"Barlig is the Shangri La on the Edge. It is the only town in Mountain Province with intact virgin forest. Its lush vegetation, rice terraces, clean and unspoiled lakes and majestic waterfalls and Mt. Amuyao as the ninth highest peak in the country, the town of Barlig is indeed worth the visit."
Magkasalubong ang kilay ng reporter na si Madison Jane Urbano habang iniisa-isa ng tourism head ng Barlig, isang munisipyo sa Mountain Province angi ba't ibang likas na yaman ng lugar. Kasama ang ibang mga reporter ay umakyat sila ng Barlig para i-cover ang press tour na ihinanda ng munisipyo para i-promote ang turismo ng naturang bayan.
Walong oras ang biyahe niya mula Baguio kung saan nakabase ang regional office ng Star Network. Walong oras na puro bangin at fog. Hindi naman siya nagrereklamo kung malayo ang biyahe pero para mag-cover ng isang tourism feature na wala pang limang minuto na tatagal sa ere, she didn't know it if was worth it. She wanted something big. Isang balita na pag-uusapan ng mahabang panahon di lang sa Cordillera Region kundi sa ibang panig ng bansa. At di siya papayag na umalis ng Barlig hangga't di niya dala ang magandang balita na hinahanap niya.
"Hayyy! Paradise naman talaga kung ganyan kaguwapo ang tourism head, isama mo pa ang mga guwapong tour guide. Sino ang mag-aakala na punung-puno pala ng guwapong Igorot ang town na ito? Dito lang pala sila nagtatago," kinikilig na sabi ng kaibigan niyang si Arbie na writer naman para sa isang travel adventure magazine. "Kung alam ko lang, sana noon pa ako nag-cover dito."
Halos lumuwa ang mga mata nito sa mga guide na nasa gilid ng stage. Umaakyat ang mga ito at isa-isang idini-discuss ang magagandang tourist spot ng bawat baranggay. Pati na rin ang produktong maipagmamalaki ng mga ito.
"Pwede silang isama sa tourist spots na babalik-balikan mo. Ngayon pa lang ayoko nang umalis," kinikilig na pagpapatuloy ng kaibigan niya.
"Pwede ba mag-focus na lang tayo sa trabaho?" pabulong niyang angil dito at nagte-take down ng notes sa steno pad niya kung saan siya mas sanay. Kailangan pa rin niyang gawin ang trabahong ibinigay sa kanya.
"Uy! Grabe siya o! Para namang presidential debate o isang serious investigative news ang ikino-cover natin. We are here to explore this paradise. Wala namang masama kung mag-relax tayo, appreciate the beauty of nature," sabi nito at inilahad ang kamay sa mga tourist guide. "Maghanap ng boyfriend. Tutal kabe-break lang namin ng kumag kong ex at ikaw NBSB pa rin hanggang ngayon."
"Not interested," aniya sa malamig na boses. Kailangan ba talagang ipagdiinan na NBSB siya? Di naman siya naghahanap ng boyfriend. Wala iyon sa plano niya hangga't hindi pa niya naaabot ang mga pangarap niya, hangga't di pa natutupad ang mga plano niya.
Tinalikuran muna niya ang pagkakaroon ng crush o pakikipag-date nang mag-nineteen siya at mapatay ang ama niya ng isang drug addict na gusto itong nakawan. Ulila na siya sa ina na namatay noong ipanganak siya. Wala siyang ibang aasahan kundi ang sarili niya. At kailangan niyang tuparin ang mga pangarap nila ng ama. Gusto niyang sundan ang yapak nito bilang isang batikang journalist.
"Come on. I-explore natin ang lugar na ito. We are here to chill and relax. Nandito tayo para engganyuhin ang mga tao na tangkilikin ang turismo ng Barlig. At kailangan ma-feel din ng mga audience mo kung gaano ka ganda ang lugar na ito kasama na ang mga guwapong boys. Benta tiyak iyan."
Umikot ang mga mata niya. "Pass."
Siniko siya nito. "Tingnan mo ang speaker nila ngayon. Di ba crush mo si Vic Zhou ng F4? Ayan na siya. Baka siya na ang destiny mo."
Ibinalik niya ang tingin sa speaker na nagpapaliwanag sa magagandang tanawin na makikita nila sa community cluster ng Kadaclan. Parang bumalik siya sa pagiging bata at gustong magtitili nang mapagmasdan ang lalaking animo ay miyembro ng F4 na si Vic Zhou. Una niyang napansin ang may kahabaang buhok ng lalaki na naka-curl ang dulo paikot sa maliit nitong mukha. He had expressive and kind eyes. Maganda ang ilong nito na bumagay sa maliit nitong mukha. At nang ngumiti at lalaki ay may dimples pa ito. Nakasuot ito ng black T-shirt na may tatak ng logo ng Barlig Tourism.
Napangalumbaba si Madison. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa pagiging teenager kung saan kahit nagkaklase sila ay nai-imagine pa rin niya ang nakaraang episode ng Meteor Garden kung saan hinalikan ni Hua Zhe Lei si San Chai sa pisngi.
"Bet ko rin ang mga Kpop at mas masaya kung di na ako gagastos sa mahal nilang ticket pag may concert dito. Pak na pak na si Igorot F4. Siya na lang ang mamahalin ko sana. Pero dahil friend kita, sa iyo na. Gusto mo kunin natin ang number niya?" pilyang alok ng kaibigan.
"Ayoko nga. Baka isipin paniya babae pa ang unang gumagawa ng moves," tanggi naman niya.
"Hindi iyan. Sabihin mo nabitin ka sa tour at gusto mo siyang makilalang mabuti."
"Sira. E di parang ako pa naghahabol no'n." Mataas naman ang pride niya bilang babae.
"Hay naku! Barlig ka ba?" tanong nito.
"Bakit?" nakakunot ang noo niyang tanong.
"Kasi ikaw na lang ang last virgin forest." Saka ito humalakhak dahilan para mainsulto siya. Ano ba ang problema sa pagiging virgin at kung di umiikot ang buhay niya sa paghahabol sa lalaki o pagkakaroon ng boyfriend?
"Tumigil ka na nga diyan!" angil niya dito.
"Yes, Miss Urbano from Star Network?" anang head ng tourism na si Lerome Marquez. "Is there any problem with my statement?"
"Nothing, Mr. Marquez," aniya at bahagyang napayuko.
"Are you sure? Maybe there is anything I can help you with." Nahimigan niya ang bahagyang panginginig ng boses ng lalaki. Kahit naman sinong speaker ay maiinsulto kung may basta na lang sumingit sa pagsasalita nito. Now she looked unprofessional. Di niya alam kung bakit wala siyang maisagot na palusot sa lalaking ito.
"Actually, may gustong malaman si Madison," sabi ni Arbie. "Nahihiya lang siya."
Nagtataka niyang nilingon ang kaibigan. "Anong tanong? Wala naman akong itatanong."
"Gusto daw niyang malaman kung single at available ka pa," anang kaibigan niya sa malambing na boses.
"What?" bulalas niya at pinukol ng matalim na tingin ang kaibigan. "Wala naman akong sinasabi..."
Nanatiling naka-focus ang tingin nito kay Lerome at di pinansin ang protesta niya. "Gusto daw niyang malaman kung single ka pa."
Nagtawanan ang mga nasa paligid at iniisip marahil na mas inuuna pa sniya ang lalaki kaysa sa trabaho. Di siya inimbitahan doon para manlalaki. Di alam ni Madison kung paanong magtatago sa nanunuyang tingin ng mga kasamahan. She had always prided herself as a professional.Tapos ay pinagmumukha siya ng kaibigan ngayon na starry-eyed teenager. Nasapo na lang niya ang noo. Nakakahiya talaga!
Tumikhim si Lerome. He looked a bit uncomfortable and annoyed. "I think there is a right venue for this..."
"He is single," sagot ni Mr. Dimples sa bahagyang pormal na boses. Akala mo ay bahagi talaga ng talk ang sinagot nitong tanong. "Inuuna niya ang kapakanan nitong town kaysa magka-girlfriend."
"Ikaw na lang. Single ka pa?" tanong ni Arbie.
"Yes, I am," kampanteng sagot nito at ngumiti kaya lumabas ang dimple nito.
Tumikhim si Lerome. "As I was saying..."
Sa pagkakataong ito ay may ngiti sa labi ni Madison nang bumalik sa pakikinig sa speaker. Di nawala sa isip niya ang sagot ni Mr. Dimples Hua Zhe Lei - single pa ito.
At sa unang pagkakataon ay na-excite siya di dahil sa secret mission niya sa Barlig kundi dahil sa marami pang ngiti mula kay Mr. Dimples na makikita niya sa tatlong araw na pananatili niya doon.