"YOU ARE beautiful, Tita Patricia. Sa inyo po siguro nagmana si Dafhny," anang si Gianpaolo habang nagkakape sila sa lanai matapos ang hapunan.
"You are so sweet, hijo!" anang si Patricia at humagikgik. "At salamat sa rose na bigay mo. I really like them. Matagal nang walang nagbibigay sa akin ng rose."
"Sabi mo kasi sawa ka na sa rose," reklamo ng daddy niya.
"Bagay sa inyo ang roses, Tita. Kasing ganda mo sila," wika ni Gianpaolo.
Tahimik lang si Dafhny habang umiinom. Gusto niyang sabihin ng bolero si Gianpaolo pero naisip niyang tutulungan siya nito para payagan siya ng mommy niya na pumunta sa Costa Brava. Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit hanggang ngayon ay di pa rin nito ino-open ang topic.
Tumikhim ang daddy niya. "Gianpaolo, kung di lang kita kilala iisipin ko na nililigawan mo ang asawa ko. Pero sino ba talaga ang gusto mong ligawan? Siya o ang anak kong si Dafhny?"
Nanlaki ang mata ni Patricia. "Liligawan mo si Dafhny."
"No, Mom! Hindi po ako liligawan ni Gianpaolo," kontra agad niya.
"Walang problema sa akin dahil boto ako sa kanya," wika ng mommy niya.
"Tungkol nga po kay Dafhny kaya ako dumalaw, Tita. Tungkol po sana sa pagpunta niya sa Costa Brava," wika ni Gianpaolo.
Bumakas ang pag-aalala sa mukha ng mommy niya. "Hijo, hindi ko maiiwasang mag-alala para sa anak ko. May sightings ng multo sa bahay ninyo doon. Di ko ma-imagine ang anak ko na pupunta sa isang haunted house. Alam mo naman na matatakutin siya sa multo."
"Mommy, hindi na ako bata. Saka trabaho naman ito. Wala akong pakialam sa mga multo-multo na iyan. Produkto lang sila ng imahinasyon," depensa niya.
"A product of imagination? What? With fifteen strong men who quitted their job on the spot after the ghost sightings? Sila nga ang lalaking lalaki natakot sa multo. Ikaw pa kaya itong babae na alam naman naming sabihin lang ang salitang multo ay nangangaligkig na sa takot?" pasubali ng mommy niya.
Nagsiuwian agad ang kinseng tauhan ng skeleton force ng project dahil sa multo. Sampung tauhan na lang lamang ang natira. Marami na kasing kwento tungkol sa Casa Rojo noon pa. At lumala iyon dahil sa tauhang nakakita ng multo.
"May mga bagong tauhan na po kaming kinuha sa site," paniniyak ni Gianpaolo. "At may mga tauhan po kaming makakasama ni Dafhny."
"I must admit that I am scared of ghost stories, Mom. Pero di pa naman po ako nakakakita ng multo sa buong buhay ko. Saka gusto ko ang trabaho ko. Aangat ang career ko kapag ako ang napili para sa project. Sayang ang pangarap ko," katwiran naman niya. Iyon ang hindi niya isusuko. Ang pangarap niya.
"Wala namang problema sa akin kung babalik ka ng isla, hija," wika ng daddy niya. "Pero kung ayaw ng mommy mo, di rin ako mapapanatag."
"Kung nag-aalala po kayo, sasamahan ko po siya, Tita," prisinta ni Gianpaolo.
"Huh!" bulalas niya at nilingon ito. "Sasama ka sa akin sa Costa Brava?"
"Oo. Mabuti nang may kasama ka na tiyak mong mapagkakatiwalaan," katwiran nito. "At kung may multo man sa isla, poprotektahan kita!"
"Ayoko!" tutol niya.
"Bakit naman? Ayaw mo ba ng bodyguard?" tanong ng daddy niya.
She was restless when Gianpaolo was around. Baka hindi siya makapag-concentrate sa trabaho niya. Isa pa, baka bantay-salakay ito.
"Hija, di naman kita mapipigilang pumunta sa Costa Brava kaya mabuti pang isama mo na si Gianpaolo. Mas mapapanatag ako dahil mas maalagaan ka niya. Mabuti nang may kasama kang mapagkakatiwalaan ko," sabi ni Patricia.
"Ayaw po yata ni Dafhny, Tita," wika ni Gianpaolo. "Maiintindihan ko naman po kung hindi na siya makakapag-participate sa project."
"Ay, hindi!" aniya at pilit na ngumiti. "Nahihiya lang talaga ako dahil baka makaabala ako sa trabaho mo. Ang alam ko nga ayaw mong malayo sa riding club."
"Bakasyon ko naman ngayon. And besides, I am also a part of the Casa Rojo project. Okay lang na sumama ako sa site," paliwanag ni Gianpaolo.
"Wala naman palang problema, hija," anang daddy niya. "Payag na rin ang mommy mo. Pinapayagan ka na naming umalis."
Lulugo-lugo niyang ihinatid si Gianpaolo sa kotse nito nang pauwi na ito. "O, bakit parang di ka masaya na matutuloy ka sa Costa Brava?"
"Kasi kasama pa kita. Sabi ko ipagpaalam mo ako. Di ko sinabi na sumama ka," reklamo niya at humalukipkip.