INILAPAG ni Liyah ang tatlong magkakapatong na lunchbox sa harap ni Thyago. "Iyan! Ubusin mo lahat ng iyan, ha? Kapag nagtira ka, di ka na makakaulit sa akin. Di na rin kita kakausapin kahit kailan," banta niya at nagsimula na ring kumain.
"Oh, boy! Nang sabihin mong magde-date tayo, di ko inaasahan na bibigyan mo ako ng example ng cooking expertise mo," wika nito na unang pinag-initan ang beef and broccoli niya.
"Anong cooking expertise? Ordinaryo lang naman ang iniluto ko."
"Huwag ka nang magpa-humble. Masarap na. And my answer is yes."
Gulat niya itong nilingon. "Yes to what?" Wala naman siyang itinatanong dito o hinihingi na kahit ano. Gusto lang niyang ubusin nito ang iniluto niya.
"Hindi ba niyayaya mo akong magpakasal?"
Tinaasan niya ito ng kilay. "Kung binabawi ko kaya iyang kinakain mo? Anong marriage proposal ang sinasabi mo? Are you intro drugs?"
"Ito naman nagkukunwari pa. Alam ko naman na kaya niyaya mo akong mag-date para magpa-impress sa akin. Para ipakita mo sa akin na ikaw ang deserving na babae para pakasalan ko. Hindi na nga ako nagpapakipot kaya huwag ka nang mag-deny. So kailan mo ako pakakasalan?"
"Huwag kang delusional, Thyago. Nagkataon lang na walang kakain ng iniluto ko kaya sa iyo ko pinapakain. Kaysa naman masayang, hindi ba?"
"Insulto naman yata iyan sa kaguwapuhan ko."
"Pero hindi iyan insulto sa sikmura mo. Dapat kay Kuya Elvin iyan pero sa labas na sila nag-lunch ni Eyna."
"Sana niyaya mo na lang sila," sabi nito habang patuloy sa pagsubo.
Doon siya muling nakadama ng lungkot. "Ayaw daw kasi ni Eyna na makasama ako. Siguro natatakot siya na baka lagyan ko ng lason sa daga ang pagkain niya. O baka sungitan ko na naman siya."
"Natural lang na matakot ka dahil sinungitan mo siya dati."
"I was hurt, Thyago! Alam mo kung gaano kami ka-close na magkapatid sa isa't isa. Tapos basta na lang siyang susulpot sa buhay namin. And everything has changed. Suddenly, I am not a part of my brother's life."
"Sa ngayon lang naman iyan. Bago pa lang ang relationship nila. Some people are like that. Umiikot ang buhay nila sa taong mahal nila. In Elvin's case, he wants to protect his new relationship with Eyna."
"To the point that its jeopardizing ours? Mas mahalaga pa pala ang relasyon nila ng babaeng iyon kaysa sa aming magkapatid," aniyang di na maitago ang hinanakit. "Alam mo ba na mas gusto pa niyang sumama sa Phuket kay Eyna kaysa manood ng laro ko? Matagal na naming hinintay na makapaglaro ako sa Europe. Pagkatapos babalewalain lang niya."
Lalo lang niyang napatunayan na wala na siyang halaga sa kuya niya. Gusto lang naman niya ay maramdaman pa rin niyang mahal siya nito bilang kapatid.
"This is becoming more and more melodramatic. Baka nakakalimutan mo na date natin ito at ayokong makita kang malungkot."
"May dahilan ba ako para maging masaya? My brother doesn't care about me at all. Hinihingi ko lang naman ang konting atensiyon niya para sa akin."
Mataman siya nitong tinitigan. "Sa palagay mo ba pinabayaan ka na ng kuya mo? Nagpapatulong nga siyang gumawa ng extensive study tungkol sa mga makakalaban ninyong teams. Para daw hindi ka mangapa kapag naroon ka na. Mas magagaling ang mga teams na makakalaban mo ngayon."
"Talaga? Gusto akong tulungan ni Kuya?"
"You aren't supposed to know. Dapat direkta na niyang ibibigay sa coach mo. Pero dahil ayokong makita kang malungkot, sinabi ko na rin."
Lumipat siya sa tabi nito at pinisil ang pisngi nito. "Thank you! Thank you! You really made my day, Thyago. Akala ko talaga pinabayaan na ako ni Kuya."
Nabunutan siya ng tinik sa dibdib. Nakalimutan na niya ang pagtatampo. That was really her brother. Magkaiba ang team nila pero gagawa pa rin ito ng paraan para tulungan siya kahit hindi na sakop ng trabaho nito.
"Hindi dahil may girlfriend na siya, pinabayaan ka na niya. Iniisip ka pa rin ng kapatid mo. Gusto niyang manalo ka pa rin sa game mo kahit na di mo siya kasama. Kaya huwag ka nang magtampo sa kanya at mag-concentrate ka sa laro mo."
Ginagap niya ang kamay ni Thyago. For the first time, she had seen him as a friend and not as a competition over her brother's attention.
"Thanks, Thyago. That was so sweet."
"Sweet naman talaga ako. Di mo lang napapansin."
"Well, napansin ko na rin sa wakas. Di mo naman kailangang sabihin sa akin ang ginawa ni Kuya pero sinabi mo pa rin. At tinulungan mo pa siya sa pagre-research. Di ka ba naabala sa pagtulong sa amin?"
"Kailangang maintindihan ng mga girls na may kailangan kong tulungan ang women's team. Makakapaghintay naman sila. Saka sawang-sawa na rin ako na nakasimangot ka tuwing makikita mo ako. Siguro naman pwede mo na akong ngitian mula ngayon?" tanong nito.
"Oo na. Ngingiti na po."
Gagalingan din niya ang paglalaro para di masayang ang effort ng kapatid niya at ni Thyago. She would do her best to bag the cup.