Chapter 317 - CHAPTER SIX

Maagang gumising si Celestine para pumunta sa covered training arena kung saan may training si Philippe sa ilalim ni Reichen. Maaga na sa kanya ang alas onse ng umaga pero sakto lang iyon para yayaing mag-lunch si Philippe. Kailangan niyang bumawi dito dahil nag-abala pa itong ayuin siya nang nagdaang araw. Wala naman pala siyang dapat na ipagtampo dito.

Palabas ng covered arena si Reichen nang masalubong niya ito kasama ang girlfriend nito. "Hi, Sir Reichen!"

"O, Tintin! Si Philippe ba ang dadalawin mo o ako?"

"Siyempre si Philippe! Nandiyan ba siya, Sir?"

Umiling ito. "Maaga ko siyang pinagpahinga dahil nakuha naman niya ang lessons niya. Mamayang two o'clock na namin ire-resume ang training."

"Nasaan na siya?"

"Sabi niya sa bandang lake lang daw siya. Akala ko nga dadalawin ka niya."

"Baka naman may iba siyang dadalawin," sabi ng ka-date ni Reichen.

"Duh!" aniya at iningusan ito. Isa kasi ito sa nagpapapansin kay Philippe nang dalawin siya. Pero di niya maiwasang kabahan habang papunta sa lake area. Paano kung may iba nga itong gusto? Paano na siya?

Kabang-kaba siya habang hinahanap si Reichen. Sa pagtatanong niya ay may nakapagsabi sa kanya na nasa wooden dock lang ito. Naroon nga ito. Nakasalampak ito habang nakatitig sa lake. At nawala ang kaba niya dahil mag-isa lang ito.

Nilapitan niya ito. "PJ, bakit mag-isa ka lang dito?"

"Anong bakit mag-isa lang? Mag-isa lang naman talaga ako dito."

"A-Akala ko kasi may kasama kang babae. Malay ko ba kung may ka-date ka," sabi niya. "Galing kasi ako sa training arena. Wala ka na doon."

"Yayayain mo akong mag-date?"

Namula sa tanong nito at umiling. "Hindi date. Lunch lang. Pero kung nakakaabala ako sa pag-iisip mo, next time na lang."

Pinigilan nito ang kamay niya nang tangkang aalis siya. "Hindi. Malungkot din naman ang walang kasama. Gusto mo dito na lang tayo mag-lunch."

"Parang picnic?" tanong niya.

"Yup! Kahapon nasa Lakeside Café kami. They have a nipa cottage. Doon tayo. Mukhang masarap magkwentuhan doon."

Kumapit siya sa braso nito. "Sige! Gusto ko iyon!"

Napaka-romantic ng atmosphere nang nagla-lunch na sila. Bukod kasi sa maganda ang view ay solo lang nila ang open cottage. Di na masamang lagyan ng malisya ang lunch nila at gawin na lang date. "Bakit mo nga pala ako niyayang mag-lunch kung hindi naman ito date?" tanong nito nang kumakain na sila.

"Ha?" Parang pareho yata ng tinatakbo ang isip nila. "Well, gusto kong bumawi sa iyo. Nagalit ako sa iyo nang di ka man lang pinagpapaliwanag. Naging irrational ako. Dapat lang na bumawi ako sa iyo, di ba?"

"Wait! I just want to clear something. Pumayag ako na mag-lunch tayo pero hindi ibig sabihin ikaw ang magbabayad."

"Sa date lang ang rule na iyon. HIndi naman ito date," paglilinaw niya.

"Pareho lang iyon sa akin. At ang alam ko, mahigpit ang rule dito sa riding club na hindi dapat pinagbabayad ang babae."

She rolled her eyes. "All right. You are starting to act macho just like them."

"It is not machismo, Celestine. Ibig lang sabihin no'n kailangan naming alagaan ang mga babaeng kasama namin."

"Oo na. Gentleman ka na." Natural na iyon dito. At kahit na wala pang rule sa riding club tungkol doon, mag-I-insist pa rin ito na magbayad para sa kanya. And he really knew how to take care of his woman. "Masyado namang malalim ang iniisip mo kanina."

"Tama ka nga. Nakaka-relax dito. Parang masarap na umupo lang sa isang tabi at mag-isip," sabi nito at tumingin sa malayo.

"Masyado ka namang maraming iniisip. Huwag mong sabihin na kung mag-I-stay ka dito, puro pag-iisip lang ang gagawin mo?"

Siya ba ang iniisip nito? Sana siya nga. Okay lang siguro kahit maghapon at magdamag siya nitong isipin.

Mahina itong tumawa. "Actually, I would love to own a place around here. Parang gusto ko doon sa gitna ng lake."

"Maganda nga sa gitna ng lake. Walang istorbo." She sighed. Romantic nga sa gitna ng lake dahil silang dalawa lang ang magkasama. "T-Teka. Weird naman yata ang lugar na gusto mong pagtayuan ng bahay. Walang lupa sa gitna ng lake."

"It is an ideal place to be alone."

"Alone?" Akala naman niya ay gusto nitong mapag-isa sila. "Bakit naman? Loner ka ba? Ayaw mo nang may kasama?"

Lumingon ito sa kanya. "Para walang makakita kapag malungkot ako."

"Ayan ka na naman sa lungkot-lungkot na iyan. Parang wala kang dahilan para sumaya. Nabo-bore ka bang maging masaya? Hayan nga at successful ka." Naabot na nito ang lahat ng gusto nito sa buhay. Ano pang hahanapin nito?

"Iba ang alam ng mga tao sa akin sa tunay kong pagkatao."

"Bakit? Ano ba ang totoong ikaw?" Hindi naman siguro ito serial killer. At lalong di siya papayag na bading ito. Malayong-malayo sa realidad.

"I don't even know who the real me is. Di rin buo ang pagkatao ko. Yes, everyone knows my humble beginning. Na pareho lang trabahador sa pabrika ang parents ko at working student ako noong high school at college hanggang ma-discover ako ng isang talent scout nang nagtatrabaho ako sa isang restaurant."

"May hindi pa ba alam ang public tungkol sa iyo?"

"Ampon lang ako, Tintin. I don't know who my real parents are. Ang sabi ng umampon akin, may kapitbahay sila sa apartment na babaeng buntis. Kabuwanan na nang lumipat at pagkapanganak niya, pinaalagaan lang daw ako sa kanila nang sandali pero hindi na niya ako binalikan."

"I am sorry. Wala ba silang sinabi kung sino siya?"

"Only that her name was Lydia. Sa bahay lang naman ako ipinanganak at di pa ako naipa-rehistro. Mga kinikilala ko nang magulang ang nagsabi sa akin. Umaasa ako na kapag nalaman niya kung sino ako at sino ang magulang ko, babalikan ako ng totoong nanay ko. Kaya nga ako nagsusumikap na umangat sa buhay para maging proud siya sa akin at di na siya mahirapan na matagpuan ako. But she didn't. Ipinahanap ko na rin siya pero laging dead end."

Naiintindihan na niya kung bakit naguguluhan ito kung minsan. He didn't know where he came from. Hindi nito alam kung sino ang tunay nitong ina at kung saan ito nanggaling. It wasn't easy. Di tulad niya na lumaking may magulang. Wala siyang kuwestiyon sa pagkatao niya.

"Makikita mo rin ang nanay mo sa tamang panahon." She held his hand. Gusto niyang maramdaman nito ang suporta niya. "Just don't lose hope."

"Iyon na nga ang ginagawa ko. Pinalalakas ko pa ang loob ko. Ang totoo, bukod sa family ko pangalawa ka pa lang sa taong sinabihan ko nito."

"Well, I am flattered." Lalo na't may tiwala ito sa kanya na di nito basta-basta ibinigay sa mga taong nakakasalamuha nito sa industriyang ginagalawan nito. "Di ko naman talaga ipagsasabi ang sekreto mo. I respect your privacy. Sino ang una?" nakakunot-noo niyang tanong.

Pilit itong ngumiti. "Wala iyon. Hindi ko na maalala kung sino."

"Ay! Hindi ako naniniwala. Ex-girlfriend mo siguro. Sino sa kanila?"

"Parang kilala mo ang lahat ng naging girlfriend ko."

"Up to date kaya ako sa mga balita tungkol sa iyo. Daig pa nga ako ng nanay ko dahil may scrap book mo pa siya."

Humagalpak ito ng tawa. "Scrap book? Ang nanay mo?"

"Oo. Next time dadalhin ko. Papipirmahan ko sa iyo. Teka, sino ba sa mga girlfriend mo ang sobrang na-in love ka?" Iyon siguro ang babaeng siyang dahilan kung bakit ayaw na nitong makinig ng love song.

"Kantahan mo na lang ako kaysa kung anu-ano ang itanong mo."

"Ano namang kanta ang gusto mo?"

"Kahit ano basta huwag lang love song."

Nag-isip siyang mabuti. Ano bang kanta ang pwede niyang kantahin para dito? Iyong hindi na ito malulungkot. "Pwedeng Total Eclipse of the Heart?"

"Hindi ba love song iyon?"

"Iyon ang favorite song ko, eh!" giit naman niya. Iyon na ang chance niya para ipakita niya ang talent dito at lalo itong ma-in love sa kanya.

"Sige. Pagbibigyan kita dahil favorite mo. Tiyakin mo lang na hindi ako maiiyak sa sobrang lungkot kapag kumanta ka."

Tinanggal niya ang pagkaka-pony ng buhok at hinayaan iyong sumabog sa hangin. Then she gave him and alluring look. "Turn around. Every now and then I get…" She rotated her shoulders while singing. Parang exotic dancer siya ng mga oras na iyon. Di pa niya iyon nagagawa sa buong buhay niya pero di na niya palalagpasin ang pagkakataon para ipakita kay Philippe ang talent niya.

Nagulat siya nang bigla itong humagalpak ng tawa at pumalakpak. Mukha naman itong naaaliw sa kanya subalit hindi sa paraang gusto niyang mangyari. Sa palagay niya ay isang clown ang tingin nito sa kanya at hindi isang sex siren.

"This is fun!" anitong namumula na sa katatawa.

Natigil siya sa pagsayaw at pagkanta saka namaywang. "Sandali! Sandali! Anong nakakatawa, huh?"

"Iyong sing and dance number mo. I never thought that you are this talented." Hawak na nito ang tiyan at mukhang di mauubos ang tawa nito. "Saan mo naman nakuha iyan?"

"Sa Zsa Zsa Zaturnah Musical. Maganda, di ba?"

"Oo nga. Nakakatawa siya. Kaya naman pala."

Mariin niyang pinagdikit ang labi. "Ano namang nakakatawa doon? Napaka-sexy nga ng sayaw ko." She was trying to seduce him. Pero kung makatawa ito ay parang nasa comedy bar sila. Di ba ito naakit sa kanyang alindog?

"Well, you are really good, Celestine. But not as a seducer."

Bumagsak ang balikat niya. "Okay. Masaya ka na. Nag-enjoy ka na sa katatawa sa akin." Wala naman siyang magagawa kung katawa-tawa ang tingin nito sa kanya. Nilunok na niya para maakit ito pero palpak pala siya.

"May iba ka pa bang kayang gawin bukod diyan?"

"Wala pa ngang split at tumbling iyon," nakasimangot niyang sabi. "Tawa ka kasi nang tawa kaya hindi ko na itinuloy."

"Ituloy mo pa. Nakakatuwa ka kasi."

"Heh!" singhal niya dito. "Hindi na. Ginagawa mo lang akong clown."

Hinawakan nito ang kamay niya. "Sige na. Ulitin mo ulit."

"Pagtatawanan mo lang naman ako."

"Ayaw mo no'n? Hindi ako nag-walk out. Napasaya mo pa ako. Hindi ako basta-basta natatawa sa jokes ng ibang tao. Ikaw lang ang nagpatawa sa akin."

Inirapan niya ito. "Tse! Nang-iinis ka pa. Tatawa ka lang kung kailan hindi pa ako nagpapatawa." Ininsulto na naman nito ang kanyang kagandahan.

"Huwag ka nang magtampo."

Di pa rin niya ito kinibo. Nag-ring ang cellphone niya. Nataranta siya nang makita ang pangalan ng boss niyang si Reid Alleje ang caller niya. "Hello, Sir."

"Pumunta ka dito sa Lakeside Café."

"Sandali lang, PJ. Pupuntahan ko lang si Sir Reid." Mukhang urgent iyon. Di naman siya nito basta-basta kakausapin kung hindi importante.

"Sure. Hihintayin kita dito. Bakit mukhang tense ka?" nag-aalala nitong tanong at hinaplos ang buhok niya. There was pure concern in his eyes.

"Huwag mo na akong titigan nang ganyan. Lalo lang akong nate-tense."

He let her go with a laugh. "Don't worry. Everything will be alright."

"Sana nga," nausal niya.

Naabutan niyang nagkakape si Reid Alleje habang kaharap ang laptop nang dumating siya. "Please take a seat, Miss Gonzalo."

"Bakit po, Sir?"

Itinuon nito ang itim na itim na mata sa kanya. Those eyes were like those of a panther's. Parang kaya siyang lapain oras na magkamali siya ng kilos. That was the power of Reid Alleje. As the king of the Stallion Riding Club, he could make someone feel so small and fragile.

"What do you think you are doing? A sexy dance on broad daylight?"

Nahigit niya ang hininga at lumingon sa cottage nila ni Philippe. Nakita ba nito ang ginawa niya? Masyado naman yatang matalas ang mata nito. Pero alam nito ang lahat. Baka nakita nito sa security camera na naka-install sa paligid ng riding club.

Napalunok siya. "K-Kasi… Sir…"

"Alam mong hindi ko ina-allow ang ganyang klase ng entertainment sa riding club ko. I don't do business in exploiting women," mariin nitong sabi at parang kutsilyo na tumatatak sa puso niya ang bawat sabihin nito.

"Sir, hindi po sexy dancing iyon." Tawa nga ng tawa si Philippe sa kanya. Mas tamang comedy dance ang tawag doon. Iyong parang pamperya o circus.

Napapitlag siya nang itapik nito ang daliri sa mesa. Ibig sabihin ay nauubusan na ito ng pasensiya. Ayaw kasi nito sa lahat ay sinasabihang mali ito. "Not another word, Miss Gonzalo. You can do it in private if you want. Pero huwag iyong makikita ng ibang guests. Masisira ang reputasyon ng riding club."

Yumuko siya bilang pagsuko. "Yes, Sir."

Lulugo-lugo siyang bumalik sa cottage. Nag-aalala siyang sinalubong ni Philippe. "Anong nangyari? Bakit ka ipinatawag ng boss mo?"

"Pinagalitan niya ako. Sa private ko na lang daw gawin ang sexy dance ko. Hindi naman sexy dance iyon, di ba?"

"Your boss is right. It is really sexy."

Di siya naniniwala nang tumingin dito. "Paano naging sexy iyon? Tawa ka nga nang tawa."

He threaded his fingers through her hair. "You are sexy, alright. And that laugh was just an act."

Nagtaka siya. "Bakit ka tawa nang tawa kung di ka naman pala natatawa?"

"Dahil gentleman ako."

"Kung gentleman ka, di mo dapat ininsulto ang pagiging sexy ko."

Inilapit nito ang mukha sa kanya. He was staring at her with amber eyes. And she couldn't breathe. He had that look in his eyes that he would love to eat her for lunch. At nanlalambot ang bawat himaymay ng laman niya sa titig nito. "Kung hindi ako gentleman, hindi mo mai-imagine kung anong pwedeng mangyari matapos mo akong sayawan. So you should thank me that I laughed at you instead."

"Bakit?" tanong pa rin niya.

Mariin itong pumikit at saka idinikit ang noo sa kanya. "Because you are driving me crazy." Saka bigla siya nitong binitiwan. "Get it?"

Napalunok siya dahil malapit na malapit ang mukha nito sa kanya. Nanunuyo ang lalamunan niya. Was he crazy enough to kiss her?

Bilang sagot sa tanong niya ay lumayo ito sa kanya saka tumalikod. "I think we'd better go. Ihahatid na kita sa lodging house ninyo."

Nakatulala siya hanggang ihatid siya ni Philippe. There was frustration written all over his face and he didn't dare to hide it. Naa-attract ba ito sa kanya?

It was so real. Di na niya magawang kiligin o tumili. Hindi na kasi siya nag-iilusyon o nagbibigay lang ng malisya. It hit her like a tidal wave.

He wanted her and she didn't know what to do next. After all, hanggang pangangarap lang naman ang alam niya. She didn't know how to handle the real Philippe.