NAKATULALA SI Liyah habang nagluluto ng hapunan nila ni Thyago. Dahil talunan siya, halos sunud-sunuran siya sa lahat ng iutos nito. That kiss was very devastating. Di niya alam kung may gayuma ang halik nito. Nahipnotismo siya at sunud-sunuran sa lahat ng sabihin nito.
Ni hindi na nga niya ito naaway matapos siya nitong halikan. Wala siyang naiiisp kundi ang sensasyong nararamdaman niya. Lumulutang ang isip niya.
"Liyah, aapaw na iyong niluluto mo!" sigaw ni Thyago at mabilis na pinatay ang kalan. "Ano ba ang nangyayari sa iyo at di mo napansin?"
"Sorry. Di ko napansin," aniyang di agad nakagalaw.
"Umupo ka na nga lang. Luto na pala ito. Ako na ang maghahain. Baka napagod ka lang sa laro natin kaya lumilipad ang isip nito," anito at ngumiti.
Natulala na lang siya sa ngiti nito. Hindi ba nito alam na lumilipad ang isip niya dahil hinalikan siya nito? To be kissed while lying on the ground in the middle of the polo field was way too crazy. But it was beautiful as well. Pakiramdam nga niya hanggang ngayon ay nakalutang pa rin siya.
Ang sabi niya noon ay ayaw niyang ma-in love. Isa lang iyong kalokohan na makakasira sa sistema ng isang tao. Pero ngayon ay unti-unti na niyang naiintindihan. In love, everything was perfect. Kahit pa nga kahibangan.
"Hindi ko alam kung magugustuhan mo ang luto ko," sabi niya nang ipinaglalagay si Thyago ng soup sa bowl.
"May tiwala ako sa talent mo sa pagluluto. I just can't believe it. Sa wakas kasi may nagluto para sa akin."
"Bakit wala bang nagluluto para sa iyo?" tanong niya.
"Wala. Mula nang mamatay si Mama, ako na ang nag-alaga sa sarili ko."
"Sa dinami-dami ng naka-date ko, walang nagluto para sa iyo?"
Mapait ang ngiti nito nang umiling. "Wala naman talagang interes sa akin ang mga babaeng iyon. Lumalabas lang sila kasama ko dahil gusto nila ang status ko bilang polo player. They don't really care about me. So lagi lang nilang hinihintay kung saang fancy restaurant ko sila dadalhin at kung mai-impress ba sila sa mga pagkaing o-order-in ko. O kung sino ang makikilala nila dahil sa akin."
"But you keep on dating them."
"Umaasa ako na makakahanap ako ng tao na talagang makaka-appreciate sa akin. Kaya kapag napapagod ako dahil pare-pareho lang naman sila, tumatakbo ako sa inyo ni Elvin. Kayo ang sinasabayan kong kumain. Your cooking makes me feel so at home. Parang di ako nag-iisa."
"Oo. At naiinis naman ako sa iyo kapag sumisingit ka sa amin ni Kuya."
Pinagmasdan siya nito. "Malaki talaga ang galit mo sa akin, no?" anitong may himig ng pagtatampo. "Kahit anong lapit ko sa iyo, itinutulak mo ako palayo."
"I don't really hate you, Thyago. Believe me."
"Bakit mo ako itinataboy dati?"
"Nagseselos ako sa atensiyong ibinibigay sa iyo ng kapatid ko. Alam mo naman siguro kung gaano siya kaimportante sa akin. Wala na akong ibang nakikita kundi si Kuya. Kaya sinuman na sinusubukang agawin ang atensiyon niya para sa akin, inaaway ko. Parang kaaway ang tingin ko."
Natawa ito. "Oo. Parang bata ka."
"It can't be helped. Kami lang ni Kuya ang magkasama sa buhay. Sabi ko nga, kung di lang din naman katulad ni Kuya ang magiging asawa ko, hindi na lang ako mag-aasawa. Sabi ko nga magsasama kami habambuhay. Hinding-hindi ko siya iiwan. I kept on holding unto him even when he married Eyna."
Isang imahe sa pedestal ang kapatid niya. Dito na rin niya ihinugis ang lalaking gusto niyang makasama habambuhay. She knew it was stupid. Nobody could be like her brother. And besides, her brother couldn't be her role model anymore. Ayaw niya sa lalaking nabubulag sa pag-ibig.
"Nalungkot ka siguro nang mawala ang kapatid mo sa buhay mo."
Umiling siya. "Hindi masyado. Nalungkot lang ako kung paano siyang nalunod sa pagmamahal niya kay Eyna."
"Hindi ka ba natakot na mag-isa? Bagong mundo na itong hinaharap mo."
"I am not totally alone, Thyago. Nandiyan ka para sa akin. Mas naging matapang din ako. I know I can't be a burden to you."
"A burden? You will never be a burden to me!"
Lumabi siya. "O sige. Abala na lang."
"Kung magsalita ka, parang hindi ka importante sa akin."
Pinagsalikop niya ang palad at bahagya itong sinulyapan. "Hindi ko pa siguro nasasabi sa iyo pero importante ka sa akin, Thyago."
Bukod sa kapatid niya, ito ang taong itinuturing niyang mahalaga sa kanya. Kung mawawala ito sa buhay niya, baka tuluyan nang mabali ang pakpak niya at hindi na niya kayanin pang lumipad.
Namilog ang mata nito. "Wow! I am glad to hear that." He took her hand. Saka nito ikinulong sa mga kamay nito. "And I want you to know that you are the most important person to me, Liyah."
"Ako? Paano na iyong babaeng mahal ko?"
"Hanggang ngayon iniisip mo na puro kalokohan lang ang sinasabi ko. Gusto mo pa bang ipagsigawan ko na ikaw ang babaeng mahal ko para marinig ang lahat at maniwala kang mahal kita?"
Nahigit niya ang hininga nang magsalubong ang tingin niya. There was too much emotion in his eyes. Katulad ng emosyon sa mga mata nito bago siya halikan kanina sa may polo arena. And her heart started to thump so fast.
"H-Hindi ba katulad lang din naman sa ibang babae ang tingin mo sa akin?"
"Anong katulad sa ibang babae?"
Iniwas niya ang tingin dito. "I am not that special."
Kumunot ang noo nito. "Paano mo naramdaman na di ka espesyal sa akin?"
Binawi niya ang kamay dito at pinagsalikop ang mga palad. "Ano… wala lang. Naisip ko lang na baka di nga ako ganoon kaespesyal sa iyo."
Kung bakit kasi ang naiisip niya ay kung gaano siya kahalaga dito. Kung paanong ito ang sumuporta sa kanya sa mga panahong wala ang kapatid niya. Hindi rin siya nito iniwan sa Bangkok. He took her with him to the Philippines. Kung paano siya nitong pangitiin sa mga panahon na malungkot siya. She thought that he won't get through such lengths for any ordinary girl.
"Remember how much I love to annoy you? Kasi hindi mo naman ako sineseryoso tuwing niyayaya kitang makipag-date sa akin."
"At first, you knew that my life revolved around my brother."
"Bakit di mo pa ako sineseryoso hanggang ngayon?"
"Dahil marami pa akong bagay na di ko alam I-handle. Kahit ang sarili kong emosyon, di ko rin alam ang gagawin ko." Huminga siya nang malalim. "I don't know if I am making any sense at all. But I don't know what to do with you either."
"Kaya ba basta mo na lang sinabi sa akin na ayaw mong makipag-date ako sa ibang babae pero di mo rin naman maamin na nagseselos ka?"
"Hindi ko talaga alam kung bakit ko nasabi iyon dati. I must be insane."
"Katulad nang sabihin kong in love ako sa iyo. I must be insane as well. Ayokong matakot ka sa nararamdaman ko para sa iyo, Liyah."
"No. Hindi ako natatakot." Iyon nga ang pinakamagandang bagay na narinig niya. "Pero marami pa akong dapat na matutunan, Thyago. Matagal kong ikinulong ang sarili ko sa hawla. Ngayon pa lang ako nagsisimulang kumawala."
"And I am here to support you and take care of you. For now, I am happy that you know that I exist. At na-recognize mo ang existence ko. Dati kasi parang bacteria ang trato mo sa akin."
"Naku! Parang nagiging baduy ka na, Thyago."
"Ganoon talaga ang in love." Habang pinagmamasdan niya ang saya sa mga mata nito, naisip niyang masayang ma-in love.