Chapter 471 - Chapter 16

Saglit na natahimik si Fridah Mae. Masaya siyang nasa tabi niya si Johann. Masaya siya na nag-aalala ito sa kanya. Pero kapalit ng saya ay pagkadismaya. Sa kabila kasi ng lahat ay di naman siya nito mamahalin. Babalik din ito kay Jennifer.

Iniwas niya ang tingin dito. "Bumalik ka na sa kanya. I don't really care."

"Hindi mo na ako mahal?"

"Talagang hindi na kita mahal."

"Totoo?" nanunukso nitong tanong.

Nanlaki ang mata niya nang dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. "J-Johann, anong gagawin mo sa akin?"

"I am going to kiss you."

Ano daw? Kiss! Gusto niyang magtitili… magtitili sa tuwa. Pumikit na lang siya at hinintay ang pagdampi ang labi nito sa labi niya. Di siya makahinga. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya. Pabilis din nang pabilis.

Konti na lang… konti na lang…

Naramdaman niyang sumayad ang labi niya sa noo niya. "Go to sleep, Fridah Mae. Ipunin mo ang lakas mo para gumaling ka."

Matalim ang mata niya nang idilat muli. "Nasaan ang kiss doon?"

"Anong klase bang kiss ang gusto mo?"

Ibinaling niya ang ulo at pumikit. "Wala! Ayoko sa iyo!"

"You are a liar, Fridah Mae. But I will let you go for now."

Pinanatili niyang nakapikit ang mata niya. Ang walang hiyang Johann! Tinakam lang siya. Halik daw! Sa noo lang pala! Mag-iipon talaga siya ng lakas. Kapag gumaling siya ay gaganti siya dito. Gugulpihin niya ito ng halik!

At wala itong magagawa o si Jennifer para pigilan siya.

"MA, kailangan bang sumama pa ako sa inyo ni Papa sa bakasyon ninyo? Parang honeymoon na ninyo ito, di ba?" tanong ni Fridah Mae habang bumibiyahe sakay ng SUV van papunta sa Tagaytay.Iyon lang ang oras niya na makalabas ng Zamboanga. Mula kasi nang magkasakit siya ay bahay at ospital na lang ang destinasyon niya.

"Silly. Dapat kasama ka rin namin. We miss you, baby." Niyakap siya ng mama niya at hinalikan sa pisngi. Naging mas malambing pa ito sa kanya at parang bata kung itrato. Natakot kasi ang mga ito mula nang magkasakit siya.

"Pero gusto ko na pong bumalik sa trabaho. Hindi pa ba kayo nagsasawa na dalawang linggo ninyo akong kasama? Di na tayo halos naghiwalay," pabiro niyang sabi. Halos di na umalis ang magulang niya sa tabi niya. At lalong di siya pinadadapuan ng mga ito sa lamok man o langaw. Kulang na lang ay ikuha siya bodyguard ng mga ito. Gusto lang niya ay makabalik sa trabaho.

"Di ka makakabalik sa trabaho hangga't di ka sumasama sa aming magbakasyon," kondisyon ng papa niya.

"Yes, Pa," aniya at sumandal na lang. Ayaw na sana nitong bumalik pa siya sa trabaho. Katwiran niya'y nagkataon lang na dinapuan siya ng malaria. Di iyon kasalanan ng trabaho niya. Nangako siya na mas magiging maingat sa susunod.

Nakita niya ang karatula ng Stallion Riding Club at muntik na siyang bumagsak sa kinauupuan nang lumiko sila doon. "Pa, Stallion Riding Club 'to."

"May dadaanan lang tayo," anang Papa niya at nilingon siya.

Malakas ang kaba sa dibdib niya. Huwag sana silang pumunta kay Johann.

Ipinikit na lang niya ang mga mata. In case madaanan nila si Johann, magkukunwari na lang siya na di ito makita. Matapos ang pag-uusap nila sa ospital ay di na niya ito kinibo pang muli. Bumalik din ito sa Manila nang matiyak na out of danger na siya at nakalabas na siya ng ospital. Lagi itong tumatawag sa kanya pero di niya ito kinakausap. Para saan pa?

Tumigil ang sasakyan at sumilip siya sa labas. Gusto niyang magpapadyak sa inis nang makitang naka-park sila sa harap ng villa ni Johann. Kasabay ng pagtatrabaho sa riding club ay bumili na rin ito ng villa doon.

"Hija, bumaba ka na," anang papa niya. "Dapat kang magpasalamat dahil dinalaw  ka ni Johann noong may sakit ka."

"Yes, Pa," mahina niyang sagot at napilitang sumunod. Kung siya ang tatanungin, mas gusto niyang imaneho na lang ang van hanggang makabalik siya sa Zamboanga. Doon sa malayo kay Johann.

"Hello, Tito! Tita!" bati ni Johann sa magulang niya. "How are you feeling, Fridah Mae?" Kahit di ito ngumingiti ay halata sa boses na masaya itong makita siya.

Isang maasim na ngiti ang ibinigay niya. Dapat nitong malaman na hindi siya masaya na makabalik sa riding club at makita ito.

"Hindi pa tapos ang medication niya, hijo. Tsine-check pa rin ang number ng platelets niya. And of course, there's her medication as well," anang mama niya.

"She will be well soon," paniniyak ni Johann.

Di halos tumagal ang kwentuhan ng mga ito ay tumayo na ang mga magulang niya. Tumayo rin siya. "Hija, may kukunin lang kami sa van ng papa mo. Dito ka muna kay Johann," sabi ng mama niya.

"Baka pwedeng isa na lang sa inyo, Ma," apela niya. Di niya gustong sila lang ni Johann ang magkasama.

"Sandali lang ito, Fridah Mae," anang papa niya at lumabas na ang mga ito.

Hinaplos ng palad niya ang suot niyang skinny jeans. Natetensiyon siya lalo na't di inaalis ni Johann ang tingin sa kanya. "Anong tinitingin-tingin mo diyan?"

"Hindi ka nakasuot ng fuchsia. Mukha ka tuloy maputla," wika nito.

Blue green ang suot niyang blouse noon. "Ayoko mag-fuchsia." Fuchsia lang ang suot niya kapag masaya siya. And she didn't feel good at all. Lalo na ngayon.

"Natatakot ka bang kasama ako?" tanong nito.

"Bakit naman ako matatakot? Di ka naman bampira, di ba? At may malaria ang dugo ko. Mas matakot ka dahil pwede ka pang mahawa sa sakit ko."

"Hindi. Baka natatakot kang ma-in love na naman sa akin."

"Ambisyoso naman nito!" mariin niyang bulong. Akala nito ay madaling babalik ang amor niya dito.

Naalarma siya nang marinig ang ugong ng van nila sa labas. Nagtatakbo siya sa labas nang marinig niya ang pag-andar niyon papalayo. "Ma! Pa!" tawag niya. Nagulantang siya nang makitang wala na ang van sa labas ng villa. "Ma! Pa! Bakit ninyo ako iniwan? Bumalik kayo!" sigaw niya sa papalayong van. Gusto niyang maglulupasay at mag-iiyak. Bakit umalis ang mga ito nang wala siya?

"Di man lang ako nakapagpaalam kina Tita," sabi ni Johann nang lumabas.

Hinatak niya ang kamay nito. "Ipahabol mo sila Papa. Hindi nila ako pwedeng iwan dito. Sasama ako sa kanila," parang bata niyang sabi.

"Ang sabi nila ako na ang bahala sa iyo."

Related Books

Popular novel hashtag