Everyone was in a festive mood. Parang bumalik sa panahon ng Kastila ang lahat na nakadamit ng Filipiniana costume bilang theme ng bagong Lakeside Café and Restaurant. May rondalla na tumutugtog ng traditional Filipino music. Filipiniana kasi ang concept ng bagong bukas na restaurant. And Dafhny was just satisfied to observe her fine work. Marami rin kasi sa mga members at bisita ang gustong kumuha ng serbisyo ng kompanya niya.
Kinamayan ni Reid, ang owner ng Stallion Riding Club sina Richard Don at Danzelle Ann "Congrats! You did a great job with the new Lakeside Café and Restaurant. I can see that everyone's enjoying it."
"I like the Cordilleran theme," sabi ni Tamara at humawak sa braso ni Reid. "Naalala ko ang pag-e-explore namin doon para sa mga wild horses."
"Ako naman para nasa iba't ibang lugar sa Pilipinas sa bawat pagpasok ko ng function room," anang si Reichen, kapatid ni Reid at isang sikat na equestrian.
"And it is like a cultural center as well. Authentic ang mga ginamit ninyong furnishings, hindi ba?" sabi ni Saskia, nobya ni Reichen. Bawat bahagi ng café ay may sariling theme ng iba't ibang lugar sa bansa. "I feel like celebrating being a Filipino everyday."
"Thanks to Dafhny! She did a great job," anang si Danzelle Ann. "Maganda ang nai-present niyang concept sa amin."
"Maganda talaga. Ikaw lang ang kontra ng kontra," sabi ni Richard Don.
Nakangiti si Danzelle Ann subalit nakita niya na parang pinipigilan lang nito ang sarili na taasan ng kilay si Richard Don. "Huwag mong sirain ang truce natin. We might scare the guests," pabirong sabi nito. Di naman kaila sa lahat laging nagbabangayan ang dalawa.
"Well, all thanks to them." Itinuro niya sina Richard Don at Danzelle Ann. "Kundi dahil sa mga contrasting views nila, di ako makakaisip ng mas magandang design para ma-accommodate silang dalawa."
"Mabuti naman at nagkasundo na kayong dalawa," sabi ni Myco, ang head ng security ng riding club. "Mababawasan ang security threat dito."
"They are not a security threat, Myco," wika naman ni Gianpaolo. Noon lang ito nagsalita dahil busy ito sa buko pandan drink nito. "It's a prelude of love."
"Prelude of love?" sabay bulalas nina Danzelle Ann at Richard Don.
"Oo naman. Parang preview kayo ng ibang love story dito na nagsimula sa mga bangayan," paliwanag ni Gianpaolo. "Tingnan ninyo si Saskia at Reichen. As well as Reid and Tamara. Successful ang love story nila."
Umingos si Danzelle Ann. "Prelude of World War Three kamo. Naku! Huwag ninyong isipin na magiging involve kami romantically. Not in this lifetime."
Napailing na lang si Richard Don. "Mas gusto ko nang maging security threat. Di tulad ng isa diyan, umaasa pa pala sa next lifetime namin na magiging kami."
"Tulak ng bibig, kabig ng dibdib. Lagi ka ngang nakatitig kay Danzelle Ann, eh!" tukso ni Reichen.
Muntik na siyang tumango bilang pagsang-ayon. Napapansin din kasi niya iyon. Maganda naman kasi si Danzelle Ann. At sa palagay niya ay hindi immune si Richard Don sa kagandahan nito.
"Oo. Kasi may laser beam ako. Baka sakaling matunaw. Kaso matindi ang force field niya," sagot naman ni Richard Don.
"Deny it all you want. Pero alam ko na magiging part din ang love story ninyo sa magandang history ng riding club," giit pa rin ni Gianpaolo.
Tumikhim si Myco. "How about you and Dafhny then? Kasama kayo sa security threat list ko," anito at binuksan ang Palm Pilot. Sobrang organize nito ay naroon pala pati ang mga simpleng pagtatalo ng mga tao sa riding club. Kasama kasi sa reputasyon ng riding club ang mahigpit na security.
"Teka! Hindi kami security threat!" protesta niya.
"Dafhny, para rin ito sa security mo dito since you are doing business with our members. You and Gianpaolo have a history," katwiran ni Myco.
"Oo nga. Kapag naging rape victim ako, alam na ninyo kung sino ang may matinding pagnanasa sa akin," anang si Gianpaolo at kinindatan siya.
"Ang lakas ng hangin dito sa tabi ng lake, no? Humawak kayo kasi baka tangayin kayo." Itinaas niya ang kamay at tiningala ang maaliwalas na langit. "Parang babagyo. Signal number three yata."
"Wala namang bagyo ngayon sabi ng PAG-ASA!" wika naman ni Gianpaolo.
"Ayan o! Bagyo!" Itinuro niya si Gianpaolo. "Signal number four."
Nagtawanan ang lahat. Sa halip na mapikon si Gianpaolo ay nakangiti siya nitong inakbayan. "Kita naman ninyo. Sweet na sweet sa akin si Dafhny."
"The more you hate the more you love?" tukso naman ni Saskia.
Inirapan niya ang nakangiting si Gianpaolo. Hahayaan na lang niya itong mag-ilusyon sa kagandahan niya pero di siya mai-in love sa tulad nito kahit kailan. She learned her lesson. Di dapat pagkatiwalaan ang mga lalaki.
"Ready ka na ba sa trip mo sa Costa Brava, Dafhny?" tanong ni Gianpaolo nang samahan siya nitong maglakad sa wooden walkboard patungo sa parking lot. Ilang araw na lang at pupunta na siya sa Costa Brava para I-assess ang Casa Rojo.
Umiling siya. "Di ko pa rin makumbinsi si Mommy na payagan ako. Ipapadala na lang daw niya ako sa warzone kaysa sa ghost-infested na isla."
"Do you really want to go?"
Tumango siya at ngumiti. "It is a dream project. Gusto kong bumuhay ng mga old buildings. Your inheritance is almost a national heritage. At sa restoration ng old buildings, natural nang may kwento tungkol sa mga multo."
"Nag-aalala lang si Tita sa welfare mo dahil matatakutin ka sa multo."
Bumuntong-hininga siya. "Wala akong pakialam sa mga multo. I have dreams and I won't let those ghosts get in the way. Ayoko namang basta na lang umurong nang hindi nasusubukan."
"Sige. Tutulungan kitang kumbinsihin si Tita na pumunta sa Costa Brava."
Tinapik niya ang pisngi nito. "Thanks, Gianpaolo. I am sure hindi makakahindi si Mommy sa iyo. Malakas ka don, eh!"
"Thanks lang? How about a kiss?"
Nawala ang ngiti sa labi niya. "Saka mo na iyan hingin sa akin kapag nakumbinsi mo na si Mommy." At ang tanong ay kung pagbibigyan niya ito kapag nanghingi ito ng halik sa kanya. Asa-ness!