"This is too much, Fridah Mae. You skipped class just to see that rockstar in the hospital, took a tedious flight to Manila and imitated a nurse. Pagkatapos ipinakulong ka pa niya. Hindi ka ba nahihiya sa ginagawa mo, ha?"
Hindi maiangat ni Fridah Mae ang paningin nang marinig ang galit na galit na boses ng amang si Sergio Narcisso. Di siya makakain ng agahan dahil iyon na ang nagsilbing agahan niya. Ang umaatikabong sermon. Kaya naman kahit maganda ang sikat ng araw sa Zamboanga City ay parang bagyo ang pinagdadaanan niya. Di lang isa kundi apat na bagyo. Apat na miyembro ng pamilya niya ang uusig sa kanya.
"Ayaw po kasi nilang makita ko si JED. Gusto lang naman namin ni Jenna Rose na makita kung okay lang talaga siya," kagat-labi niyang sabi.
Siya at ang bagong kaibigang si Jenna Rose ay parehong baliw na baliw sa vocalist ng bandang The Switch na si Jason Erwin Dean o Jed. Naaksidente ang sinasakyang kotse ni Jed. Nang malaman niya ang balita sa telebisyon ay di siya nag-atubiling kumuha ng flight papuntang Manila upang dalawin ito.
Mahigpit ang security sa ospital. Ayaw ng mahigpit na assistant ni Jed na may ibang dumalaw dito. Kaya naman kinasapakat niya ang isang kakilalang nurse sa ospital para mabisita nila si Jed. Sa kasamaang palad ay nahuli sila ng assistant ni Jed at ipinatapon sa kulungan.
"I know it was your idea. That Jenna Rose looks like a sweet soul," wika ng mama niyang si Evita. "Do you really want to tarnish our family name? Paano kung may press doon? Ikaw, isang Narcisso at anak ng isang vice governor, nakulong dahil lang sa isang rockstar? Isipin mo na lang ang hirap na ginawa ng mga ninuno natin para itayo ang pangalan natin."
Inisa-isa na ng mama niya ang mahabang kasaysayan ng pamilya nila mula pa sa panahon ng mga sultan at datu hanggang umabot sa bagong henerasyon. Her father was the vice governor of Zamboanga Sibugay. Ang lolo niya ay dating gobernador at ang tiyo ay isang congressman. Ang Kuya Jeffrey niya ay nagte-take up ng Political Science at gusto ring ipagpatuloy ang linyo ng pulitiko sa pamilya.
"Ano pa kaya ang susunod mong gagawin, Fridah Mae? Noong nakaraan, dinalaw ka namin sa ospital dahil kasangkot ka sa stampede sa concert din ng Jed na iyan. Ngayon naman ikinulong ka pa. You never cease to amaze me, sis," nakaismid na sabi ng Ate Maryel niya. "Ang mga bagay na di pa nagagawa ng kahit sino sa pamilya, ikaw ang gumagawa. Ang magdala ng kahihiyan."
Nangilid ang luha niya. Bata pa lang siya ay walang kwenta na ang tingin sa kanya ng lahat. Bunso sa tatlong magkakapatid, lagi na lang siyang nasa anino ng dalawang nakatatanda sa kanya at sa magandang pangalan ng pamilya nila.
"Hindi ko naman gusto ang nangyari," mahina niyang usal. Sino ba ang may gusto na masangkot sa mga gulo? Sino ba ang gustong makulong? Hindi naman siya masamang tao. Gusto lang niyang makita ang iniidolo niya.
"Ginusto mo iyan. You brought it upon your self," wika ni Jeffrey habang nakatitig ang matatalim na mata sa kanya. "Kung nagko-concentrate ka lang sana sa pag-aaral mo, hindi iyan mangyayari sa iyo."
Pinahid niya ang luha at tumayo. "Kung wala na po kayong sasabihin, papasok na po ako sa klase ko."
"Ipapalinis ko sa mga maids ang kuwarto mo. Ayoko nang may poster pa ng rockstar na iyon sa kuwarto mo. Kahit anong gawin mo, wala ka namang mapapala sa panonood mo sa mga banda o artista na iyan," sabi ni Evita.
"Natanggal ko na po, Ma."
Isasama niya sa susunod na garage sale sa festival ng school nila. Tiyak na mahal ring maibebenta ang mga iyon dahil may mga autograph pa ang mga CD at posters niya. Tiyak na matutuwa ang mama niya kapag nag-donate siya sa charity institution na hawak nito. She learned her lesson. Di na siya interesado kay Jed dahil di naman nito pinahalalagahan ang pagpapahalaga niya dito.
Pero napakahirap sa kanya ang ginawa. She was brokenhearted for the first time in her life. Kahit pa sabihin na isang celebrity si Jed, alam niyang na-in love siya dito. At di madaling kalimutan ang isang taong mahalaga sa kanya.
"You are grounded, Fridah Mae," deklara ni Sergio.
"But Papa…"
"Eskwelahan at bahay lang ang destinasyon mo. You have to come home on time. No more malls. You can't watch movies. At di ka rin basta basta makakapunta sa mga school activities na sa palagay ko naman ay di importante," pagdedetalye ng papa niya. Parang itinali na rin nito ang paa niya't kamay. Sa pagkakataong iyon ay alam niyang wala siyang kakampi.
"Yes, Papa," sang-ayon na lang niya kahit na parang may kurdon na nakatali sa leeg niya. Hindi na siya makahinga. Mawawala sa kanya ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya bilang isang ordinaryong teenager. "Aalis na po ako."
Inilahad ni Evita ang palad. "Your credit card, dear."
Napaawang ang labi niya. "Pero paano ang expenses ko, Ma?"
"Hindi mo naman iyan kakailanganin. Bibigyan naman kita ng allowance. Kung gusto mong magpunta sa mall at mag-shopping, kailangan mo ring ipagpaalam sa akin at saka kita bibigyan ng pera."
Tuluyan na siyang humagulgol nang isuko ang credit card. But nobody was there to comfort her. Tingin ng lahat ay tama lang sa kanya ang nangyari. Kasiraan sa pangalan ng pamilya. Pero sino nga ba ang makakaintindi sa kanya?