"Jenna Rose, ano ang mas magandang blouse na isuot ko?" tanong ni Fridah Mae nang tawagan ang kaibigan. Di kasi siya makapamili ng isusuot para sa date nila ni Johann. Kailangan ay maganda ang maging impression nito sa kanya.
"Sinabi ko na sa iyo, di ba? Iyong black na long sleeve blouse ang bagay sa iyo. Malamig ngayong umaga. Mahamog pa sa labas," anito sa ngamol na boses. Alas kuwatro y media pa lang kasi nang madaling araw noon.
"Ayoko nga ng black. Gusto ko fuchsia," angal niya at nanghahaba ang nguso na pinagmasdan ang dalawang fuchsia pink blouse na nakalatag sa kama niya.
"Bahala ka na sa buhay mo kung ayaw mong makinig sa fashion tips ko. Pati yata dugo mo kulay fuchsia na. Ibahin mo na naman ang kulay mo."
"Alam mo ba kung bakit mas kailangan kong magsuot ng fuchsia ngayon? Si Johann mismo ang nagsabi sa akin na bagay ang fuchsia. Ibig sabihin nagagandahan siya sa akin kapag naka-fuchsia ako."
"Di naman niya sinabi sa iyo na mag-fuchsia ka mula ulo hanggang paa. Isuot mo iyang black long sleeve blouse at iyang skinny jeans. Kung gusto mo pa rin ng fuchsia, lagyan mo ng ribbon na fuchsia iyang buhok mo o kaya iyong fuchsia na muffler na regalo ko sa iyo."
"Okay lang ba na isuot ko ang fuchsia boots ko?" hirit pa niya.
"Fuchsia naman, Fridah Mae! Pwede bang makinig ka naman sa akin kahit minsan? Gusto ko nang matulog. Isuot mo na iyan!" bulyaw nito sa kanya.
Humagikgik siya. "Masyado ka namang high blood. Thank you na sa tulong."
Isinuot niya ang black long sleeve blouse at nilagyan ng fuchsia na muffler. She tied her hair in a ponytail. Tinapik niya ang pisngi habang nakaharap sa salamin. "Make him fall for you, Fridah Mae. Di ka na pwedeng tanggihan ni Johann ngayon."
Pagbaba niya sa lobby ng guesthouse ay naroon na si Johann at naghihintay sa kanya. Hindi ito mukhang pormal sa cashmere shirt nito at jeans. Di rin nito suot ang eyeglasses nito kaya nabawasan ang kasungitan nito.
"Good morning, Johann! Kanina ka pa?" tanong niya nang lapitan ito.
Inangat nito ang tingin mula sa binabasang equine magazine. "Hindi naman. Your muffler looks nice on you. Bagay talaga sa iyo ang fuchsia."
"Thank you!" Pasimple niyang hinaplos ang fuchsia na muffler. "Saan nga pala tayo pupunta ngayon?"
"Sa stable. Sa Forest Trail lang kayo namasyal nila Mark Ashley kahapon. Doon tayo sa makikita mo ang sunrise."
Pagdating sa stable ay lumapit ang isa sa mga tauhan ng stable dala ang dalawang kabayo. "This chestnut stallion is mine. Star Runner. At sa iyo naman ang cremello horse. She's Rising Moon. Kasing bait din siya ni Wind Chaser kaya magkakasundo kayong dalawa."
Hinaplos niya ang kabayo na may mabait na mata. "Hi! Sana magkasundo tayong dalawa. Huwag mo akong ilalaglag, ha?" Umungol ang kabayo na parang nakakaintindi. Maya maya pa ay sumampa na siya kay Rising Moon. "Let's go!"
Noong una ay mabagal lang nilang pinaglakad ang kabayo. Di naman sila nagmamadali. Isa pa ay gusto niyang matagal pa ang oras na magkasama sila.
Nakita niya ang karatulang Mountain Trail. Magaspang na ang kalsadang dinadaanan nila. Iyon ang bahagi ng riding club na di madalas puntahan ng mga riders maliban na lang sa naghahanap ng katahimikan at sa mga mahilig sa adventure. Ibig sabihin ay gusto ni Johann na masolo siya.
"Iiwan muna natin ang mga kabayo dito sa shed," wika nito. Ini-on din nito ang security ng shed. Mahigpit kasi ang riding club pagdating sa security di lang ng mga member kundi maging ng mga kabayo doon.
Nakita niya ang matarik na daan na isang tao lang ang maaring makadaan. "Iyan ang aakyatin natin?" tanong niya kay Johann. Binilang niya sa isip kung ilang baitang ang hagdan. Parang di yata mauubos.
Inilahad nito ang palad sa kanya. "Kaya mong akyatin iyan."
Inilahad nito ang kamay at humawak siya dito. Madali lang sanang umakyat kundi lang malamig ang hangin at makapal ang ulap na bumabalot sa kanya. Parang ninanakaw ang hangin na hihingahin niya. But she didn't mind at all. Kasama niya si Johann. Di siya nito pababayaan.
"Kaya mo pa ba?" tanong nito nang tumigil siya sa paghakbang.
"Kaya ko iyan! Gusto kong makarating sa taas."
Ilang hakbang pa ay naubos na ang baitang ng hagdan. Bumungad sa kanya ang animo'y parke dahil sa mga bench at mesa na naroon. Parang picnic ground iyon kung saan tanaw ang kalawakan ng riding club hanggang sa lake.
"Wow!"
"Madilim pa kaya di mo pa masyadong makikita ang view."
Di nagtagal ay unti-unti nang sumikat ang araw. Unti-unting kumalat ang liwanag sa riding club. At bawat dampian ng liwanag nito ay nagkakaroon ng kulay. Namangha siya. As if a secret was unraveling right before her eyes.
Humawak siya sa braso ni Johann. "Ang ganda dito!"
"I am glad you like it. Hindi pa ako nakakarating dito. Sinabi lang sa akin ni Romanov na kung gusto kong mapag-isa at makakita ng magandang view, pumunta ako dito. Pero mas masarap palang pumunta dito nang may nakaka-appreciate ng magandang view."
"Ang swerte mo naman, Johann. Dito ka lang sa riding club. Palagi kang makakakita ng magandang sunrise o kaya romantic sunset." Maganda rin kasing manood ng sunset sa tabi ng lake at kita pa ang Taal Volcano.
"Maswerte ka rin naman. Marami kang magagandang lugar na napuntahan. Do you enjoy traveling, Fridah Mae?" tanong nito.
"Yes. Marami akong nakikilalang tao. Di lang sila ang may natututunan sa akin. Marami rin akong natututunan sa kanila."
"Hindi ka ba natatakot na ipinadadala ka sa mga delikadong lugar?"
"HIndi kami pupunta sa isang lugar nang walang pinagkakatiwalaang guide. Contrary to some of the beliefs, mga sibilisado din ang mga taong nakakasalamuha ko sa mga liblib na lugar. Mababait sila. Masasabi ko pa nga na mas sibilisado pa sila kaysa sa ibang tao dito. Wala lang pormal ba edukasyon ang iba kaya inaabuso ng ibang tao ang karapatan nila."
"Sabi sa akin ng kuya mo muntik ka na daw madisgrasya."
"Ah! Nasa Peru kami nang magka-landslide malapit sa village na tinutuluyan namin. Naranasan ko rin na maipit sa landslide noong bumiyahe kami. Nakaiwas lang ang sinasakyan namin sa malalaking bato na bumagsak."
"Kung boyfriend mo ako, baka iiwas kita sa ganyang trabaho."
Matamis niya itong nginitian. "Hindi pa naman kita boyfriend. So hindi mo pa ako mapapaiwas sa trabaho ko. Sagutin mo muna ako."
Tuwid lang ang tingin nito sa tanawin. "Kapag ba naging boyfriend mo ako, magpapalit ka na ng trabaho? Hindi ka na sa field?"
"Hindi. Kukumbinsihin lang kita na safe ako sa trabaho ko. Na kailangan ako ng maraming tao kaya di ko pwedeng iwan ang trabaho ko."
Napailing ito at umupo sa bench. "Sayang naman ang pagiging boyfriend ko kung di naman kita mapoprotektahan."
"Bakit ka nagagalit? Hindi naman kita boyfriend?"
Saglit itong napipilitan. "Kung boyfriend mo ako, magtatampo ako." Saka nito iniwas ang tingin. Parang ayaw nitong ipabasa ang nararamdaman sa kanya.
Tumayo siya sa harap nito at bahagyang itiniklop ang tuhod para magpantay ang mukha nila. "I am glad that you care for me. Di sa binabalewala ko ang pag-aalala mo sa akin. But my job is a part of my life. Kung sabihin ko na mag-quit ka dito sa riding club dahil sa mga babaeng lumalapit sa iyo? Susundin mo ba ako para di ako magalit sa iyo?"
"Well, that one is different. Nagseselos ka lang. Di ko naman iiwan ang trabaho ko. It is a part of my life as well."
Ngumiti siya. "See? Iyon mismo ang sagot ko. After you broke my heart, naging dedicated ako sa grupo. I love what I do."
"Basta mag-ingat ka sa trabaho mo. Alalahanin mo na may mga taong nag-aalala para sa iyo. Kasama na ako doon."
Umupo siya sa tabi nito at humilig sa balikat nito. Hindi pa siguro in love sa kanya si Johann pero natutuwa siyang malaman na nag-aalala ito para sa kanya.
She was satisfied with that for now.