Chapter 418 - Chapter 7

UMUNGOL si Tamara nang idilat niya ang mata niya. Pakiramdam niya ay binibiyak ang ulo niya. She was in hospital room. Nang kapain niya ang nasaktang noo ay may gasa na iyon. Nagamot na siya.

Nakita niya si Sharon Joy na nakaharang sa pinto. "I am sorry. Hindi kita papayagan na lumapit sa kaibigan ko. Baka ano pang gawin mo sa kanya."

"Sharon Joy," tawag niya dito.

Lumingon si Sharon Joy at mabilis siyang dinaluhan nang makitang gising na siya. "Tamara, I am sorry. Nasaktan ka sa pagprotekta sa akin. Ano pang masakit sa iyo? Bukod sa masakit sa ulo mo, wala ka bang nararamdaman na kakaiba. Natatakot ako na baka magka-brain damage ka."

"Ulo ko lang talaga ang masakit," wika niya.

"I am glad to hear that you are okay," anang lalaki na pumasok na ng silid niya. "Sabi ng doktor makakaalis ka na rin dito bukas."

Napasinghap siya nang makilala ang lalaki. "Reid!"

He was there. Hindi siya naghahalusinasyon lang. Dinalaw siya nito. Nakadama siya ng kakaibang excitement. Madalang niyang makita ang asawa pero di niya maikakaila ang kakaibang nararamdaman niya kapag nakikita ito. Siguro dahil di naman niya ikinakaila sa sarili na crush niya ito unang beses pa lang niyang nakita. Wala tuloy siyang ipinagkaiba sa mga babaeng nahuhumaling dito.

Namutla siya nang mataman siya nitong tinitigan. He didn't look happy to see her. Alam na marahil nito na kasama siya sa protestors ng riding club nito.

Ginagap ni Sharon Joy ang kamay niya habang matalim ang tingin kay Reid. "Sinabi ko sa inyo na huwag kang lalapit sa kaibigan ko, Mr. Alleje. You will upset her. So please leave!"

"No. I am okay," aniya at bahagyang natawa. "Medyo masakit nga lang ang ulo ko. Ganoon pala kapag tinamaan ng malaking bato."

"There is nothing funny about it. You almost died," Reid said in a cold voice. Subalit hindi maikakaila na galit ito. "Tapos nagagawa mo pang tumawa."

Napayuko siya. "I am sorry." Wala ngang nakakatawa sa nangyari lalo na't ito ang head ng Stallion Riding Club. Ang riding club nito at ang mga kalalakihan doon ang dahilan kung bakit nagkagulo kanina.

Namaywang si Sharon Joy. "Ano ngayon sa iyo kung gustong tumawa ng kaibigan ko? Buti nga natatawa pa siya kahit na nasaktan siya. Kasalanan ng mga babaeng baliw na baliw sa inyo kung bakit nadisgrasya ang kaibigan ko. Saka bakit ganyan ka magsalita sa kay Tamara? Di naman kayo magkaano-ano?"

Taas-noong sinalubong ni Reid ang tingin ni Sharon Joy. Mukhang nahamon ang pride nito. "Well, she is my…"

"Friend," putol niya sa sasabihin ni Reid. Baka mamaya ay masabi pa nito ang totoo. Mas malaking gulo iyon kapag nagkataon. "Magkaibigan kami."

"May kaibigan kang tulad niya? The King of Chauvinists?" bulalas ni Sharon Joy. "Ni hindi mo sinasabi sa akin. Kailan pa? Alam mo ba kung anong klaseng lalaki iyan? Kung anong klaseng riding club mayroon siya? Baka nakakalimutan mo ang mga babaeng naging biktima nila."

Nakita niyang kumukunot na ang noo ni Reid subalit nanatili pa rin itong tahimik. Siya tuloy ang nahiya kay Reid. Di kasi mapipigil ang bibig ni Sharon Joy. Basta may gusto itong sabihin, sasabihin nito.

"Sharon Joy, bakit di ka muna umuwi sa inyo? Magpahinga ka," malambing niyang sabi. "Makakasama sa baby mo ang pagpapagod."

Humalukipkip si Sharon Joy. "Di kita iiwan kasama ang lalaking iyan. Baka mamaya akitin ka rin niya tulad ng ginawa niya sa ibang babae."

"Wala naman siyang gagawing masama sa akin," protesta niya.

"See? Pati ikaw naengkanto na ng lalaking iyan."

"Sharon Joy!" tawag dito ng lalaking nakatayo sa pinto.

"Marlon, anong ginagawa mo dito?" tanong ni Sharon Joy na bahagyang naging malumanay ang boses.

"Dinadalaw si Tamara," anito at inilapag ang bulaklak sa table. "Nalaman ko kasi sa kasamahan mo ang nanyari sa kanya. Napanood ko rin sa news."

Nagulat siya. "Nasa news ang tungkol sa nangyari sa akin?"

"May nakatakas sa gatekeeping team namin," wika ni Reid. "I am sorry. Pero di ka naman guguluhin ng press."

Sumimangot si Sharon Joy. "Anong guguluhin ng press? Dapat ngang malaman ng buong Pilipinas kung ano ang masamang epekto ninyo sa mga babae. Gusto ninyong maging maganda ang image ng riding club ninyo pero sasabihin ko ang totoo. Na wala kayong pakialam sa nararamdaman ng mga babae…"

Inakbayan ni Marlon si Sharon Joy. "Magpahinga ka na. Umuwi ka na sa bahay. Pabayaan mo na si Tamara dito. May magbabantay naman sa kanya."

"Sino? Iyang lalaking iyan?"

"Tamara is safe with me," Reid said coolly.

"I miss you, Shaj," malambing na wika ni Marlon.

Lumambot ang anyo ni Sharon Joy at nakalimutan nang makipagtalo kay Reid. "Talaga? HIndi ka na galit sa akin?"

Tumango si Marlon. "Kaya umuwi na tayo."

Nakita niya ang pagsilay ng ngiti sa labi ni Sharon Joy. Ibig sabihin ay tapos na ang problema nito at ng asawa nito. "Tamara, uuwi na kami ni Marlon. Kinukulit ako, eh! Tatawagan kita mamaya."

"Mag-ingat ka, ha?" aniya nang humalik ito sa pisngi niya.

"Ikaw ang mag-ingat," bilin ni Sharon Joy at inirapan si Reid nang palabas na ng kuwarto niya. Pansamantalang nawala ang tensiyon sa silid nang makaalis sina Sharon Joy at Marlon. Ibang tensiyon naman ang naramdaman niya nang sila na lang ni Reid ang naiwan. She was alone with her husband after a long time. Tiyak na mamamatay sa inggit si Shiela oras na malamang kasama niya ito.

"Pasensiya ka na kay Shaj," wika niya. "Medyo mainit talaga ang dugo ng mga women's group sa inyo, eh!"

"Sanay na ako," anito sa malamig na boses at nanatiling nakatayo sa gilid ng kama. Hindi siya makahinga habang tinititigan ito. Pakiramdam niya ay natutunaw ang katawan niya sa titig lang nito.

"Thank you for visiting me, Reid. I really appreciate it. I know how busy you are." Lagi naman siya nitong dinadalaw basta may sakit siya. Di nga lang ito nagtatagal dahil itinataboy niya ito. Pero nang mga oras na iyon ay gusto niyang nasa tabi lang niya ito at nakabantay sa kanya.

"What are you trying to prove, Mrs. Alleje?"

Natigagal siya. "What? I don't get it…"

"Stop playing dumb. Bigla kang humingi ng annulment. Nang di ka agad napagbigyan, hinatak mo ang mga kaibigan mong feminist sa harap ng riding club ko. Ganyan ka ba kapag hindi napagbibigyan."

Napaawang ang labi niya. "Hindi naman ganoon ang nangyari…"

Nagdilim pang lalo ang anyo nito. "Akala ko member ka ng animal welfare group. Bakit bigla kang na-involve sa mga feminist? You really surprise me, Mrs. Alleje. Bakit hindi ko na-anticipate na ganito ang gagawin mo?"

Nagpanting ang tainga niya. "Will you stop calling me Mrs. Alleje?" Napaka-sarcastic kasi ng pagkakatawag nito sa kanya.

Idiniin nito ang mga kamay sa kama niya. Then he leaned forward. "But you are my wife. Hindi mo naman siguro nakakalimutan."

Walang kangiti-ngiti niyang tinitigan ang itim nitong mga mata. He didn't come there to visit her. Di naman yata ito nag-aalala sa kanya. "Nagpunta ka ba dito dahil nagagalit ka na nakasama ako sa mga protestors sa riding club mo?"

"No! I was mad because you nearly died. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao oras na malaman ang nangyari sa iyo? Napahamak ka habang nasa labas ka ng property ko at nagpoprotesta sa akin. Iisipin nila na iresponsable akong asawa. Gusto mo bang patunayan na totoo ang ibinibintang sa akin ng mga kasamahan mo? That I am a rotten person?"

"Wala akong intensiyon na pasamain ka, Reid. Wala namang iisiping masama ang mga tao tungkol sa iyo dahil di naman nila alam na asawa mo ako. Baka nga hero pa ang tingin nila sa iyo dahil di mo naman ako pinabayaan. Samantalang ang alam ng lahat, aktibista ako, di ba? I won't taint your reputation."

He nudged her chin. "You already did. Kinalaban mo ako. Iyon ang una mong pagkakamali. You even put your self in danger by doing so. Kung di nakialam ang mga security ko, baka kung ano pa ang nangyari sa iyo."

"Those women were crazy over you," aniyang handa nang ipagtanggol ang sarili niya. "Kung tutuusin sila ang nagsimula ng gulo at hindi kami."

"They were provoked according to the guards."

Napaawang ang labi niya. "Sila ang kinakampihan mo?"

"Wala akong kinakampihan. Pero pumasok ka sa gulo na di mo na di mo kayang lusutan. It means that you are not capable of taking care of your self. As your husband, I must take over your welfare."

"What do you mean take over?"

"I am taking you home."  

"Home? Sa bahay ninyo?" nanlalaki ang mata niyang usal. "Bakit pa? It is just a gash on the head. It is not…"

"Are you complaining, Mrs. Alleje?" he asked with those cold dark eyes staring at her.

Napipilan siya. With those eyes, she didn't have the power to complain at all. "H-Hindi naman ako kumokontra." Parang bawal yata dito ang sariling kontra.

Umangat ang gilid ng labi nito. "Good. Take a rest then."

Napilitan siyang humiga at pumikit habang nakabantay ito sa kanya. Bukas ay iuuwi daw siya nito sa bahay nito. Sa Stallion Riding Club. She must be nuts when she married this frigid man.