"Reid Alleje, nasaan ka na? Hanggang kailan ako naghihintay dito?" nakapangalumbabang tanong ni Tamara habang nakaupo sa granite garden set. Subalit walang Reid na sumagot sa kanya.
Alas dos na ng hapon noon. Umaga pa lang ay naghihintay na siyang ipasyal ni Reid. Madaling-araw pa lang daw ay umalis na ito. Nagbilin ito na oras na maging maluwag ang trabaho nito ay susunduin siya nito para ipasyal.
"Ma'am, pumasok na kayo sa loob. Kanina pa po kayo dito," wika ni Maureen.
"Oo nga. Tinubuan na ata ako ng damo dito." Tumayo siya at nag-inat. "Maglalakad-lakad lang ako diyan sa baba, ha?"
"Di po pwede. Baka po magalit si Sir Reid kapag nalamang umalis kayo nang walang kasama. Siya lang po ang pwedeng sumama sa inyo."
Lumabi siya. "Sobrang tagal niya. Saka diyan lang naman ako maglalakad sa tabi-tabi. Sawa na kasi ako dito sa garden. Kita mo, pagbalik ko wala pa rin si Reid," aniya habang dahan-dahang naglalakad. Nang malapit na sa pababang daan ay tumakbo na siya. "Tawagan mo na lang ako kapag nandito siya, ha?"
"Ma'am!" Akmang hahabulin siya ni Maureen pero nakalayo na siya.
Tumawa siya nang malakas. It felt so good. Isang buong araw sa grand villa habang hinihintay si Reid ay nakakabaliw. She needed to see him.
Saan kaya ito nagpunta? Di man lang nito naisip na naroon siya at naghihintay dito. Baka naman ka-date nito ang girlfriend nito. Hindi man lang nahiya sa kanya. Siya ang legal wife nito. Di nito iyon dapat na kalimutan.
"Ma'am, sasakay po kayo?" tanong ng driver ng golf cart na dumaan.
"Pwede po ba?"
Tumango ang driver. "Yes, Ma'am. Ito po ang service ng mga members at mga guest dito. Ihahatid ko po kayo kahit saan ninyo gusto."
"Talaga" Dali-dali siyang sumakay sa golf cart. "Saan kaya ako pupunta? Sa lakeside na lang siguro." Simula pa lang ay naakit na siya sa magandang view ng lake. And besides that place was rightfully hers.
Habang papalayo sa grand villa ay nakalimutan na niya ang paghihintay kay Reid. Nalibang siya sa pagmamasid sa riding club. It was a paradise indeed. Cultured grass was everywhere. Napakaganda ring pagmasdan ng mga kabayo na tumatakbo sa damuhan. It was picture perfect.
Di rin maikakaila ang ganda ng mamahaling villa na nadaanan niya malapit sa gubat. Napakadami pang pwedeng makita sa riding club.
"May kasama po kayo, Ma'am?" tanong sa kanya ng driver.
"Oo. Pero marami pa kasi siyang trabaho."
"Mag-ingat na lang po kayo, Ma'am. Hindi po ina-advise sa mga single women na walang escort na maglakad-lakad dito sa riding club. Maliban na lang po kung naghahanap talaga kayo ng ka-date."
"Hindi ko po kailangan ng ka-date." Subalit nagtataka siya kung bakit di siya pwedeng maglakad ng walang kasama. May rapist ba doon?
Maya maya pa ay humimpil na ang sasakyan sa harap ng lake. "Dito na po kayo sa boardwalk, Ma'am. Iyan po ang nagkokonekta sa dock at Lakeside Café. Enjoy your visit at the Stallion Riding Club."
Matapos magpasalamat ay bumaba na siya. Saglit niyang pinagmasdan ang ilang mamahaling yate na nakadaong sa dock. Saka siya naglakad-lakad sa boardwalk para hanapin ang lake cabin na pag-aari ng mommy niya. Nakalagay sa kontrata nila ni Reid na kailangan nitong ipreserba ang lugar na iyon. Lagi na lang ay ang abogado niya ang tumitingin sa kalagayan ng property.
Luminga-linga siya. Iba na kasi ang istraktura ng lugar kumpara nang huli siyang pumunta doon. Dati ay ang lake cabin lang ang makikita niyang bahay sa tabi ng lawa. Ngayon ay may mga villa na at kung anu-anong establishment sa lugar. Si Reid lamang ang nakakaalam kung nasaan iyon.
Habang di pa niya alam kung saan pupunta ay nag-ring ang cellphone niya. "Hello, Ma'am Tamara. Tumawag po si Sir Reid. Papunta na daw po siya dito para sunduin kayo. Bumalik na po kayo."
"Sige. Papunta na ako diyan," wika niya at bumaba ng boardwalk para maghintay ng dadaang golf cart. Ayaw niyang abutin ng galit ni Reid.
"Are you okay, Miss?" tanong ng isang lalaki na moreno ang balat. He was handsome in a very Filipino way. Nakilala niya ito bilang isa sa mga Stallion boys na nasa commercial. He was Rolf Guzman, a former car racer.
"I am okay. Pagaling na ang sugat ko," nakangiti niyang wika.
"Do you need company?"
Umiling siya. "No, thanks."
"I can treat you for a cup of coffee if you want. Or even dinner," anang isa pang lalaki na lumapit sa kanya. He was as tall as the first one. But this one had a very exotic Spanish feature. Kahawig nito ang mga mata ni Reid. Ang kaibahan lang ay laging nakangiti ang mga mata nito. He was Reichen Alleje, Reid's brother. Isa itong sikat na horse rider.
"Teka, mukhang kinakaribal mo ako," anang si Rolf at pinigilan sa dibdib si Reichen. "Nakita mo namang ako ang unang lumapit sa kanya."
"I am just saving the lady from you. Mukha namang hindi siya interesado sa iyo. Kukulitin mo lang," wika ni Reichen.
Pumagitna siya sa dalawa. "Excuse me. But I have to go."
"Wala ka bang gusto sa aming dalawa, Miss?" tanong ni Rolf.
Umiling siya. "A-Ano… next time na lang. I am on a hurry." Oras na malaman ni Reid na wala siya sa villa, aabutin na naman siya ng galit nito.
Humalukipkip si Reichen. "Wait. You can't leave without your choice. Mamili ka muna kung sino sa aming dalawa ang ide-date mo."
"O kaya daanin na lang natin sa horse sports para makapag-decide siya," hamon naman ni Rolf kay Reichen.
"Ako ba ang hinahamon mo?" maangas na tanong ni Reichen.
Mag-aaway pa yata ang dalawa para sa kanya. Masyado naman siyang maganda para pag-awayan ng dalawang guwapo. "Guys, I am afraid I already have a date with Reid Alleje,"
Parehong natigilan ang dalawa at sabay na nagtawanan. "In your dreams, Miss. Hindi makikipag-date sa iyo si Kuya Reid," wika ni Rolf.
"Ako na lang ang piliin mo para di masayang ang pagpunta mo sa riding club. Tutal di naman nalalayo ang kaguwapuhan niya sa aming dalawa," anang si Reichen at akmang aakbayan siya.
"Touch her or you are dead!"
Namutla silang tatlo nang makita kung sino ang sumigaw. It was Reid Alleje himself and he definitely looked deadly. He came towards them with angry strides at hinatak siya palayo sa dalawa.
"Kuya Reid!" tanging nasabi na lang ni Reichen habang nakangiti. Habang si Rolf ay tuluyan nang di nakapagsalita sa takot.
"Anong ginagawa ninyo kay Tamara?" tanong ni Reid.
"Kasama mo pala siya, Kuya," anang si Rolf. "Is she our client?"
"No. She's my personal guest at sa grand villa siya tumutuloy," sagot ni Reid.
"What?" sabay na bulalas ng dalawa. "Bakit doon mo siya…"
Itinaas ni Reid ang kamay at natigilan sa pagsasalita ang dalawa. "No more questions for you two." Reid tugged her arm. "Let's go, Tamara."