Chereads / SWEET BOOSTER / Chapter 4 - CHAPTER TWO

Chapter 4 - CHAPTER TWO

"Ang ganda daw ni bunso…" tudyo ng kuya Cadi ni Cherry. Napasimangot siya ng tusukin nito ang tagiliran niya. Binato niya ito ng maliit na unan. Istorbo ito sa pagmumuni-muni niya dahil hanggang ng araw na iyon ay iniisip pa rin niya ang sinabi ni Elixir.

Napahinga siya ng malalim at pasimpleng sinipat ang mukha sa salamin. Wala siyang makitang maganda sa mukha niya. Isa lamang siyang hamak na hinete. Sinuwerteng makuhang product endorser. Iyon lang…

Hirap siyang paniwalaan iyon. Wala pang nagsasabi noon sa kanya. Kaya matapos ang kapangahasan nito'y naiwan silang nakangangang magkakapatid habang tanaw ang mag-amang papalayo sa kanila. Magmula ng mangyari iyon ay panay kantyaw na ang inaabot niya sa mga ito.

Gigil na inihilamos niya ang kamay sa mukha. Bakit ba siya nagpapaniwala sa herodes na iyon? Ah, walang dahilan dahil alam niyang simpleng babae lamang siya. Siya ang tipong kakaibiganin ng lalaki kaysa ligawan. Ni hindi niya nasubukang maligawan kaya nawaglit na rin iyon sa isip niya. Sa edad na beinte singko'y hindi pa niya nasubukang magmahal.

"Ulol!" singhal niya sa kuya Colin niya ng masalubong niya ito at ngisihan siya. Napahalakhak na lamang ito sa pagkapikon niya. Naligo na lamang siya para makapaghanda na sa meeting nila.

Malapit ng ganapin ang shooting at sa araw na iyon niya makikilala ang mga kasamahan sa commercial ng pormal. Hindi naman sila nagkita sa Balitang K noon dahil magkakaiba sila ng lugar. Sila lamang ang pinuntahan ng crew. Pero sa ngayon, magkakakilala na sila dahil matapos daw ang shooting ay ilalabas sila sa presscon para mag-endorso ng produkto. Pagkatapos maligo ay naghanda na siya. Napakunot ang noo ni Cherry ng makarinig ng katok sa pinto. Napatuwid siya ng upo mula sa pagsisintas ng sapatos at napaigtad siya ng maulit iyon.

"Che! May bisita ka!"

"Sino?" takang tanong niya saka nagtungo sa pinto ng matapos magsintas ng sapatos.

Napasimangot na lamang siya ng mabungarang ngising-ngisi ang kuya Cadi niya. "Anong nginingisi-ngisi mo d'yan?"

"Nandito ang masugid mong manliligaw,"

Napasinghap siya ng umalis ang kuya Cadi niya sa tapat ng pintuan para makita niya si Elixir na nakatayo sa kanilang sala. Buhat sa kanyang silid ay kitang-kita niya itong nakatitig sa kanya habang tangan ang isang bulaklak.

Ginawaran siya nito ng isang simpatikong ngiti. Bumilis ang tibok ng puso niya. Nahirapan siyang huminga at nagkaroon muli ng mga paru-paro sa kanyang sikmura.

"Lapitan mo na. Nakatanga ka pa r'yan,"

Naginit ang kanyang mukha sa pagkapahiya. Isang mahinang tawa ang pinakawalan ng kuya Cadi niya saka siya iniwanan. Siya naman ay ilang beses pang kinalma ang sarili dahil hindi pa rin siya makapaniwalang nandoon si Elixir.

"P-Papaano mo na laman ang bahay namin?" takang tanong niya ng makalapit. Pigil na pigil ang kanyang hininga. Halos hawakan na niya ang sariling puso dahil sa labis na paglilikot noon sa loob ng ribcage niya.

"My dad told me. Nakapunta na raw siya rito noong birthday mo kaya alam niya ang bahay mo. I asked him so I can give this to you personally,"

Halos mamilipit na ang puso niya sa kilig ng iabot nito ang bulaklak sa kanya. First time! Mayroong lalaking nagkaroon ng lakas ng loob na hanapin ang bahay niya at bigyan siya ng bulaklak. Wala pang lalaking nangahas na gumawa noon dahil ayon sa mga kuya niya, naiintimidate daw sa kanya.

"P-Pero bakit mo ako binibigyan nito at bakit ka pa nagpunta dito? Nakakabigla ka…" nalilitong saad niya. Nabibigla talaga siya rito dahil noong una'y sa Sta. Ana lamang ito nagpupunta. Ngayon ay dumalaw na!

Magmula ng magkakilala sila nito, lagi na rin itong nagpupunta sa Sta. Ana para sunduin ang ama at sa tuwina'y kinukumusta siya nito. Malapit lang daw ang project nito sa Sta. Ana kaya sumasaglit lang daw ito doon.

Pero alam niya, base sa mga pagsulyap-sulyap nito sa kanya ay may iba pa. Ayaw niyang maging assuming pero hindi niya mapigilan. Ang mga mata kasi nito, masyadong honest! Nakikita niya ang paghangang hindi talaga nito itinatago sa tuwing tinitingan siya katulad na lamang sa pagkakataong iyon. Nakatitig na naman ito sa kanya at naiilang siya.

Ngumiti ito sa kanya at tila naaliw pinagmasdan siya. Lalo tuloy nagwala ang mga paruparo sa kanyang sikmura dahil sa pagkailang. "I am giving you flowers to let you know how beautiful you are. Para sa akin, iyon ang katumbas ng isang bulaklak na dapat kong personal na iabot sa'yo. And of course, I wanted to see you too…"

Napatanga siya rito. Saglit na tila tinakasan siya ng utak at ayaw na iyong gumana. Walang ibang laman ang isip niya kundi si Elixir at ang effort nitong yumayanig ng todo sa kanyang puso.

"I heard you need to go somewhere. Samahan na kita," pagboboluntaryo nito.

"W-Wala ka bang trabaho?" pigil hiningang tanong niya rito. Halos hindi pa rin iyon masabayan ng utak niya pero pinipilit niyang pinapakalma ang sarili.

"Naka-leave ako ngayon. Shall we?" anito saka ngumiti.

Bumilis ang tibok ng puso niya sa guwapo nitong ngiti. Napakasarap nitong pagmasdan kapag ngumingiti ito. Kapag seryoso ito, nagmumukha itong sulpado. Pero ang ngiting iyon ay maaliwalas. Nakakagaan ng kalooban at napakasarap nitong tungangaan.

At bago pa siya matangay ng ngiti nito ay pumayag na siya magpahatid dito. Iginiya siya nito papunta sa itim nitong Montero. Napasinghap na lamang siya ng sabay nilang nahawakan ang handle ng pinto ng sasakyan. Agad na tumawid ang boltahe sa kanyang katawan at naiilang na hinila ang kamay mula sa pagkakahawak nito. "Let me, okay?" anas nito bago nito buksan ang passenger seat.

"P-pero," ang bango mo… awtomatikong bulong ng puso niya ng mapatingala dito. Nakakaloka ang kabanguhan nito. Amoy malinis at lalaking-lalaki. Walang bahid iyong pabango at parang ang sarap nitong i-hug!

Behave! Saway niya sa puso at tumikhim. Nagiwas siya ng tingin para hindi maapektuhan. Pambihira. Ngayon lang siya nagkaganoon! "Hindi kasi ako sanay na ano… ugh… ganito?" naiilang na amin niya.

Wala pang lalaking nagtrato sa kanya bilang babae. Pantay ang pagtrato sa kanya sa Sta. Ana at nasanay na siya. Pero ngayon, doon niya natuklasan na masarap sa pakiramdam na inaalagaan siya ng isang lalaki bilang isang babae.

"Masanay ka na. I am doing this because it's what I want, okay? I want to take good care of you. Please, just let me do that," anas nito. Para siyang inaakit at naakit talaga siya. Tumatayo ang mga balahibo niya sa katawan sa pagkakalapit nila.

Nang ngitian siya nito ay nag-shut down na ang utak niya. Kung inaakit siya nito ay nagtatagumpay ito. Ang mga mata naman kasi nito, nakangiti pero nagsusumamo. Nakakaloka…

"O-Okay…" pigil hiningang sagot niya at agad ng pumasok. Halos mapabuga na siya ng hangin ng ganap ng makaupo! Nagkakadaletse na talaga ang sistema niya sa pagdating ni Elixir sa kanyang buhay.

Ilang sandali pa ay bumiyahe na sila hanggang sa nakarating sila ng maaga sa RPJ towers. Pagkahinto nito ay agad itong bumaba saka siya pinagbuksan. Hindi tuloy niya mapigilang kiligin at matuwa sa aksyon nito. Pinakikita nitong gentleman talaga ito sa lahat ng oras.

"I'll be waiting outside." Anito ng makalabas na siya sa sasakyan.

"P-Pero—"

"Please?"

Kasalanan ng mga matang iyan! Diyos ko… hindi ako makatanggi… ano'ng gagawin ko? Gusto ko rin namang hintayin niya ako… amin ng puso niya.

Napatikhim siya para pakalmahin ang sarili. "Sige. Hintayin mo na lang ako sa lobby." Pigil hiningang sagot niya.

Ngiting-ngiti na ito sa kanyang tumalima. Ipi-nark na muna nito ang sasakyan bago sila nito sabay na pumasok sa RPJ Towers. Nang masiguro niya ang kalagayan ni Elixir doon ay agad siyang nagpakilala sa front desk clerk ng building at agad na pinapasok ng masabi niya ang pakay.

Sa ikalabing tatlong palapag ang kanyang tungo. Pagpasok sa silid na nakalaan sa kanya ay nandoon na ang pitong babae. Mukha namang mababait ang mga ito kaya agad din niyang nakapalagayan ng loob. Saglit pa silang nagka-kwentuhan hanggang sa pumasok na ang mga big bosses: si Mr. Romeo Laxamana ang siyang vice-president of Marketing ng Refreshed Asia at si Mr. Paul Politan, ang head ng Marketing. Kabilang din ang mga crew ng ad agency na hahawak ng ad campaign.

Pinagusapan nila ang lahat ng gagawin. Ibinigay na sa kanila ang itinerary nila. Kung saan at kung kailan sila magkikita. Madali lang naman ang sa kanya dahil sa Sta. Ana iyon mismo gaganapin. Nang malaman niyang aayusan siya ay napangiwi siya. Gayunman ay nauunawaan niyang parte iyon sa kanyang gagawin. Ilang oras ang itinagal ng meeting nila at ilang sandali pa ay natapos na iyon.

Bumilis ang tibok ng puso niya dahil sa antisipasyong makikitang muli si Elixir. Pagsakay niya sa elevator ay halos hindi na siya humihinga sa pananabik. Maging ang kanyang sikmura ay tila nangangasim na. Pamibihira talaga.

Nang sandaling bumukas ang elevator at makita ito ay doon lamang siya nakahinga ng maluwag. Ito naman ay agad na lumiwag ang mukha ng makita siya. Muling bumilis ang tibok ng puso niya ng ngumiti ito. "Everything okay?" salubong nito sa kanya.

"Oo. Salamat sa pagsama mo, ha?"

"It's nothing. Let me take you home now,"

Nang tumango siya ay agad siya nitong inalalayan. Halos lumulutang siya sa paglalakad nila dahil ayaw man niyang aminin, nagugustuhan niya ang ginagawang pagtrato sa kanya ni Elixir. Doon niya napagtanto na masarap pala sa pakiramdam na tinatrato siya ng isang tunay na babae.

Natagpuan na lamang niya ang sariling lulan ng sasakyan nito at napaigtad pa siya ng tumabi ito sa kanya saka isinara ang pinto. Gusto na niyang iuntog ang ulo. Kaunting-kibot, affected siya!

Diyos ko… parang awa na ninyo… huwag niyo na po siyang hayaang umasta pa ng ganito… hindi ako marunong kiligin pero natututo na ako dahil sa pagdating ni Elixir. Baka masanay ho ako at hindi ko na siya pakawalan!

Nang mapatingin ito sa kanya ay napangiti itong muli. Nahimatay na naman ang puso niya. Mukhang iyon ang asset talaga ni Elixir. Killer smile, wika nga. Lumalabas ang mapuputi nitong ngipin at nagkakaroon ng mabaw na biloy sa dalawang pisngi nito. Hindi na siya kumukurap at humihinga. Parang kailangan ng i-reformat ang utak niya sa kilig. Lalo na ng unti-unti itong bumaba at nilapitan ang mukha niya. Awtomatikong namigat ang mga talukap ng kanyang mga mata para ihanda ang sarili.

Pero isang malakas na 'click' ang narinig niya at pagmulat niya, gusto na niyang iuntog ang ulo sa dashboard. Inilagay lang pala nito ang seatbelt niya. Pulang-pula na ang mukha niya sa sobrang hiya! Masyado siyang assuming!

Nagkatunog ang ngiti nito. "You're so lovely, Cherry. And dad was really right. Lalo na kapag namumula ka na…"

"Nakakainis ka naman!"

Napaungol siya at gigil na ihinilamos ang kamay sa mukha. Ramdam na naman niya ang pamumula at hindi na siya makakapayag! "Naiilang na nga ako… sasabihan mo pa ako ng ganyan," angal niya rito.

"But it's true," anito saka nawala ang ngiti nito sa mukha hanggang sa napabuntong hininga. "Alam ko, nabibilisan ka sa mga kilos ko kaya naiilang ka. Pero gusto kong malaman mo na ako ang tipo ng lalaking hindi titigil hangga't wala akong nagagawa para dito. I like you the first time I saw and I would understand if you don't believe me. That's fine, Cherry. That's normal not to trust someone that easy. But I'll prove you can trust me. Just watch me," sinserong saad nito saka pinasibad ang sasakyan.

Ah, kailangan na talaga niyang i-reformat maging ang puso! Labis siyang naapektuhan sa sinabi nito kaya hayun ang puso niya, ayaw ng magpaawat. Lihim na iyong umaasam sa pagpapatunay na sinasabi ni Elixir. Wala pa mandin itong ginagawa, pati ang puso niyang astigin, natuto ng kiligin!

Nang maihatid na siya nito sa bahay ay lalo siyang napanganga rito. Mayroon pa itong iniabot sa kanya buhat sa likuran ng sasakyang isang basket ng mga prutas. Mainam daw iyon sa katawan niya dahil sa career niya.

Nganga ang peg niya sa lalaking ito. Kaya ng gabing iyon ay hindi siya makatulog. Hindi kasi siya makapaniwala na mayroon Elixir na pinagtutuunan siya ng pansin. Napabuntong hininga siya at pinilit na makatulog.

"'Oy, bunso! Tulala ka na naman! Mahuli ka sa shooting mo! Ang pag-ibig nga naman, palalambutin kahit sinumang tigasin!"

Binato ni Cherry ng buto ng mansanas ang kuya Cadi niya sa pagputol nito sa pagmumuni-muni niya. Maaga pa naman para sa shooting. Gaganapin iyon ng bandang hapon para hindi na mainit kaya hayun siya, iniisip ang mga ginagawa ni Elixir.

Nasundan pa ang pagpunta nito sa kanilang bahay at pagsundo sa kanya. Halos gabi-gabi ay nandoon ito. Nakikipagkwentuhan sa kanya at maging sa buong pamilya niya. Noong una'y tila mga guwardya sibil ang mga ito kung makabantay sa kanila. Panay ang tanong nila kay Elixir hanggang sa napalagay na ang mga ito. Mabiro din naman si Elixir. Charming ito at palangiti kaya nito nahuli ang kalooban ng pamilya niya.

Kapag hindi ito makakapasyal ay tumatawag ito. Kinikilig naman siya dahil hindi pa mandin sila, pinahahalagahan na nito ang iisipin niya. S'yempre'y nakapogi points naman ito sa kanya.

"Maliligo na nga…" angil niya saka tumalima. Lagi tuloy siyang tinutudyo. First time daw ay mayroong nagkamali at isa pang engineer na guwapo.

Nang matapos siya ay nagbihis na siya. Inupahan ng Refreshed ang Sta. Ana ng ilang araw matapos ang mga karera para sa gaganaping shooting. Simple lang daw ang gagawin niya at ang laki na ng bayad niya. May one year supply pa siya ng Wild Cherry, ang flavored energy drink ng Sweet Booster na ie-endorso niya.

Napangiti siya. Sunud-sunod ang swerte niya. Malapit na rin kasi silang magbukas ng branch doon at ang kuya Colin niya ang nag-aasikaso. Nagboluntaryo rin ang kuya Cadi niya na maging ahente at ang ilang hinete para magkaroon na sila ng kliyente.

"Nand'yan na ang sundo mo," anang kuya niya at patuloy ito sa pagkatok sa pinto.

Nataranta siya. Ang lalaking iyon, palagi siyang ginugulat kaya siya natuturete. Wala naman kasi itong sinabing pupunta doon. Napabuga na lamang siya ng hangin at binilisan ang kilos.

Lumabas na siya at agad na tumayo si Elixir ng makita siya. Agad nitong ibinigay ang tulips sa kanya. Kilig na kilig na naman ang puso niya at pilit niyang itinago dahil nakaharap ang mga kuya niyang mokong. "Ang aga mo namang manligaw." Biro niya rito. Kundi niya gagawin iyon ay maiilang na naman siya. Kahit papaano ay nais din naman niyang maging at ease sila sa isa't isa.

Natawa ito at napailing. "Actually, sumaglit lang ako para ihatid ka. I need to go back to the site. But I will fetch you. Wait for me after your shooting, okay?"

Tumango na lamang siya rito. Wala din namang saysay kapag tumanggi siya dahil alam niyang pupuntahan pa rin siya nito. Parang hindi ito makatiis na hindi siya makita. Iyon ang napapansin niya rito at kapag magkasama sila nito, panay ang tingin nito sa kanya na ikinaiilang na lamang niya.

Bago pa sila makantyawan ay nagpaalam na sila nito. Pagtalikod niya ay hindi niya napigilan ang sariling mapangiti. Sumaglit pa talaga ito para ihatid siya? Kinikilig siya!

Ilang sandali pa ay hinatid na siya nito at pagdating nila sa Sta. Ana, bago siya bumaba ay pinigilan muna siya nito.

Napakunot ang noo niya. "Bakit?"

Ngumiti ito saka mayroong iniabot sa kanya. Natawa siya ng makitang tatlong magkakapatong na baunan iyon. "Ano 'yan? Baon?"

Ngumiti ito sa kanya at inilapag iyon sa kandungan niya. "Yes. Baon. Gumawa ako ng mga sandwich, baka gutumin ka. And before I forgot," anito saka inilabas sa bulsa ang maliit na kahoy na kahon at ibinigay nito sa kanya. "Ibulsa mo ito sa lahat ng pagkakataon. Proteksyon mo 'yan. I'm sure He will guide you,"

Hindi na niya alam ang kanyang sasabihin. Nakatulala na lamang siya sa kahoy na rosary na ibinigay nito sa kanya. Nag-shut down na naman ang utak niya at todo kabog na ang puso niya sa moves nito.

"Sige na. Baka mahuli ka na," untag nito sa kanya. "Smile before you go, please?" masuyo nitong saad saka pinisil ang baba niya.

Gusto na niyang mahimatay sa kalambingan nito! Kinikilig siya to the tenth power! Biglang-bigla, gusto niya itong tanungin kung ano ang nagustuhan nito sa kanya para pagtuunan siya nito ng ganoong pansin. Dahil kung ang plano nito ay palambutin ang puso niya'y nagtatagumpay na ito. Ang lakas ng tadyak nito sa sistema niya.

"Thank you. Elixir… hindi mo naman kailangang gawin 'to eh…" mahinang saad niya at napakamot sa sentido. "Masyado kang sweet…" at nadadala ako…

"Anong hindi kailangang gawin?" anito saka inayos ang buhok niyang nawala sa puwesto. Tumayo ang mga balahibo niya sa katawan dahil sa pagkakadampi ng mga balat nila. "I will do this because I like it and beacause… I like you," lambing nito.

Napalunok siya at napatitig rito. Halos hindi na naman siya makahinga sa kapangahasan nito. Nang halikan nito ang sentido niya, parang gusto na niyang mahimatay. First time na mayroong lalaking humalik sa kanya. Muntik na siyang mawalan talaga ng malay!

"Go now or I might end up kissing you until midnight…" anas nito sa tainga niya. Tumayo na maging ang balahibo niya sa batok. At aaminin niya, hindi siya nabastusan bagkus, dama niyang tila mayroong kumiliti sa gulugod niya at naginit ang pakiramdam niya hanggang sa napasinghap siya!

Dali-dali siyang lumabas ng sasakyan. Baka mamaya, totohanin nito iyon ay baka ikamatay na niya ang sobrang kilig! Damang-dama niya ang pagiinit ng mukha, maging ang buong katawan! Nagtapat ba naman ito sa kanya ng ganoon? Aba'y talagang ikamamatay iyon ng braincells niya! Halos hindi pa rin siya makahuma kaya pilit niyang kinalma ang nagwawalang puso ng sandaling iyon.