"Ano bang ginagawa mo dito, Melissa?" asik ni Roland at pinigilan ang nobya sa braso. "Gumagawa ka ng eskandalo. Inaabala mo kami."
"I am protecting what is mine. Gusto ko lang tiyakin na di ka maaakit ng babaeng iyan o ako ang makakalaban niya."
"Nandito lang kami para sa project!" mariing wika ni Roland.
"Pero magkasama kayo sa isang bahay. Paano kung sa isang kuwarto na lang kayo natutulog at hindi ko alam? Paano kung maagaw ka niya sa akin?"
Melissa was afraid of her own ghosts. Ito ang nang-agaw kay Roland nang mga panahon na malayo siya kay Roland. Natatakot ito na bumalik ang karma nito.
"Melissa, natitiyak ko sa iyo na di sila magkasama sa isang kuwarto. Kami ni Dafhny ang magkasama habang nandito siya," paglilinaw ni Gianpaolo.
Napasinghap siya at maging si Melissa ay nagulat. "T-Totoo?"
"Oo. Kaya huwag mo nang guluhin si Dafhny. Nakakahiya!" Hinila ni Roland ang nobyo palayo matapos humingi ng paumanhin sa kanila.
Nanlulumo siyang umupo sa drawing table at isinubsob ang mukha. Parang mas lalo pang sumakit ang ulo niya sa sinabi ni Gianpaolo. "Ano ba? Bakit mo sinabi sa kanila na magkasama tayo sa isang kuwarto?"
"Dinepensahan lang kita. Kung di ko sinabi iyon, guguluhin ka pa rin ng babae na iyon. Sa itsura niya, parang gusto ka niyang sabunutan."
"Matsitsismis tayo nito."
Anong sasabihin ng mga pamilya nila? Na wala silang moral? Tiwala ang mga ito na maayos siyang binabantayan ni Gianpaolo. Pagkatapos ay malalaman ng mga ito na magkasama sila sa isang kuwarto. At malay niya kung ano pa ang maaring tumakbo sa isip ng mga ito na ginawa nila sa iisang kuwarto.
"Anong gusto mo? Matsismis ka na mang-aagaw ng boyfriend kahit di totoo o tayong dalawa? At least ako walang girlfriend. Guwapo pa."
Di niya alam kung tatawa siya na parang baliw o babatuhin ito ng sapatos. Sa palagay naman niya ay wala itong intensiyon na masama. Gusto lang siya nitong protektahan. "Palalagpasin ko ito. Ipagdasal mo na di ito makaabot kina Mommy. Kung hindi, humanda ka na sa shotgun wedding."
KATATAPOS lang ni Dafhny na kausapin ang supplier niya ng antique furnishings nang lapitan siya ni Roland sa drawing room.
"Dafhny, I am sorry. Hindi ko inaasahan ang gagawin ni Melissa. Akala ko naman naiintindihan niya ang trabaho nating dalawa. Nagseselos na pala siya."
Binilot niya ang blueprint at di ito sinulyapan. May gap na nga siya sa pagpunta niya sa isla, mas lalo pa nitong pinalaki ang gap nila. "It is not your fault. Sana naayos na ninyo ang problema ninyo nang mag-usap kayo kahapon."
Umalis na rin ng isla si Melissa. Kung kinausap sana siya nito nang maayos, maiintindihan niya ito. Pero wala itong karapatan na eskandaluhin siya. Tatlong taon na ang nakakaraan mula nang agawin nito sa kanya si Roland at wala itong narinig na kahit ano sa kanya. At ayaw niyang masangkot pa sa gulo ng mga ito.
"Nag-break na kami dahil nahihirapan na ako sa relasyon namin."
"Oh, I'm sorry. Mukhang nakagulo pa ako sa relasyon ninyo."
"Magulo na talaga ang relasyon namin, Dafhny. Akala ko mahal ko siya. I was confused. Lagi kang walang oras sa akin at siya ang lagi kong nakakasama. Masaya kami sa relasyon namin noong una hanggang naging masyado na siyang demanding sa atensiyon ko. Di na ako makahinga."
"But you love her. Di mo naman ako ipagpapalit sa kanya noon kung hindi mo siya mahal, di ba? Huwag mong sayangin ang relationship ninyo."
Sa halip na sumang-ayon sa kanya ay bigla siya nitong niyakap. "Nagsisisi ako na iniwan kita noon, Dafhny. I was stupid. I hope you will love me again and take me back. Ikaw pa rin ang mahal ko."
She was shocked. Siya pa rin ang mahal nito? Subalit naiirita siyang marinig iyon. "Roland, l-let me go!"
"We are free to love each other again, right?"
"I don't love you anymore!" aniya at pilit itong itinulak.
Lalo nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. "No! Mahal mo pa ako."
She was sure that she didn't love him anymore. Ayaw niya sa mga yakap nito. Di tulad sa yakap ni Gianpaolo na ayaw niyang malayo sa kanya. Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit nasali si Gianpaolo sa iniisip niya?
Biglang bumukas ang pinto at bumungad ang nagpupuyos na si Gianpaolo. "Anong ginagawa mo kay Dafhny?' bulalas nito at hinila siya palayo.
"Sa susunod na lang tayo mag-usap," sabi ni Roland at iniwan siya.