Chapter 394 - Chapter 5

"I REALLY miss you, Saskia. You don't know how much I miss you," malambing na sabi ni Paz Dominique habang yakap siya. Nagkita sila sa isang hotel sa Tagaytay at in-order nito ang lahat ng mamahaling pagkain. Siya rin ang galing sa abroad pero ito pa ang may pasalubong na mamahaling gown sa kanya mula sa resident fashion designer ng Stallion Riding club.

Ganoon si Paz Dominique kapag may kasalanan ito. Gagawin nito ang lahat para ma-please lang siya at makabawi sa mga kasalanan nito.

"Nami-miss mo ba talaga ako o totoo ang sinabi nila na di ka na pumapasyal sa riding school dahil may lalaki kang hinahabol sa Stallion Riding Club."

Nanlaki ang mata nito. "Sino ang may sabi sa iyo?"

"Iyong totoo…"

"Huwag ka na lang maingay. Kasi ang alam ng mga tao sa riding club nandoon lang ako para sa pinsan ko. Hindi ko rin pwedeng sabihin sa iyo kung sino."

"Kailan ka pa naghabol sa isang lalaki?" tanong niya. Di lang kasi niya ito vice captain sa galing nito sa equine sports. Vice captain din niya ito sa pagiging suplada sa mga lalaki. Dala rin ba iyon ng karisma ng Stallion Riding Club.

Humalukipkip ito. "Hindi ako naghahabol sa kanya. Binabantayan ko ang alam kong para sa akin. He is mine! Walang ibang babaeng pwedeng lumapit sa kanya."

"Akala ko pa mandin makukumpleto ang grupo pagbalik ko."

She smiled sheepishly. "Kumpleto pa rin naman ang grupo natin. Di dahil nasa Stallion Riding Club ako, di mo na ako kaibigan. I just have to do this, Saskia. Huwag ka nang magalit sa akin. Please?"

Bumuntong-hininga siya. Kung tutuusin ay karapatan naman ng kaibigan niya kung saan nito gustong pumunta. Di naman ito obligadong mag-stay sa riding school dahil di naman ito kasama sa mga instructors doon. But she felt betrayed in a way. Naiirita siya kapag naririnig niya ang Stallion Riding Club.

"Paz Dominique! Fancy meeting you here."

Naningkit ang mga mata niya nang makilala ang bagong dating. Reichen Alleje. Lumakas ang tibok ng puso niya at pinagpawisan siya ng malamig. Bakit ba niya nararamdaman iyon tuwing nakikita niya ito? She hated him. She hated the fact that he was more handsome than before. And she hated his effect on her. Sa dinami-dami ng lalaking makikita niya sa lugar na iyon, bakit ito pa?

"Reichen, may ka-date ka ba dito?" tanong ni Paz Dominique.

"No. May business meeting kami ni Zell," sagot ni Reichen. "How about you? What are you doing here?"

"I treat my friend for dinner," sagot ni Paz Dominique.

Reichen beamed at her. Ginagap nito ang kamay niya at hinalikan ang likod ng palad niya. "Hi, I'm Reichen Alleje." Inilapit nito ang mukha sa kanya. "Have we met before? Maybe you were my destiny during our past lives."

Natigagal siya sa itim na mga mata nito. Naramdaman din niya ang panginginig ng mga kamay niya. Damn it! Dapat ay sinusungitan niya si Reichen. Binobola lang siya nito at napaka-corny ng dialogue nito. Bakit di niya maipiksi ang kamay niyang hawak nito? Bakit di niya ito masabihang corny? Bakit nakatulala lang siya sa guwapong mukha at di makapagsalita? At bakit di siya makahinga habang parang may naghahabulang daga sa dibdib niya?

Tinampal ni Paz Dominique ang kamay nito. "Huwag mong bolahin si Saskia. Baka magalit sa iyo si Tita Emie. Pamangkin niya si Saskia."

"You are Saskia? Saskia Kristofides?"

Tumango siya. Sa dami ng babaeng nakilala nito, himala na natatandaan pa siya nito. "I guess we didn't meet a lifetime before. Ten years ago isn't that long," she uttered when she regained her composure. Thanks to Paz Dominique's intervention. Kundi ay baka nalunod na siya sa mga titig ni Reichen.

"She is now the new manager of Artemis Equestrian Center," paliwanag ni Paz Dominique. "Nasa States na kasi si Tita Emie."

"She told me about it before she left for States for medication," wika ni Reichen. "Do you accept male students? Mag-e-enroll ako para makita kita."

"You are overqualified," she said with a tight smile. And there was no way that she'd allowed her in her riding school. He would only cause trouble. Baka maghasik pa ito ng lagim doon.

"Sa lobby lang ako ha?" anang si Paz Dominique at tumayo.

Pinigilan niya ito sa braso. "Iiwan mo ako dito?"

"Oo. Safe ka naman na kasama si Reichen."

"Don't worry. I will take care of you," wika ni Reichen.

"See? Importante lang ang titingnan ko," anang si Paz Dominique.

Safe? Parang malayo ang pakiramdam niya sa pagiging safe kapag kasama si Reichen. Sa dinami-dami ng pagbibilinan ay dito pa. Reichen Alleje was a woman killer. Parang di alam ni Paz Dominique iyon.

"Sabayan mo na akong kumain," yaya niya at sumubo. Wala siyang planong makipag-usap dito. Malamang ay bobolahin lang naman siya nito.

"Babantayan na lang kita. Masarap kang panoorin na kumain."

Nagkibit-balikat siya. "Bahala ka."

"I have so many friends who took riding lessons in your riding school," kwento ni Reichen pag-alis ni Paz Dominique.

Ngumiti lang siya. She was sure that they weren't ordinary friends. They were his girlfriends. Gaano kaya karaming babae ang naging girlfriend na nito?

"I saw Teacher Emie's clippings of you during competitions. Proud na proud siya sa iyo. I am sure di siya mag-aalala na ikaw ang pumalit sa kanya."

"How about you? Di ba dapat nasa Spanish Riding School ka pa?" Di naman biro-biro ang opportunity na ibinigay dito para makapasok sa prestihiyosong Spanish Riding School. Kung siya lang, di na siya aalis pa doon.

"I want to help my brother out with the riding club. I train horses for dressage and I also train members who wants to learn them. May background din ako sa eventing at show jumping. Kapag may oras, nagtuturo din ako doon."

"Sounds like a very busy man." Pagdating sa horsemanship, aminado siyang magaling ito. Paano pa kaya nito naisisingit ang pakikipag-date nito? Kung siya ang may schedule na tulad nito, di na siya bababa sa kabayo.

"Not that busy. Kung gusto mo, ipapasyal kita sa riding club minsan. You will enjoy it. Kailan ka available? Susunduin kita sa riding school."

Pinigil niyang tumaas ang kilay. Niyayaya na siya nitong mag-date. At paano naman kaya siya nito isisingit sa listahan ng mga babaeng ide-date nito?

"I am afraid I am too busy. Nagsisimula ko pa lang pag-aralan ang pagma-manage sa riding school. And with so many students pouring in, I am thinking of expanding. Like adding a dressage lesson for women."

Natawa ito. "A dressage lesson for women?"

Nagsalubong ang kilay niya. "Why? You find it ridiculous? For your information, it is starting to gain popularity. Sa Grand Prix may dressage for women na. Minamaliit mo ba ang kakayahan naming mga babae?"

How chauvinistic! Di dahil galing ito sa isang classic equine school ay mamaliitin na nito ang riding school nila. She was planning to hire very skilled dressage masters from abroad. Di basta-basta ang plano niya.

Nagseryoso ito. "I am sorry. Dressage isn't an easy sport. Sa training ko sa Spanish Riding School, delikado na mag-maneuver ng kabayo. I don't have the heart to watch a woman having a hard time with a horse."

"Di ka basta-basta na lang mag-enjoy sa isang bagay na bago sa iyo. Lahat naman nahihirapan sa simula. But once you are used to it, you will eventually enjoy it. And I want to produce an Olympic gold medallist someday. You can't produce one if you take things lightly. Dapat iyong paghirapan." Malapit na talaga siyang sumabog sa inis dito. Dapat nitong malaman na di mahihina ang mga babae.

Naputol ang pag-uusap nila nang galit na galit na bumalik si Paz Dominique. "Reichen, bakit di mo sinabi sa akin na kasama ang pamangkin ni Senator Suarez? Kung makakapit siya kay Zell, parang siya ang girlfriend."

"O, bakit ka galit na galit? Di mo naman pinapansin si Zell, ah! Boyfriend mo ba siya?" tanong ni Reichen.

"Wala akong pakialam sa kanya!" bulyaw ni Paz Dominique at hinila ang kamay niya. "Let's go, Saskia."

"W-Wait, di pa namin tapos pag-usapan ni Saskia ang date namin," anang si Reichen at humarang sa dadaanan nila.

"Hindi siya makikipag-date sa iyo dahil di mo sinabi ang tungkol sa babaeng iyon," sabi ni Paz Dominique. "Magkakasabwat kayong mga lalaki."

"Hindi ko kasalanan iyon," anang si Reichen sa tonong nagmamakaawa.

Nilingon niya si Reichen. "Nice meeting you, Mr. Alleje." At nagpatianod siya sa paghila ni Paz Dominique.

"Huwag kang makikipag-date sa lalaking iyon. Playboy iyon," anang si Paz Dominique. "Dapat di dumidikit si Zell sa kanya para di mahawa sa pagka-playboy niya. Puro pangako ang mga lalaking iyan pero kinalilimutan naman nila."

"I know," mahina niyang usal.

Pero bakit bumabalik sa isip niya ang malungkot na mukha ni Reichen? As if she wanted to comfort him. Pinigilan niya ang sarili. She hated his type. Di siya dapat makaramdam ng awa dito. Mas dapat siyang maawa sa nabibiktima nito.

Kung pwede lang sanang bigyan ng lesson ang mga estudyante niya na I-resist ang charm nito. But she had to master that lesson first.

Related Books

Popular novel hashtag