Chapter 376 - Chapter 9

"DR. JAWALRA, I am sorry for the bother but I will really appreciate it if you can send a lawyer right now. I really need help," mangiyak-ngiyak na wika ni Khamya nang tawagan ang chief scientist ng research institute.

Nasa police station siya ng Bakhrat. Di siya makapaniwala na nakulong siya dahil lamang sa pagtulong sa isang bata. Ni hindi nga niya naranasang mapagalitan ng teacher niya mula pagkabata o maisugod man lang sa guidance office. Ngayon ay makukulong pa siya at sa isang bansa pa.

"Does Emir Beiron know about it?"

"Not yet. He is a middle of an important engagement right now. So please help me." Masyado nang malaking abala kung tatawagan pa niya si Beiron. "I don't want to stay here any longer," she begged.

"Our lawyer here at the research center is on vacation at the moment. I will try to contact another one." At nagpaalam na ito.

Nang ipasok siya sa selda ay natigilan siya. Halos walang ipinagkaiba sa karaniwang selda sa Pilipinas. Mainit ang selda na iyon. May mga tatlumpung kababaihan din ang nagsisiksikan. Ang ilan ay nakahimlay na sa madumi at nanlilimahid na sahig. Halatang hirap ang mga ito sa kondisyon.

Makakatagal din kaya siya sa lugar na iyon?

"Welcome, Miss!" bati ng isa sa mga babae sa kanya.

Hindi ito mukhang Al Ishaqui na katulad ng ibang mga babae na malalantik ang mata at matangos ang ilong. Morena ang balat nito, katamtaman ang tangos ng ilong at may pagka-singkit ang mata. Mukha itong Asian.

"H-Hi!" alanganin niyang bati dahil di niya alam kung ano ang dapat ibati.

"I heard from the police that we have a foreigner inmate," anito at lumapit sa kanya. "I am the only one here who can speak English. Your name?"

"I am Khamya from the Philippines."

Ngumiti ang babae. "Kababayan kita? Ako si Arabella."

Nanlambot siya nang kamayan ito. Kahit paano ay may makakaramay siya na maaring makaintindi sa nangyari sa kanya. "Natutuwa ako na nakilala kita," mangiyak-ngiyak niyang sabi. "Natatakot kasi ako."

"Anong nangyari sa iyo? Bakit ka ikinulong?"

"Tinulungan ko lang naman ang isang batang nagnakaw ng mansanas. Tingin ko naman kasi ginawa lang niya iyon dahil gutom na gutom siya. Nagulat na lang ako nang dalhin na ako ng mga pulis dito sa presinto. Ganoon pala dito. Kapag tumulong ka sa kapwa mo, ikaw ang ikukulong."

"Wala ka sa Pilipinas, Khamya. Nasa Al Ishaq ka. Iba sila kung magpataw ng parusa sa mga nagkasala. Mahigpit ang batas nila dito."

"Ikaw? Bakit ka nakakulong?"

"Ipinakulong ako ng asawa ko. Adultery ang kaso ko."

"T-Totoo ba na ginawa mo?"

Pagak itong tumawa. "Mas malala pa ang nangyari sa akin. Ginawa akong prostitute ng sarili kong asawa."

"Ano? Paano nangyari iyon?"

"Ambisyosa ako na probinsiyana. Ilang kababayan ko na ang yumaman dahil nakapag-asawa ng mayamang chatmate nila. Sa chatroom ko nakilala ang asawa ko. Mukha naman siyang mabait noong una. Kahit nang magpakasal kami sa Pilipinas at dalhin niya ako dito, wala namang problema. Matapos ang isang buwan, isinama niya ako sa isang party. Iyon pala ibebenta niya ako sa mga kakilala niya. Iyak ako nang iyak noong una hanggang naging manhid na ako."

"Hindi mo ba sinubukang tumakas?"

"Noong una. Pero binubugbog niya ako tuwing nahuhuli niya ako." Pagak itong tumawa. Halatang itinatago lang ang sakit na nararamdaman. "Hanggang sa huli, ipinahuli niya ako sa mga pulis. Nanlalaki daw ako."

Hinaplos niya ang likod nito. Di niya alam na hanggang doon ay may kababayan siyang nabibiktima ng mga walang kwentang lalaki.

"Wala ka bang mahihingan ng tulong? Sa Philippine Embassy?"

"Malakas ang kapit doon ng asawa ko. Wala naman akong ibang kilala dito na pwedeng pagkatiwalaan. Iyong mismo ngang tagadito walang magawa, ako pa kaya?"  Nilingon nito ang mga kasamahan. "Sila nga ibinenta din ng mga asawa nila. Ipinanlalasing lang iyon ng mga asawa nila o kaya ipinansusugal. At kapag wala silang kita, binubugbog sila. Nahuli sila ng mga pulis kaya ganyan."

Parang piniga ang puso niya sa labis na awa. Sa pananatili niya sa Al Ishaq, halos magagandang bagay lang ang nakikita niya. Mga lugar na para lang sa mayayaman at tinitingala ng lipunan. Ngayon ay nakikita na niya ang pangit na mukha nito. Mga taong sinasamantala ng ilan ang kahinaan pero kailangan pa ring lumaban para lang mabuhay.

"Anong nangyari sa mga asawa nila? Di ba sila nahuli?"

Umiling lamang si Arabella. "Mayayaman lang ang makapangyarihan dito. Kung sasabihin nilang mga asawa nila ang nagbubugaw sa kanila, palalabasin lang ng mga iyon na nangangalunya nga lang ang asawa nila."

"That is so unfair! Nahuhuli ang mga biktima tapos nakakatakas ang mga nagpapakasasa sa pinaghirapan nila."

"Ikaw? May tutulong ba sa iyo?"

Di siya kumibo at niyakap ang tuhod niya. Naisip niya si Beiron. Darating kaya ito para tulungan siya o mabubulok na lang siya doon?