"Kuya Elvin, gusto mo bang sabay tayong mag-lunch? Ipinagluto kita," sabi ni Liyah habang kumakain sila ng agahan.
Nakagawian na niyang ipagluto ang kapatid kapag maluwag ang schedule niya. Di nagbago ang trato niya dito kahit na nalaman niyang may nobya na ito. Naging mas sweet pa nga siya dito.
"Lalabas kami ni Eyna. I am sorry," sabi nito at sumubo ng omelet.
"Para naman sa dalawang tao ang iniluto ko. Doon tayo sa park mag-lunch," nakangiti niyang sabi. "Para naman matikman din ni Eyna ang luto ko."
"She prefers to eat out. Kaya nga gusto niyang ikutin namin ang mga restaurant dito sa Bangkok. I am sorry, sweetie," anito at pinisil ang baba niya.
Bumagsak ang balikat niya. "Galit pa rin ba kayo sa akin dahil hindi ko matanggap ang relasyon ninyo noong una?"
Padalang na nang padalang na nagkakasama sila. Lagi na lang nitong kasama si Eyna. Wala rin itong bukambibig sa pag-uusap nila kundi si Eyna. Ni wala na nga itong oras para kumustahin man lang siya. O kung kumain na siya. O kung ano ba ang nararamdaman niya. Masama ba siyang kapatid?
"Hindi ako galit sa iyo, Liyah. Pero naiilang si Eyna sa iyo."
"That's why I am trying to bridge the gap. I didn't mean to be rude to her before. Nasaktan lang naman ako dahil isinikreto mo sa akin."
"Sige na. Pabayaan mo na muna si Eyna. You'll see. Later on, she will come to you. Magiging close din kayong dalawa."
Siya pa ngayon ang kailangang magpasensiya. She felt so pathetic. Pero gagawin talaga niya ang lahat para lang mapasaya ang kapatid niya.
"Sasama ka ba sa Ambassador's Cup sa Netherlands, Kuya?" tanong niya habang papunta sila sa stable upang I-check ang mga kabayong inaalagaan nila at para na rin sa morning exercise.
Excited siya sa naturang tournament. It would be her first time to attend a European polo cup. Di tulad dati na sa Asia lang siya lumalaban.
Tumigil ito sa paglalakad at napaisip. "Let me see. Bakasyon namin iyon ng buong team dahil may tournament din naman kami."
"Yes. Ibig sabihin maluwag ang schedule mo. Wala kang gagawin."
Lumungkot ang anyo nito. "I am afraid I can't come. Eyna and I will be in Phuket by that time. Gusto niyang magbakasyon doon. Pangarap nga niya kapag kasal na kami, magkaroon kami ng vacation house doon."
"Baka naman pwedeng manood na rin kayo ng laro ko."
Mas uunahin pa ba nito ang kapritso ng girlfriend nito kaysa sa laro niya. Malapit lang naman ang Phuket sa Bangkok. Kahit anong oras ay pwede nitong puntahan. Habang malaking bagay naman sa kanya ang polo cup na lalabanan niya. Kailangan niya ang presensiya at suporta ng kapatid niya.
Inakbayan siya nito. "Huwag mong sabihing magtatampo ka sa akin. Ngayon lang naman ako aabsent sa tournament mo."
"Wala na akong sinabi. Mauna na ako sa stable, Kuya," aniya at nagpatiuna.
Matamlay tuloy siya sa buong umaga. Mabuti na lang at hindi rigid ang training niya at hinayaan silang mag-training ng coach nila sa sarili nilang pace.
It was so depressing. Ano ba ang ipinakain ni Eyna sa kapatid niya at wala na itong inisip kundi ang babae? At hindi siya sanay na pangalawa na lang siya sa priority ng Kuya Elvin niya.
Maaga niyang tinapos ang training para makapag-lunch. Hindi siya sanay na kumain nang mag-isa. Palagi naman niyang kasa-kasama ang kapatid niya. Maging ang mga kasamahan niya ay sa labas din kakain. Wala siyang makakasabay na kumain tiyak. Maisip pa lang niya ay naiiyak na siya. Ni hindi man lang din magagalaw ng kapatid niya ang iniluto niya para dito.
Palabas siya ng stable nang makasalubong niya si Thyago. "Hey, Liyah!" nakangiti nitong bati at kinawayan siya.
"Hi!" malamya niyang bati. Wala siya sa mood na makipagngitian dito dahil sira na ang mood niya.
Lalagpasan sana niya ito ngunit hinarangan nito ang dadaanan niya. "Bakit nakasimangot ka? Wala kang ka-date, no?"
"Wala nga akong ka-date." Dahil inagaw na ni Eyna ang Kuya Elvin niya sa kanya. Ang masakit, kahit kaunting sandali ay parang di siya mapagbigyan.
"Paano ka magkakaroon ng ka-date kung nakasimangot ka?"
"Sige. Eh, di tayo na lang ang mag-date," sabi niya.
Bumadha ang pagkagulat sa mukha nito. "Hindi nga? Niyayaya mo akong mag-date? Ngayon na?"
"Oo. Magkita na lang tayo sa may park." Saka niya ito nilagpasan. "Bilisan mo dahil magbago pa ang isip ko."
Di niya alam kung bakit niya ginawa iyon. She must be nuts. Wala naman sigurong masama kung may makakasabay siyang mag-lunch.
Pwede na niyang pagtiisan ang presensiya ni Thyago.