HINDI makatingin nang diretso si Jenna Rose sa Ate Jenevie niya nang ilabas siya nito sa kulungan. Ni hindi ito kumikibo at ayaw siyang kausapin.
"Thank you po sa paglalabas ninyo sa akin," humihikbing wika ni Fridah Mae. Hindi ito tumitigil sa pag-iyak nang nasa kulungan sila. Habang siya naman ay tulala at di pa rin natatauhan. "Thank you po dahil hindi ninyo sinabi sa parents ko. Tiyak na itatakwil nila ako. Baka ibartolina pa nga nila ako."
"Don't worry. I make sure that the story won't leak to the media. Doon ka muna sa guestroom ni Jenna Rose magpalipas ng gabi. Bukas ng tanghali ang flight mo pabalik sa Zamboanga," paliwanag ni Rolf. "Stop crying. It is over now."
"I am sorry, Ate Evie," nakayuko niyang sabi nang sumakay sila ng kotse.
"I am so disappointed with you, Jenna Rose," mariin nitong sabi. "Noong una, sa ospital ka pinulot. Ngayon sa kulungan na. You impersonated a nurse just to see JED? Now, they threw you in jail. This last one is horrible!"
"Kasalanan ko po," ako ni Fridah Mae. "Idea ko po na magpanggap na nurse. Gusto naming makita si JED kaso ayaw kaming papasukin."
"You are so impulsive," mariing wika ni Jenevie. "Walang mabuting idudulot ang pagsunod-sunod ninyo sa JED na iyan. Nasaan na siya ngayon? Ni hindi man lang niya kayo natulungan. He doesn't really care about you."
"Siguro hindi niya alam ang nangyari sa amin. I know that he cares for me. Sinabihan pa nga niya akong mag-aral. Tapos kanina, sabi niya magpe-pretend siyang di niya alam na dumalaw kami," depensa niya kay JED.
"Hindi ka pa pala natatauhan nang makulong ka. He doesn't care about you at all," wika ni Jenevie. "Sinabi lang niya iyon para sa sarili niyang image. Kunyari concern siya sa inyo. You are a fan. You think of him as a demi-god. Tingin ninyo lahat ng gawin niya tama. And you'd do anything for him no matter how absurd. It is time to learn your lessons, girl. Wala kayong mapapala sa kanya."
"Hindi totoo iyan, Ate!" tutol pa rin niya.
Hinawakan siya sa kamay ni Fridah Mae. "Tama ang ate mo, Jen. Noong nasa kulungan ako, pakiramdam ko tinalikuran niya tayo. Wala siyang pakialam. Sayang lang ang lahat ng pagmamahal ko sa kanya."
Tumarak sa kanya ang sinabi nito. Subalit di pa rin niya matanggap. "Naramdaman ko na masaya siyang makita tayo. Kung kaya lang niya tayong protektahan, siguro ginawa niya."
"May pinasasabi pala sa inyo ang assistant niya," pahabol ni Jenevie nang makarating sila sa bahay. "Oras na lumapit pa kayo kay JED,ipapakulong niya kayo."
"Nagsisinungaling ang babaeng iyon!" kontra niya. "Sinabi lang niya iyon para ilayo kami kay JED. Naiinggit kasi siya. JED will defend me."
Espesyal siya para kay JED. Totoo ang pag-aalala nito sa kanya. Nararamdaman niya iyon. Di naman magsisinungaling ang puso niya.
"Ayaw na kayong makita ni JED," dagdag pa nito.
Parang sinabugan siya ng bomba. Ayaw na siyang makita ni JED. Hindi talaga siya nito gusto. At baka matuwa pa itong nasa kulungan siya. Napaluha siya. Nasira ang lahat ng magagandang panaginip niya para sa kanila.
"So he is a liar after all." Hindi siya ang fairy nito. Palabas lang nito iyon. Hindi rin ito totoong nag-aalala sa kanya. Masyado lang siyang nag-ilusyon dahil sa atensiyon na itinapon nito sa kanya. Pero nagkunwari lang ito. Pinahid niya ang luha niya. "I hate him! Kung ayaw niya akong makita, mas lalong ayokong makita siya."
"Wala na ang dalawa sa number one fan niya!" sabi ni Fridah Mae.
"Right!" Napangiti na lang siya. Hindi kawalan si JED sa kanya. Mawala man ito sa buhay niya, may bago naman siyang kaibigan. They are JED-haters now.