MAAGANG dumating si Fridah Mae sa Ateneo de Zamboanga University. First year student na siya sa Business Administration course. Isang oras pa bago ang klase niya. Sinabi lang niya na may pasok siya para makatakas sa panenermon ng pamilya niya. It was suddenly too much – walang gimmick, walang mall, walang sine, walang credit card. At ang masaklap ay makakasama pa niya ang mama niya tuwing magsa-shopping siya. Parang pinagkaitan siya ng oxygen sa mundo.
Tumuloy siya sa botanical garden. Walang tao doon tiyak niya kaya doon ay tahimik siyang makakapaglabas ng sama ng loob. Walang nagmamahal sa kanya. Pati si Jed na akala niya ay lalaking magmamahal sa kanya habambuhay ay siya mismong nagpakulong sa kanya.
Inilabas niya ang picture ni Jed na nasa wallet niya. Kumuha siya ng ballpen at tinusok-tusok ang mukha nito. "Sayang lang ang pagmamahal ko sa iyo. Ayoko na sa iyo! Ayoko na sa mga lalaki! Ayoko nang ma-in love!" sigaw niya at humagulgol. "Tandaan mo ang araw na ito na nawalan ka ng number one fan!"
"Hoy!" anang isang boses.
"Huh?" Luminga-linga siya sa paligid. May nagsalita. Tiyak niya iyon. Pero wala namang ibang tao doon kundi siya. Sino ang nagsalita? Halaman? Kulisap? O ang engkanto? Balita pa mandin ay nagpapakita daw doon. Napaiyak siya lalo. Takot siya sa mga engkanto. Paano kung isumpa siya ng mga ito at gawing palaka dahil sa disturbance of peace? Malas naman niya.
"Hoy! Ang ingay mo!"
Saka niya napansin ang isang lalaki na nakasuot ng uniform ng Biology Department. Makisig iyong tingnan sa malapad nitong balikat. He was around 5'10". Light tan ang kulay ng balat nito. May mga labi ito na di nakakatikim ng ngiti at mga mata na laging matalim kung tumingin. Guwapo sana pero suplado.
May hawak itong libro sa isang kamay. Iyon ang paborito nitong tambayan. At libangan nitong magbasa ng libro. Di niya napansin na naroon pala ito.
It was Cedric Johannson Resuena Cristobal. Ito ang kapitbahay nila at kaibigang matalik ng kapatid niya. Ang isa sa mga lalaking kinaiinisan niya dahil ubod nang suplado. Pati sa oras ng pagdadalamhati niya ay nambubulahaw ito.
"Ano ngayon kung maingay ako?" mataray niyang wika. "Umiiyak ako, eh!"
"Nagbabasa naman ako. Nakakaabala ka."
"Cedric Johannson Resuena Cristobal! Kung gusto mo ng katahimikan sa pagbabasa mo, doon ka sa library! Basta iiyak ako at wala akong pakialam kung mabulahaw ka!"
Yumukyok siya sa kandungan niya at nagpatuloy sa pag-iyak. Kahit siguro prinsipe ng mga engkanto ay papatusin niya huwag lang ang prinsipe ng kasungitan at ubod nang insensitive na si Johann.
"Huwag mong ipagsigawan ang pangalan ko. CJ lang pwede na," mariin nitong sabi. "Huwag ka ngang umiyak diyan. Baka akala nila pinaiiyak kita."
"Sinong sila? Iyong mga halaman? Ang mga insekto? Kasalanan mo naman talaga kung bakit ako umiiyak. Iiyak na nga lang ako, bawal pa."
"O, tumahan ka na," anito at inabutan siya ng panyo.
"Para saan iyan?" tanong niya.
"Wipe your tear away. Baka malunod ka na sa kaiiyak mo."
Hinablot niya ang panyo mula dito. "Akala ko ipambubusal mo sa bibig ko para hindi mo marinig ang iyak ko," sabi niya saka pinahid ang luha niya.
May pagka-gentleman din naman pala ang kumag. Bahagya siyang kumalma pero naiiyak pa rin siya. Di siya mapapatahan ng simpleng panyo lang.
"Nasabi sa akin ng Kuya Jeffrey mo ang nangyari." Isinara nito ang libro at umupo sa tabi niya. "Nakulong ka daw sa Manila matapos kang mahuling nagdi-disguise na nurse sa ospital para dalawin ang Jed na iyon."
"At ano naman ang sasabihin mo sa akin? Sasabihin mo na kahihiyan din ako ng pamilya ko?" Ito ang numero-unong critic niya. Ilang beses na ba nitong sinabi sa kanya na sana ay maging normal naman siya?
"Natakot ka ba nang makulong ka?"
Pinagsalikop niya ang palad at napaiyak muli. "Takot na takot ako. Parang kriminal ang pakiramdam ko. Kasama ko ang mga prostitute, mamamatay-tao, magnanakaw. Mag-isa lang ako sa lugar na halos wala akong kakilala. Pakiramdam ko hindi na ako makakauwi ng bahay namin."
Mabuti na lang at tinulungan siyang makauwi ng kapatid ni Jenna Rose na si Jenevie. Inalabas siya nito sa kulungan. Tiniyak din nito na walang reporter na makakaalam sa pagkakakulong nila. Pareho pa silang bata ni Jenna Rose. Di makakabuti sa kanila na masangkot sa eskandalo.
Nagulat siya nang akbayan siya ni Johann at kabigin ang ulo niya para humilig sa balikat nito. "Huwag ka nang umiyak. Nakauwi ka na. You are safe. Everything will be okay."
Tumingala siya dito. Si Johann ba talaga ang kausap niya? Parang sinapian ito ng mabuting espiritu. Di siya nito sinesermunan. Nag-aalala pa ito sa kanya.
"O, bakit ganyan ka makatingin sa akin?" tanong nito.
"Ikaw lang nagsabi sa akin na magiging okay na ang lahat. Ikaw lang din ang nagtanong sa akin kung natakot ako noong nasa kulungan ako."
Di tulad sa pamilya niya. Wala siyang narinig kundi paninisi. Walang inisip ang mga ito kundi ang kahihiyang dala niya sa pamilya. Nobody comforted her like Johann did. And she felt so good for the first time.
"Hindi naman ako kasing insensitive ng iniisip mo. Kung gusto mo suntukin ko pa ang Jed na iyon para maiganti kita?"
Umiling siya. "Ikaw naman ang makukulong. Saka may kasalanan din ako sa nangyari. Kung di ako nagpilit na makita siya, di ako mapapahamak."
He patted her head. "Mag-aral kang mabuti. Saka mo na isipin ang mga bagay na walang katuturan. Wala kang mapapala diyan."
Inikot niya ang mga mata. "You are starting to sound like them. Akala ko naman hindi mo ako uulanin ng sermon."
"Sino ang may sabi na di kita uulanin ng sermon? You deserve it. Puro ka artista at mga banda. Isipin mo naman ang future mo." Inabot nito sa kanya ang librong hawak. "Magbasa ka na lang at nang may matutunan ka."
Nalukot ang mukha niya nang makita ang haiku book o Japanese poetry. "Ay! Nakakatamad naman basahin ito. Wala ka bang romance novel diyan?"
Matalim siya nitong tiningnan. "Basahin mo iyan!" wika nito at saka siya iniwan. Bumalik na naman ito sa pagiging Mr. Sungit.
Pero wala siyang maramdaman na sama ng loob dito. At least she knew that he cared. At di naman ito kasing-insensitive tulad ng inaasahan niya. Ngingiti-ngiti niyang itinago ang panyo sa bulsa niya. Kung mababawasan lang sana ang kasungitan nito, baka magkagusto pa siya dito.
"KUYA, please! Isama mo naman ako sa play. Project ko iyon. Di ako ipapasa ng teacher ko kapag di ako nakapanood ng play at wala akong book report," pakiusap ni Fridah Mae sa kapatid at hinabol-habol sa hallway ng campus. Di siya papayagang um-attend ng kahit anong event nang walang approval nito. Kailangang ito ang tumiyak sa magulang niya na importante na maging parte siya ng isang event.
"Ayoko nga. Gusto mo lang namang makalabas ng bahay. Tutulugan mo lang iyong play. Di ka naman talaga manonood," sabi nito at binuksan ang locker. "Iku-kwento ko na lang sa iyo ang play."
"May problema ba, Jeffrey?" tanong ni Johann nang lumapit sa kanila.
"Good morning, Johann!" bati niya dito.
Sinulyapan lang siya nito at ibinalik ulit ang tingin kay Jeffrey. "Kinukulit ka na naman ba? O may gulo na namang ginawa."
"Good morning din sa iyo, Fridah Mae" sabi niya kasabay ng pagbuka ng kamay niya na animo'y puppet. Di na naman siya pinansin ni Johann. Kahit anong bait niya dito ng good morning, good afternoon at ano pang good ay wala itong kiber.
"Gustong sumama sa play bukas ng gabi," sagot ni Jeffrey sa tanong nito. "Grounded siya sa bahay. Ayoko namang isama at pagbabantayin ako ni Papa. Ayoko ngang maging baby sitter niyan."
"Magbe-behave ako, Kuya. Di ko kayo guguluhin ng date mo," pangako niya.
Pinanlakihan siya nito ng mata. "Ayoko ngang sumama ka!"
"Ako na lang ang magsasama sa kanya sa play," prisinta ni Johann.
"Talaga? Isasama mo ako sa play?" di makapaniwala niyang usal. Nagmistulang isang anghel ang tingin niya kay Mr. Sungit.
"Kailan ka pa naging baby sitter?" tanong ni Jeffrey.
"Wala naman akong kasamang manonood ng play. Pwede na siyang pagtiisan."
"Sige. Good luck sa iyo," sabi ng Kuya Jeffrey niya at iniwan sila.
Napayakap siya dito sa sobrang tuwa. "Naku! I love you, Johann! I love you talaga! Mahahalikan kita sa tuwa."
"Don't even think about it!" iritado nitong sabi at itinulak ng palad ang noo niya. "Saka huwag kang dumikit sa akin. Baka isipin nila may relasyon tayo."
"Ano namang masama? Maganda naman ako."
"Hindi kita type," anito at binaklas ang kamay niyang nakayakap dito.
"Sungit!" usal niya at iningusan ito. Saka niya naalala na dapat siyang magpakabait dito. Utang na loob pa rin niya dito kung bakit makakasama siya sa play.