Napaigik si Madison dahil nang maramdaman ang pagkalat ng mainit na tubig sa balat niya. "Jhen!" saway ni Lerome dito at dali-daling kinuha ni Lerome ang tasa sa kanya. Mabilis din nitong dinampot ang tissue at pinunasan ang kamay niya. "Masakit ba?"
Natigagal si Madison sa malambing na boses nito at natigagal. Nag-aalala si Lerome sa kanya. Totoo ba ang naririnig niya? Ngayon lang yata ito naging mabait sa kanya.
Inakay siya ni Lerome papunta sa gripo at ni hindi niya naramdaman ang mala-yelong lamig ng tubig. Ang tanging nararamdaman niya ay ang mainit at masuyo nitong kamay na umaalalay sa kanya.
"Masakit ba?" tanong ng lalaki. Di agad siya nakasagot dahil nakatulala lang siya dito. Mas guwapo naman pala ang kumag na ito kapag di nakasimangot sa kanya. Pumalatak ito at ibinalik ang kamay niya sa tubig. "Dapat ka na sigurong dalhin sa clinic para makita nating mabuti ang paso mo."
"H-Hindi. Hindi na kailangan. Okay na ako dito," tutol ni Madison. "Malayo naman ito sa bituka. Kaya ko na ang sarili ko.
"Ma'am, sorry po talaga," sabi ni Jhen na magkasalikop ang palad at pinalipat-lipat ang nakatayong paa. "Na-excite kasi ako sa kanta ni Jeyrick."
"Wala ito. Hindi naman ako gaanong nasaktan," sabi niya at tipid na ngumiti.
"Hawakan mo ang kamay niya at kukuha lang ako ng first aid kit," utos ni Lerome sa babae at iniwan sila.
Nang bitawan ng binata ang kamay niya ay saka lang niya naramdaman na sobrang lamig ng tubig na nanunuot sa balat niya na wala namang paso. Ngumiwi siya at nangatog sa pagsigid ng lamig sa katawan niya. That was weird. Bakit hindi niya iyon naramdaman kaninang hawak ni Lerome ang kamay niya?
"Okay na siguro ito. Baka naman rayumahin na ako sa lamig," sabi niya kay Jhen.
"Sorry po, Miss Madison," anito at pinatay ang gripo. "Sa clinic po tayo?"
"Baka naman pwede dito na lang," aniya at inginuso ang couch sa di kalayuan. "Baka hindi natin marinig na mag-perform si Jeyrick." Sa sobrang katarantahan kanina ay nawala na nga sa isip niya na kumakanta pa pala ang binata.
"Salamat po hindi kayo galit sa akin," sabi ni Jhen. "Nakakawala naman kasi sa sarili si Jeyrick. Dimples pa lang pamatay na."
"And he is nice." Di gaya ng kaibigan nitong si Lerome. Tse!
Nagningning ang mata ng babae habang maingat na hawak ang kamay niya at pinunasan ng tissue ang bahaging walang paso. "Totoo iyan. Tapos talented pa. Madami sa amin ang may crush sa kanya."
"Wala ba siyang nililigawan?" maingat niyang tanong.
"Hindi ko lang sigurado. Kasi parang liligawan na niya si Ate Beliza."
"Beliza? Sinong Beliza?" Maganda ba ang babaeng iyon? Mas maganda pa sa kanya?
"Naku! Bestfriend na babae ni Jeyrick at doon lang siya nakatira sa inn sa harap ng munisipyo. Sabi kasi ng marami sila daw ang bagay kaya walang ibang nililigawan si Jeyrick. Humahanap lang daw ng tiyempo para makapanligaw."
Umingos siya. "Baka naman bestfriend lang talaga." Hindi nanliligaw si Jeyrick dahil friend zone lang talaga si Beliza, the bestie. Pero ngayong nagkakilala na sila ng binata, baka sakaling manligaw na ito sa tamang babae.
"Kung gusto ninyo si Sir Lerome na lang po ang tanungin ninyo. Siya kasi ang bestfriend ni Jeyrick. Mas kilala niya si Ate Beliza kaysa sa akin. Mas alam niya kung ano ang nangyayari sa relasyon ng dalawa," paliwanag ni Jhen.
"Okay." Siyempre di niya tatanungin kay Lerome. Tiyak na susungitan na naman siya ng lalaki.
"Ayan na pala siya. Sir Lerome, may itatanong po daw si Ma'am sa inyo tungkol kay Ate Beliza."
Napatuwid ng upo si Madison. Sana pala ay sinabi na lang niya kay Jhen na wala na siyang interes kay Beliza o kung anuman ang kinalaman nito kay Jeyrick. Ayaw niya sa lahat ay ma-involve pa dito si Lerome.
"Anong meron kay Beliza? Bakit mo naitanong?" nakakunot ang noong tanong ni Lerome at tumayo sa tabi niya. He looked like a dark devil hovering over her.
"I.... Nakalimutan ko na ang pinag-uusapan namin ni Jhen," anang si Madison at alanganing ngumiti.
"Tungkol kay Jeyrick ang itatanong mo at sa relasyon nila ni Ate Beliza. Kung confirmed na liligawan siya ni Jeyrick," walang prenong sabi ni Jhen. Ni hindi man lang nahalata ang pasimple niyang pagtanggi.
"Ha? Hindi naman..."
"Sige na, Jhen. Bumalik ka na sa program. Baka may kailangan pa ang mga guest dito. Ako na ang bahala kay Miss Urbano," anang si Lerome at umupo sa tapat niya nang makaalis na si Jhen.
"Ako na lang ang gagamot sa sarili ko. Ointment lang naman, di ba?" sabi niya at inilahad ang palad na di napaso dito para hingin ang gamot.
"Ako na. Gusto kong makasiguro na magiging maayos ang paso mo. Baka hindi ka maging komportable kapag namasyal bukas."
Kinagat niya ang labi at hinayaan ito na punasan ang kamay niya at pahiran ng ointment. Malakas ang kaba sa dibdib niya habang nakatitig dito kaya ibinaling na lang niya ang atensiyon sa stage kung saan kumakanta pa rin si Jeyrick.
"Do you like Jeyrick?" biglang tanong ni Lerome.
"As a guide? As a host?"
"Interesado ka sa kanya?" tanong ng lalaki sa bahagyang mataas na boses. Na parang naiirita ito sa pagpapa-inosente niya.
Nakataas ang kilay niya itong tiningnan. "I think that is too personal, Mister." Bakit ganoon? Guwapo na sana ito, tsismoso lang.
"You are not his type," walang gatol na sabi nito.
"Excuse me? At sino ka naman para sabihin iyan?" aniyang di mapigilang mainis.
"His bestfriend." Ngumisi ito na parang nalilibang na asarin siya. "Alam ko kung ano ang tipo niyang babae."
Nagpanting ang tainga niya. Impaktong ito! Di pa nga sila nagkakaligawan ni Jeyrick, basted na agad siya? "Di dahil bestfriend ka, hawak mo na ang utak at puso ni Jeyrick. Huwag kang umasta na alam mo na agad ang magiging desisyon niya. Huwag mo siyang panguhanan kung sino ang gusto niya at ayaw niya. Di na siya bata. Problemahin mo ang sarili mong buhay."
Ikiniling nito ang ulo at masuyong ikinalat ang ointment sa balat niya. "Gaya ng sinabi ko, hindi kayo bagay."
"At sino ang bagay sa akin? Ikaw?"
"You are not my type either. My apologies."
"Ano bang gusto mong mangyari?" angil niya.
"Siguro ay mas mapapabuti ang trabaho mo kung magfo-focus ka na lang sa pagpo-promote ng Barlig kaysa sa paghahanap ng boyfriend."
Naggiyagis ang ngipin niya. "Ano bang problema mo sa akin? As far as I am concerned, wala naman akong ginawang kahit anong masama sa iyo. I don't flirt with you. Ni hindi nga kita dinidikitan. At kung umasta ka, parang wala na akong ginawang tama. Hinuhusgahan mo na ang pagkatao ko."
Tinitigan siya nito sa mga mata. "I don't trust you. Pakiramdam ko may gagawin kang hindi maganda. Hindi ko pa masasabi ngayon pero alam ko na di kita dapat pagkatiwalaan. My guts tell me that you are not good for Jeyrick. Sasaktan mo lang siya."
Natigilan siya. Naalala niya ang misyon niya. Makakaapekto ba ang misyon niya sa Barlig sa magiging relasyon niya sa mga tagadoon lalo na si Jeyrick? Tama ba si Lerome na sabihing di siya dapat na pagkatiwalaan?
Hinamig niya ang sarili at matamis na ngumiti. "At ano naman ang gagawin ko na di katiwa-tiwala? Huwag kang praning." Binawi niya ang kamay dito at tumayo. "Salamat sa paggamot sa akin. Magpapahinga na ako. Ayoko naman kasi na alalahanin pa ninyo ako bukas kapag namasyal tayo. Goodnight, Mr. Marquez."
Iniwan na lang niyang kumakanta si Jeyrick. Nawalan na siya ng gana na makinig matapos ang pag-uusap nila ni Lerome. Nabasa nito ang pagkatao niya. Pero di langj naman ako dapat pagkatiwalaan kung may masasagasaan ako. At sa misyon ko, tanging masasamang-loob lang naman at lumalabag sa batas ang makakalaban ko. Maliban na lang kung kasama si Lerome sa mga salot sa lipunan.
Di agad siya makatulog nang makabalik sa kuwrto niya. Nakatanaw siya sa mahamog na kalangitan nang mag-ring ang cellphone niya. "Hello."
"It's me," sabi ng distorted na boses sa kabilang linya.
Pumitlag ang puso niya. Iyon ang informer niya, ang source ng kanyang balita. Minsan na niya itong nakilala noong college siya at dating kaibigan daw ng ama niya. Minsan na siya nitong natulungan sa investigative documentary niya noong college dahilan para makapasok siya sa Star Network.
"Nasaan ka na?"
"Eagle's Point. Uhmmmm... Papunta ito ng Lias sabi sa amin."
"Perfect. Mas malapit ka pa location kaysa sa inaasahan ko. Mas mapapadali ang misyon mo."