NAKASIMANGOT si Celestine habang naghahanda sila sa pagbubukas ng music lounge. Nagbibigay siya ng instruction sa barista nila. "Bruce, linisin mong mabuti ang counter. Ayokong makakita ng kahit katiting na alikabok. Kapag nakita ni Sir Reid na madumi iyan, pare-pareho tayong mapuputukan."
Paglabas niya sa bar ay naabutan niyang nagkukwentuhan ang mga babaeng staff habang naglilinis. "Ang bait talaga ni Fafa Philippe," kinikilig na sabi ni Ericka. "Pumayag siyang magpa-picture kami."
"Ang bango-bango nga niya," sabi ni Lorna.
"Baka naman may humalik sa inyo kay Fafa Philippe, ha?" sabi ni Aya.
"Nate-tempt nga ako," sabi ni Dianne. "Pero siyempre, para kay Ma'am Tintin lang ang karangalang halikan siya."
"Mamaya na ninyo pag-usapan ang lalaking iyan kung pwede. Marami pa tayong trabaho. Itong counter hindi pa malinis. Iyong sahig di pa nama-mop," aniya.
Nilapitan siya ni Jinky na may hawak ng mop. "Ma'am Tintin, tama ba ang narinig ko? Tinawag ninyong 'lalaking iyon' si Fafa Philippe? Nagunaw na ba ang mundo? I can't believe it!"
"Oo. Lalaking iyon na lang ang Philippe na iyon," paglilinaw niya.
"Naku! Ang sungit ninyo ngayon, Ma'am Tintin," sabi ni Lorna. "May sapi ba kayo ni Sir Reid at pati si Fafa Philippe nadadamay sa kasungitan ninyo? Dapat nga masaya kayo dahil dinalaw niya kayo."
"Anong masaya? Sana nga di na lang niya ako dinalaw. Sana di na lang siya pumunta dito kung sisirain lang niya ang araw ko," may kalakasan niyang sabi.
"May LQ kayo, Ma'am?" tanong ni Amber.
"Anong LQ?" naniningkit ang mata niyang tanong. "Ang LQ para sa lovers lang. And we are not lovers because I don't love him. I hate him!"
Matapos ang galit niyang sigaw ay nakatulala na lang sa kanya ang mga staff niya. Parang nakakita ito ng monster sa katauhan niya. Madalang naman kasi siyang makitang magalit ng mga ito. And that was her worst outburst.
Tinalikuran niya ang mga ito. "Ituloy lang ninyo ang trabaho ninyo," mas mahinahon niyang sabi subalit may kapormalan pa rin.
"Ma'am, saan po kayo pupunta?" tanong ni Aya nang makasalubong siya palabas ng music lounge.
"Maglalakad-lakad lang ako sandali dahil masakit ang ulo ko," sabi niya. "Ikaw na muna ang bahala dito."
Sa paglakad-lakad niya ay sa wooden dock siya ng lake nakarating. Solo niya ang lugar kaya naman tahimik. Walang iistorbo sa kanya. She realized that she was losing her control. Di na iyon normal. Kailangan ay di siya mawala sa huwisyo at di siya basta-basta magagalit lang dahil lang sa rejection ni Philippe. Mas mabuti pa nga noong nasa TV ito, basta lang siya pinasasaya nito. Pero ngayong nakita niya ito sa personal, sama lang ng loob ang nakukuha niya.
Naramdaman niya na may nakatingin sa kanya. Nagulat siya nang makitang nakatayo si Philippe sa bandang likuran niya. "What are you doing here?"
"Wala. I am just looking at you. Ayoko kasing maistorbo ka."
Namaywang siya. "Well, naistorbo mo na ako. Ano pang kailangan mo?"
Dahan-dahan itong naglakad palapit sa kanya. "Dumaan ako sa music lounge at sabi ng mga staff nandito ka daw. Kaya sinundan kita."
"What do you want from me this time?" Di pa ba ito masaya na sumama ang loob niya dahil sa kagagawan nito? She had enough. Kahit na wala itong ginagawang masama, nasasaktan pa rin siya.
Inabot nito ang bouquet ng bulaklak sa kanya. "For you."
Tinaasan lang niya ng kilay ang mga bulaklak. "Aanhin ko iyan? Ilalaga ko at gagawin kong tsaa? Iyan na ba ang bagong therapeutic wonder ngayon?"
"I want to apologize for what I did," he said with sincerity in his voice. "Hindi ko gustong insultuhin ka. Believe me. Hindi ako napapangitan sa boses mo. In fact, you have one of the nicest voices I ever heard. Hindi bola iyon."
"Iyon naman pala, eh! Nagagandahan ka sa boses ko. Bakit? Ayaw mo ba sa mga magaganda ang boses?"
"No. It is just the song."
Nagsalubong ang kilay niya. "What is wrong with the song?"
Ibinaba nito ang mata. "It makes me feel sad."
"Ang ganda-ganda ng kanta tapos malulungkot ka lang. Kita mo naman, pumili pa talaga ako ng kanta na ide-dedicate sa iyo."
"It makes me feel nostalgic. Mga parte ng buhay ko na ayoko nang maalala. Isa pa, lumabas ako kasi ayokong makita ng ibang tao na malungkot ako. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon kaya kong maging artista."
"I am sorry. Di ko naman alam na malulungkot ka pala sa kanta ko para sa iyo. Sana pala tinanong kita kung anong kanta ang gusto mo."
"I want lively songs. It makes me happy. Ayoko kasi ng love songs."
Gusto sana niyang tanungin dito kung ano ang naalala nito sa malulungkot na kanta. May babae bang nanakit dito. But she decided not to pry. Pribado nito iyong buhay. Di naman siya pwedeng magtanong maliban na lang kung ito mismo ang nagku-kwento sa kanya. Bilang isa sa mga empleyado ng riding club, responsibilidad niya na pangalagaan ang privacy ng mga members at guests.
Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko talaga maintindihan ang mga lalaki. Ano naman ang masama kung makita ng ibang tao na malungkot ka? Nakakabawas ba iyon sa macho image ninyo? Tao lang naman kayo."
"You can call it whatever you want," anito at tumingin sa malayo. "But for someone who works to make other people happy, I can't afford to let them see me in such a mood. Kasi malulungkot din sila para sa akin."
"Do you really have to do that? Ayaw mo lang malungkot para di malungkot ang ibang tao? Di naman robot ang trabaho mo. Artista ka lang. Umarte ka sa harap ng camera pero pag-aari mo pa rin ang nararamdaman mo."
"I don't know if it is right or wrong. I simply do it."
Sobra naman ang dedication nito sa craft nito. Sa isang banda, sanay na siya sa sentimyento ng mga lalaki na ayaw makita ng ibang tao na malungkot ito. Sa riding club, pumupunta ang mga tao para itago ang kalungkutan ng mga ito. It was a world where even their weakness could be perceived as strength.
Kinuha niya ang bulaklak dito. "Akin na nga."
"Galit ka pa sa akin?"
Inamoy niya ang bulaklak. "Hindi na. Nag-sorry ka naman, eh!"
Ngumiti ito. "Now I feel better. Pwede na akong matulog nang mahimbing."
"Matutulog ka na agad?"
"I have to. Maaga pa ang training ko bukas kay Reichen." Nag-inat ito. "Masakit na nga ang katawan ko. I am sorry if I can't visit the music lounge tonight. Gusto ko lang talagang ibigay sa iyo ang mga bulaklak at mag-sorry."
"Ibig sabihin masakit rin ang katawan mo kagabi?" Mukha kasing intense na intense ang training nito. Stress was written all over him.
"Oo. Pero pumunta pa rin ako dahil nag-promise ako sa iyo na pupunta ako. Kaso nasira ko pa yata ang araw mo."
Umiling siya. "It is not your fault." Nakonsensiya naman siya. Pagod na nga ito sa trabaho at dinalaw pa niya. Tapos ay inaway pa niya ito. "Saka okay na tayo, di ba? Hindi na ako galit."
Inalalayan siya nito sa braso. "Halika, ihahatid na kita sa music lounge. Nag-aalala ang mga staff mo sa iyo dahil masama daw ang pakiramdam mo."
"I feel better now." Kasama kasi ulit niya ito. At wala na rin ang galit niya dito. Nang makita niya ang mga bulaklak, alam niyang patatawarin din niya ito. Bahagya niya itong itinulak nang makarating sila sa pinto ng music lounge. "Sige na. Magpahinga ka na. Kailangan mong magpahinga dahil maaga pa ang training mo."
He caressed her hair. "Goodnight!"
"Sweet dreams," dagdag niya at saka kinikilig na pumasok ng music lounge.
Pinagkulumpunan agad siya ng mga babaeng staff nang makita siya. "Uy, may flowers si Ma'am Tintin," tukso ni Amber. "Kay Fafa Philippe ba galing iyan?"
"Yes." Abot-tainga na nga ngiti niya nang isubsob ang mukha sa bulaklak. "Ang sweet ni PJ, hindi ba?"
"Akala ko ba hate ninyo si Fafa Philippe," tanong ni Ericka.
"Ay! Hindi na! Mahal ko na siya ulit." Niyakap niya ang bulaklak. "I love you, PJ!"