Nagsilbing fan's day ni Reid Alleje ang binyag ni Rhozebell. Kanya-kanya ng pagpapapa-picture ang mga kababaihan dito. Gaya ng dati ay di pa rin maipinta ang mukha ni Reid subalit pasensiyosa naman ito sa mga fans nito. Kahit nga magsabi pa ito ng 'cheese' ay di pa rin nito magawang ngumiti.
Nasa di kalayuan si Tamara habang pinapanood ito. He looked so cute. Akala nga niya noong una ay tatanggihan nito ang pagni-Ninong. Pero ito pa mismo ang nag-confirm na sabay sila na pupunta sa binyagan.
"Bakit kahit anong gawin kong ngiti, hindi ako dinudumog ng mga babae? Samantalang si Pareng Reid kahit nakasimangot di pa rin tinatanan ng mga babae," reklamo ni Marlon.
"Subukan mo ring sumimangot. Baka dumugin ka rin," suhestiyon niya.
"Ako naman ang di lalapit sa kanya. Ayoko yatang makitang sumimangot ang love ko," lambing ni Sharon Joy.
"Reid, pwede bang mag-kiss?" tanong ng isa sa mga fans.
Tumayo na siya. "Sandali! Sandali! Iba nang usapan iyan. Hanggang picture lang si Reid Alleje," reklamo niya. Siya lang ang may karapatang humalik sa asawa niya. Nakaka-addict pa manding humalik si Reid.
Tinampal ni Sharon Joy si Marlon sa braso. "Ilayo mo na si Reid. Nagseselos na si Mareng Tamara. Baka mag-ala-Gabriella Silang na ito."
"HIndi ako nagseselos!" kontra niya.
"Iyan nga at umuusok na ang ilong mo sa selos!"
"Kahit naman saan ko dalhin si Reid, susundan iyan ng mga babae," angal ni Marlon. "Baka magalit pa sa akin ng mga iyan."
Inabot ni Sharon Joy si Rhozell dito. "Ayan! Sabihin mo isasama mo si Reid para magpatulog kay Rhozell. May pag-uusapan kayong negosyo."
Sumunod naman si Marlon. Maya maya pa ay tangay na nito si Reid papasok ng bahay. Wala nang nagawa ang mga babae kundi magsilayo na lang.
"Alam mo ba na nagdadalawang-isip si Reid kung magni-ninong kay Rhozell? Baka daw kasi galit ka sa kanya," sabi niya.
"Ako nga ang nahihiya sa mga pinagsasabi ko sa kanya, Mare. Di naman siguro ganoon kasama ang riding club niya."
"It is a decent riding club. Yes, there are times that the members tend to be chauvinistic. Kasi mundo nila iyon. Doon lang nila nagagawa ang gusto nila. They are free to exercise their powers. Pero nakakatuwa sila kapag na-in love. Gagawin nila ang lahat para sa babaeng mahal nila," aniya at bumuntong-hininga.
"Kayo ni Pareng Reid, wala ba?" usisa nito.
"Isa ka pa. Nakikitukso ka na rin."
"Kung di naman siya kasing sama ng iniisip ko, okay lang na maging boyfriend mo siya. Baka nga magkaroon pa siya ng appeal sa mga feminist kapag katulad mo na may malakas na personality ang napangasawa niya."
"Weird! But I don't think Reid and I would get along. I mean we will always fight." Bumababa lang ang tono nito sa kanya kapag pagod siya o may sakit. Sa ibang pagkakataon na ay masungit na naman ito. Nasanay na lang siya.
Tumayo ito. "Tingnan mo nga kung ano nang nangyari sa dalawa. Baka mamaya di rin makatulog si Rhozell."
Nang umakyat siya sa nursery room ay si Reid ang naabutan niya habang di alam kung paano patatahanin ang umiiyak na si Rhozell. "O, anong nangyari?"
"Hindi ko alam kung anong gagawin ko? Si Marlon kasi may tawag sa phone. Di ako dapat ang pinagbantay niya dito," anang si Reid na natutuliro na. He was composed most of the time. Sa isang sanggol lang pala masisira ang composure nito.
Kinalong niya si Rhozell at tumahan ito. "Hay, naku! Kalong lang pala ang gusto niya, Ninong Reid. Bakit hindi mo kinalong?"
"Hindi ako marunong magkalong ng bata. Baka bumagsak pa iyan."
"Hay! Paano kapag may tagapagmana ka na at di ka marunong magkalong?" Inilagay niya si Rhozebell sa bisig nito. "Subukan mo."
"O! O! teka lang," anitong di alam ang gagawin.
"Relax, you are doing great."
Napalunok ito habang nakatitig sa kalong na bata. "She's so small and so soft." Humikab si Rhozell at gumuhit ang ngiti sa labi nito. "She's an angel."
Nakangiti niyang inilabas ang cellphone na may camera at sinimulan itong kunan ng video. He was really smiling. Rhozell must be really an angel. Nagawa nitong pangitiin si Reid na once in a blue moon yata kung ngumiti.
"Smile for the camera, Ninong Reid!"
Nawala ang ngiti nito nang makitang kinukunan niya ito ng video. "Patayin mo iyan! Huwag mo akong kunan."
"Shhh! Nakatulog na si Rhozell," aniya sa mahinang boses.
"A-Anong gagawin ko?" tanong nito.
Kinuha niya ang bata mula dito at inilapag sa crib. She turned on the musical chime. Pumailanlang ang medley ng nursery rhymes. "Magpaalam na tayo sa kanila. Baka gabihin tayo sa daan," yaya niya dito.
Nang pauwi na sila ay di siya tumitigil sa pagpe-play ng video nito na kalong si Rhozell. "Sabi ko I-delete mo na iyan, di ba?"
"Bakit ko naman ide-delete? Ipapa-auction ko pa ito. Magkano kaya ang kikitain ko sa video na ito kapag nai-post ko sa internet?"
Umasim ang mukha nito. "Oh, give me a break!"
"Bagay sa iyo na magkalong ng bata. Ngayon alam mo na ang gagawin mo kapag nagka-baby ka na. Will you allow your ex-wife to see your heir?"
"Hindi mo naman siguro kukurutin ang anak ko."
Kinurot niya ang braso nito. "Ikaw na lang ang kukurutin ko."
"Tamara, kapag nagpa-annul tayo, ide-date mo ba si Reichen?"
"Hindi. Pangit iyon kasi naging brother-in-law ko siya, di ba?"
"Well, hindi naman niya malalaman na minsan na tayong naikasal. O makikipag-date ka ba sa mga katulad niya. Iyong laging nakangiti, hindi nagagalit, laging masaya at hindi sumisigaw?"
Itinukod niya ang siko sa windshield ng sasakyan at doon ikinatang ang ulo. "Ang totoo, mas gusto kong ikaw ang maka-date ko."
"Bakit naman ako pa ang pipiliin mo? Hindi ba gustong-gusto mo nga akong hiwalayan. You can't live with an arrogant man like me."