Matapos mag-shower ni Dafhny at magbihis ay lumabas na siya ng kuwarto para maghapunan. Nagulat pa siya nang makitang nag-aabang sa labas ng kuwarto niya si Gianpaolo. "O, bakit hindi ka pa bumababa?"
"Hinihintay kita. Baka mamaya matakot ka na naman, nandito lang ako para yakapin mo."
Hinampas niya ang braso nito. "Hindi intentional iyon."
"Okay lang iyon. Nandito talaga ako para yakapin mo."
Iningusan niya ito at nagpatiunang maglakad. Dalawang tao na naabutan nila sa dining area. May labindalawang upuan na nakapaligid sa malaking molave table. Bukod kay Arneth ay may lima pa siyang kasama na head ng project.
"Dafhny, dito ka na umupo," sabi ni Roland.
Ito ang nakikita niyang isa sa malaking problema niya. Nagiging sweet sa kanya ang dating nobyo. Sabagay, natural na itong gentleman.
Kanina nang magkita sila ay parang tuwang-tuwa itong makita siya. Civil ang pakikitungo niya dito. Ang masama, iniisip yata nito na interesado pa siya dito.
Di na lang niya minasama ang pagyayaya nito sa kanya. He was trying to be cordial. Ayaw siguro nitong mailang pa siya dito.
Napansin niya na mapapagitnaan siya nina Roland at Arneth kapag doon siya umupo. Di naman niya pwedeng hiwalayan si Gianpaolo dahil bisita niya ito.
"Dito na lang siya sa tabi ko," sabi ni Gianpaolo na hawak ang sandalan ng upuan na nasa tapat ng upuang itinalaga ni Roland para sa kanya.
Naglabanan ng tingin ang dalawang lalaki. Magkasingtangkad lang ang dalawa pero mas matikas ang pangangatawan ni Gianpaolo. Medyo payat kasi si Roland. And he looked like a nerd with his glasses.
The two had a history as well. Sabay na nanligaw sa kanya ang dalawa noong nasa college. Gianpaolo was graduating in Architecture. Nasa fourth year naman si Roland noon. At nagimbal ang lahat kasama na si Gianpaolo nang ang nerd na si Roland ang sinagot niya at hindi ito.
Nagpapalit-palit ang tingin ni Arneth sa dalawa. Ramdam din nito ang tensiyon. "Dito na lang ako sa tabi mo, Roland. Doon si Ma'am Dafhny sa upuan ni Sir Gianpaolo."
Umupo na lang siya sa upuang itinalaga ni Gianpaolo. Dapat niyang ipagpasalamat na sumingit si Arneth. Di siya mahihirapan na magsabi kay Roland na mas gusto niyang makatabi si Gianpaolo.
Maya maya pa ay dumating na ang iba pang project head at nag-agahan na sila. "May prinsesa na pala tayo," sabi ni Rudolph, ang site engineer. "Hindi na tayo pwedeng magkwentuhan ng green jokes."
"Dati pa naman kayong may prinsesa. Ako!" anang si Arneth.
"Ikaw pa rin ang prinsesa, Arneth," nakangiti niyang sabi. "Isa pa, di pa naman ako sigurado kung makukuha nga ako."
"Huwag ka nang pa-humble," wika ni Gianpaolo. "I can smell it. You want to own this project so badly."
"Gusto mo ba ng calamares, Dafhny?" alok ni Roland. Nasa tapat kasi nito ang calamares. "Masarap ang calamares ni Aling Suling."
"Mas gusto ni Dafhny ang kare kare," kontra naman ni Gianpaolo. "Paborito na niya iyan mga bata pa lang kami."
"Pero kahit minsan di ko pa siya nakitang kumain ng kare-kare," kontra ni Roland. "Hindi ba, Dafhny? Madalas calamares ang ino-order namin dati."
Mas gusto talaga niya ang kare-kare. Pero di naman kumakain ng kare-kare si Roland noong nobyo pa niya ito kaya di siya umo-order. Ang paborito nitong calamares ang madalas na ino-order nila.
Tumalim ang tingin ni Gianpaolo. "Mas marunong ka pa sa akin. Kaya nga nag-request ako kay Manang Suling kanina dahil iyan ang gusto ni Dafhny."
Tumikhim siya dahil lahat ay nakatingin na sa kanila. Ni hindi na nga makakain ang mga kasama nila dahil sa away ng dalawa. "Boys, pwede bang mamaya na kayo magtalo? Kumain na lang tayo."
Kumuha siya ng kare-kare at nakita niya ang paglungkot ng mga mata ni Roland. Ayaw naman niya itong saktan. Pero di na niya ito nobyo. Wala na siyang damdamin nito na dapat pang ikonsidera.
Nilingon niya si Gianpaolo na ngiting-ngiti habang kumakain. Ito pa mismo ang nangulit kay Aling Suling na ipagluto siya ng paborito niya. That was Gianpaolo. Alam nito kung ano ang gusto niya.
Pero inaalala niya ang banggaan ng dalawang lalaki. Parang magpapatuloy ang giyera ng mga ito. Mukhang nakatakdang sumakit ang ulo niya.