Chapter 266 - Chapter 1

Nakadipa ang dalawang kamay ni Nicola habang alerto ang mga mata. Maingat niyang binabantayan ang teritoryo niya. Patintero ang laro nila at kalaban nila ang team na pinamumunuan ng kaklase niyang si Crawford Oreña. It was just a fun game. Filipiniana Sportsfest na bahagi ng celebration ng foundation day ng St. Jerome Academy kung saan fourth year high school siya. Di sineseryoso ng iba ang laro subalit seryoso siya. Ayaw niyang matalo.

"Bantayan ninyong mabuti ang mga pwesto ninyo. Huwag na huwag kayong magpapalusot!" mariin niyang bilin. Isa lang ang maka-goal sa mga ito ay panalo na ang kabilang grupo. Kaya nga mahigpit ang pagbabantay nila. "Carlo, ayusin mo ang pagguguwardiya diyan!"

Namaywang si Carlo nang nakatikwas ang mga daliri. "Yes, Kumander!"

Nagbabanta niya itong tiningnan. Kasalanan nito kung bakit nataya sila kanina. Sa halip kasi na iwasan nito ang nagbabantay dito ay niyakap pa nito. Oras na palagpasin mo ang binabantayan mo, kakalbuhin kitang bakla ka!

"Hi, Nicola!"

Nagulat siya nang makitang si Crawford na ang binabantayan niya. She had a secret crush on him. Pero dahil natural na siyang suplada at akala ng marami ay man-hater siya, walang ibang nakakaalam maliban sa kaibigan niyang si Carlo.

"Hi, yourself!" nakataas ang kilay niyang sabi. Sanay na siyang I-resist ang charm nito kapag kaharap ito. Di nito kailangang malaman na nanginginig na ang tuhod niya sa simpleng ngiti lang nito.

Crawford Oreña was the most handsome guy in campus. Parang nasa langit ang kahit sinong babaeng ngitian niya tulad ngayon. Pero mamaya na siya pupunta sa langit. Ang importante ay di niya ito palusutin.

Tumayo lang ito at humalukipkip. Mataman siyang tinitigan. "Well, you look different today."

"Bakit? Tinubuan ba ako ng sampung ulo?"

Humalakhak ito. "Funny! It is your hair."

Pasimple niyang hinaplos ang nakalugay na buhok. Nanlalagkit pa siya dahil sa init ng araw at sa pawis. Kanina pa mandin sila naglalaro. "Ah! Mukha na akong bruha dahil sa buhok ko."

"Ngayon ko lang nalaman na mahaba pala ang buhok mo. Palagi ka kasing naka-pony kaya di ko napapansin saka mula first year tayo laging maiksi."

"Wala akong time magpagupit. Pagugupitan ko rin."

Sa tingin niya ay sagabal lang ang mahabang buhok sa kanya. Ayaw niyang maging maganda sa paningin ng iba at ayaw niyang tinatawag na maganda. Naiinis siya. Namana niya ang ganda sa kanyang ina. Kaya nga napangasawa nito ang daddy niya na guwapo rin. Sa kasamaang-palad, ubod ng babaero ang daddy niya. Madalang umuwi sa kanila dahil kung sinu-sinong babae ang kasama. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit ayaw niya sa mga lalaking guwapo.

Well, Crawford Oreña was an exemption. He was simply charming. Gusto rin niya ang talino ito dahil candidate ito bilang Valedictorian tulad niya. Kaya lang, malabo naman na pansinin siya nito. He preferred sweet girls. Hindi siya iyon.

Itinaas nito ang kamay na parang gusto siyang pigilan. "Don't!" Maagap siya at hinawi ang kamay niya. Mabilis itong nakaurong palayo. "Huwag mong putulin ang buhok mo. Let your hair down. Mas mukha kang approachable kapag ganoon. And you know what? You are beautiful when you are feminine."

Nakadama siya ng kilig subalit pilit niya iyong pinaglabanan. Kabisado niya si Crawford. Mabulaklak ito kung magsalita. Kahit sinong babae ay napapaniwala nito sa mga sinasabi nito. Kaya nga leader ito ng Speech and Debate Club. Mabuladas ito at magaling mangumbinsi. At malapit na siyang mapaniwala nito na maganda siya.

Errr! Wrong timing, Crawford. Hindi ito ang oras at panahon para bolahin mo ako. I have a game to win at di kita palulusutin.

"Inuuto mo ba ako?" mataray niyang tanong.

"Of course not. Totoo naman na bagay sa iyo na mahaba ang buhok."

"Ikaw lang ang nagsabi niyan."

"When I say it, I mean it. And I know a real beauty when I see one. Ang totoo, gusto ko nga sa babae ang mahaba ang buhok."

Naestatwa siya habang pinakikinggan ang paulit-ulit na pag-ugong ng sinabi nito sa tainga niya. Gusto ko nga sa babae ang mahaba ang buhok. Gusto ko nga sa babae ang mahaba ang buhok.

Daig pa niya ang nahipnotismo at di man lang siyang naging reaksiyon nang nagtatakbo si Crawford at lagpasan siya. Natulala na lang ang ibang mga kasamahan nila nang nagtuloy-tuloy itong tumakbo hanggang sa goal. Naghiyawan ang mga kababaihan na kanina pa nagtsi-cheer dito. "Go Crawford! We love you!"

Nanlumo siya. "N-Nalusutan niya ako," mahina niyang usal. Subalit di siya nanghihina dahil natalo sila ni Crawford kundi ang sinabi nito kanina. Na maganda daw siya at gusto nito sa babae ang mahaba ang buhok.

Naglapitan sa kanya ang mga ka-team. "Hoy, bruha! Anong nangyari at nalusutan ka ni Crawford? Sana ako na lang ang nagbantay sa kanya. Para niyakap ko siya at di ko na siya pinakawalan," anang si Carlo at impit na tumili.

Napayuko siya. "Sorry. Magaling siya kaya nalusutan niya ako."

"Okay lang iyan, Nicola," wika ng kaklase niyang si Joy. "Laro lang naman. Nag-enjoy naman kami saka di naming sineseryoso. Mag-enjoy ka rin, ha?"

Huminga siya nang malalim at ngumiti nang makitang nagkukulitan si Crawford at ang mga ka-team nito. "Anong nginingiti-ngiti mo diyan?" tanong ni Carlo. "Nabaliw ka na ba dahil di mo natanggap na natalo tayo?"

"Natutuwa lang ako dahil nag-enjoy ang ibang ka-team natin sa laro."

"Ikaw lang naman ang masyadong seryoso sa buhay, eh! Tingnan mo, sixteen ka pa lang parang may sampung anak ka na."

Nanatili lang siyang nakangiti sa pang-iinis nito. "Carlo, sa tingin mo ba mas bagay sa akin kung di ko na lang papuputulan ang buhok ko?"

"Oo naman. Para finally magmukha kang babae. Teka, ano naman ang pumasok sa kukote mo at naisipan mong magpa-girlaloo?"

"Sabi kasi ni Crawford gusto niya sa babae ang mahaba ang buhok."