TAMARA was observing some of the pregnant mares in the pasture. Sa susunod na buwan na manganganak ang mga ito. Iyon ang malaking kaibahan ng mga kabayo sa tao. May isang panahon para sa mating season ang mga ito kaya naman sabay-sabay halos ang mga ito kung manganak. Kaya naman ihinahanda na niya ang sarili dahil magiging abala na ang buong riding club sa susunod na buwan.
Nadaanan niya ang ilang mga trabahador na nagkukumpuni ng nasirang coral fence. "Doc Tamara!" sigaw ng ilan sa mga trabahador na kasundo niya.
Nakangiti rin siyang kumaway sa mga ito. Lalapit sana siya para mangumusta nang magsalubong ang tingin nila ng isa sa mga trabahador. No. He was too good looking and too arrogant to be a usual hired help. Kasama si Reid sa mga nagkukumpuni ng coral fence.
Ilang saglit siyang natulala. He was not wearing his shirt. His mocha skin was kissed by the son. There was no flab in his body. Palibhasa ay alaga ito sa ehersisyo. Kung may babae lang makakita dito nang mga oras na iyon ay baka nagtilian na.
Inirapan niya ito at naglakad palayo. Baka mamaya ay isumbat pa nito sa kanya na ilang sandali niyang pinagpantasyahan ang katawan nito. He might take it as an offense. Nuknukan pa mandin ito ng arogante.
Di pa siya nakakalayo ay narinig niya ang pagbagsak ng lagari sa lupa. "Sir Reid, may sugat po kayo!" anang isang trabahador.
Nakalimutan na niyang iniiwasan niya si Reid. Tumakbo siya palapit dito sa sobrang pag-aalala. Hinawi niya ang nagkakagulong trabahador.
"Anong nangyari sa iyo?" Nanlaki ang mata niya nang makita ang dumudugo nitong hinlalaki. "May sugat ka!"
"Nahiwa po ng lagari, Ma'am," sagot ng isang trabahador.
Kinuha niya ang panyo niya at ibinalot sa daliri nito para maampat ang pagdurugo. "Saan ka ba tumitingin at nahiwa ka?"
"It is none of your business," asik nito.
Di niya pinansin ang pagsusungit nito. "Patingnan natin sa clinic. Baka mamaya malalim ang sugat mo."
"It is not a serious wound, Doctor Trinidad. You don't have to fret about it."
Hinila niya ang kamay nito. "Sige na. Patingnan mo na."
"Iyong ibang trabahador dito, mas matindi pa ang disgrasyang nangyayari kapag nagtatrabaho sila pero di naman idinadala sa doktor. Kaya ko na ito," protesta pa rin ni Reid. Mukhang di niya ito basta-basta makukumbinsi.
"O! Anong nangyari sa daliri mo, Kuya?" tanong ni Reichen na dumaan sakay ng kabayo nito.
"Nalagari niya. Di ko alam kung bakit," sumbong niya. "Sabi ko patingnan niya sa clinic pero ayaw naman."
"Hindi ako katulad ni Reichen na konting galos lang, kailangan pang ipagamot sa babae," anang si Reid at pumiksi.
"Masarap yata na may nag-aalaga," anang si Reichen at humalakhak.
Lalo namang tumalim ang tingin Reid dito at pilit kumawala sa pagkakahawak niya. "Stop treating me like a sissy, Doctor Trinidad."
Kusa niya itong binitiwan. "Sige! Huwag kang magpatingin sa doktor. Matapang ka naman. Bahala kang matetano. Di ka magkakaanak."
Sa gilid ng mata niya ay nakita niyang natigilan si Reid. "Di magkakaanak?"
"Totoo iyon, Doktora?" paniniyak ni Reichen.
Tumango siya. "Oo naman. Ayon pa sa napag-aralan ko, di lang siya posibleng mabaog. Magiging impotent din siya."
Humalakhak si Reichen. "Kung ganoon, ako na pala ang bahala sa susunod na tagapagmana ng mga Alleje. Ayaw mo namang magkaanak, di ba, Kuya?"
"Shut up!" bulyaw ni Reid at hinila siya. "Samahan mo ako sa clinic."
"Ha? Bakit?" tanong niya.
"Magpapagamot ako," matatag na sabi nito. Biglang nagbago ang isip.
"Ikaw na lang ang pumunta sa clinic. Malaki ka na," pagtataboy niya.
Subalit di nito binitiwan ang kamay niya. Halos kaladkarin siya nito palayo. "Samahan mo ako. At kapag di ako nagkaanak, kasalanan mo."
"Ano? Bakit kasalanan ko?"
"Basta kasalanan mo!"
"YOUR WOUND is okay. Hindi naman malalim. Lagi mo lang linisin para matiyak na di siya mai-infect," bilin ni Doctor Kester Mondragon, ang bagong resident physician na pumalit kay Celeste. "Pwede ka nang magtrabaho ulit."
"Are you sure, Kester? I don't have to undergo tests?" paniniyak ni Reid. "Di mo ba ako ipapa-confine sa mas malaking ospital?"
"Bakit? May iba pa bang masakit sa iyo bukod sa sugat mo?"
Umiling si Reid. "Wala na. Ito lang daliri ko."
Nakaupo si Tamara sa couch di kalayuan sa desk ni Kester. She was humming like crazy while her eyes roamed around the office. Ang totoo ay pinipigil lang niyang tumawa ng malakas habang nakikinig sa pag-uusap ng dalawa. Hanggang ngayon ay napapraning pa rin si Reid sa mga sinabi niya kanina. Habang papunta pa nga lang ng clinic ay di ito matapos-tapos sa pagbabanta sa kanya na parang kasalanan niya kung bakit nasugatan sa lagari ang hinlalaki nito.
"What's wrong with you, Reid? Daliri lang ang may sugat sa iyo. Nagtataka nga ako dahil kinailangan mo pang itakbo dito sa clinic," sabi ni Kester. "Samantalang napakasimple lang ang sugat mo."
"Hindi lang simple ang sugat ko. Paano kung hindi ako magkaanak dahil sa sugat ko?" anang si Reid sa mataas na boses.
Nagulat si Kester sa outburst nito. "Malayo ang daliri mo sa 'the zone'. Hindi mo kailangang mag-panic."
"Di ako magiging sterile dahil sa tetanus kung sakali?"
"Hindi. Bagong discovery ba iyan?" nagtatakang tanong ni Kester.
"Ewan ko. Hindi rin ba ako magiging impotent?"
Napakamot na lang sa ulo si Kester habang pinipigil ang pagngiti. "Hindi ko alam kung saan mo iyan napulot, pare."
"Mula sa isang tao na di dapat pinagkakatiwalaan."
Nang-aakusa siyang nilingon ni Reid. Sa talim ng tingin nito, pwede na siyang magkapira-piraso nang pinong-pino. Inosente naman siyang tumingala sa kisame ng clinic habang patuloy sa pagha-hum. Gusto na sana niyang gumulong sa sahig sa katatawa pero napigil ang kaligayahan niya. Natatakot siya sa titig nito.
"Nag-aalala ka pa rin ba na baka ma-tetano ka?" tanong ni Kester.
"I remember that I had a tetanus shot before," anang si Reid at tumayo. Kinamayan nito si Kester. "Thanks for the help."
"Reid is safe, Tamara. Pwede ka nang bumalik sa trabaho," wika ni Kester.
Kumaway siya dito. "Thanks for the help, Doc. Ang totoo, alalang-alala talaga ako kay Sir Reid. Buti naman safe na siya. Paano babalik na ako sa trabaho." Matamis niyang nginitian si Reid. "Bye, Sir! Mauna na po ako."
Nagmamadali siyang lumabas ng opisina ni Kester. Kailangan niyang makalayo sa lugar na iyon. Pakiramdam kasi niya ay di na siya makakalabas pa nang buhay sa riding club oras na maabutan siya ni Reid.
Subalit sadyang minamalas siya dahil maagap si Reid na nahawakan ang braso niya. "Huwag ka munang umalis. Mag-uusap pa tayo."
"Sir, may trabaho pa ako. May nag-text sa akin ngayon lang. Iyong Appaloosa ni Jason Erwin Dean, walang ganang kumain."
"Wala akong pakialam! Basta mag-uusap tayo!" sigaw nito. Mabuti na lang at walang tao sa dinadaanan niya kaya siya lang ang nakarinig.
Hinaplos niya tainga niya. "Huwag kang sumigaw!" galit niyang sagot.
"May karapatan akong sumigaw dahil ako may-ari ng lugar na ito." Hinaklit nito ang braso niya at hinila siya palapit. "Bakit mo sinabi na mababaog ako?"