Chapter 208 - Chapter 7

Nagkasya na lang si Illyze na pasimpleng sulyapan si Romanov habang marahang tumatakbo ang kabayong sinasakyan nila. Mukhang mas gusto kasi nito na tahimik lang. "Naiinip ka ba?" tanong nito. "Mga five minutes na lang, nasa clubhouse na tayo. Kaya magtiis ka lang."

"Hindi. Okay lang ako." Hindi naman siya nabo-bore sa pagtitig dito. Ang problema nga lang ay di niya ito masyadong matanong. "Ano… magagalit ka ba kapag tinanong ko kung ano ang surname mo?"

"Cuerido. My name is Romanov Cuerido."

Hehehe! Eh, di napasagot din kita. "Romanov? Russian name iyon, di ba? May Russian blood ka ba?" tanong niya.

"No, I don't! But my father used to love historical personalities. At naging paborito niya ang mga Romanov ng Russia. He named me after them."

Napatango siya. "Hindi ko pa napupuntahan ang Russia. Pero nakapunta na ako sa Spain. Do you know that querido means beloved?" At parang masarap na iyon na rin ang kakabit ng pangalan niya bilang simbolo ng kanilang pagmamahalan.

"Yes. Querido means beloved. Pero hindi naman iyon ang surname ko. Mine is Cuerido with a C. And it doesn't mean a thing in Spanish."

Napangiwi siya. "Pero magada pa rin ang surname mo. Romantic." At kahit ano pang surname nito, tatanggapin niya nang buong puso. "Favorite color mo?"

"Are we back to your endless questions again?"

Naku! Nagalit na naman siya sa akin. Tatahimik na lang muna ako.

Itinuon na lang niya sa harap ang tingin. Namangha siya nang makita mula sa taas ang magandang view. May mangilan-ngilang building. Nalalatagan ng animo'y carpet na damo ang lupain. At may dome na semi-transparent ang bubong.

"Wow! Is that the Stallion Riding Club?"

"Yes, that is the club house." Itinuro nito ang may kulay brown na bubong. "Hindi na malayo diyan ang boutique ng kaibigan mo. Natatabingan lang ng puno."

"That elegant club looks like a small world from here." Napangiti siya nang humangin. "Pwede bang dito muna tayo?" Parang natakot siyang makarating sila sa mismong riding club. Mas gusto nilang silang dalawa lang.

"No! We have to go now. Baka mag-alala na ang kaibigan mo sa iyo. And besides, hindi ka pa nagla-lunch. Baka dito ka pa mag-collapse."

"Thanks for caring," aniya at matamis na ngumiti. Lalo naman siyang kinilig dahil nag-aalala ito sa kanya. He is starting to like me. I know.

"Ayoko lang masabihan na pinabayaan kita. Kasalanan ko pa iyon kapag may na nangyaring hindi maganda sa iyo," anito sa indifferent na boses. "Kumapit kang mabuti. Magso-short cut tayo."

Napasigaw siya nang sa pabulusok na daan sila dumaan. Tingin yata niya ay bangin na iyon. They were running with utmost speed. Pero di niya naramdaman na pinabayaan siya ni Romanov. He was a good rider.

Patuloy pa rin ang pagtakbo nila kahit na nasa patag na silang lugar. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya. Bahagya lang bumagal ang takbo nila nang I-approach na nila ang mga building. May mga riders na rin silang nasasalubong. Napansin niya ang mga babae na may bahid ng tingin sa kanya.

Oh, this is romantic! Ganito pala ang pakiramdam ng mga prinsesa sa fairy tale kapag kasama nilang nagho-horse back riding ang mga prince nila. Kung paano kainggitan ng ibang mga babae. Iba na talaga ang maganda at swerte.

"We are here," anang si Romanov nang tumigil siya sa harap ng boutique ni Jenna Rose. Nauna itong bumaba ng kabayo at walang salita na hinawakan ang baywang niya at tinulungan siyang bumaba.

Nanginig ang tuhod niya pagtapak sa lupa at napahilig siya sa katawan nito. Mabilis siyang sinalo nito. She held her breath when she realized that his face was near hers. Konting galaw na lang, pwede na siya nitong mahalikan.

Pwede nang lunch iyon. Pwede nang paabutin hanggang dinner. Ako na lang kaya ang humalik? Kalilimutan kong dalagang Pilipina ako kahit sandali lang.

"Illyze! Illyze, are you okay?" tanong ni Jenna Rose na lumabas mula sa boutique. Hinatak siya nito mula kay Romanov at niyakap siya. "I am so worried about you. Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo sa Mountain Trail. Hindi ko naman alam na doon ka pala dumaan at hindi sa main gate."

"S-Sorry, nag-alala ka pa sa akin. Mabuti nga nakita ako ni Romanov. Kung hindi naka-stuck pa rin ako doon hanggang ngayon." Pero pahamak ka naman, bestfriend. Konti na lang sana naabot ko na ang langit. Kainis!

"Wala iyon," sabi ni Romanov. Di pa rin ito ngumingiti. "I have to go. And next time, don't travel to unknown places if you are alone. Katulad ng nangyari kanina. Kung iba ang nakakita sa iyo, that would mean trouble."

Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. "Thank you!"

Dumilim ang mukha nito at bahagyang tumango. Saka walang sali-salitang sumampa sa kabayo at pinatakbo iyon palayo. Anong problema niya? Hindi siya masaya kasi sa pisngi ko lang siya hinalikan. Di bale, may next time pa naman.

Tinapik siya ni Jenna Rose sa balikat. "Hoy! Anong itinutunganga mo diyan? Pumasok na tayo sa loob. Baka gutom ka na."

Niyakap niya ito. "Jenna, natagpuan ko na ang destiny ko!"