Chapter 236 - Chapter 3

"JENNA ROSE, anong gulo itong ginawa mo?" nanggagalaiting bungad ng Ate Jenevie niya paggising niya. Hindi ang puting kisame ng ospital ang una niyang napuna o ang benda niya sa katawan kundi ang nagpupuyos niyang kapatid.

"JED! Ano nang nangyari kay JED?" tanong niya at pilit na bumangon.

"Don't worry. He is okay now. Balita ko nga idi-discharge na siya dito sa ospital ngayong araw din na ito. Well, he sustained less severe injuries than you do," wika ni Rolf habang chine-check up siya ng doctor. "How are you feeling?"

Huminga siya nang malalim. "I feel better now. Nalaman ko na kasi na hindi nasaktan si JED sa nangyaring stampede."

"JED! Puro ka JED!" anito at ikinudlit ang daliri sa sentido niya. "Nang dahil sa JED na iyan, naospital ka. Magpasalamat ka dahil walang nabaling buto sa iyo. Sa dami ng tao na dumumog sa inyo, buti nga buhay ka pa."

"Of course, Ate. JED protected me." Niyakap niya ang sarili. Di niya maiwasang kiligin nang maalala kung paano siya ingatan ni JED. "Niyakap niya ako kaya hindi ako tuluyang dinumog ng mga ilusyunada niyang fans."

"At ipinagmalaki mo pa sa buong Pilipinas ang kalokohan mo!" sermon na naman ni Jenevie. Halos bumula ang bibig nito habang iniisa-isa ang mga diyaryo nagsasabi tungkol sa nangyaring disgrasya. Na kasalanan daw ng isang pabayang fan na hinatak si JED. "Ang sabi mo may pupuntahan kang fashion show dahil kailangan mo sa project ninyo. Iyon pala nasa concert ka lang ng Switch na iyan. Ano ngayon ang napala mo, ha? Ospital ang inabot mo."

"Parang malaking fashion gala naman ang concert, ah!" katwiran niya. "Karamihan ng mga nasa patron box, mayayaman. Kaya nga magaganda ang suot nila. Akala mo ba nandoon lang ako para titigan si JED? Siyempre nag-o-observe din naman ako sa mga fashionista na katabi ko."

Mariing pumikit ang ate niya. "Magpapalusot ka pa. Wala ka ba talagang pakialam sa pwedeng mangyari sa iyo? Ano ang gagawin ko oras na makarating ito kina Nanay at Tatay? Ipapahamak mo pa ako."

Bahagya siyang napayuko. "Hindi naman nila malalaman."

Silang dalawa na lang magkapatid ang nasa Manila. Nasa probinsiya na kasi ang Kuya Jerome niya kasama ang mga magulang niya upang asikasuhin ang flower farm ng mga ito. Kaya responsibilidad siya ng ate niya.

"Dahil hindi ko pa sinasabi! Matutuyuan talaga ako ng dugo sa iyo! Nagpapatugtog ka ng CD niyan araw-araw at tinadtad mo na rin ang bahay natin ng posters ng lalaking iyan. Hindi ka na nasiyahan."

Hinawakan ito ni Rolf sa balikat. "That's enough, Evie. Masyado ka kasing high blood. I am sure natutunan na niya ang leksiyon niya. Just let Jen rest."

"Kuya Rolf, kay JED ba galing ang mga flowers?" tukoy niya sa iba't ibang mga bulaklak na nakapaligid sa kama niya.

"Oo. Padala niya sa iyo. Iyong rose bouquet galing kay Illyze." Bestfriend niya si Illyze at nakababatang kapatid naman ni Rolf. "The rest came from him."

Impit siyang napatili. "Ibigay mo sa akin ang roses." Inabot nito ang basket ng yellow roses sa kanya. "They are lovely. Favorite color ko. Alam mo ba na kinantahan niya ako sa concert, Kuya Rolf? Alam ko ako iyon. Kaya nga nang iabot niya ang kamay niya sa akin, hinatak ko agad siya. Tiyak na matutuwa si Illyze kapag ikinuwento ko sa kanya ang nangyari. Nakakakilig."

"At habang masaya ka pa rin sa kaiilusyon mo sa JED na iyan, maraming napahamak na ibang tao. Mahigit treinta kayong injured na isinugod dito sa ospital. Mahiya ka nga sa inaasal mo, Jenna Rose!"

Napipilan siya at nakadama ng lungkot. "Hindi ko naman ginusto ang nangyari. Sila kasi, eh! Ginitgit pa nila kami ni JED."

"Kung hindi mo siya hinila, hindi magkakagulo nang ganoon."

"Evie, stop it!" saway ni Rolf dito. "Aksidente ang nangyari."

Ito ang hinarap ng kapatid niya. "Tumahimik ka diyan! Kung tutuusin ikaw ang may kasalanan nito."

"Ako?" Itinuro ni Rolf ang sarili. "Paanong ako?"

"Dapat hanggang Lower Box lang ang babaeng iyan kung hindi mo siya binigyan ng ticket sa patron. Di sana niya malalapitan ang JED na iyon," paninisi ni Jenevie dito. "This is all your fault."

"Objection, Your Honor!" kontra naman ni Rolf. Law student kasi ang Ate Jenevie niya. Kaya kapag umiinit na ang diskusyon, ina-assume na ni Rolf na nasa korte ito at katunggali ang kapatid niya. "Anong masama kung ma-enjoy ni Jen ang teenage life niya. Seventeen pa lang siya. Mataas naman ang grades niya sa school. At mas tataas ang grades niya kung mae-expose siya sa ganitong event."

"Mangangatwiran ka pa! Kunsintidor!"

Inaliw niya ang sarili na titigan ang roses at ang iba pang bulaklak sa kuwarto kaysa makinig sa pagtatalo nina Rolf at Jenevie. "Kapag tapos na silang magtalo, tatanungin ko kung pwede kong dalawin si JED. Baka mamaya makalabas siya ng ospital nang di ko man lang nakakausap," aniya sa sarili ang kausap at ang bulaklak.

Narinig niya ang pagbukas ng pinto. Inangat niya ang tingin. Isang guwapong lalaki ang nakatayo sa pinto at nakangiti. "Excuse me," anito.

Natulala na lang siya habang nakanganga sa lalaki. "Oh, God! JED!" bulong niya at di makapaniwala na ito nga ang nasa pinto. Napatili siya. "JED!"