"Ate Evie, gusto mo doon ka muna sa condo ko tumira habang nagpapagaling ka? O kaya doon ka sa Stallion Riding Club. Para naman maalagaan kita," suhestiyon ni Jenna Rose sa kanya habang ipinagbabalat siya nito ng lanzones.
Dalawang araw na lang at lalabas na siya ng ospital. Kailangan na lang niyang ipa-check up ang sugat niya sa balikat.
"Thanks, Jen! Pero gusto ko nang bumalik sa trabaho. Saka may trabaho ka rin naman, hindi ba? Ayokong abalahin ka pa."
Kung magsasama sila sa isang bahay, tiyak na siya na lang nang siya ang aasikasuhin nito. Gusto niyang bumalik sa normal ang buhay niya. Ayaw niya sa lahat ay nakahiga sa kama at walang ginagawa. Mababaliw siya.
"Ha? Babalik ka na agad sa trabaho? Sabi ni Doctor Suarez, huwag mong pwersahin ang sarili mo. Saka ang balikat mo…"
"Di ko siya pupwersahin. May isa pa akong kamay na pwede kong gamitin sa pagtatrabaho. I hate the feeling that I am an invalid and I can't do anything," she said in a frustrated voice. "Saka sino ang hahawak sa kaso ko? Maraming taong nangangailangan sa akin, Jenna."
"Si Attorney Agustin at ang iba pang mga kasamahan mo ang bahalang mag-take over habang wala ka pa. Naiintindihan ka naman nila."
Huminga siya nang malalim. "I just want my normal life back."
Bata pa lang ay independent na siya. Nang magtayo ng farm ang kuya niya sa probinsiya at umuwi na doon ang mga magulang nila, siya na halos ang nagtaguyod sa kanila ni Jenna Rose. Ayaw niyang dumepende sa iba.
"Sige. Kung ayaw mong sumama sa condo ko o ayaw mong sumama sa riding club, kumuha na lang tayo ng bodyguard mo."
Nanlaki ang mata niya. "No! Ayoko ng bodyguard."
"Ha? Ate, muntik ka nang mamatay. Dapat nga hindi na kita tinatanong. Kailangan mo ng bodyguard."
"I am alive. I am okay. I don't need it."
Humalukipkip ito. "Ate, you are not listening! You need a bodyguard."
"Ikaw yata ang hindi nakikinig, Jenna Rose," mariin niyang sabi. "I said I don't need one. Kaya ko namang protektahan ang sarili ko."
Dumilim ang mukha nito. "Kaya mo? Tingnan mo nga ang sarili mo. Nandito ka sa ospital. Bugbog ang katawan mo. May tama ka sa balikat. Hindi mo kayang protektahan ang sarili mo. Sinuwerte ka lang. Nagpapakamatay ka ba talaga, Ate? Hindi ka naman tulad ni Superman na di tinatablan ng bala. Baka bukas-makalawa, sa morgue ka na namin dadamputin."
"Anong guarantee na safe ako sa bodyguard? Naalala mo si Kuya Franzis?" tukoy niya sa malayong pinsan nila na isang Congressman. "Wala siyang bodyguard. Paano kung traidurin ako ng bodyguard ko? Wala akong pagkakatiwalaan kundi ang sarili ko lang. Saka kaya kong depensahan ang sarili ko. Hindi ko kailangang umasa sa ibang tao para depensahan ako."
Lumamlam ang mga mata nito. "Nag-aalala lang naman ako sa iyo."
"Salamat pero kaya ko na 'to."
"Paano kung bumalik ang mga lalaking iyon? Paano kung tuluyan ka na nilang patayin? Di ka pa rin ba makikinig sa akin?"
"Mas mag-iingat naman ako."
Nakuyom nito ang dalawang palad. "Lagi ka na lang ganyan. Pakiramdam mo kaya mo ang lahat. Paano kung nawala ka? Paano na kami? Hindi mo ba naisip kung ano ang mararamdaman nila Nanay at Tatay?" tumigas ang mukha nito. "Wala ka nga palang pakialam. Sa sobrang galing mo kasi, wala ka nang inisip kundi ang sarili mo lang. Wala ka nang pakialam sa nararamdaman namin!"
"That is not true!" Inaalala din naman niya ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya. Pero may sarili din siyang paniniwala na sa palagay niya ay magliligtas sa kanya.
"Ikaw siguro kaya mong harapin ang mga papatay sa iyo nang walang takot. Baka nga di ka na rin takot mamatay. Pero di kami katulad mo. Ayaw namin na mawala ka sa amin!" anito sa nanginingig na boses at lumabas ng kuwarto.
Bumigat ang pakiramdam niya nang pabalabag na sumara ang pinto. Ayaw niyang nagtatalo silang magkapatid. Naa-appreciate niya ang pag-aalala nito. Di niya iyon binabalewala. Gusto niyang makagalaw nang malaya. Iyong walang nakasunod sa kanya.
Di niya makakalimutan nang isa sa mga kaibigan niya ang piniling magtiwala sa bodyguard nito. Minahal pa nito at sa huli ay iyon pala ang mismong kalaban. Mula noon, ipinangako niya sa sarili na siya wala siyang pagkakatiwalaang ibang tao maliban sa sarili niya. It was her means of survival.
Hindi iyon maiintindihan ni Jenna Rose kahit na kailan.
Ilang sandali paglabas ni Jenna Rose ay pumasok naman si Rolf. Salitan ito at si Jenna Rose sa pagbabantay sa kanya. Pilit siyang ngumiti nang makita ito. Di siya nagpahalata na kanina lang ay nagtalo sila ni Jenna Rose.
"Dala mo na ba ang portable DVD player ko?" tanong niya. Kailangan niya iyon para panoorin ang video files na magsisilbing ebidensiya sa pangha-harass sa isa sa mga kliyente niya.
"Nakasalubong namin ni JED si Jenna Rose sa labas. Bakit umiiyak siya? Nagtalo ba kayong dalawa?"
Ibinaba niya ang tingin sa kamay niya. "Gusto kasi niya akong ikuha ng bodyguard."
"Anong kailangang pagtalunan doon? Your life is in danger. You need protection. Hindi ka pa rin ba nadadala sa nangyari sa iyo?"
"Dagdag na problema lang ang bodyguard."
"Kung iniintindi mo ang bayad, ako ang sasagot. Ilang bodyguard ba ang kailangan mo? Apat? Lima?"
She let out a slow breath. "Hindi ko kailangan ng bodyguard."
"I insist!" Inilapit nito ang mukha sa kanya. He was visibly mad at the moment. "Isipin mo naman ang mga parents mo. Di nila alam ang nangyari sa iyo. Paano kung patay ka na? Maitatago pa ba namin sa kanila?"
"I will find other better ways to protect myself."
"You are not in the position to protect your self at the moment."
She rolled her eyes heavenward. "Katawan ko ito. Ako ang nakakaalam kung saan ako mas komportable. Ayoko ng guwardiya na bubuntot sa akin kahit na saan ako pumunta. Isa pa, di ako sigurado kung kaya akong protektahan ng bodyguard na kukunin ninyo. Hindi ako madaling magtiwala."
"Mas mabuti nang may proteksiyon kaysa nasa vulnerable position ka. Kung wala kang bodyguard, parang inengganyo mo pa ang mga papatay sa iyo para gawin kang target. Abogado ka pero parang di ka nag-iisip."
Matalim niya itong sinulyapan. "Rolf, I can't stop death. Kung oras ko na, oras ko na. Kahit tambakan mo ako ng sanlibong bodyguard, mamatay ako kung mamamatay ako. And besides, I don't miss much in my life. I don't even have to worry about dying a virgin. Thanks to you, it's not a problem anymore."
Umawang ang labi nito. He was startled by her brave front. "Wala ka na bang ibang plano sa buhay? Mag-asawa? Magkaanak?"
"I am happy with my life the way it is." Kung mag-aasawa siya at magkakaanak, parang isinuong rin niya ang buhay ng mga ito sa panganib. Sa klase ng trabaho niya, mahirap para sa kanya ang magkapamilya.
"Pero masaya ba ang mga tao sa paligid mo sa pambabalewala mo sa nararamdaman nila? Namin? Jenna Rose is right. Sarili mo lang ang iniisip mo." Lumayo ito sa kanya. "Now I am starting to believe that you are not capable of loving anybody except your self. Now I learned my lesson. There is no use reasoning with you. Sarili mo lang naman ang pakikinggan mo."
Maingat nitong isinara ang pinto nang lumabas. Pakiramdam niya ay isinara na rin nito ang pinto ng puso nito sa kanya.
Yes, he was right. She was selfish. Sa lahat ng pagkakataon ay sarili lang niya ang pinahahalagahan niya. That she also left him for selfish reasons. Mas mabuti nang iyon ang isipin nito sa kanya para di na ito masyadong masaktan.