Chapter 280 - Chapter 15

NAKATITIG si Nicola sa article sa diyaryo kung saan may hawak na trophy si Crawford dahil sa pagkakapanalo nito sa Asian TV Awards bilang Best Presenter o host. Ilang linggo na ba niya itong hindi nakita? Dalawa? Tatlo?

Sa loob ng mga panahong iyon, bumalik sa normal ang buhay niya. Naka-focus na lang siya sa trabaho. Pero kahit na bumalik na siya sa dating gawi, di kumpleto ang araw niya nang di naiisip si Crawford.

Napabuntong hininga siya. "Bakit ba iniisip ko pa ang lalaking iyon?"

Nilapitan siya ni Joanna Grace. "Nicola, sabihin mo naman sa boyfriend mo, congrats! You must be proud of Crawford. Sayang di ka nakasama sa Singapore." Sa Singapore kasi ginanap ang awarding ng naturang competition.

"Hindi ko siya boyfriend at hindi na rin kami nag-uusap."

Kinalabit pa siya nito sa braso. "Sayang naman. Kung boyfriend mo siya, malamang expose na ang beauty mo sa buong Asia. Kung ako sa iyo, dapat pinilit ko na lang si Crawford na maging boyfriend ko. Ihi-hypnotize ko siya para magustuhan niya ako sabay mapikot. Huwag ka nang puro kiyeme. Huwag kang tumulad sa akin na thirty-two na nang mag-asawa. Twenty eight ka na."

Bumuntong-hininga siya. "Di naman lahat ng tao swerte sa love. Natagpuan mo ang sa iyo at ako wala." Pilit siyang ngumiti. "Di bale, may career naman."

Umingos ito. "Di ka man lang ba kikiligin kahit minsan kapag pinag-uusapan ang guwapong Crawford na iyan? Pumunta ka na nga sa office ni Sir Arman. Malamang pagagalitan ka niya dahil late ka nang pupunta sa kanya. Kanina ka pa kasi niya ipinapatawag."

"Ano?" She bolted from her seat. "Bakit mo pa ako dinaldal?"

Pinagtawanan lang siya nito. "Well, good luck sa iyo."

Puno ng pag-aalala ang mukha ng boss niya nang pumasok siya sa opisina nito. "Nicola, pasok ka."

"May problema po ba, Sir?" nag-aalala niyang tanong. May mali ba sa performance niya na pwedeng ipag-aalala nito?

Umiling ito. "I am just worried about you. Ni hindi ka man lang nagpapahinga sa trabaho mo. Hindi mo pala ginagamit ang mga leave mo. Bakit hindi ka muna magbakasyon muna? Wala ka na kasing ginawa kundi ang magtrabaho."

"Hindi ko naman po kailangan ng bakasyon." Mas kailangan niyang magtrabaho. Kapag stagnant lang siya sa isang tabi, lalo lang niyang naiisip si Crawford. And it wasn't healthy. "Saka marami pong trabaho dito sa opisina."

"Wala ka na rin namang aasikasuhin dahil malayo pa sa deadline, natatapos mo na ang trabaho mo. Balita ko nga pati mga kasamahan mo inaako mo na ang trabaho. You are pushing yourself too hard. Bumabagsak na ang katawan mo. Kaya mas mabuti kung magpapahinga ka muna kahit isang linggo lang. It is a vacation with pay so you don't have to worry."

"Kailangan ko ba talagang gawin ito, Sir?"

Pinagsalikop nito ang kamay. "Of course. You are one of my best employees. Pero hindi ko naman kailangan ng makina. Tao ka lang. At kung papasok ka dito sa Lunes para magtrabaho, sususpindihin kita at wala iyong bayad."

Mabigat na mabigat ang pakiramdam niya nang umuwi sa bahay. Naabutan niya si Carlo na kakwentuhan ang mommy niya. "Oy, bakla!" tili nito nang makita siya. "Hindi ka na dumadalaw sa parlor ko kaya ako na ang dumalaw sa iyo."

"Sorry, ha? Sobrang dami kasi ng trabaho," aniya at umupo sa sofa.

"Anak, may problema ba?" tanong ni Aling Emma.

"Gusto daw po ng boss ko na magbakasyon ako ng isang linggo. Di ko na daw po kasi nagagamit ang vacation leave ko. Magpahinga daw po muna ako."

"Eh, di mabuti, bakla. May vacation house ang boyfriend ko sa Batangas. Magbabakasyon na nga kami doon. Bukas ng gabi ang alis namin. I am sure magugustuhan mo iyon," suhestiyon ni Carlo.

"Ayoko ngang magbakasyon. Gusto kong magtrabaho," sabi niya.

"Ibang klase ka rin, Ate. Ikaw na nga ang pinagbabakasyon ng boss mo, ikaw pa ang umaayaw," sabi naman ni Mhelai.

"Baka naman kami lang ni Mhelai ang iniisip mo, anak," anang si Aling Emma. "Okay lang kami ni Mhelai dito. Nangako naman ako sa iyo na di na ako maglalabas ng bahay, hindi ba? Babantayan ko si Mhelai. Wala na rin akong pakialam kay Mark. Puro ka na lang trabaho para sa amin. Isipin mo naman ang sarili mo. Magi-guilty talaga ako kung hindi man lang kita makitang ine-enjoy ang buhay mo."

Nakita niya ang lungkot sa mata ng mommy niya. Dahil sa eskandalo sa kanila ni Crawford, nakipag-break ito sa boyfriend nito kaedad lang ni Mhelai. Di na rin ito umaalis ng bahay at nakikisaya sa mga kaibigan. Tiyak na magtatampo ito sa kanya kung di niya ito pagbibigyan.

"Sige po. Sasama po ako kay Carlo."

"Ayan! Tatawagan ko na si boyfriend!" excited na wika ni Carlo. "Sasabihin ko na sasama ka sa bakasyon namin."

PUPUNGAS-PUNGAS na bumaba ng kotse si Nicola. Natulog siya sa buong biyahe nila pa-Batangas. Alas otso dapat ang alis nila sa Manila pero alas diyes na dumating ang nobyo ni Carlo na si Steve. Tinulugan tuloy niya ang mga ito sa biyahe.

"Tuloy kayo," ngiting-ngiting paanyaya ni Steve.

Namangha siya nang makapasok sa bahay. Masyado iyong magarbo. Alam niyang may kaya si Steve pero di niya alam na ganoon ito kayaman. "S-Sa inyo ba talaga ang bahay na ito?" tanong niya at kinusot ang mata. Mamahalin ang mga kasangkapan. Pati ang interior ng bahay ay sosyal na sosyal. Parang panaginip lang.

"Nag-Japan kasi ang ate ko kaya naipagpatayo niya ang magulang ko ng ganito kalaking bahay. Bukas makikilala mo rin ang pamilya ko kapag nag-almusal tayo. Ito ang magiging kuwarto mo," sabi ni Steve. "Kung may kailangan ka, nandoon lang kami ni Steve sa kabilang kuwarto."

Maging ang silid niya ay nadodominahan ng dilaw. May isang malaking kama na kasya yata ang tatlong tao. Nag-aalangan siyang umupo sa kama. "Salamat nga pala sa pagpapatuloy ninyo sa akin."

"Basta magpahinga ka lang, bakla!" sabi ni Carlo at yumakap sa baywang ni Steve. "At magpapahinga na rin kami."

Pagsara ng pinto ay humiga siya sa kama. Di niya alam kung magandang ideya nga ang bakasyo na iyon. Ipinikit niya ang mga mata. Bagong lugar. Maaring may bagong tao rin siyang makikilala. Baka doon din niya makikilala ang magpapalimot sa kanya kay Crawford. Sana nga ito.