako ng motibo sa'yo pero pinagsisihan ko na 'yon. I will earn the trust that I lost, Cherry. Just… just give me a chance…"
Unti-unting nanlambot ang puso niya sa nakikitang determinasyon, pagsisisi at katapatan nito. Tinitigan din niya itong maigi at naginit ang puso niya ng makitang nandoon pa rin ang emosyon nakikita niya sa tuwing tinitingan siya nito. Tila lalong tumindi pa iyon sa paglipas ng mga araw.
"Please… let's start and this time, no more motive, Cherry." Anito saka nagkaroon ng matinding lambong ang mga mata.
Napahinga siya ng malalim dahil dama niyang tuluyang sumuko ang puso niya. Hindi na niya kaya pang tanggihan ang pagsusumamo ng mga mata nito. "Gusto ko rin naman, eh… A-ayoko rin namang mauwi tayo sa ganito…" amin niya rito at napayuko. "Magsimula tayo, Elixir,"
Napapikit na lamang siya ng matagal nitong samyuhin ang buhok niya at niyakap siya ng mahigpit. "Pangako, babawi ako. Thank you for giving me chance, Cherry. Hindi ko ito sasayangin…"
Muli siya nitong niyakap at natawa na lamang siya ng mas lalong lumakas ang kantyawan sa paligid nila. Pero wala na siyang paki, na-miss din naman niya si Elixir kaya isinubsob na lamang niya ang mukha sa dibdib nito. Ah… namiss niya maging ang amoy nito. Napangiti siya ng madama ang init nito. Katunayan na tunay ngang nangyayari iyon at nagkaroon na ng kaganapan ang lahat. Ah, wala na siyang mahihiling pa dahil nagkaayos na sila nito.
"Happy birthday, hon…" anas ni Elixir at impit na napaungol si Cherry saka tinakpan ng unan ang mukha. Kagigising pa lang niya pero hayun ito, mayroong dalang isang maliit na cake at naupo sa tabi niya.
Kinikilig siya kay aga-aga! Pambihira naman oo. Ang ganda naman ng bungad nito sa umaga. Una'ng tao na nakita sa kaarawan niya ay ito. Ang saya naman ng birthday niya!
"Nakakainis ka naman… Hindi pa ako naghihilamos!" angal niya saka sumilip sa unan. Napasinghap siya ng makitang ngiting-ngiti ito sa kanya. Ang pogi ng boyfriend niya! Ah… flattered siya sa kaalamang iyon. Ilang linggo na silang magnobyo at tinotoo nito ang pangako nito'ng araw-araw ay pangingitiin siya. Bumawi talaga ito sa mga ginawa nito at siya naman, kinikilig at tuluyan ng pinatawad ito.
Napapangiti na siya makita lang ito kahit sa malayo. Minsan, kahit madinig lang niya ang boses nito'y kakaibang ligaya na ang dating noon sa puso niya. Idagdag pang hanggang sa mga oras na iyon ay para pa rin siya nitong sinusuyo. Hindi pa rin ito pumapalya sa pabibigay ng bulaklak at kung anu-ano.
Wala na siyang paki kahit na tinutudyo na sila sa kahit saang sulok ng Sta. Ana at sa bahay nila. Ang importante sa kanya ay ito. Si Elixir lang at kung paano matutugunan ang pagmamahal nito sa kanya.
"Kumain ka na ba?" aniya ng makabawi.
"Hindi pa. I was waiting for you. Napuyat ka pa yata kakaisip sa akin," biro nito sa kanya at natawa siya. Tumpak! Napuyat siya kakaisip dito. Kagabi ay halos hindi na sila nito magkamayaw sa pagpapaalalam. Hindi mapatidpatid ang paghalik nito sa kanya at nang kumawala siya rito, bigla itong sumigaw ng 'no!'
Kaya sa huli'y hinalikan niya ito ng buong suyo. Siya na mismo ang humalik para alisin ang matinding pananabik sa mukha nito. Kilig na napangiti siya sa naalala.
"Make a wish before blowing your candle," anas nito.
Pumikit siya at nanalangin na sana, wala ng katapusan ang kaligayahang iyon. Nang magmulat siya ng mga mata ay alam niyang dininig agad ng diyos ang dasal niya. Dahil nasa harapan niya mismo ang kaligayahan niya.
"Good girl," nakangiting saad ni Elixir at hinaplos ang buhok niya. Napansin niyang gustong-gusto nitong ginagawa iyon at may kakaibang init iyon sa puso niya. "Kain na tayo para makapamalengke na tayo ng handa mo,"
Tumalima na siya. Paglabas nila ay napahalakhak siya dahil ang tatlong lalaki sa buhay niya ay nakapam-birthday hat pa!
"Gimik ito ni bayaw!" paliwanag agad ng kuya Colin niya. "Gusto ka daw mapasaya, mukhang totoo nga. Natawa ka pa!" naasar na paliwanag nito.
Napahalakhak talaga siya. Paano'y halatadong hindi ito kumportable, halos masakal na sa tali! Gayunman, hindi niya maitatangging naginit ang puso niya sa kaalamang gumagawa pa rin ng paraan si Elixir para mapasaya siya.
Ilang sandali pa, matapos siyang maghilamos ay kumain na rin sila. Panay kantyawan at tudyuhan sila dahil sa pagaasikaso ni Elixir sa kanya at syempre, maging siya ay inasikaso ito. "Kain ka ng kain. Huwag kang mahihiya. Sagot ko!" aniya saka mayabang na kumindat.
Napahalakhak ito at ganado na ngang kumain. Pinagpalaman pa niya ito ng ube sa tinapay. Alam niyang paborito nito iyon kaya hindi siya nauubusan ng ganoong palaman. Napangiti siya ng sarap na sarap ito sa pagkain.
"Baka lumamig na ang kape mo," aniya saka iyon hinalo.
"Naks! Nagiging maasikaso si bunso, ah. 'Oy, ako nga, timplahan mo nga rin," anang kuya Cadi niya.
Nagsipagtawanan ang mga ito ng ilapag niya ang mga canister sa harapan ng mga ito. Gayunman, biro lang naman niya iyon kaya sa huli'y pinagtimpla niya pa rin ito.
Nang matapos silang kumain ay saglit lang sila nitong nagpahinga at natungo sa grocery. Namili sila ng papansitin at kinuha nila ang cake na pinagawa nito. Natawa na siyang tuluyan dahil nagpasadya pa talaga ito ng cake! Bukod sa dala nito ay mayroon pa itong pinagawa na mas malaki!
"Ang laki naman nito!" natatawang komento niya sa tatlong patong na cake. Daig pa niya noong pang-eighteenth birthday niya.
"Dadating din sina daddy. Of course they want to greet you. He's with my brother."
Naturete siya! Kahit close siya sa ama nito, iba pa rin ang alam nitong sila na ng anak nito. Parang nahihiya siya na ewan. Agad na sila nitong bumalik at mahigpit ang bilin niyang hintayin siya nito para magluto. Kahit ganoon naman siya ay alam niyang gumawa ng salad, pancit at kakanin.
Saglit muna siyang naligo para mapreskuhan. Baka bigla ding dumating sina Mang Kanor at ang kapatid nito, baka mapangiwi ang mga ito sa oily niyang mukha.
Pero nagulat na lamang siya ng makitang nagluluto na si Elixir sa kusina. Nakisilip kasi siya sa dalawang kuya niya at pinagkukurot ang mga ito.
"Hinayaan niyo siyang magluto? Ang tatamad ninyo!" asik niya sa mga ito.
"Anong hinayaan? Ayaw niyang magpatulong. Siya raw ang gagawa!" asik din ng kuya Colin niya saka napailing. Muli itong napatingin kay Elixir. "Ano ba ang pinakain mo sa lalaking 'yan para ma-in love ng ganyan? Ayokong ma-inlove! Nakakatakot!"
Pinagkukurot niya ito sa tagiliran. Tawang-tawa na umalis ang mga ito at iniwanan na lamang sila. Agad niyang nilapitan si Elixir at naawa siya ng makitang pawisan na ito sa kusina. Agad niyang pinunasan ang mukha nito. "Ano ba 'yan… sabi ko magtutulungan tayo, eh."
Natawa ito at hinalikan siya sa noo. "Birthday girl… just sit and relax. Akong bahala,"
Napasinghap siya ng kindatan siya nito. Pangiti-ngiti ito sa paghahalo ng pansit at patingin-tingin sa kanya hanggang sa natawa ito. "When you are looking at me like that, I feel like I'm the handsome man in the whole world,"
Napalabi siya at niyakap ito sa baywang. First time niyang maglambing at hindi na niya pipigilan pa ang sarili. Lugi na ito sa kanya kung tutuusin. "Guwapo ka naman talaga. Ako nga… ang itim… ulikba ako… alam ko…"
Napahalakhak ito hanggang sa hinapit siya nito sa baywang at gigil na hinalikan sa labi. "Anong ulikba? Of course not!" anito saka hinagod siya ng tingin, natunaw siya na tanging pagmamahal at respeto ang mga nasa mata nito habang tinititigan siya nito. "So insecure… alam mo ba sa site… ilang beses na akong muntikang mapaaway?" anito saka napabuga ng hangin. "May maliit kaming TV doon at sa tuwing pinapalabas ka, anu-ano ang naririnig kong pantasya. Now, tell me. You're still having doubts on your looks? Honey, don't be. You are beautiful in a unique way. Believe me,"
Gusto niyang mapahalakhak. Hindi naman kasi niya sukat akalaing ikaiinis nito ng husto ang mga naririnig nitong hindi kanais-nais laban sa kanya. Halatado iyon sa pamumula ng mukha nito na noon lang niya nakita.
"And honey… kahit hindi ka naman maganda sa paningin ng iba… para sa akin ikaw lang ang maganda. You're the only woman in my eyes, okay? Remember that, Birthday Girl,"
"Sige na nga…" aniya saka niyakap ito sa baywang habang nakatalikod ito. Natawa na lamang ito sa ginawi niya. Ah… ang sarap-sarap talagang pakinggan ang tawa nito. Para iyong musika sa kanyang pandinig.
Ilang sandali pa ay dumating na ang ama nito at ang kapatid nito, si Elliot. Younger version ito ni Elixir pero mas matindi ang karisma ng huli. May pagkainosente kasing tingnan ang bunso nitong kapatid at natutuwa siya ng mainit din siya nitong batiin.
Nadagdagan pa ang celebration nila ng ibalita ng ama nito na ipahahawak na nito ang branch sa Batangas sa kapatid nitong nagtapos din ng Business Administration.
Bago matapos ang gabi ay nagkatawanan sila ni Elixir. Kapwa sila mayroong regalo sa isa't isa!
"It's your birthday and you have a gift for me?" biglang-bigla talaga ito at napangiti siya.
"Oo naman. Ikaw pa? Ang dami mo ng nagawa at naibigay, wala man lang akong remembrance sa'yo… buksan mo na," excited niyang saad dito. Tumakas pa siyang bumili noon para naman makabawi kahit papaano dito.
Tumalima ito. Natunaw ang puso niya ng makitang habang nakatitig sa paper weight na may disenyong kabayo ay naglalaro ang maliit na ngiti sa labi nito. Kahit hindi ito magsalita, nakikita niya sa mga mata nito na na-appreciate nito ang binigay niya.
"I can use this on my table. I always forgot to buy this one."
Natuwa siya sa narinig. Ang totoo'y nahirapan siyang magisip ng ibibigay dito dahil sa tingin niya, mayroon na ito ng lahat. Pero napagisipan niyang bigyan ito ng isang bagay na magagamit nito at lagi nitong makikita para maalala siya. Kaya natutuwa siyang marinig talaga na na-appreciate nito iyon. "Ang galing kong manghula,"
Natawa na rin ito sa kanya at iniabot ang regalo nito sa kanya. "Happy birthday, honey…"
Kilig na kilig siya habang magkasanib ang labi nila. Natawa pa ito ng habulin niya ang labi nito at muli siyang siniil ng halik. "Open it," anas nito habang idinadampi-dampi pa ang labi nito sa labi niya.
"Ayoko," anas niya at pinalalim pa ang halik. Tumugon ito ng mas mainit at mas malalim. Halos kapwa na sila madarang hanggang sa ito na ang tumigil.
"God… you're driving me crazy honey… just open it, please…" pagsusumamo ni Elixir.
Napilitan siyang sumunod. Gayunman, nang makita niya ang laman ng maliit na kahon ay naluha siya sa saya. "Ang ganda naman nitong bracelet… ang cute ng mga kabayo…" namamanghang saad niya. White gold iyon at ang palamuti ay mga kabayong maliliit. Ito mismo ang naglagay noon sa braso niya at kuntentong-kuntento siyang tinitigan iyon.
"Did you like it?" anas nito at natawa siya rito.
"Hindi lang 'like', I… I love it…" nahiyang amin niya. Namula ang pisngi niya dahil English pa!
Napahalakhak ito at sa isang iglap, nakakalong na siya rito. Niyakap siya nito ng maghigpit sa baywang ang hinalikan ng matagal sa balikat. "Are you happy?"
Ngumiti siya rito at hinaplos ang pisngi nito. Nakaramdam siya ng kakaibang kiliti sa palad dahil sa paghahalo ng init nito sa palad niya. "Sobrang saya ko. Thank you, hon,"
At sinelyuhan nito ang lahat ng isang maalab at malalim na halik. Saksi ang mga bituin sa terrace nila kung paano nila lasapin ang kaligayahang iyon at alam niya na si Elixir lamang ang mayroong kakayahang pasayahin siya ng ganoon katindi.
Katatapos lang ng presscon nila Cherry. Nang matapos iyon ay naghiwa-hiwalay na silang mga endorser. Siya naman ay nagpuntang CR para burahin ang mga make-up. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sanay. Gayunman, hindi na siya naiirita na katulad ng dati.
Ilang sandali pa ay nag-ring na ang cellphone niya. Nasa lobby na raw si Elxir para sunduin siya. Agad na siyang nagmadali saka nagayos ng sarili. Nang makita niya si Elxir ay nahigit niya ang hininga. Hindi niya alam kung bakit sa loob ng halos isang buwan ay lalong tumitindi ang epekto nito sa kanya. Doon niya napagtanto ang isang bagay: na posible palang ma-in love sa isang tao ng paulit-ulit.
"Hon!" tawag niya rito ng makalapit. Agad na nagliwanag ang mukha nito at natunaw ang puso niya. "Na-miss mo ako?" lambing niya agad rito.
Kung naririnig lamang siya ng mga kapatid ay siguradong makakantyawan na siya. Natuto na rin siyang maglambing at sa totoo lang, inaalis na rin niya ang pagiging magaslaw. Kahit sabihin pa nitong walang kaso iyon dito, para sa kanya ay nais din naman niyang maging maayos at maipagmamalaki nito sa kahit na sino. Iniiwasan na rin niyang gumamit ng kanto words para naman hindi nakakahiya rito.
"Damn you're right," anito saka siya ginawaran ng halik sa labi. "I bet you missed me too," anas nito at tumango siya.
Nagkaroon ng kislap ang mga mata nito. Mukhang hindi nito inaasahang aamin siya ng ganoon pero hayun na siya, naglalantad na! Gusto rin naman niya itong lambingin at wala siyang nakikitang masama roon.
"Let's celebrate, okay? I'll cook dinner at my place how about that?"
Agad siyang tumango rito. "Tutulong naman ako, ah. Please?" lambing niya rito habang palabas na sila ng hotel.
Natawa ito sa kanya at inalalayan siyang makasakay. "Panoorin mo na lang ang kapogian ko," biro nito at napangisi ito sa kanya. "Dapat naman talaga, hinahayaan mo akong gawin ang mga ganitong bagay para sayo,"
"Sus! Mukhang may kapalit 'to, ah. Tsk…tsk… tsk…" aniya saka kunwaring napaisip. "Mukhang mahahalikan mo na naman ako ng walang humpay,"
Napahalakhak ito at napatitig siya rito. Naginit ang puso niya sa nakitang kaligayahan dito at napangiti siya. Gusto niya itong makitang ganoon palagi. Ang gaan kasi noon sa dibdib na makitang napapasaya niya ito.
"How the hell did you know what's on my mind? You're so genius…" anito saka natatawang pinasibad ang sasakyan. Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa bahay nito at nagtulungan silang magluto ng potchero. Ayaw pa nitong magpatulong pero kinulit niya ito. Sa huli'y sumuko ito.
"Saan ka natutong magluto?" untag niya rito at naupo sa tiles ng lababo nito. "Napansin ko, marami kang alam iluto. Daig mo pa ako,"
Napangiti lang ito sa kanya. "Bata pa ako noong mamatay ang nanay ko. So being the eldest son, I always do that part. Lalo na't laging wala din si dad sa bahay. Puro ako noon patsamba-tsamba pero natuto rin ako. Hindi ako mahilig sa pagkaing binili o in-order so I really tried."
Natawa siya ng ipakita nito ang drawer na naglalaman ng mga cookbooks. Manghang-mangha siya dahil mayroon palang lalaking tulad nito. Ang ibang lalaki ay magtiyagang kakain sa labas o o-order na lamang pero ang lalaking ito ay sadyang naiiba sa lahat.
"Did I impressed you?" nakangiting tanong nito at nagkatunog iyon ng wala sa sariling mapatango siya. Nabilib naman kasi siya hindi dahil sa marunong itong magluto kundi sa rason nito. Hindi niya sukat akalin kasi iyon. "I'm so glad. Come here, honey."
Tumalima siya matapos nitong patayin ang stove. Inupo siya nito sa mesa at malambing na hinaplos ang pisngi niya. "I'm so proud of you. Nabasa ko sa magazine at sa internet ang comment sa grupo ninyo. I'm so glad that you are my girlfriend,"
"'Sus…" natawang saad niya at higit ito sa kuwelyo. "Proud din naman ako sa'yo. Isipin mo nga 'to. Ang tiyaga-tiyaga mo sa akin. Pinagtuunan mo ako ng panahon kahit ganito ako. Ako ang proud sa'yo, hon dahil hindi ka nahihiyang ipakita sa iba na ako ang gusto mong makasama,"
"Stop saying those words." Anito saka napasimangot. "Naiinis ako kapag naririnig kong hinahamak mo ang sarili mo."
Napangiti siya at nilambing ito. Alam niyang nagpapalambing pa ito dahil isang halik lang niya sa pisngi nito, nawala na ang gatla nito sa noo. Hinalikan niya ang baba nito at napahagikgik siya ng mapatikhim ito. "Affected?" tudyo niya.
Nang titigan siya nito ay napalunok siya. Nagkaroon ng init ang mga mata nito at nahawa siya. Naginit din ang pakiramdam niya. Iyon ang epekto ng mga titig nito sa kanya. Kundi siya natutunaw, kaya nitong pagningasin ang nadarama niyang init.
"Yes, I'm so damn affected and you don't have any idea how much I'm trying to control it…" anas nito.
Pero gusto niya ang epekto niya rito. Marahil, tila nalimutan niya ang inhibisyon ng sandaling iyon dahil ang tumatakbo sa isip niya ng mga sandaling iyon ay tuklasin kung hanggang saan ang pagpipigil nito.
Siya mismo ang humalik sa labi nito. Dama niya ang matinding kaba, pananabik at asam ng puso niya sa maaaring maganap. Mulat siya at handa siyang tawirin iyon.