"MA'AM Sunny, nakabuo ako ng kwento tungkol sa sa paglalakbay ng isang bata para mahanap niya ang kaibigan niyang usa. Bata pa lang kaibigan na niya ang usang iyon na nakawala."
Nakangiting pinakinggan ng dalaga ang pagkukwento ni Salima. Kumikislap pa ang mga mata nito at parang buhay na buhay. Malayo sa mahiyaing babae na ayaw magbahagi ng talento sa kanya noong una.
Natuwa ang dalaga nang makita ang mga larawan na kuha nito kasama ang mga bata at ilan sa kadalagahan. "Hindi ka lang marunong kumuha ng pictures. Kaya mo ring magkwento."
"T-Talaga? Hindi pangit ang gawa ko?"
Umiling si Sunny. "Huwag mong isipin iyon. Walang pangit basta handa kang i-improve ang kakayanan mo. Pwede natin itong gawan ng presentation sa computer ko. Ibigay mo lang sa akin ang kwento. Pwede nating ipakita sa festival ninyo."
May bahagi ang festival na nagtatampok ng talento ng mga Lambayan. Kung matutuloy iyon, magiging moderno ang pagtatanghal. At tiyak niyang hahangaan ito ng mga katribo ito.
Nagningning ang mga mata ni Salima. "T-Totoo? Di kaya pagtawanan lang ako?"
"Bakit naman? Magaling ka nga. Mas maganda kung may magsasalaysay ng kweno ninyo. Gusto mo bang ikaw ang mag-present?"
Umiling ang babae. Umiling ito. "Huwag na lang po. Si Kimea. Magaling ang batang iyon at matalino. Siya naman ang batang bida sa larawan."
"Tama ka. Good choice ang batag iyon. Kakausapin ko siya."
"Pero sana sekreto lang."
Magaan siyang tumawa. "Oo naman. Sekreto lang. Shhhh!"
Pamangkin ni Amira si Kimea. Nang panahong ipinagbabawal ang pag-aaral sa bayan, nakagawa ito ng paraan para makapag-aral pa rin. Ito ang simbolo ng kabataan sa Kanayama na naghahanap ng karunungan at puno ng pangarap.
"Kapag nagkaanak ako, gusto ko huwag matulad sa akin na maagang nag-asawa. Gusto ko makapag-aral siya. Pumunta siya kung saan niya gusto. Maging manggagamot siya o kaya ay inhinyero o kaya 'yung nagpapalipad ng malaking tutubi."
"Piloto," sagot naman niya.
"Oo. Gusto ko na di siya nakakulong lang dito. Malaya siyang lumayo kung gusto niya at di ko siya pipigilan. Basta bumalik siya para makatulong sa ibang kabataan na matupad din ang pangarap. Basta huwag siyang magagaya sa akin."
Ginagap niya ang kamay ng babae. "Salima, huwag mong ikahiya kung nag-asawa ka man nang maaga. May kakayahan ka pa rin. Hindi iyon mawawala sa iyo. Sa ngayon, kukunin ko muna ang memory card sa camera mo para mailipat ko sa laptop ko. Ito munang bakante ang gamitin mo. Kumuha ka pa ng maraming pictures." Nakarinig sila ng tunog ng isang instrumento na umaalingawngaw sa buong Kanayama. Parang galing iyon sa malayo. "Ano iyon?"
"Tambuli na ginagamit ng mga mangangaso. Ibig sabihin ay dumating na sila. Nariyan na ang asawa ko," anitong magkahalo ang pagkasabik at pag-aalala. Na-miss marahil nito ang asawa na dalawang araw nitong di nakita subalit nag-aalala ito sa sekreto nila.
"Kailangan ko nang pumunta sa Atok," tukoy niya sa sentro ng Kanayama.
"Itatabi ko muna ang pangkuha mo ng litrato. Iingatan ko ito," sabi ng babae at kinipit ang maliit na digicam sa dibdib.
Nagmamadaling pumunta sa sentro ng Kanayama si Sunny at sakto naman na paparating ang mga mangangaso. Kinuhanan niya ng picture ang mga ito habang inaalay kay Imba Kumigin, ang ceremonial leader ng tribo, ang nahuling hayop ng mga ito. Kasama na doon ang pasasalamat na ligtas na nakarating ang mga nangaso.
Itinaas ni Imba Kumigin ang mga kamay na may hawak na tungkod. "May tala sa noo ang usa na ito. Magsisimula na ang kaftana."
"Kaftana?" tanong ni Sunny.
Umugong ang bulung-bulungan sa paligid pero partikular na ang mga kadalagahan at kabinataan. Sa hudyat ng musika mula sa nose flute na pinatugtog ng isang matandang lalaki na sinaliwan ng gangsa ay nagtakbuhan ang mga kadalagahan. Kanya-kanya ng kuha ang mga babae ng matibay na baging habang ang mga kalalakihan naman ay kanya-kanya ng tago. Dama niya ang excitement sa paligid. Ang mga bata ay pinauwi na sa kanya-kanyang bahay. Mukhang isang malaking pangyayari ang nagaganap.
"Anong nangyayari?" naguguluhang tanong niya sa lola ni Amira na si Idang Asra.
"Kapag nakahuli ang mga mangangaso ng usa na may tala sa noo, ibig sabihin ay maaring ganapin ang Kaftana. Ang mga babae ay kukuha ng matibay na baging at sisiluin nila ang lalaking gusto nila. At magdamag silang magsasama."
"Ahhhh!" aniya at tumango. Parang nabasa niya iyon sa research ni Hero. Ayon doon ay regalo mula sa bathala ng mga Lambayan ang naturang usa, senyales ng pagpapalawak ng lahi ng mga nasa tribo at magdadala ng kasaganaan.
"Sa palagay ko po di ko na kailangang kuhanan ito, Lola. Magpapahinga na po ako."
Nag-iinit ang pisngi ni Sunny. Hindi na niya kailangan pang i-cover ang mga pribadong pangyayari. Alam niya ang limitasyon niya bilang tagakuha ng larawan. Doon na lang siya magkukulong sa kubo niya. It would be one night of sensual hunt for the single men and women of Kanayama. Matutulog na lang siya.
"Sandali lang," sabi ni Idang Asra at tumayo. Nagulat siya nang humatak ito ng baging sa isa sa mga puno doon at pinutol ng patalim. Inabot nito ang baging sa kanya. "Heto. Siluin mo ang lalaking nais ng puso mo."
"Naku! Hindi naman po magpapahuli iyon. Magalit pa siya sa akin," pabiro niyang sabi at umiling.
"Hindi mo alam. Baka naman ikaw ang siluin niya," matalinhagang wika ng matandang babae at iniwan siya.
Napailing na lang siya at naglakad na pabalik ng kubo. Kung malakas lang loob niya tulad ng kaibigang si Mea, pupuluputan na niya ng baging si Hero. Hindi na niya ito pakakawalan. RAWR!
Pero di na niya iyon magagawa kay Hero. Di naman siya gaya ng mga Lambayan na mula pagkabata ay magkakakilala na. Ngayon pa lang sila nagkakakilalang mabuti. Malaking bagay sa kanya nang ipagtapat nito ang tungkol sa pagkamatay ng nanay nito. Tinatanggap na siya nito bilang isang kaibigan, parte ng buhay nito.
Natataw na ni Sunny ang kubo niya nang may biglang humatak sa kanya.