Chapter 463 - Chapter 8

"Wala pa. Kaya nga ako nandito sa riding club para maghanap ng boyfriend," sabi niya at sumubo ng spaghetti marinara. Iginala niya ang paningin. "Ang dami talagang guwapo dito. Di ako makapamili kung sino…"

Itinaas ni Mark Ashley ang kamay. "Teka. Teka. Rules and regulation muna. Di ka pwedeng makipag-date nang walang permiso namin. Sa bahay din namin sila pupunta at di ka sa kalye liligawan. Kailangan mo rin ng chaperone sa bawat date."

"Bawal din ang kiss sa first date," dagdag ni Richard Don. "Saka kailangan papasa rin ang mga lalaking iyan sa standard namin. Kung di lang din naman kasing guwapo namin, huwag na silang magbakasakali."

Bumuntong-hininga siya. "Paano ako magkaka-boyfriend kung ganyan ang mga rules and regulation ninyo? Mas mahigpit pa kayo kay Papa."

Diniinan ni Richard Don ang noo niya. "Nasa Stallion Riding Club ka. Kargo ka namin habang nandito ka. Kaya makinig ka sa rules namin."

Inulit pa ng dalawa ang mga rules and regulation na parang Philippine Constitution. Nangalumbaba siya at pinagmasdan ang magandang lake. Nandoon siya di para buligligin ng mga ito sa walang kamatayang rules in dating ng mga ito.

Maganda talaga ang riding club. A paradise. Pwede kayang doon na lang siya mag-lecture ng tungkol sa human rights? Puro guwapo pa ang estudyante niya. Sa dami kasi ng guwapo doon ay di siya makapili. Kailangan na niyang makapili para kapag tapos nang magtalo ang mga pinsan niya ay maipakilala na siya.

Sinipat niya kung sino ang walang ka-date at mukhang binata pa. Nahagip ng paningin niya ang isang lalaki na naka-beige long sleeve polo at black trouser. May kausap ito sa telepono. Nakasuot ito ng eyeglasses at mukhang intelihente. Bahagyang nalaglag ang ilang hibla ng buhok nito sa noo at tinangay ng hangin. Napakurap siya nang bahagya itong lumingon sa direksiyon niya.

May kahawig ito. Si Cedric Johannson Cristobal.

Bigla siyang tumayo. Nandoon si Johann sa riding club?

"O bakit?" tanong ni Mark Ashley.

"Sandali lang. May titingnan lang ako."

Palapit na siya sa lalaki nang bumaba ito ng wooden pathwalk at sumakay na sa kotseng naka-park doon. Binilisan niya ang takbo. "S-Sandali lang! Johann!"

Bago pa siya nakahabol ay humarurot na palayo ang kotse. Nanlumo siya. Ni di man lang niya nalaman kung si Johann nga iyon. O kung ano man lang ang pangalan nito kung ka-look-alike ito ni Johann.

"Sino ba ang hinahabol mo?" tanong ni Richard Don.

"Iyong lalaki kanina. Si Johann iyon, di ba?"

"Johann? Hindi ko alam." Lumingon ito kay Mark Ashley. "Johann daw."

"Hindi ko napansin kung sino iyong lalaki kanina, eh!"

Bagsak ang balikat niya nang bumalik sa mesa. Di pa rin mawala sa isip niya ang lalaki kanina. Kung nasa riding club si Johann, sana ay sinabi na ng Kuya Jeffrey niya nang magkita sila. Malamang ay nasa Texas pa rin ito.

At kung nasa Stallion Riding Club man si Johann, ano ngayon? Di na niya ito hahabulin katulad nang ginawa niya dati. She was over him! Oo nga at attracted siya sa mga kasing sungit nito. Pero di ibig sabihin ay si Johann pa rin ang gusto niya.

"FRIDAH Mae, ang sakit naman sa mata ng suot mo. Sa dinami-dami ng mga riding habit na pwede mong makuha sa boutique ni Jenna Rose, bakit iyang fuchsia pa?" angal ni Mark Ashley nang magkita sila sa stable. Ipapasyal siya ng mga ito sa riding club at nangako na ipapakilala siya sa mga guwapo doon.

Dahil napagod siya nang husto noong nakaraang araw dahil galing siya sa biyahe, itinulog na lang niya ang buong maghapon. Malamig ang hangin sa riding club at di na niya kailangan pang buksan ang aircon. Kaya naman babawi siya ng pamamasyal sa umagang iyon. Alas singko pa lang ay gising na siya.

"Anong inaangal mo sa damit ko? Exclusive kaya sa akin ang fuchsia riding habit na ito. Regalo pa ito sa akin ni Jenna Rose noong birthday ko, no?" sagot niya sa angal nito. "Favorite ko ang fuchsia pink."

"Ikaw nga lang ang malakas ang loob na magsuot ng ganyang kulay," sabi ni Richard Don. "Kaya naman makulay ang buhay."

"Bagay naman sa akin, ah!"

"Sino naman ang may sabi sa iyong bagay sa iyo ang fuchsia?"

"Si Johann," mahina niyang sagot. Si Johann lang din ang hinayaan niyang makialam sa damit na dapat niyang isuot.

Kumusta na kaya ito? Napapadalas yata ang pagsagi nito sa isip niya. Kahit nang nakaraang araw ay may nakita pa siyang kahawig nito. That guy was cute with his glasses. Malamang ay guwapo rin si Johann kapag nakasalamin. Masungit pa rin kaya ito hanggang ngayon? Kailan kaya sila magkikita ulit?

Bakit nga ba niya ito naiisip? Wala na pala siyang pakialam dito matapos siyang ipagpalit sa babaeng hipon. Hindi na niya kinikibo si Johann hanggang umalis ito papunta sa Amerika. Nilunod na lang niya ang sarili niya sa pag-aaral at sa pagiging aktibo sa Amnesty International.

Balita niya ay nagbreak din ito at si Jennifer. Di na siya nagtangkang lapitan pa ito. Nasaktan na siya. May hangganan ang pagiging masokista niya. Kung magkikita sila ni Johann, manghihinayang ito dahil di nito matitikman ang alindog niya. Di talaga niya ito papansinin, ngingitian o kakausapin man lang. Hmp!

"Pumili ka na ng kabayo mo," untag sa kanya ni Mark Ashley. May mga kabayong ipinapa-rent sa riding club para sa mga walang kabayo.

"Gusto ko si Wind Chaser." Mabait at maamo ang kabayong iyon na madalas niyang sakyan kapag nasa riding club sila. They hit it off right away.

"Wala na po siya, Ma'am," anang facilitator sa stable na iyon. "May equine influenza po siya at ten days pa siyang iku-quarantine bago ibalik dito."

"Ten days?" Nanlaki ang mata niya. "Wala na ako dito within ten days. At  bakit siya nagkasakit? Dapat inaalagaan siyang mabuti dito."

"Natural na sa mga kabayo ang magkasakit," paliwanag ni Mark Ashley.

"Saka kung mag-react ka, parang sa iyo si Wind Chaser," anang si Richard Don. "Pumili ka na lang ng ibang kabayo."

"Ayoko! Gusto kong dalawin si Wind Chaser!" protesta niya.

"May problema ba dito?" tanong ng lalaki na nasa bandang likuran nila.

"Doc CJ, nagalit po si Ma'am dahil may sakit daw si Wind Chaser. Baka daw hindi natin naalagaang mabuti," anang facilitator.

Nanayo ang balahibo niya sa batok nang marinig ang pangalan ng lalaki. CJ? Doc CJ? Lumingon siya at nagsalubong sila ng maiitim na mata ng lalaki.

Nahigit niya ang hininga. "CJ? Cedric Johannson Resuena Cristobal?"