"HAPPY birthday, Ara!" bati ni Fridah Mae sa kaibigan at niyakap ito.
"Kanina pa nagsimula ang party. Late ka," nagtatampo nitong sabi at kinuha ang regalo niya dito.
"Ang hirap kumbinsihin sila Mama na um-attend ako nang walang escort. May meeting kasi sila sa Manila kaya di makakasama dito." At may kanya-kanyang date naman ang mga kapatid niya kaya di siya masasamahan.
"Safe ka naman dito sa resort namin."
Sa beach resort nila Ara ginanap ang birthday party nito. Beach party ang theme. Mahilig siya sa dagat kaya gustong-gusto niya doon.
"Mabuti pa magbihis ka na para makapag-swimming na rin tayo. Marami akong ipapakilalang mga boys sa iyo mamaya."
"Boys? Hindi ako interesado sa kanila. May Johann na ako," nakaismid niyang sabi. Si Johann lang naman ang lalaki sa buhay niya.
"Di ba may girlfriend na si CJ?" pabulong nitong tanong.
Pinanlakihan niya ito ng mata. "Gusto mong bawiin ko ang regalo mo?"
Humagikgik ito. "Sorry. Kasi naman ikaw, eh! Masyado kang in love sa CJ na iyon. Kung ayaw na sa iyo, bakit mo pa ipipilit ang sarili mo?"
"Ayaw pa niya sa akin sa ngayon dahil hindi pa ito ang right time. At hindi ko ipinipilit ang sarili ko sa kanya. Kusa na lang niyang mare-realize na ako ang babae para sa kanya. Tatanga-tanga pa kasi siya sa ngayon."
"Oo na. Oo na. Magbihis ka na lang."
Inggit na inggit siya nang makita ang mga kaklase na nakalublob sa pool. Maya maya pa ay plano na ng mga ito na lumusong sa dagat. Dali-dali siyang pumunta sa dressing room para magpalit ng damit. Idinala niya ang Hawaiian printed niyang two-piece swimsuit. Dalaga na siya kaya dapat lang na di na mga pambatang swimsuit ang isuot niya. Nang humarap siya sa salamin ay napangiti siya. Sayang at wala doon si Johann. Di nito masisilayan ang alindog niya.
Papunta na siya sa swimming pool nang makita niya ang isang lalaki na naliligo sa ilalim ng outdoor shower. Napanganga na lang siya nang makilala ito. It was Johann. Her Johann. He was wearing a black shorts and his upper body was bare. His muscles were lean. Inggit na inggit siya sa tubig na dumadampi sa katawan nito. Kapag nga naman sinuswerte. Nagkaroon pa siya ng golden opportunity na makita ito habang nagsa-shower.
Then she remembered his explanation about how she felt for him. Na baka physical attraction lang ang nararamdaman niya dito. She was sure then that she was not attracted to him physically. Pero ngayon ay attracted na siya dito, physically and emotionally. Kahit titigan pa niya ito buong magdamag habang nagsa-shower ay hindi siya magsasawa.
"Hi, Johann!" bati niya dito nang isara nito ang shower.
"Fridah Mae?" Pinagala nito ang paningin sa katawan niya. Dumilim ang mukha nito. Kinuha nito ang towel at itinakip sa kanya. "Bakit ganyan ang suot mo?"
"Swimming party ito, di ba? Natural naka-swimsuit." Hindi ba ito naakit sa maalindog niyang katawan? Ikinahihiya ba siya nito?
"Alam ba ng parents mo na iyan ang isusuot mo? Kung nandito lang si Jeffrey, tiyak na ibabalot ka noon na parang mummy. You are flaunting your body."
"Anong problema mo? Lahat naman ng tao dito naka-swimsuit?"
"You should wear something more fit for your age. Saka pagtitinginan ka lang ng mga lalaki. Baka mamaya…"
Namaywang siya. "Teka, nagseselos ka ba?"
Kung sasabihin nitong nagseselos ito at concern sa kanya, magpapalit siya kahit pa saya ni Maria Clara ang ipasuot nito sa kanya.
Nabaghan ito. "Ako? Magseselos?"
"Oo. Hindi ka naman magkakaganyan kung hindi, di ba?"
Mataman siya nitong tinitigan. Sasabihin na ba nito sa kanya na gusto rin siya nito? O ang titig ba nito ay mauuwi sa yakap o halik? Parang nasa langit na siya noon. Baka himatayin siya sa sobrang kilig.
"CJ, bilisan mo! Mag-swimming na tayo."
Matalim niyang nilingon ang pinanggalingan ng matinis na boses. Ang babaeng hipon ay naroon din pala at kasama nito. And she was wearing a floral string bikini. Ipinangangalandakan nito ang magandang katawan nito.
Di niya maiwasang mainis kay Johann. Anong gusto nitong palabasin nang papalitan ang suot niyang swimsuit? Na wala siyang panama sa ganda ng katawan ng girlfriend nito? Oo na. Di siya tipong pang-beauty queen. Di milya-milya ang haba ng legs niya. Pero may karapatan pa rin siyang magsuot ng swimsuit.
Tinanggal niya ang tuwalyang nakatabing sa kanya at ihinagis dito. "Hindi na ako bata. May karapatan na akong magsuot ng kahit anong gusto ko," taas-noo niyang sabi at nagmamartsa na naglakad palayo.
Isang araw, isusumpa niyang di na nito aalisin ang mga mata sa kanya.
MALUNGKOT na nakapangalumbaba si Fridah Mae habang pinapanood ang pagsasayaw nina Johann at Jennifer. Idinaan na lang niya sa pagkain at sa pag-inom ng cocktail drinks ang selos niya. Nginangatngat ang puso niya. Sana pala ay di na lang siya pumunta sa party na iyon. Sana ay di na lang niya nakita si Johann.
Paano pa niya matatagalang hintayin ang panahon na magugustuhan siya ni Johann kung ngayon pa lang ay gusto na niyang sumuko? Parang di na niya matatagalan pa ang gabing iyon. Gusto na niyang umiyak sa sama ng loob. Niloloko lang yata niya ang sarili niya na magugustuhan din siya nito.
"Fridah Mae, sorry. Imbitado kasi ng kapatid ko si Jennifer dahil kaklase siya ng ate ko. Kung ako ang masusunod, di ko na sila pasasamahin," anang si Ara.
Pilit siyang ngumiti. "It's okay. Bisita mo naman sila." Dahil kung sarili niya iyong party, ipapatapon niya si Jennifer sa malayo. Ban ito sa party niya.
Pilit na lang niyang inaliw ang sarili sa pakikipag-kwentuhan sa mga kaklase. Tumatawa habang manaka-naka ay nililingon si Johann. Di niya matiis na di ito makita kahit na nasasaktan pa siya sa pagiging sweet nito at ng babaeng hipon. Masokista nga yata siya. Habang nasasaktan ay lalong nagmamahal.
Nagsu-swimming sila sa beach nang hangos na lumapit sa kanila ang isa sa mga kaklase nilang lalaki. "May nagkakagulo sa dance floor! Magsusuntukan na ata. Dali! Tingnan ninyo!"
Nakitakbo na rin sila. Naabutan nila ang isang lalaki ang may hawak sa braso ni Jennifer habang si Johann naman sa kabila. "Bitiwan mo ako, Marshal!" sigaw ni Jennifer. "Ayoko na sa iyo! Break na tayo."
"Break na ba tayo? Lumuwas lang ako sandali sa Manila, pagbalik ko may bago ka nang boyfriend," sabi ni Marshal, ang pinsan ni Ara. Mukhang nakainom ito dahil may hawak pa na bote sa isang kamay.
"Pare, ayaw makipagsayaw sa iyo ni Jennifer," mahinahong sabi ni Johann.
"Tumahimik ka diyan! Kami ni Jennifer ang nag-uusap dito!" sigaw ni Marshall. "Ako pa rin ang boyfriend niya. Hindi pa rin kami nagbe-break."
"Naku! Sabi na nga ba magkakagulo dito," ang sabi ni Ara.
"Pag-usapan na lang natin ito nang maayos." Kalmado pa rin si Johann kahit na mukhang mainit ang ulo ng kalaban. "At kung pwede huwag dito."
Tinanggal ni Marshal ang suot na polo. "Hindi! Kung gusto mo dito na lang natin ito ayusin." Saka ito umamba ng suntok.
Kinabahan siya para kay Johann. Di naman kasi ito ang tipo na mahilig sa basag-ulo. Di na niya napigilan ang sarili ay gumitna. "Subukan mo lang na saktan si Johann at ipapapulis kita. Board member ang papa ko at congressman ang tito ko."
"At sino naman ito?" mapungay ang matang tanong ni Marshal at ngumisi. "But I find you cute. Ikaw na lang ang girlfriend ko."
Akmang hahaplusin ni Marshal ang pisngi niya nang tapikin iyon ni Johann. "Don't you even dare touch her. Magkakagulo talaga tayo dito."
"Marshal, tama na iyan!" anang ama ni Ara at hinila si Marshal palayo. "Ituloy na ninyo ang party. Okay na ito. Medyo nakainom lang."
Humihikbing yumakap si Jennifer kay Johann. "CJ, natatakot ako!"
Nanariwa na naman ang sakit sa puso niya at lumayo sa mga ito. Pagdating kasi ng huli ay si Jennifer pa rin ang pipiliin ni Johann. Balewala na siya dito.
Pinagkulumpunan siya ng mga kaklase niya. "Wow! Ang tapang mo."
"Siyempre! Takot lang ng kahit sino na kantiin si Fridah Mae," sabi ni Ara. "Kahit nga lamok ipapasilya-elektrika kapag kinanti siya."
Nagulat siya nang may humawak sa braso niya. "Anong…"
Akmang papalag siya nang magsalubong ng paningin niya ang matiiim na mata ni Johann. "Please excuse us." At saka siya hinatak palayo.
Idinala siya nito sa bahagi ng resort na wala halos tao. "Johann, ano ba?"
Binitiwan siya nito nang natiyak na sila na lang ang tao. "Ano sa palagay mo ang ginawa mo? Are you really asking for trouble? Kanina ka pa."
"I am just defending you. Ayokong masaktan ka."
"I don't need your help. Tama nang isa ang protektahan ko. Pero mas nahirapan ako noong dumagdag ka. Dalawa na kayo ni Jennifer na poprotektahan ko. Paano kung sinuntok ka ni Marshal?"
"Okay lang. Basta hindi ikaw ang sinuntok niya."
Bumuntong-hininga ito. "It won't work, Fridah Mae. Kalimutan mo na lang ako. It won't do you any good if you are in love with me."
"A-Ayaw mo sa akin?" tanong niya sa nanginginig na boses.
"May girlfriend na ako."
"Sa palagay mo ba gusto ko na ma-in love sa iyo. I don't like it either. Dahil ikaw ang pinakamasungit na lalaking nakilala ko. Di mo man lang iniisip ang nararamdaman ko. Sa halip na magpasalamat ka dahil may nagmamahal sa iyo, ikaw pa ang galit."
Hinawakan nito ang balikat niya. "I care for you. Kung ako lang ang masusunod, ayokong masaktan ka. So I don't want you to feel anything for me anymore. Huwag mo na akong susundan. Huwag mo na akong aalalahanin."
Sobra na iyon. Tinatanggihan na nito ang pagmamahal niya. At parang inalisan na rin siya nito ng karapatan na makaramdam. Did he really dislike her so much?
Tinakpan niya ang tainga. "Oo na! Ayaw mo na sa akin! You made your self clear. Gagawin ko ang lahat para di na ma-in love sa iyo. Pero kapag dumating ang panahon na ikaw naman ang na-in love sa akin, ikaw naman ang tatanggihan ko. Kahit na lumuha ka pa ng dugo, di na kita mamahalin."