Chapter 90 - Chapter 10

NASIRA agad ang mood ni Madison nang makita si Janz na naghihintay sa kanya sa lobby. Dali-dali siya nitong nilapitan. "Anong sabi nila, Madison? Paaalisin na daw ba nila tayo? Ipapakulong? Nagmakaawa ka ba sa kanila..."

Kasunod din niya si Jeyrick na nagpaliwanag ng sitwasyon sa lalaki. "Itutuloy pa rin ninyo ang pagko-cover sa mga tourist spot dito. Baka hindi na ninyo mahabol ang Lake Tufub dahil late na kaya tutuloy na tayo sa Lias. May maganda silang waterfalls na di kalayuan sa mismong community. At pwede din kayong mamitas ng lemon. At matitikman ninyo ang inutom na ipinagmamalaki ng Lias."

"Mabuti naman. A-Akala ko talaga mawawalan na kami ng trabaho. Thank you, Sir."

At tumaas ang kilay ni Madison nang makita na  niyakap pa ng kasamahan si Jeyrick. Impaktong ito. Inunahan pa akong maka-hug kay Dimples.

Iniwan ni Madison ang dalawa at tuloy-tuloy sa kuwarto niya. Kailangan pa niyang kunin ang ibang gamit doon para sa trabaho niya at maghilamos man lang. Hindi pa siya nakapag-ayos man lang.

Di niya alam na sinundan pala siya ni Janz. "Madison, sana kalimutan mo na ang tungkol sa drugs-drugs na iyan. Wala naman tayong mapapala. Mawawalan pa tayo ng trabaho kung nagkataon. Mabuti na lang mababait sila dito..."

Hinarap niya ang lalaki. "Wow ha? Di naman sana tayo mahuhuli kundi dahil sa kadaldalan mo. Kalalaki mong tao, duwag ka. Pumapasok ka sa mga bagay na di mo kayang panindigan," panggagalaiti niya. "Bakit ka napasok sa ganitong trabaho kung ganyan ka naman pala?"

Hinawakan nito ang kamay niya. "Sorry na."

"Don't touch me. Di ka mapagkakatiwalaan. Ganyan ka ba? Nanlalaglag ng partner? Tapos sarili mo lang ang poprotektahan mo," angil ni Madison.

"Kinabahan lang ako. Di pa kasi ako sanay sa ganitong sitwasyon. Sorry na. Ayoko lang mawalan ng trabaho."

"Manahimik ka na lang. Trabaho mong kumuha ng pictures at trabaho ko ang dumaldal. Kung wala kang matinong masasabi, itikom mo ang bibig mo."

Pumasok siya sa kuwarto at binalibagan ito ng pinto. Naghilamos siya para maginhawahan. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya. Sa ngayon pagbubutihan niya ang assignment. Kung mawalan man siya ng trabaho, iyon ay di dahil nagpabaya siya kundi nasobrahan pa.

Nag-aabang na ang isang pick up paglabas ng guesthouse. Nasa passenger seat na si Janz kaya pinili niyang umupo sa tabi ng driver's seat. Ayaw niyang makatabi ang lalaki dahil masisira lang lalo ang araw niya. Sa tabi na lang siya ni Jeyrick.

"Sandwich. Kumain ka na," sabi nito at inabot ng tinapay sa kanya. "Kailangan mo ng lakas dahil baka mapasubo ka sa lakaran. May saging na nilaga din dito."

"Salamat." Kumagat agad siya ng sandwich. Gutom na gutom siya mula sa paghabol ng aso sa kanya at pakikipaglaban kay Lerome. "Salamat din sa pagtatanggol sa akin kay Lerome. Wala naman talaga akong masamang intensiyon sa paghahanap sa marijuana plantation. Interes lang ang nakararami ang inaalala ko."

Tumango ito at minaniobra papunta sa main road ang sasakyan. "Alam ko naman iyon. Normal naman sa trabaho mo na magbunyag ng di magagandang nangyayari sa lipunan."

"Buti ka pa naiintindihan mo ako," usal niya. Di tulad ni Lerome.

"Sana maintindihan mo rin si Lerome. Siya ang head ng tourism. Siya ang may responsibilidad sa project na ito at sa magiging epekto nito sa Barlig. Nasaktan lang siya dahil ginawa niya ang lahat para matuloy ang tourism project na ito. Maliit lang ang budget namin kaya siya  mismo nagsakripisyo ng sarili niyang pera. Nagsisimula pa lang kami sa tourism dito sa Barlig. Napag-iwanan na kami ng ibang bayan. Gusto ni Lerome na perfect ang lahat. Alam kasi niya na malaki ang maitutulong nito sa bayan namin. Anumang bad publicity ay makakasama sa turismo namin. Ibig sabihin babalik na naman kami sa zero? Sayang ang pinaghirapan namin."

Bumuntong-hininga siya at nakadama ng guilt. Hindi lang ito tungkol sa pangarap niya. May mga tao rin na nangangarap gaya niya. At di niya maiwasang maka-relate kay Lerome. Di sila nagkakalayo dahil pareho silang nagsisikap para sa magampanang mabuti ang trabaho nila.

"Nakakuha lang naman ako ng tip na may marijuana plantation. Kaya nga nag-iimbestiga kami," paliwanag ni Madison.

"Walang marijuana plantation doon sa farm ni Manong Alex. Baka 'yun lagundi ang nakita nila," sabi ng lalaki.

"Lagundi?" usal niya.

"Oo. May taniman ng lagundi dito at binibili ng pharmaceutical company para gawing gamot sa ubo. Siyempre di naman gaya ng ibang cough syrup iyon na nakaka-addict dahil natural."

"Seryoso ba na lagundi iyon?" tanong ulit niya sa lalaki.

"Oo. Malamig lang ang klima dito sa Barlig kaya mas malalaki ang dahon. Ganoon naman dito sa Cordillera. Kahit kalamansi itanim mo nagiging dalandan. Kaya baka pati lagundi nagmukhang marijuana," hula ng lalaki.

"Lagundi." Humalakhak siya na parang nababaliw hanggang sa maluha na siya sa katatawa. "Lagundi lang pala. Hinabol ako ng aso at muntik mamatay sa bangin dahil lang sa lagundi?" Tapos malapit na siyang mawalan ng trabaho. What a fall from grace.

"Ano naman ang nakakatawa? Lagundi lang muntik pa tayong mamatay," reklamo ni Janz na nang lingunin niya "Pahamak ka talaga, Madison."

Binelatan niya ito. "Quits na tayo dahil inilaglag mo ako. Charge it to experience."

"Pwede na siguro nating kalimutan ang di magandang nangyari kanina. at mag-focus kayo sa tour," pagpapagaan ni Jeyrick sa loob niya.

 "Salamat, Jeyrick. You are my hero," usal ng dalaga at pinisil ang kamay nito na nakahawak sa kambiyo ng sasakyan.

"Wala iyon. Gusto ko lang na maging masaya ang lahat dito sa Barlig. Sana sa pagkakataong ito ay makita mo na ang totoong ganda ng Barlig. Iyon talaga ang gusto naming ipakita sa mga tao. At sigurado ako na kapag nai-present mo ito sa superiors mo, hindi ka nila aalisin sa trabaho."

Iba talaga ang confidence nito sa kanya. Kung kanina ay bagsak na bagsak siya, ngayon ay gumaan ang pakiramam niya. Makikita na talaga niya ang kagandahan ng Barlig dahil nandiyan si Jeyrick pangitiin siya at protektahan. Ito lang ang nagpapasaya sa kanya ngayon. Dahil sa kompiyansa nito sa kanya ay hindi niya pakakawalan ang pangarap niya.

Related Books

Popular novel hashtag