"It ain't pretty when the pretty leaves you with no place to go!"
Parang binibiyak ang ulo ni Jenna Rose nang magising nang umagang iyon. Iyon pa ang bumungad sa kanyang paggising. Na kahit yata nananaginip siya ay kilalang-kilala niya ang boses. Ang boses ni Jason Erwin Dean. Bumaba siya sa boutique na nasa baba lang ng kuwarto niya.
Naabutan niya ang mga tauhan na nagpa-party kahit na alas siyete pa lang nang umaga. "Patayin ninyo iyan! Patayin ninyo!" nanggagalaiti niyang sigaw na dinig na dinig sa buong Stallion Riding Club. "Ayokong marinig ang boses ng lalaking iyan."
"Ay, bakit naman, Miss Jen?" tanong ng pattern-maker niyang si Bianca. "Maganda naman po ang kanta ng The Switch. Bagong album po iyan."
Hinilot niya ang sentido. "Basta ayoko sabing marinig. Nasisira ang araw ko!"
Sa loob ng anim na taon, isang malaking panira na ng araw sa kanya kapag naririnig si JED o ang banda nito. At mas napepeste siya kapag nakikita ang picture nito. Mula nang isumpa niya si Jason Erwin Dean, sinunog niya ang lahat ng poster nito at magazine clippings. Dinurog din niya ang CD nito. At walang sinuman sa mga taong nakapaligid sa kanya ang pwedeng bumanggit ng tungkol dito.
"Regalo ito ng boyfriend ko, Miss Jen," sabi ni Karyl, ang sewer niya. "Kung ayaw ninyo ng rock songs, may love song naman. Pwede ring…"
"Itapon mo iyang CD na iyan! At sabihin mo sa boyfriend mo na break na rin kayo. At huwag mo siyang babalikan hangga't di niya tinitigilan ang Switch na iyan."
Nagdadabog siyang umakyat ng hagdan at bumalik sa kuwarto niya. Sa baba ay napalitan ng kanta ni Whitney Houston. Naghilamos siya at nagpalit ng pang-jogging. Masama ang timplada ng mukha niya nang masalubong si Illyze na kapapasok lang ng boutique. "Good morning!" bati nito.
"Anong maganda sa umagang ito?" tanong niya. "Sinira ng lintik na Jason Erwin Dean na iyan ang araw ko."
"Bakit? Ano bang nangyari?"
"Pinatugtog nila Karyl ang CD niya. Bigay daw ng boyfriend niya."
"Naku! Na-shock siguro ang mga tauhan mo sa iyo. Hindi ka naman kasi nagagalit. Tapos bigla kang nag-transform na monster nang marinig mo si JED." Pumalatak ito. "Hanggang ngayon ba galit ka pa rin sa kanya?"
"May dahilan ba para mawala ang galit ko sa kanya?"
"Time. It has been six years."
Nauna na siyang tumakbo palabas. "Sa Lakeside Café na tayo mag-breakfast. Pag-uusapan pa natin kung anong design ang gusto mo para sa gown na isusuot mo sa Sundance Festival." Katatapos lang ng fashion art show nilang magkaibigan. It was a joint project. She designed the dress, which she painted on. Mainit na ngayon sa market ang mga damit na gawa nila.
Sa susunod na buwan ay pupunta ito sa Sundance International Film Festival para samahan ang nobyo nitong si Romanov Cuerido na isang sikat na director. At request ni Romanov na creation mismo nila ang isuot ni Illyze.
"Naghihintay sa akin sa Rider's Verandah si Romanov."
"Naku! Hayaan mo na muna si Romanov doon. Marami naman siyang makakasamang mag-breakfast. Andoon si Kuya Rolf. It is our time to bond. Mula nang maging boyfriend mo siya, lagi na lang kayong magkadikit."
"Natural. Ganoon talaga ang mga in love. Ikaw din naman, wala kang bukambibig dati kundi si JED."