Nanlamig si Tamara nang mabasa ang placard. Ang placard pa laban kay Reid ang ibinigay sa kanya. Dahan-dahan siyang lumingon kay Sharon Joy na handang-handa na para sa protesta nito. "Idinala mo ako dito para mag-rally?"
"Oo. Babae ka rin kaya dapat kang makiisa." Itinuro nito ang gate ng Stallion Riding Club. "Ine-exploit ng mga lalaking iyan ang mga kababaihang tulad natin. Sinisikil na nga nila ang karapatan ng mga babae sa loob ng riding club na iyan, pinagsasamantalahan pa nila ang kanilang dangal. At di kami papayag! Hindi ba mga kasama? Dapat isara ang Stallion Riding Club!"
"Tama!" sabay-sabay na sagot ng mga ito.
Oh, no! Di siya pwedeng sumali sa rally na iyon. She was Mrs. Reid Alleje. Kahit pa sabihing di sila nagsasama ni Reid, asawa pa rin siya nito. Wala naman silang problema na dalawa. Ang totoo nga niyan, hinihintay na lang niya ang sagot nito para sa maayos at tahimik nilang annulment.
Iginagalang naman niya ang karapatan ng grupo nila Sharon Joy na magprotesta at magpahayag ng sariling pananaw. Kung tingin ng mga ito ay may violation ang Stallion Riding Club, nirerespeto niya ang paniniwala ng mga ito. She just didn't want to be a part of any protest against her husband.
Kailangan niyang makagawa ng paraan para makaalis doon. Lumingon siya kay Shaj na kausap ang isang kasamahan habang naghahanda na ang mga ito sa pagsisimula ng rally. Hindi rin naman niya ito pwedeng iwan doon.
"Excuse me, Shaj. Do you think it's okay for you to join protests? Ang init-init ng araw. Baka makasama sa inyo ang anak mo," malumanay niyang wika. "Siguro hindi mamasamain ng mga kasamahan mo kung magpapahinga ka sa bahay."
Itinaas nito ang nakakuyom na kamao. "Hindi! Dito maririnig ang boses ko. Sino ang makakarinig ng mga protesta ko sa bahay?"
"Pero paano naman ang kondisyon ninyo ng anak mo?"
Ngumiti lang ito. Parang di alintana ang posibleng panganib dito. "Huwag mo kaming alalahanin. Mabuti nga habang maaga malaman na niya ang dapat naming ipaglaban. Isa pa, mas maganda ngang tingnan sa rally kung buntis ako at nagpo-protesta. Ibig sabihin pinoprotektahan ko ang karapatan ng susunod na henerasyon. At ayokong maging biktima ng riding club na iyan ang magiging anak ko. Kaya ipaglaban mo rin ang kinabukasan ng magiging anak mo."
Bumuntong-hininga siya. "No. I won't do this."
Hindi naman siya aktibista. Kung gusto niya ng pagbabago, sinisimulan niya sa mga taong involve sa isang problema. Tulad sa mga environmental issues na kinakaharap ng organization nila. They device ways to solve the problems. Kahit kailan ay di niya ugali na pumunta sa kalsada para magpahayag ng opinion niya.
"Iiwan mo ba ako dito?" mataray nitong tanong.
"Siyempre hindi."
Matamis itong ngumiti. "Pwes, makisigaw ka rin tulad namin. Kailangang isara ang riding club na iyan para wala nang maabusong mga kababaihan."
"Iligtas ang mga kababaihan!" sigaw ng leader ng rally.
"Stallion Riding Club, isara!" sagot naman ng mga miyembro kasama na si Shaj na hyper na hyper. Di nito alintana ang init ng araw o ang maselang kalagayan nito. Everyone was so passionate about it.
Siya naman ay nakayuko habang nakatakip sa mukha ang placard. Palinga-linga siya sa paligid habang malakas ang kaba ng dibdib. Paano kung makita siya ni Reid na sumasama sa protesta laban dito? Ano na lang ang iisipin nito sa kanya?
Ilang beses niyang tinanggihan ang imbistasyon nito na magtungo sa riding club. Pagkatapos ay bibisita lang siya doon para mag-rally?
Napapitlag siya nang sikuhin siya ni Sharon Joy. "O, bakit hindi ka nakikisigaw? Saka itaas-taas mo naman ang placard mo."
"Masakit na kasi ang lalamunan ko saka nahihilo na ako sa init ng araw."
"Kailan ka pa naging sensitive? Okay ka naman kanina, ah!"
"Siguro dahil magkakasakit ako." She tugged her friend's arm. "Ikaw, di ka ba nahihilo? Magpahinga ka na. Umuwi na tayo."
"Mamaya na. Nagsisimula pa lang naman tayo."
"Naku! Nandito na ang mga sinapian?" narinig niyang bulong ng kasamahan ni Sharon Joy nang makitang may paparating na grupo.
Subalit sa halip na mga protestors ay mukhang miyembro ang mga ito ng isang fan's club. Nakasuot ang mga ito ng pink na shirt at may malalaking banners na 'We love the Stallion Boys Forever!".
Tumapat ang mga ito sa kanila. Maarteng lumakad sa harap ng grupo ang pinaka-leader na nakasuot pa ng mini-skirt at sleeveless blouse. Mukha itong miyembro ng isang cheering squad. "Who do we love, girls?"
"Stallion Boys!" sabay-sabay na sagot ng mga ito. Kasunod niyon ay kanya-kanya nang tili sa mga paborito ng mga ito.
"We love you forever!"
"You are so cool, Reid! I love you!" halos mapaos ang lalamunan na sabi ng ilang babae. Nasapawan na ang protesta nila.
Tumaas ang kilay niya. "Asawa ko iyon!"
"Anong sabi mo?" tanong ni Sharon Joy na matalim ang tingin.
"Sabi ko grabe naman ang fans club nila. Hindi ba may asawa na ang isang iyon," aniya at itinuro ang isang babae kahit di niya kilala. "Tapos nagtititili pa para kay Reid. Paano na ang asawa niya?"
"Nakita mo na ang epekto ng Stallion Riding Club sa mga babae? Aba! Ayon sa survey, ninety-eight percent ng mga babae gustong makapasok sa Stallion Riding Club. Gusto daw nilang mag-ala Cinderella at makapag-asawa ng lalaki diyan. Hindi naman pwedeng buong mundo na lang umikot sa riding club na iyan," paliwanag ni Sharon Joy. "Kaya dapat talaga isara na ang riding club na iyan."
"Hoy, buntis! Anong isasara ang riding club?" nakapamaywang na tanong ng leader ng cheering squad. "Nandiyan sa riding club ang mga dream guy namin. Kaya huwag ka ngang intrimitida diyan!"
"Di ba ninyo alam na demonyo ang mga lalaki diyan sa loob? Wala silang pagpapahalaga sa karapatan nating mga babae," katwiran ni Sharon Joy. "Kaya ang Stallion Riding Club ay kuta ng mga demonyo."
"Wala kang karapatan na tawagin silang demonyo! Bitch!" narinig niyang sigaw ng isang babae kasabay ang angalan mula sa kabilang grupo.
Kasunod niyon ay humaginit ang isang malaking bato papunta sa direksiyon ni Sharon Joy. "Shaj, look out!" sigaw niya.
Awtomatikong gumalaw ang katawan niya upang harangan ang kaibigan. Naramdaman na lang niya ang pagtama ng malaking bato sa noo niya. Napaurong siya sa sobrang lakas ng tama sa kanya. "P-Parang nahihilo ako," usal niya at sinapo ang nasaktang noo.
"Tamara, may sugat ka sa ulo. May tama ka!" nag-aalalang sabi ni Sharon Joy. Nang tingnan niya ang kamay niya ay marami ngang dugo doon.
Pinagkulumpunan na siya ng mga kasamahan ni Sharon Joy. "Kailangan natin siyang isugod sa ospital!"
"Hindi. Okay lang a…" Bago pa niya matapos ang sasabihin ay tuluyan nang nagdilim paningin niya.