LIKE mother, like daughter. Home-wrecker din.
Akala ko mahinhin. Di rin pala. Mang-aagaw ng boyfriend.
Concern pa kunwari kay Carrot Man. Ahas naman pala.
Inagaw ni Mea ang cellphone kay Sunny. "Huwag mo na ngang i-torture ang sarili mo. Binabasa mo pa ang comment ng mga tao na wala namang alam sa totoong nangyari sa buhay mo."
Di na siya halos lumabas sa kuwarto buong maghapon. Wala na siyang ginawa kundi ang umiyak. Ni ayaw niyang lumabas ng bahay. Pakiramdam ay alam na ng lahat ng buong pagkatao niya.
"Pero grabe sila. Pati buhay ng pamilya namin nakalkal. Tumawag pa si Papa kanina para sabihin na nakakahiya ang ginawa ko. Hindi ko alam kung may mukha pa akong ihaharap sa mga tao."
"Ikaw naman kasi ang taas ng pride mo. Sana hinayaan mo na si Hero na lumabas sa public para sabihin na girlfriend ka niya. Ano naman ang masama kung malaman ng mga tao ang totoo? Kaysa naman mapasama siya."
"Hindi ko alam kung dapat ko siyang pagkatiwalaan. At hindi ko alam kung gugustuhin pa niya akong tulungan ngayon."
Nangako sa kanya si Hero na handa itong maglabas ng statement sa publiko pero nagbilin ang kampo ni Jeyrick na walang sinuman ang mag-i-issue ng statement sa kanila. Mas mabuti daw na pag-usapan muna ang event at walang magsasalita sa kanila. Kusa naman daw mamamatay ang isyu.
"Tawagan mo si Hero. Isang tawag mo lang, okay na ulit ang lahat," suhestiyon ng kaibigan.
"Hindi iyon ganoon kasimple, Mea. How about our trust issue?"
"Binigyan mo ba ng benefit of the doubt 'yung tao? Bukod sa tiwala, importante din sa isang relasyon na huwag basta-basta manghuhusga. Basta ang natitiyak ko - mahal ka ni Hero. At mas gugustuhin niyang masaktan muna ang sarili niya kaysa ikaw."
Benefit of the doubt. Tama nga ba si Mea? Masyado ba niyang nahusgahan si Hero? Paano nga kung hindi ito ang nagpadala ng pictures nila sa showbiz blog?
Kung gusto kong i-reveal ang sekreto natin, sana nakalagay sa blog na boyriend mo ako. Na nagkataong kahawig lang ni Carrot Man.
Hindi na alam ni Sunny ang gagawin. Nakatulala siya sa kisame nang maabutan ng ina na naka-gown na. "Sunny, look at you. You look miserable."
"Iwan na ninyo ako, Mommy. Hindi po ako pupunta sa exhibit."
"What? Maraming fans na naghihintay sa iyo doon."
"Fans? Wala akong fans, Mom. Bashes at usyusero marami. Kahit nga si Daddy ikinahihiya na ako. Akala mo nang-agaw ako ng asawa."
"Wala siyang karapatan na ikahiya ka. Baka nakakalimutan niya kung ano ang ginawa niya sa ating mag-iina. Kung ano tayo sa buhay niya."
"Hindi naman ako mang-aagaw ng boyfriend. Hindi naman si Jeyrick ang kasama ko sa picture kundi si Hero, ang boyfriend ko. Nagkataon lang po na magkahawig sila ni Jeyrick. Mom, please do something about it. Gusto kong linisin ang pangalan ko."
Umiwas ito sa kanya at humakbang palayo. "What? I will do no such thing. Let the people talk. Matapos ang lahat ng ginawa ko para matiyak na maraming pupunta sa exhibit mo at maging talk of the town?"
Naningkit ang mga mata ni Sunny. "Anong ginawa ninyo, Mommy?"
Iniwas nito ang tingin. "Nothing unusual. Tumulong lang sa promotion."
Pilit niyang hinuli ang mga mata nito. "Kayo ba ang nagpadala ng picture ko sa showbiz blog? Ginawa ninyo iyon para mapag-usapan ang exhibit?"
"Ano ang masama sa ginawa ko? Chance mo na ito para mapag-usapan. Di ka lang basta nasa anino ni Carrot Man. Di ka lang nasa likod ng camera. Ikaw na ang pinag-uusapan ngayon. Ikaw na ang sikat."
"Mommy, gusto ko pong mapag-usapan pero di sa ganitong paraan. Gusto kong ma-recognize ang talent ko. Di dahil sa nanira ako ng relasyon. Di dahil tinatawag akong ahas."
"Huwag mo silang pansinin. Nai-insecure lang siya sa iyo."
Insecure? Anong kaiinggitin sa isang taong di maganda ang reputasyon? Nakadama siya ng galit sa ina. "Hindi na ninyo ako binigyan ng dignidad. If you are okay with that, pwes, hindi ako. Wala nang respeto sa akin ang mga tao."
Nanlisik ang mga mata nito. "How dare you, Sundrea! Ginawa ko ang lahat para sa inyong magkapatid. I did everything to give you a good life."
"No. Ginawa ninyo ang lahat para maging masaya kayo. Para umayos ang buhay ninyo. We are just a pawn in your game. Gusto ninyong sumikat ako kahit na mapasama ako para sa pansarili ninyong interes. Wala na kayong itinira sa akin, Ma. Pati lalaking mahal ko itinaboy ko. Iyon pala siya ang totoong nagmamalasakit sa akin."
"I don't care about your drama. Basta a-attend ka sa exhibit. Kung hindi, tanggapin mo na lang na kahit photo booth, di ka magiging photographer. Wala ka talagang talent. Maligo ka na. Kanina pa nasa baba ang hair and make up artist mo." At taas-noong lumabas ng silid si Mary Margaret.
Pinahid ni Mea ang luha niya. "Halika na. Kahit na gaano pa kasama ang pinagdadaanan mo, kailangan mong maging professional na. The show must go on, Sunny."