Chapter 281 - Chapter 16

NANG magising si Nicola ay di agad siya bumangon. Parang masarap pa kasing humiga sa kama dahil malambot na malambot. Masarap matulog. Mula sa kuwarto niya ay tanaw pa niya sa French door ang magandang Taal Lake.

Masarap pa sanang tumunganga pero naalala niya na mag-aagahan siya at makikilala ang magulang ni Steve. Pagkahilamos niya ay narinig niyang may kumatok sa pinto. "Pasok!" aniya sa pag-aakalang iyon si Carlo

Paglabas niya ay isang lalaki ang nakatayo sa paanan ng kama niya. It was neither Carlo nor Steve. It was Crawford. "Good morning, Nicola!" he greeted with a smile. That smile was as fresh as the morning breeze coming from the lake.

Tumili siya sa sobrang shock lalo na't nakasuot pa siya ng pantulog niya. Isa iyong manipis na nightdress at bakas na bakas ang katawan niya. Mabilis niyang hinablot ang tuwalya at binalot ang sarili. "Anong ginagawa mo dito? Rapist ka! Trespasser? Kidnapper?" Niyakap niya ang sarili at may takot itong pinagmasdan. "Anong ginawa mo sa akin?"

He gave her an amused look. "Anong gagawin ko? Kadarating ko lang…"

"Pero anong ginagawa mo dito? Nasaan si Carlo? Nasaan si Steve?" Lumabas siya ng kuwarto at tinawag ang dalawa. "Carlo! Steve! Nasaan kayo? Tao po? Ah… pamilya ni Steve? Nasaan na kayo?" Nanginginig na ang boses niya. Bakit walang tao? Bakit walang sumasagot sa pagtawag niya. Naipadyak niya ang paa nang di lumabas kahit si Carlo man lang. "Carlo, nasaan ka na?" pabulong ngunit mariin niyang tanong. "Marami kang ipapaliwanag sa akin bakla ka. Kapag nakita kita, kakalbuhin ko ang buhok mo… sa baba. Ipapa-rape kita sa sampung babae."

"Ah, Nicola…" anang si Crawford na nakasunod sa kanya.

Hinarap niya ito. "Nasaan si Carlo, Steve at ang pamilya ni Steve? Bakit wala sila dito?" tanong niya na parang ipinakidnap nito o pinalayas ang mga iyon.

"Umalis na sina Carlo at Steve kaninang madaling-araw. Dinalaw nila ang mga magulang ni Steve sa Sorsogon."

Napanganga siya. "Sorsogon?" bulalas niya. "Hindi ba ito ang bahay nila na ipinatayo ng ate ni Steve na galing Japan?" Nakakadama na siya ng panic sa bawat sandali na naroon siya. "Wala namang ganyan, Crawford. Joke lang 'yan, no? Nagtatampo ka siguro sa akin dahil sabi ko ayaw na kitang makita."

Habang sinasabi iyon ay dahan-dahan siyang lumalayo dito. Napunta siya sa bintana kung saan tanaw na tanaw ang malawak na berdeng damuhan. Parang wala iyong katapusan. Di niya iyon nakita kagabi dahil madilim at natulog pa siya. At lalo siyang namangha nang makita ang maraming kabayo na tumatakbo kung di sa pathway ay sa mismong damuhan. Di niya alam ang lugar na iyon pero parang nakita na niya iyon sa kung saan.

Nasapo niya ang dibdib. "Oh, no! Nasaan ako?"

"Welcome to Stallion Riding Club, Nicola!"

Nicola was in awe when she heard from Crawford where they were. Stallion Riding Club. It was the luxurious hideaway for rich guys in the country and their horses. Nakita na niya iyon sa commercial ng Stallion Shampoo dati at doon na naging popular ang riding club para sa mga ordinaryong tao. Subalit di basta makakapasok ang mga taong walang koneksiyon sa mga miyembro ng club.

"You own this place?" Naningkit ang mata niya. "Don't tell me that I was deliberately brought here. You connived with Carlo, right?"

"Right," kalmadong sabi ni Crawford. "Aaminin ko na rin na ako ang may pakana ng bakasyon mo sa trabaho hanggang maidala ka dito ni Carlo. And you will stay for a week. Iyon ang bakasyon mo, hindi ba?"

"Nababaliw ka na ba?" bulalas niya at di mapakali habang nagpapalakad-lakad sa harap nito. "Gusto ko nang umuwi. Ayokong kasama ka dito."

Silang dalawa lang sa villa na iyon. At ang lalaki pang ayaw niyang makasama ang makakasama niya? Paano niya ito makakalimutan kung lagi niya itong nakikita? At paano siya magtitiwala dito kung niloloko lang siya nito?

"Kadarating mo pa lang."

"Wala akong gagawin dito." Pumunta siya sa kuwarto niya at binitbit palabas ang traveling bag niya. "M-May taxi ba dito? Magpapahatid ako pauwi."

Nagsisimula na siyang mag-panic. Mukha namang walang threat na ini-impose si Crawford. Pero ang makasama lang ito ay sapat nang banta sa kaya. Kung di ito baliw, malamang ay siya ang mababaliw.

"You can't leave unless I say so."

Ipinamaywang niya ang isang kamay. "At bakit? Hari ka ba dito?"

"As a member of the riding club, I am responsible with the people I bring in here. At ako rin ang may kontrol kung gusto ko silang palabasin ko hindi. As a member, I have the power here. You can't leave this place without my authority."

"Crawford, please!" pakiusap niya. Di na niya alam kung ano ang gagawin. She felt helpless and caged. And it would be torture on her part. Subalit parang wala itong narinig at nakangiti lang habang nakatitig sa kanya. "Ano bang kailangan mo sa akin? Gumaganti ka ba sa akin dahil sa eskandalong ginawa ko dati?"

"You are thinking too much." Lumapit ito sa kanya. Then he sifted his finger through her hair. "I only want to be with you, Nicola. Ito lang ang paraan ko para hindi mo ako itulak palayo. I know that you feel threatened. Di ko rin alam kung bakit galit na galit ka sa akin. I want us to start anew. Kung may masama ka mang impression sa akin, gusto kong makita mo ang totoong Crawford."

Saglit siyang napipilan sa sinabi nito. Hindi talaga niya maintindihan kung bakit kailangan nitong ipilit ang sarili sa kanya. But there was kindness in his eyes. Iyon ang Crawford na nakapasok sa depensa niya. And she was scared that her defenses would crumble again. Ayaw niyang makita nito ang kahinaan niya.

Umirap siya. "Anuman ang drama mo, wala naman akong magagawa kundi ang mag-stay dito, di ba? Di ko naman kayang languyin ang lake para takasan ka."

Niyakap siya nito. "Thanks for giving me this chance, Nicola."

Nahigit niya ang hininga. She remembered that she was only wearing her thin nightdress. And his impressively warm body made her aware of that. "H-Hindi mo ako kailangang yakapin para sabihin lang iyan," aniya at itinulak ito palayo. "A-Ano… pupunta na ako sa kuwarto ko." Dali-dali siyang pumunta sa kuwarto niya.

"Naiwan mo ang bag mo. Isusunod ko," anitong hawak na ang handle ng bag.

"Sandali!" Nagtago siya sa likod ng pinto at ulo at kamay lang ang nakalabas. "Iabot mo sa akin ang bag ko."

"Pwede ko namang bitbitin para sa iyo."

Pinanlakihan niya ito ng mata. "No! Stay there! One more thing. You may be treated like a royalty here. At maaring lahat ng gustuhin mo magagawa mo. But I am expecting you to be a gentleman."

Itinaas nito ang kamay. "I swear that I am." Tumalikod ito. "By the way, that nightdress looks good on you. I hope you are not tempting me. Baka kasi hindi ko matupad ang pangako ko sa iyo."

Namula siya at pabagsak na isinara ang pinto. Malakas na malakas an g kaba sa dibdib niya. Di na siya makahinga. "Tatagal ba ako dito?"