Abala sa pagbabalot ng regalo para kay Thyago si Liyah. Bukas na ang birthday nito. Di nga niya alam kung paanong mag-aasikaso ng bisita dahil buong Stallion Riding Club ang dadalo sa birthday nito. At naka-full red alert status na rin siya. Maraming babae ang susubok na kunin ang atensiyon ni Thyago. Tiyakin niya dapat na di basta-basta makakasingit ang mga ito.
"Liyah, nasa baba si Thyago," tawag sa kanya ni Stephanie nang katukin ang pinto ng kuwarto niya.
"Ha?" Dali-dali siyang bumangon. Nakasuot na siya ng night gown noon at naghahanda nang matulog. "O, bakit nandito ka?"
Mag-aalas diyes na noon ng gabi. Kadalasan kapag ganoong oras ay naghahanda na silang matulog dahil maaga pa ang trabaho nila kinabukasan.
"Halika! Pupunta tayo sa riding club."
"Bakit? May problema ba?" tanong niya. Bihis na bihis kasi ito. He was wearing a black dinner jacket and black trouser. Nakapusod din ang may kahabaan nitong buhok para mas magmukhang pormal. "Anong mayroon?"
Hinawakan nito ang kamay niya. "Basta sumama ka sa akin."
Pumiksi siya. "Sandali! Tingnan mo nga ang itsura ko. Nakapantulog na ako tapos basta mo na lang akong tatangayin?"
"Then change into something else. One way or another, dadalhin kita sa riding club. Wala akong pakialam kung ano ang suot mo."
"Okay! Magbibihis na ako."
Mukhang importante para dito ang pupuntahan nila. Kaya kahit na inaantok na siya ay pinilit pa rin niya ang sarili na magbihis at sumama dito.
"Ano ba talaga ang gagawin natin?" tanong niya habang nagmamaneho ito papunta sa Stallion Riding Club.
"Galit ka ba? Gusto lang naman kitang makasama kapag tumuntong ang birthday ko. I don't want to be alone."
"Bakit? Birthday mo rin naman bukas, ah!"
"Iba pa rin kapag kasama kita ngayon," sabi nito at ginagap ang kamay niya.
Nag-park ito sa harap indoor polo arena. Dismayado niya itong nilingon. "Don't tell me that you will ask me to play polo? Not tonight, Thyago. Masakit na ang katawan ko. Baka di na ako makabangon bukas."
"Silly." Hinila nito ang kamay niya. "Basta pumasok lang tayo."
Pagpasok nila sa loob ay madilim ang paligid. Humigpit ang hawak niya sa braso nito. "Hindi naman siguro tayo maggo-ghost hunting?"
Pumailanlang ang magandang boses ng isang lalaki. Natigagal siya. Hindi iyon boses ng isang multo na galing sa hukay. Iyon ang boses ng paborito niyang singer na si Jason Erwin Dean mula sa bandang The Switch.
Bumaha ng liwanag ang loob ng polo arena. Nagkalat ang mga lobo sa paligid nila. At di kalayuan sa polo arena ay tumutugtog ang The Switch.
Nangingilid ang luha niyang nilingon si Thyago. "For me?" Niyakap niya ito. "Thank you! Matagal ko na silang gustong mapanood, alam mo ba?"
"Yes. And I know how much you love to hear their music. Naalala ko na hindi tayo nakanood ng concert nila sa Bangkok. Kaya idinala ko sila dito."
Yumakap siya sa baywang nito. "You are weird, Thyago. Sa lahat ng may birthday, ikaw ang nagbibigay ng regalo."
"Simple lang naman ang regalong gusto ko. I want to see you smile, Liyah."
"Hindi mo naman kailangang magpakahirap para lang pangitiin ako."
Nagagawa naman kasi niyang ngumiti kapag kasama niya ito. She was happy whenever she was with him. Hindi ba nito nararamdaman?
"Kahit na mahirapan pa ako, basta masaya ka lang. I want to lessen your loneliness in any way I can."
"Bakit? Nakikita mo pa ba akong malungkot?" tanong niya at humawak sa balikat nito. Their body just swayed to the music.
"Baka hindi mo lang ipinapakita sa akin dahil baka mag-alala ako."
"No. Wala akong dahilan para makaalala ng malulungkot na bagay kapag kasama kita." Kinintalan niya ito ng halik sa labi. "Happy birthday, Thyago."