Chapter 481 - Chapter 4

"Dafhny, what do you think about the color scheme of Marion's pad?" tanong ni Mae sa kanya habang nasa conference room sila ng DCM Designs naa pag-aari nila at ng isa pang kaibigan na si Cherie.

They were college friends. They decided to put up their own design company a couple of years ago. Hindi madali sa una pero naging pang-akit nila ang mga fresh at eccentric designs nila. Kaya naman nagsimula na silang makagawa ng pangalan sa industriya ng interior designing.

Pinakatitigan niya ang kulay. "He is supposedly a rockstar. Parang masyadong mapusyaw ang kulay na ginamit mo, Mae. Use something darker."

"Huh!" anito at ni Cherie. Ikinaway ni Cherie ang kamay sa harap ng mukha niya. "Okay ka lang, Dafhny? Ang tingkad kaya ng kulay na ginamit niya. May black pa nga. Malabo na ba ang mata mo?"

"Ganoon ba?" usal niya at yumukyok sa desk. "Inaantok na kasi ako, eh!"

Isinara ni Cherie ang folder ng design ng concept nito. "Ano ang nangyari at parang wala kang tulog? Minsan na lang tayo magkikita, parang wala ka pa sa sarili mo," angal nito. Lagi kasi silang busy na magkakaibigan sa kanya-kanyang schedule ng mga projects. Kaya ang ilang minutong discussion ay parang bonding session na.

"Di ko matandaan kung anong oras na ako nakatulog kanina. O kung  nakatulog pa nga ba ako. Parang lumulutang pa rin ang utak ko," usal niya at ipinikit ang mga mata. Di pa rin mapahinga ang utak niya hanggang ngayon.

"Nanood ka siguro ng porn at di mo maalis sa utak mo ang napanood mo kaya puyat na puyat ka ngayon," tanong ni Mae at humagikgik.

"Shut up! Di porn ang problema ko. Si Gianpaolo kasi nagpadala ng email sa akin. I'm sorry pa ang nakalagay sa subject. Akala ko naman nagso-sorry siya dahil pinadalhan niya ng Sukob at Feng Shui sila Mommy. Aba! Hindi pala. Tiniyak niyang makakanood ako ng horror. Nagpadala siya ng video ng white lady. Binangungot tuloy ako. Parang di ko na kayang pumikit dahil nakikita ko lagi ang babaeng iyon."

Kapag nagkita sila, titirisin talaga niya ang lalaking iyon! Nawalan siya ng katiwasayan sa buhay. Wala na ba siyang karapatan na matulog.

"Gianpaolo na naman?" tanong ni Cherie. "Sagutin mo na kaya para tigilan ka? Nagpapapansin lang iyan, eh!"

"Don't even think about it!" kontra ni Mae. "He is a certified womanizer. Tingin niya sa sarili niya ay isang biyaya ng langit. Isa kaya siyang sumpa, no? A curse! Parang halimaw sa banga." Saka ito tumawa ng nang-iinis.

Malaki ang galit ni Mae kay Gianpaolo. Allergic ito sa mga playboy at lalaking manloloko. At si Gianpaolo ang numero-uno sa blacklist nito.

"Bakit si Roland akala natin matino tapos ipinagpalit din si Dafhny sa iba?"

Si Roland Villarin ay ang architect na kasama niya sa project. Isa ito sa mga architect ng Aragon Architectural Firm na pinamumunuan ng kapatid ni Gianpaolo na si Ariel. Dati niyang nobyo si Roland. He was nice, intelligent and understanding. Magkasundo sila sa maraming bagay. And he was faithful… or so she thought.

Busy sila noon sa kanya-kanyang project at madalang magkita nang makilala nito ang bagong accountant sa kompanya at naging girlfriend nito sa loob lang ng ilang araw. She was devastated. Doon niya naisip na kahit na gaano pa kabait ang isang lalaki, may posibilidad na hindi ito maging faithful. At ayaw na niyang magtiwala.  

"Pwede ba? Pare-pareho lang iyang mga lalaki!" bulalas niya. "Di na dapat pinaniniwalaan ang mga iyan."

"At masarap gantihan ang mga lalaking manloloko!" nakataas ang kilay na sabi ni Mae. "Dapat ipakita natin sa kanila na di tayo mga tanga."

"Paasahin, saktan at ibigay sa akin," wika naman ni Cherie.

Matalim nila itong tiningnan. "Eh, di sa iyo rin pala babagsak iyon?"

"At least pinagsawaan na ninyo!" nakangisi nitong sabi.

Mabuti pa nga sigurong walang lalaki para matahimik ang buhay niya. Tahimik naman talaga ang buhay niya kundi dahil kay Gianpaolo Aragon.

Kailan kaya siya nito titigilan sa pangungulit?